"Iris, wala kang ibang dapat pagkatiwalaan kun’di ang sarili mo at ako." Kasama ko na naman ang babae sa panaginip ko.
"Ngayong nasa tunay na mundo ka na, maraming magbabago. Marami kang matutuklasan at maraming mawawala. Kailangan mo lang mag ingat at magtiwala sa ‘kin." sabi niya. Nandito kami ngayon sa eksaktong lugar kung saan niya ako dinala noong huli akong nanaginip. Hindi ko alam pero kontrolado ko ang panaginip ko, alam ko kung anong dapat kong isagot at kung ano ang dapat kong isipin.
"Hindi kita kilala, paano naman kita pagkakatiwalaan?" tanong ko sa kaniya. Bigla na lamang siyang sumulpot sa panaginip ko at dinala ako sa realidad. Ni hindi ko alam kung anong papel niya sa buhay ko at kahit ang pangalan niya ay hindi ko alam.
"Para ka na ring hindi nagtiwala sa sarili mo kung hindi mo ako pagkakatiwalaan." Medyo naguluhan ako sa sinabi niya. Bakit ba ayaw nalang niyang magpakilala?
"Kilala mo ba ako?" tanong ko sa kaniya. Bigla nalang kasi siyang sumulpot sa panaginip ko. Imposibleng hindi siya itinadhanang maging parte ng buhay ko.
"Kilalang kilala." Hindi na ako nagtanong pang muli. Nasagot na niya ang tanong ko. Tumayo siya at naglakad papalayo sa ‘kin. Tumigil din naman siya agad at sinabing, "Mag iingat ka, Iris. Sa totoo lang, walang mapagkakatiwalaan sa mundong ito. Kahit ang sarili mo, maaari ka ring traydorin."
"Hoy, Athena! Gumising ka na." Dinilat ko ang mga mata ko. Muling nanumbalik sa ‘kin ang mga sinabi ng babae sa panaginip ko bago ako tuluyang magising. Bakit ko naman tatraydorin ang sarili ko?
Lumabas na si Ion sa kwarto ko kaya't bumangon na ako at lumabas. Gusto ko na rin kasing kumain.
"Ion,” banggit ko sa pangalan niya upang makuha ko ang atensyon niya.
"Oh? Kumain ka na." sabi niya habang tinatapik ang upuan sa tabi niya. Umupo ako sa tabi niya at pinaghandaan naman niya ako ng makakain.
"Athena, parte nga pala ng pamumuhay ng mga tao ang pagpasok sa school. Kaya't bukas, papasok ka na." Ibig ba nitong sabihin ay marami akong nilalang na makakasalumuha.
"Huwag mong ipapakita ang kakayahan mo sa mga tao. Tandaan mo, ikaw lang ang meron nito kaya dapat mo itong itago sa kanila," sabi niya. Paano ko naman maitatago ang bagay na hindi ko alam kung meron ako.
"Normal ba ang paglipad ng bato sa mundong ito?" tanong ko.
"Walang ganoon dito, isa ‘yon sa kakayahan mo,” sabi niya. Bakit nga ba hindi nalang nila sabihin sa ‘kin kung ano ang mga kaya kong gawin?
"Simula rin bukas, kuya mo na ako. Kuya Ion na ang itatawag mo sa ‘kin at dapat respetuhin mo ako. Finally, mararamdaman ko rin na mas mataas ako sa ‘yo,” wika niya habang tumatawa. Pinagpatuloy ko nalang ang pagkain ko. Nang matapos ako, tumayo ako pumunta muli sa kwarto ko. Gusto kong lumabas at libutin ang buong mundo ngunit mukhang imposible iyon dahil masyado atang malaki ang mundong ginagalawan ko.
"Oh? Saan ka naman pupunta, Athena?" Nakasalubong ko si Ion sa labas ng gate. Hindi ko siya pinansin at lumabas nalang ako nang tuluyan.
