Dahan-dahan nang magmulat ako galing sa pagkakatulog ko. Napatingin ako sa wall clock. Naging ugali na yata ng katawan ko ang kusang magising nang maaga at alas singko pa lamang ng umaga.
Nagbaba ako ng atensyon sa lalaking nasa tabi ko. Nakatagilid ang higa ko dahilan para makaharap ko si Fabian na siyang mahimbing pa ring natutulog. Payapa ang paghinga niya kung saan ay tumatama pa iyon sa bandang noo ko.
Hindi ko na tinangkang gumalaw dahil bukod sa ayoko siyang magising ay wala rin akong pagkakataon. Damang-dama ko ang bigat ng kaniyang braso na nakayapos sa baywang ko, ganoon din ang isang binti nito na nakadagan sa aking hita.
Wala naman din akong reklamo, hindi ko naman gusto na umangal na yakap-yakap ako ni Fabian. Ang totoo ay unti-unti kong nagugustuhan ang pakiramdam ng katawan ni Fabian sa katawan ko.
Hindi ko mawari kung bakit, pero alam kong isa sa rason ay dahil ramdam kong ligtas ako. Sa mga bisig niya ay kaya niya akong protektahan, alagaan at ingatan. At sa buong buhay ko, ngayon ko lang ito naramdaman.
Sa edad kong bente kwatro, ganoon din katagal na hindi ko naramdamang may nagpapahalaga sa akin. Na importante rin ako sa ibang tao, na mahal din nila ako at hindi kayang mawala.
Simula noong dumating si Fabian sa buhay ko, simula nang makilala ko siya, lahat ng bagay na nangyayari sa akin ngayon ay purong bago. Ngayon ko lang lahat iyon naranasan at naramdaman.
At natatakot ako na humantong na mas mapapamahal sa akin si Fabian. Baka hindi ko kayanin na mawala siya kung darating man ang araw na babalik kami sa dati, o kung babawiin man sa akin lahat ng pagkakataong ibinigay sa akin ngayon.
Mapait akong napangiti habang nakatitig sa kaniya. Alas singko pa lang pala ng umaga. Hindi ko alam kung dapat na ba akong umuwi, o manatili pa muna rito hangga't hindi nagigising si Fabian.
Ilang sandali, sa kawalan ko sa sarili ay hindi ko nakita ang unti-unting pagdilat ni Fabian. Naabutan niya akong nakatitig sa kaniya habang nangingiti. Huli ko na iyon na-realize. Kaya naman ay abot hanggang langit ang kahihiyang natamo ko.
"Gi—gising ka na pala!" bulalas ko at madaling lumayo sa kaniya.
Tangkang babangon ako nang maagap niya akong hinila at ibinalik sa pagkakahiga ko. Sumabog ang buhok ko. Madali naman niya iyong inayos at pinailalim ulit nito ang isang braso niya sa batok ko.
Ang isa niyang kamay ay dumagan sa tiyan ko. Ramdam ko ang mahigpit niyang pagkakayakap sa akin, tipong ayaw akong pakawalan. Mas hinila pa ako ni Fabian sa tabi niya kung saan ay damang-dama ko ang init ng balat niya.
May kung ano pang tila kuryenteng dumaloy sa katawan ko na naging mitsa para magising nang tuluyan ang diwa ko. Nanlalaki ang mga matang natulala ako sa kulay puting kisame ng kaniyang kwarto.
"Fabian..." mahinang suway ko rito ngunit parang bingi ito at walang narinig.
"Good morning," bulong niya sa tainga ko, kasabay nang pagbuga nito sa hangin.
Ang init ng kaniyang hininga ay tumatama sa gilid ng pisngi ko. Ramdam ko rin ang maliliit niyang bigote sa punong tainga ko. Mariin akong napapikit. Nagmukha pa akong bato roon at naninigas ang buong katawan ko.
Ayokong gumalaw dahil alam ko na isang maling lingon ko lang ay mahahalikan ko siya. Sariwa pa sa isipan ko iyong paghalik niya sa akin kagabi, na kahit alam kong lasing ako ay tandang-tanda ko iyon.
Kung paano niya ako halikan, kung paano ako nito dalhin sa ibang dimension hatid ng labi niya. At kung papaano ko ring naramdaman na gusto ko pa. Kahiya-hiya iyon at hindi ko gustong malaman ni Fabian ang nasa isipan ko ngayon.
Sa lahat ng pwede kong matandaan, iyon pa talaga ang naiwan sa utak ko. Para tuloy akong hina-hunting at biglang nag-init ang batok ko. Pulang-pula na marahil ang pisngi ko, ni huminga ay hindi ko na magawa.
"Bakit... ako na—nandito?" utal kong sambit at nag-anyong hindi makaalala.
