Bago pa man din magising ang mga tao sa bahay ni Fabian ay nagpasya na akong magpahatid. Ayoko man din nang umuwi sa amin ay hindi rin pwede na palagi akong nandito, lalo at nakikitulog sa kwarto niya.
Kung ganoon siguro si Ava, ako ay hindi. Nahihiya pa nga ako na makaharap ang magulang ni Fabian dahil hindi ko rin alam kung paano aakto sa harapan nila. Hindi ko rin masabi kung nagustuhan ba nila si Ava noong nabubuhay pa ito.
"Careful," wika ni Fabian, kasabay nang pagpatong ng kamay nito sa ulunan ko habang papasok ako sa kotse.
Tumingala ako rito at ngumiti. Hindi rin nagtagal nang umikot ito sa driver's position. Matapos buksan ang engine ng kotse ay wala na rin siyang sinayang na segundo. Sa ilang minutong nagdaan ay tahimik lang ako.
Hanggang ngayon ay nasa utak ko pa iyong kaninang halikan namin ni Fabian. Kaya hindi maitatago ang pamumula at pag-iinit ng pisngi ko. Sa labas lang din ako nakatanaw para hindi mapansin ni Fabian.
Ayaw namang magpaawat ng puso ko sa sobrang pagririgodon nito, kulang na lang ay kumawala iyon sa dibdib ko. Kaunti na lang— kaunti pa, masasabi ko nang ang paghalik ni Fabian ang magpapabaliw sa akin.
Umimpis ang labi ko sa naisip kong iyon. Halos mapapitlag pa ako nang biglang sapuin ni Fabian ang kaliwang tuhod ko. Nagbaba ako ng tingin doon, saka ko tinalunton ang kahabaan ng kamay niya.
"What are you thinking?" malumanay niyang tanong, saglit niyang pinag-aralan ang emosyon sa mukha ko. "Hanggang ngayon ba ay wala ka pa ring maalala?"
Napanganga ako sa narinig. Wala sa sarili nang hampasin ko ang braso nito, rason nang malakas niyang paghalakhak. Alam niya na nagpapanggap lang ako, alam nga niyang magaling akong um-acting.
"Anyway, mag-almusal muna tayo," segunda niya, kapagkuwan ay iniliko ang kotse.
Hindi na ako nakaimik lalo dahil saktong huminto ang kotse sa tapat ng isang coffee shop. Mabilis siyang bumaba upang mapagbuksan ako ng pinto. Kaagad niyang inilahad ang palad sa harapan ko.
Ngumuso ako, kalaunan ay tinanggap din ang kamay ni Fabian. Maigi niyang pinagsalikop ang mga daliri namin. Nauna siyang maglakad at nakasunod lang ako sa gilid niya. Mataman kong pinapanood ang magkahawak naming kamay.
Malambot ang palad ni Fabian, nakakahiya na mukhang mas malambot pa ang kaniya kaysa sa akin. Tuloy ay namamawis ang palad ko. Gusto kong bawiin ang kamay ko ngunit mas humigpit ang pagkakahawak niya sa akin, tipong ayaw bitawan.
"Come here," aniya at saka siya huminto sa tapat ng counter. Itinuro niya sa akin ang virtual menu na nasa taas ng cashier. "What do you want to eat?"
Ano ba ang paborito ni Ava sa mga ito?
"OMG, Ava!" impit na tili ng babaeng nasa harap namin, ang siyang cashier.
Kaagad akong ngumiti rito at kumaway pa sa kaniya. Nanlaki ang mga mata niya. Sunod niyang tiningnan si Fabian, lalo naman siyang nangisay sa kilig. Samantala ay tipid lang siyang tumango rito.
"I want hot americano, and?" Binalingan ako ni Fabian upang kunin ang order ko.
"Walang gatas?" bulong ko kay Fabian.
Napansin ko ang pagtaas ng sulok ng kaniyang labi, tila ba nagpipigil ng tawa. Hindi na siya sumagot, bagkus ay nilingon nito ang babae na naghihintay sa order namin ni Fabian.
"And flat white, the ratio will be 1:4. Also an order of croissants and biscotti, please."
Maagap na tumalima ang cashier matapos magsalita ni Fabian. Mayamaya nang hilain ako nito patungo sa bakanteng table. Sa ganap na alas singko ng umaga ay hindi pa gaano karami ang mga tao rito sa loob.
O baka sa dami rin ng coffee shop sa lugar na ito ay isa na lang ito sa pagpipilian. Hindi nagtagal nang huminto kami ni Fabian, napanood ko ang paghila nito ng upuan para sa akin. Nagkatinginan pa kami.
Humaba ang nguso ko. Sa totoo lang ay nakakataba sa puso itong ginagawa ni Fabian, iyong mumunting efforts niya para pagsilbihan ako. Sobrang gentleman niya at ayokong sanayin ang sarili ko sa ganito.