"Hoy! Ang sungit naman nito!” sigaw niya, huminto ako sa paglalakad at tiningnan siya ng masama, agad naman siyang napaiwas sa mata ko.
"Oo na. Mag ingat ka!" sigaw niya bago siya pumasok sa loob ng bahay. Mukhang hindi naman ako mapapahamak. Pinagpatuloy ko ang aking paglalakad ngunit sa kasamaang palad, nakasalubong ko ang isang grupo ng mga nilalang. Masaya silang nagtatawanan at hindi ko namalayan na napahinto na pala ako sa harapan nila na naging dahilan ng paghinto nila sa pagtawa.
"Hi! Bago ka dito?" sambit ng isang babae sa kanila. Gusto ko silang lampasan ngunit masyado silang marami kaya't tinitigan ko nalang sila.
"Ngayon ka lang kasi namin nakita sa village na ito,” saad naman ng isa. Bakit ba nila ako kinakausap kung hindi naman pala nila ako kakilala. Ganito ba talaga ang mga nilalang na ‘to?
"Ako nga pala si Lian,” singit ng isa. Inilahad niya sa ‘kin ang kamay niya ngunit tinitigan ko lang ito.
"Pwede bang makipagkaibigan?" Napatulala ako sa sinabi niya. Kaibigan? Si Ion lang ang itinuring kong kaibigan sapagkat siya lang ang nakakausap ko nang matagal. Hindi ko alam kung paano makipagkaibigan. Hindi ko alam kung paano maging isang kaibigan at isa pa, ayokong makipagkaibigan sa mga nilalang na ito.
Nilampasan ko nalang sila sa pamamagitan ng pagtawid ko sa kabilang kalye. Wala naman akong pakialam sa kanila. Ramdam ko ang tingin nilang nagtataka sa ‘kin kahit na nakatalikod ako. Wala silang magagawa, ayoko sa kanila.
Sinabi sa ‘kin nila Charlotte na masama raw ang mga tao. Hindi sila mapagkakatiwalaan at kahit anong kabutihan ang gawin mo sa kanila, tatraydorin ka pa rin nila. ‘Yan ang dahilan kung bakit ayaw ko sa kanila.
Hindi ko na alam kung nasaang parte na ako ng lugar na ito. Ngunit ibang imahe na ng realidad ang nakikita ko. Magulo. Madumi. Mabaho. Dikit dikit na mga bahay, mga maliliit na nilalang na madudumi, mababahong usok at madaming basura.
"Ano ba?! Bitawan mo na ako!" Napalingon ako sa isang parte ng lugar na ito. May nakita akong isang babae at isang lalaki na mukhang nagtatalo.
"Tulong!" sigaw ng babae nang tangkain siyang halikan ng lalaki. Kakaunti lamang ang tao na nandito ngunit alam kong narinig nila ang sigaw ng babae. Humihingi ito ng tulong ngunit mabilis lang na umalis ang mga tao na nasa lugar na ito kaya ngayon, ako, ang babae at ang lalaki nalang ang natira.
"Wag ka na kasing magpumiglas!" sigaw ng lalaki sa kaniya. Ano ba ang nangyayari?
"Tulungan niyo po ako!" sumigaw muli ang babae. Bakit ba umalis ang mga nilalang na iyon? Kung tutuusin, malaki ang magagawa nila upang tulungan ang babaeng ito ngunit mas pinili nila umalis.
"‘Wag po!" Nagulat ako nang bigla nalang suntukin ng lalaki ang babae sa tiyan, alam kong masakit iyon sapagkat isa lamang silang nilalang. Hindi ko sila kagaya na hindi masyadong nakakaramdam ng sakit na pisikal.
