Dumating ang araw na pinakahihintay ng lahat. Inaayusan na ako ng mga sikat na hair and make up artist habang nakaharap sa isang vanity mirror. Ilang kamay ang paulit-ulit kong nakikitang humahawi sa buhok ko, ganoon din sa aking pisngi.
Pabaling-baling ang mukha ko para sa anggulo na nais ng make up artist. Titingala naman para sa pagkakataon ng hair artist, minsan ay yuyuko. Halos sumakit ang ulo at anit ko, hindi ko na sila masundan.
Maging ang paggalaw ng oras ay hindi ko na nasundan pa. Nakatulala lang ako sa sarili kong reflection sa salamin, pinapanood ang unti-unting pagbabago ng itsura ko gamit ang mga nakalatag na mga make up.
Kahapon, nagkaroon ako ng schedule para sa manicure at pedicure. Pagkatapos ay sa salon naman para bigyang treatment ang buhok kong mas dry pa sa tuyo. Bandang hapon noong magpunta kami sa exclusive dental clinic for cleaning.
Gabi naman noong maturukan ako para sa IV drip. Lahat iyan ay naka-schedule na talaga para kay Ava, ang iba ay pang-ilang session na niya. Kaya buong maghapon ay pagod ako. Wala ako sa huwisyo, kahit ngayon.
Sa bilis din ng pangyayari ay hindi na ako nabigyan ng boses para magreklamo. Lahat ay tinanggap ko na parang ako talaga si Ava Constanse. Kung sabagay, kailan pa ba ako nagkaroon ng lakas ng loob na sumuway?
Ngayon pa ba kung kailan ay araw na ng kasal namin ni Fabian?
Bumuntong hininga ako sa kawalan, kasabay nang pagtitig ko ulit sa sarili. Wala si Fabian, kahapon ko pa siya hindi nakikita. Kasabihan kasi ng matatanda na bawal magkita ang dalawang taong ikakasal. Wala rin kaming contact, lalo at wala rin naman akong ginagamit na cellphone.
Kung nasaan man siya ngayon, malamang ay naroon sa bahay nila. Ako ay nasa bahay din, nasa likod ko si Mommy, nakahalukipkip siya at animo'y binabantayan ako. Paminsan-minsan siyang umiirap kapag nagtatagpo ang mga mata namin.
Kung kaya lang siguro niyang pigilan ang kasal na ito, ginawa na niya. Ngunit sa kadahilanang sila ni Daddy ang makikinabang sa pagpapakasal ko kay Fabian ay wala siyang magawa kung 'di magpakita ng pekeng pagsuporta.
Ngumiti ako rito ngunit umismid lamang siya. Kaagad siyang tumalikod upang lapitan ang ilang staff niya. Nanatili ang ngiti sa labi ko. Alam ko na labag ito sa loob niya, si Ava kasi dapat ang nasa pwesto ko, si Ava dapat ang ihahatid nila sa altar.
Maging ako man, wala ring magawa.
Hindi rin naman nagtagal nang matapos akong ayusan. Pinatayo ako para naman sa wedding gown ko. Matagal na ring nakapili si Ava ng wedding gown, isa iyong white ivory ball gown, satin ang tela, long sleeve na may disenyo ng mga beads at pearl.
Terno nito ay three inches heels. Umikot ako upang harapin ang malaking salamin, saktong-sakto lang din sa akin itong gown pati ang heels. Hindi ko alam kung nakatadhana rin ba talaga ito— lahat ng nangyayari sa buhay ko.
Tadhana nga ba talaga na maagang nawala si Ava at bilang kapalit niya, ako itong nasa posisyon niya? Kasama ba sa nakatalagang tadhana ko na magpakasal kay Fabian? Pagkatapos nito, ano nang mangyayari?
Wala akong makapang sagot para sa sarili. Hindi ko rin malaman kung ano ang kahihinatnan ko sa susunod pang mga araw. Ganoon naman 'di ba? Ang sabi nila, hindi mo malalaman hangga't hindi mo susubukan.
"All done!" palatak ng babaeng katatapos lang ayusin ang wedding gown ko.
Pumalakpak silang lahat na nakapaligid sa akin. Bakas ang labis na tuwa sa kanilang mga mukha, hindi nga lang sa mukha ni Mommy. Pero mabilis siyang tumawa.
"Bilib na talaga ako sa inyo at napaganda niyo itong anak ko, si Ava..."
"Matagal na naming hawak si Ava, Madam. Kaya kabisado na namin ang katawan niya. May ilang changes nga lang akong napansin, pero baka lang dahil sa pagpunta niya sa Boracay, nakakapanibago."
Tumawa ulit si Mommy. "Oo, napansin niyo rin pala? Hindi ko nga alam kung namaligno itong si Ava sa Boracay."
Halos yumuko ako sa kahihiyan. Kulang na lang ay sabihin ni Mommy ang totoong pagkatao ko, kulang na lang ay harap-harapan niyang iladlad na ako si Ada kung hindi lang siya nagpipigil.
"Anyway, let's go. Nasasayang ang oras," segunda ni Mommy at madaling naglakad palabas sa kwartong iyon.