Natatakot ako na balang-araw ay hahanap-hanapin ko ito. Natatakot ako na sa unang pagkakataong magmamahal ako, siya ang mapipili ng puso ko.
Higit sa lahat, natatakot ako na kung kailan ay napamahal na ako sa kaniya ay doon namin kailangang bumalik sa dati.
Kailangan kong itatak sa utak ko na palabas lang ito, na walang permanente sa buhay ko; itong pagkatao ko, ang pangalan kong Ava, ang mga tao sa paligid ko, ang pagmamahal nila sa akin, maging si Fabian.
Sa madaling salita, lahat ito ay hiram lang.
"Ava," pukaw ni Fabian na nananatiling naghihintay sa aksyon ko.
Napakurap-kurap ako at madaling naupo. Nang makaupo si Fabian sa katapat kong upuan ay sakto ring dumating ang in-order niya. Tahimik akong sumimsim sa kape ko, pinag-aaralan ang lasa nito.
"That's an espresso and micro-foamed milk. Wala silang purong gatas dito, pero next time ay alam ko na kung saan kita dadalhin," nakangiting turan ni Fabian.
"Masarap naman din ito."
Ngumiti si Fabian. "Good to know."
"Pero ano ba ang mga gusto ni Ava? Ano ang mga paborito niyang kape, pagkain o hobby niyang gawin?" Umayos ako ng upo upang ibigay ang lahat ng atensyon kay Fabian.
Gusto kong malaman lahat, para rin madali na lang sa akin na magpanggap sa harap ng ibang tao. Nakakatawa nga na sarili kong kapatid ay hindi ko kilala.
"Katulad ng sinabi ng mga kapatid ko, paborito niya ang Spirytus Vodka. In coffee, she likes Irish coffee. It's a cocktail made with drip coffee and Irish whiskey with a layer of lightly whipped cream on top. And she's a fan of Italian food, so she prefers pasta, pizza, risotto, polenta and cured meats."
"Gaano na kayo katagal magkakilala? Mukhang... matagal na... at kilalang-kilala mo siya." Nakakamangha lang din kasi na kabisado lahat iyon ni Fabian.
"Way back in August, I guess? That's the time na ipinakilala siya sa akin ni Faye."
"Naging kayo?" usisa ko, literal na parang gusto kong halukayin lahat ng naging detalye sa buhay nilang dalawa ni Ava.
Natawa si Fabian. "Just like what I told you, kailan man ay hindi naging kami. Kung ano man ang relasyon na mayroon kami noon ni Ava, it's purely for business."
"Pero nagustuhan mo ba siya?"
Alam ko na nasagot na niya ito kagabi, pero gusto ko lang ulit makasigurado. Marahil ay para pagaanin ang nababagabag kong puso. Hindi ko na alam kung ano ang itsura ko ngayon, mukha siguro akong nag-aasam.
"I didn't like her one bit. She's not my type," deretsong sagot ni Fabian na halos ikasamid ko dahilan para hindi ko na madugtungan pa ang mga tanong ko.
Dahan-dahan akong yumuko, kagustuhan nang iiwas ang sarili. Lalo pa at titig na titig sa akin si Fabian. Hindi naman maiwasan na pumaskil sa labi ko ang mumunting ngiti sa hindi ko malamang dahilan.
Kung patuloy niya akong tititigan ng ganiyan, malamang ay makikita niya ang pinipigilan kong ngiti— yari ako nito. Maagap kong kinuha ang tasa at humigop dito. Kamuntikan pang pumasok sa ilong ko ang kape sa sobrang pagkataranta.
Mayamaya nang marinig ko ang mahinang pagtawa ni Fabian. Sinilip ko siya mula sa gilid ng tasa habang nakadikit pa rin iyon sa labi ko. Mabilis na tumagos sa katawan ko ang bulgar niyang paninitig. Sa nanginginig na kamay ay ibinaba ko ang tasa sa lamesa.
"Hindi mo ba tatanungin kung ano ang tipo ko, Ada?" nakangiti niyang sambit, maging siya ay nag-aasam ang itsura.
Napanood ko pa ang pagbaba ng atensyon niya sa labi ko. Tumagilid ang kaniyang ulo at pinilit ang sarili na ibalik ang tingin sa mga mata ko. Ngumiti pa ito.
"On the night of September 12, I saw her leaving their house chasing a cat. She was smiling, walking restlessly while wearing a white dress. She's so pure and innocent. And with one glance at me, I fell in love."
Malakas na bumuntong hininga si Fabian. Nagawa pa niyang sapuin ang dibdib nito, tipong hindi siya makapaniwala. Ilang sandali nang umahon ito sa pagkakaupo niya. Dumukwang siya palapit sa akin at saka walang pakundangan na hinalikan ako.
"Truly, may gatas pa siya sa labi."