Mukhang kailangan ko nga siyang tulungan. Parang may nagsasabi sa ‘kin na tungkulin kong gawin ‘to. Napailing na lang ako, akala ko pa naman may gagawin ang babaeng iyon upang hindi matuloy ang binabalak sa kaniya ng lalaki. Mukhang mahina nga ang mga tao.
"Ang ingay mo!" sigaw sa kaniya ng lalaki. Nakahandusay na ngayon sa lapag ang babae dahil sa lakas ng pagkakasuntok sa kaniya ng lalaki. Namimilipit na rin ito sa sakit. Hindi ko man alam ang nangyayari, tutulungan ko na lang siya.
Akma na sanang hahawakan ng lalaki ang babae ngunit napatigil siya nang makita akong nakatayo sa harapan nila.
"Alis," sabi ko sa lalaki. Ngumisi lang naman siya sa ‘kin.
"Wow naman, napaka swerte ko nga naman talaga ngayon. Dalawang chics ang nasa harapan ko. Halika miss, pasasayahin kita."
"Umalis ka na," malumanay na sabi ko sa kaniya. Hindi pa rin siya natinag at lumapit nang dahan dahan sa ‘kin.
"Alam mo miss, ‘wag ka nang pakipot. Sasaya ka talaga promise!" Nakakakilabot na tawa ang sumunod sa sinabi niya. Nandidiri ako sa itsura niya. Hindi naman ganito ang itsura ni Ion at ng mga scientists sa Mreine.
"Ayos lang naman sa ‘yo na pagsabayin ko kayo nitong isang ‘to, hindi ba?" Nandidiri talaga ako sa mukha niya. Nakakasulasok ang amoy ng hininga niya.
Tuluyan na siyang nakalapit sa ‘kin at akmang hahawakan ang mukha ko. Kung kaya kong magpalipad o magpalutang ng isang bato, siguro naman parte ng kakayahan ko ang palutangin ang nilalang na ito.
Tiningnan ko siya sa mata niya. Nakita ko ang panlalaki ng mata niya nang bigla na lamang siyang umangat sa ere.
"Anong ginawa mo sa ‘kin?!" sigaw niya. Hindi niya siguro inaakala na lilipad siya sa ganitong paraan.
"Binalaan na kita kanina," sambit ko sa kaniya.
"Halimaw! Tulungan niyo ako!" sigaw niya. Humihingi rin ng tulong ang babae kanina ngunit hindi man lang siya naawa. Kaya ganoon din ang gagawin ko sa kaniya. Kung anong ginawa niya, naniniwala ako na ganoon din dapat ang gawin sa kaniya.
"Sino ka?!" Nakita kong may luhang lumabas sa mga mata niya. Sa pagkakaalam ko, kaya umiiyak ang isang nilalang ay dahil nasasaktan sila o natatakot. Ibig bang sabihin natatakot siya sa ‘kin? Gusto ko na siyang patahimikin dahil naduduwal na ako sa amoy ng hininga niya. Ibinaba ko siya sa lebel ko. Hinawakan ko ang dibdib niya.
"‘Wag!" sigaw niya. Dapat ko ba siyang kaawaan? Mukhang hindi. Naglabas siya ng baril at sa abot ng makakaya niya, pinaputok niya ito sa ‘kin. Lalong bumakas ang takot sa mga mata niya nang makita niyang hindi tumalab sa akin ang mga bala na pinakawalan niya.
Hinawakan ko ang parte kung nasaan ang puso niya.
"Itigil mo na ito!" muling sigaw niya. Hindi ko alam kung anong ginagawa ko. Gusto ko lamang siyang patulugin nang matagal. Nagkulay lilak ang kaniyang katawan at nangitim ang mga labi. Dilat na dilat siya bago siya tuluyang bumagsak sa lapag.
Nilapitan ko ang babae na hanggang ngayon ay namimilipit sa sakit.
"Ouch…" mahinang sabi niya. Hinawakan ko siya sa balikat.