Sa totoo lang ay hindi talaga ako sanay na nagsisinungaling, o nagtatago ng lihim. Kaya sana kahit ngayon lang ay mukhang kapani-paniwala ang acting ko.
Narinig ko ang pagngisi ni Fabian sa gilid ko. "You don't remember?"
Napakurap-kurap ako. Dahan-dahan akong umiling. Bahagyang umahon si Fabian upang dungawin ako. Samantala ay mabilis ko namang inilihis ang mga mata. Pinili kong titigan ang mga painting na nasa loob ng sarili niyang kwarto.
Pati pala rito ay may mga painting na alam kong gawa rin niya. Natural na yatang hilig itong gawin ni Fabian kapag may oras siya. Lahat ay maganda, bawat pag-ukit niya ay masasabi kong puno ng pagmamahal.
"Hindi," kalaunan ay sagot ko na halos pabulong na iyon sa hangin.
Mula sa gilid ng mga mata ko ay nakita ko ang pagnguso ni Fabian, maging ang paninitig niya sa akin na halos tumunaw sa kaluluwa ko. Nahigit ko ang hininga ko. Ramdam ko pa ang dalawang kamao kong mahigpit ang kapit sa bedsheet.
"I see. Gusto mo ay ikwento ko para maalala mo?" mapaglaro niyang tanong.
Nagsalubong ang mga kilay ko. Kung tungkol lang iyon sa paghalik niya sa akin kagabi...
"Hindi na..." agap ko.
"Pumunta kayo nina Frankie, Faith at Faye sa Vineyard. Uminom ka ng paborito mong Spirytus Vodka, but since hindi ikaw si Ava, nalasing ka. Sa dancefloor na kita naabutan kagabi at habang sumasayaw ka sa gitna, hindi ko mapigilan na hindi ka lapitan. It makes me mad to see men watching you and enjoying your body moves."
Umawang ang labi ko. Anong ibig niyang sabihin? Nagseselos ba siya?
Gusto kong magsalita ngunit literal na naputulan ako ng dila. Kalaunan ay nakagat ko ang pang-ibabang labi. Kaagad namang nagbaba ng tingin si Fabian sa ginagawa kong iyon sa labi ko.
"Hmm, ano pa bang sunod?" aniya at tila ba inaalala rin ang mga sumunod na nangyari kagabi. "Ah! Dinala kita sa parking lot."
"Talaga? U—umuwi na tayo?"
Gusto ko lang palakpakan ang sarili ko sa pagpapanggap kong ito.
Wow, Ada Clementine.
Pumapalakpak ang tainga ko at hindi ko na alam kung paano pa tatakasan si Fabian. Parang gusto ko na lang na umuwi ngayon din sa bahay. O kaya sana ay kainin na ako ng malaki niyang kama.
Natawa ulit si Fabian. "Nope. Bago iyon, hinalikan mo muna ako—"
Nanlaki ang mga mata ko at marahas ko siyang nilingon. Lalo lang din lumuwa ang mga mata ko nang matantong ilang dangkal na lang ang layo ng mukha naming dalawa. Ngumiti si Fabian at nagbaba ng tingin sa labi ko, nakita ko ang paglunok niya.
"Hinalikan kita?" bulalas ko.
O ikaw ang humalik sa akin?
Gustung-gusto ko iyong iparatang sa kaniya, pero naalala kong nagpapanggap nga pala akong walang maalala dala ng kalasingan. Sana pala ay hindi na lang ako nagpanggap.
Marahang tumango-tango si Fabian. Sa isang iglap ay yumuko siya sa mukha ko at pinatakan ng halik ang nakaawang kong labi. Sa nangyari ay animo'y nagwawala ang puso ko. Taas-baba ang dibdib ko.
"Just like this," wika niya pagkatapos, nang makita ang gulat na gulat kong reaksyon ay ngumisi siya. "Hindi mo pa rin maalala?"
Alam yata ni Fabian na nagsisinungaling ako at kung hindi lang niya sinasakyan ang trip ko ngayon, hindi ganiyan ang tanong niya.
Kung 'di ‘ayaw mo pa rin bang umamin?’
"Then no choice, I'll do it again for you to remember." Sa isang iglap ay inangkin niya ang labi ko, kaagad kong naramdaman ang kagustuhan niyang igalaw ang labi ko.
Mas lalong nalukot ang bedsheets sa sobrang pagkuyom ng mga kamao ko. Ang mga daliri ko sa paa ay animo'y nanigas. Ganoon din ang puso ko na saglit humimlay.
Nagawa pang hawakan ni Fabian ang panga ko at tipong iginigiya sa kung paano niya gusto na halikan ko siya. Ngunit sa kadahilanan naninigas ang katawan ko ay hindi ko iyon masang-ayunan.
"Do you remember now? Or are you just enjoying this?" Ngumisi si Fabian sa pagitan ng paghalik niya sa akin. "Should I kiss you more, mm?"