May ilang sumunod sa kaniya, ang iba ay naiwan para alalayan ako. Sa nagdaang minuto ay tahimik lang ako, kahit sa biyahe patungo sa simbahan ay wala akong imik. Mag-isa lang din naman ako sa back's seat, ang driver ay deretsong nakatingin sa daan.
Pasimple kong ibinaba ang bintana ng kotse upang makalanghap ng sariwang hangin. Ewan ko kung bakit ang bigat ng dibdib ko, kung bakit parang naiiyak ako, o kung bakit parang naninigas ang katawan ko.
Ang daming pumapasok sa utak ko na posibleng mangyari, nandoon ang mga advantage na katulad ng paglayo ko kina Mommy at Daddy sa oras na magsama kami ni Fabian sa iisang bahay.
Kagaya ng sinasabi ni Fabian, magkakaroon na ako ng kalayaan para sa sarili ko, para sa mga gusto kong gawin, para sa minimithi kong pangarap sa buhay na walang humaharang at pumipigil sa akin.
Disadvantage na naiisip ko, paano ang magiging sitwasyon namin ni Fabian? Napapangunahan ako ng hiya. Ngayon pa nga lang ay nagtataasan na ang mga balahibo ko sa mga naiisip kong ito.
Napasinghap ako at iniling-iling ang ulo. Sa malalim kong pag-iisip ay hindi ko na napansin ang pagtigil ng kotse. Napapitlag na lamang ako sa pagkakaupo ko nang may kumatok sa bintanang nasa gilid ko.
"Ava, lumabas ka na riyan!" pasigaw na pukaw ni Daddy na siyang nasa labas.
Maagap kong binuksan ang pinto at mabilis na tumalima. Si Mommy ay naghihintay na sa hamba ng pinto mula sa simbahan. Nag-umpisa na pala ang seremonyas at kami na lang ang hinihintay.
"Bilisan mo, Ada!" hirit ni Mommy sa gigil na boses, dali-dali pa niyang tinakpan ang bibig. "Let's go! Ang tagal-tagal mo kasi."
Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Daddy, pumwesto siya sa gilid ko at kung hindi lang ako na-orient sa gagawin ko ay hindi ko ilalagay ang kamay sa kaniyang braso. Si Mommy naman ay tumayo sa gilid ko, hinawakan niya ang gown ko.
Halos magkasabay lang din ang paghakbang namin papasok sa loob, kasabay nito ay ang pagsibol ng instrumental wedding song sa kabuuan ng simbahan. Katulad ng inaasahan at sa dami ng nabigyan ng invitation, marami nga ang dumalo at literal na napuno ang malaking simbahan na ito.
Ilang camera ang paulit-ulit na nagpa-flash galing sa mga naimbitahang media. Halu-halo, nariyan ang bigating mga tao, sponsors, artista at kapwa-modelo ni Ava. Mga kaibigan niya at kamag-anak sa parehong side nina Mommy at Daddy.
Ganoon din sa side ni Fabian. Speaking of— kaagad kong nasilayan si Fabian na naroon sa tapat ng altar, matiyagang naghihintay sa presenya ko. Sa lahat ng mga nakangiting mukha, iyong ngiti lamang niya ang nangingibabaw sa paningin ko.
Kitang-kita ko ang naniningkit niyang mga mata, nag-aasam iyon at puno ng dedikasyon. Ang dalawa niyang kamay ay nakatago sa kaniyang likod kung kaya ay tanaw ko ang suot niyang white suit.
Gwapo na noon pa sa paningin ko si Fabian noong una ko siyang makita sa bahay namin, pero ngayon ko masasabi na bukod siyang pinagpala dahil sa mala-perpekto niyang mukha at katawan. Dumagdag pa ang kabutihan niya, na nagmistulan siyang anghel na bumaba sa lupa.
Suminghot ako nang may magbara sa lalamunan ko. Maluha-luha ako habang pinagmamasdan ko siya. Halos nasa kaniya lang din ang atensyon ko, na wala na akong naging pakialam sa paligid.
Ilang sandali pa nang huminto kami sa harapan niya, nasa gilid nito ang kaniyang magulang. Mabilis na kamayan ang nangyari hanggang sa ilahad ni Fabian ang palad niya sa tapat ko, hudyat nang tuluyan niyang pagkuha sa akin kina Mommy at Daddy.
"Take care of her, hijo," anang Mommy na muntik ko nang pagkamalang sincere siya at totoo. "Siya lang ang nag-iisa naming anak, pero kinuha mo pa. Nalulungkot ako, at the same time, natutuwa..."
Ngumiti si Fabian. "Huwag po kayong mag-alala. Simula ngayon, bilang legal niyang partner, ako na ang mag-aalaga kay Ava."
"Mabuti..." dagdag ni Daddy.
Hindi na umimik si Fabian. Sabay kaming humarap sa altar kung saan naroon ang isang pari, nakangiti habang nakatunghay sa amin.
"Are you prepared, as you follow the path of marriage, to love and honor each other for as long as you both shall live?" panimula niya.
Tumango kami ni Fabian. "I am."