"Tama na po!" Bigla nalang niyang sigaw. Mukhang natrauma siya sa nangyari sa kaniya kanina. Iniharap ko siya sa ‘kin kaya't natauhan na siya. Napahagulgol nalang siya habang pinapanuod ko siya. Ngayon lang ako nakakita ng taong umiiyak. Hindi ko pa kasi nararanasang umiyak dahil pagpapahayag ng kahinaan ang pag-iyak.
"Tama na,” pagpapatahan ko sa kaniya. Nagsasawa na akong makita siyang umiiyak, mas lalo niya lang pinapatunayan sa ‘kin na mahina siya at walang kwenta.
"Salamat," sabi niya sa ‘kin habang pinupunasan ang luha niya. Napadako ang tingin niya sa lalaking nasa lapag. Nanlaki ang mata niya at tumingin sa ‘kin.
"Wow. Ikaw ang kumalaban sa kaniya?" namamangha niyang tanong. Imposible ba iyon?
"Salamat talaga! Kung hindi ka dumating baka hindi na ako virgin or worst baka patay na ako!" Nairita ako dahil sa lakas ng boses niya. Napakalapit pa naman ng tainga ko sa bibig niya dahil sa pagkakayakap niya sa ‘kin.
"Bitaw,” mariin na sabi ko na agad naman niyang sinunod. Ngumiti siya sa ‘kin. Tumayo na ako ngunit hinawakan niya ang kamay ko at ginamit iyon upang makatayo ako.
"Ako nga pala si Jensen! Ikaw anong name mo miss ganda?" nakangiting tanong niya sa ‘kin. Sinabayan niya ako sa paglalakad. Nagsisisi na ako na tinulungan ko siya dahil nakakairita siya.
"Saan ka nakatira?" pangungulit niyang muli. Pinili ko nalang na huwag siyang kausapin. Titigil din ito mamaya.
"Okay, ibang question nalang. Ilang taon ka na? Ako 20 years old na,” sabi niya. Kaedaran ko lang pala ang nilalang na ito.
Napakamot siya sa ulo nang hindi ko na naman sinagot ang tanong niya.
"Ayaw mo ba akong kausap?" tanong niya.
"Oo," sagot ko. Ipinahayag ko lamang ang damdamin ko.
"Ayos lang, gusto naman kitang kausap." Napabuntong hininga nalang ako sa sinabi niya. Mukhang hindi titigil ang isang ‘to hanggat hindi siya nakakauwi.
"Ano ngang pangalan mo? Dali na, please?" Napairap nalang ako. Ang kulit naman ng nilalang na ito.
"Athena,” bagot na sagot ko. Mas lumapad naman ang ngiti niya ngayon.
"Pumasok ka na,” sabi ko noong nasa tapat na kami ng bahay niya.
"Salamat! Teka, paano mo nalamang ito ang bahay namin?!" Gulat na gulat na tanong niya. Hindi ko rin alam ang sagot.
"Galing mo naman!" Manghang-mangha ang mukha niya. Tiningnan ko nalang ang kabuuan ng bahay nila. Maliit at tagpi tagpi. Ito na ba ang tahanan niya?
"Aalis na ako," sabi ko sa kaniya at naglakad na papalayo.
"Athena! Maraming salamat sa pagligtas sa ‘kin! Sana makita kita ulit!" pahabol na sigaw niya bago ako lumiko sa isang eskinita. Paano nga ba ako makakabalik sa bahay? Bakit ba mas pinili ko pang iligtas ang babaeng ‘yon? Dapat pala hinanap ko nalang ang daan pabalik.
Sa hindi malamang dahilan, nakabalik naman ako nang maayos sa bahay ko. Bigla nalang akong dinala ng paa ko rito.
Nakita ko si Ion sa labas ng gate, mukhang hinihintay niya ako. Lumapit ako sa kaniya upang makapasok na ako sa bahay.
"Bakit mo tinulungan ang tao 'yon?"