"Anong mali roon?" takang tanong ko sa kaniya. Mali ba ang tumulong sa mundong ito?
"Sabi mo, ayaw mo sa tao? Bakit hindi mo nalang siya hinayaang mamatay?" Bakit ba galit na galit siya? Paano niya nalaman ang ginawa ko?
Hindi ko na siya kinausap at pumasok nalang ako sa loob ng bahay. Wala akong panahong makipagtalo sa kaniya. Gusto ko nang matulog, marami akong gustong itanong sa babae sa panaginip ko. Nagtungo na ako sa kwarto ko. Pinatay ko ang ilaw at isinara ang pintuan. Gusto ko ulit maramdaman ang kadiliman, hindi ako makakatulog kung wala ito. Ilang minuto lang, dinalaw na rin ako ng antok.
Luminga linga ako sa paligid ko. Nasaan na ang babaeng ‘yon? Hihintayin ko na nga lang siya, nasa kaniya naman kung magpapakita siya sa ‘kin o hindi. Pero umaasa ako na magpapakita siya.
Napatingin ako sa isang direksyon, isang pigura ng lalaki ang nakita ko sa hindi kalayuan. Parang may isang boses na nagsasabi sa ‘kin na lapitan ko siya ngunit may tumututol dito. Ngunit wala akong nagawa nang makita ko nalang ang sarili ko na naglalakad papalapit sa lalaki.
"Iris." Nanatiling nakatalikod sa ‘kin ang lalaki. ‘Gaya nang inaasahan ko, mukhang kilala niya ako.
"I hope you can forgive me." Napakunot ang noo ko. Hindi ko siya kilala, bakit ko naman siya kailangang patawarin?
"I don't want to do this, but I need to." Sino ba ang lalaking ito?
"Sino ka?" tanong ko sa kaniya, umaasa ako na sasagutin niya ang tanong ko ngunit mukhang hindi niya ito sinagot.
"Reality is full of mystery," sambit niya. Pinili ko na lamang na hindi magsalita dahil mukhang importante ang bawat salitang lumalabas sa bibig niya.
"And you are the last piece to solve all of those mystery." Ako? Ako ang susi upang malaman ang misteryong bumabalot sa realidad? Paano? Alam kong may kakayahan ako ngunit hindi ko naman ito alam gamitin. Oo, nagamit ko na ang isa ngunit mukhang walang susunod doon. Maski ako, nahihiwagaan sa mga bagay na kaya kong gawin ngunit nagdududa pa rin ako sa sarili ko at hindi ko alam kung bakit.
"All you have to do is to protect yourself, because no one else will." Alam ko. Alam ko na ako lang ang makakapagligtas sa sarili ko.
"In your reality, you can trust no one. Even yourself will betray you. " Sinabi na rin ito sa ‘kin ng babae sa panaginip ko. Naguguluhan na ako. Bakit kailangan nila itong iparating sa pamamagitan ng panaginip. Alam kong parte sila ng magiging buhay ko sa mundo ngunit ang pinagtataka ko ay bakit hindi nalang nila ito sabihin sa ‘kin sa personal.
"Just protect them, because that's your mission, but always remember to guard yourself. I can be your protector, but it won't be too long." Sinong sila? Sinong them ang tinutukoy niya sa sinabi niya? Isa pa, hindi ko kailangan ng isang tagapagtanggol. Kaya kong ipagtanggol ang sarili ko sa kahit na anong paraan ang naisin ko.
"See you soon." Matapos niya itong sabihin bigla nalang siyang nawala.
"Nakatagpo mo na pala siya." Lumingon ako sa likod ko nang marinig ko ang boses ng babaeng iyon.
"Sino siya?" tanong ko sa kaniya. Hanggang ngayon nahihiwagaan pa rin ako sa sinabi sakin ng lalaki iyon. Bakit mukhang alam niya ang mangyayari sa hinaharap ko?
"Siya ang taong sisira sa ‘yo."
"Tandaan mo ito, Iris. Layuan mo siya." Hindi ko nga nakita ang mukha niya, paano ko naman lalayuan ang isang taong hindi ko naman alam ang itsura?
Bigla siyang ngumiti sa ‘kin, hinawakan niya ang kamay ko at hinila ako papalayo sa lugar na iyon. Bago tuluyang mawala ang paningin ko sa lugar na iyon, nakakita ako ng isang bagay. Isang bahay na nakatago sa mga naglalakihang puno. Kanino iyon?
"Congratulations nga pala, natuklasan mo na rin ang dalawa mong kakayahan." Nakita ko ang pananabik sa kaniyang mata. Dalawang kakayahan? Sa pagkakaalam ko isa pa lamang ang nagawa ko.
"Ilang buwan din bago matunaw ang yelo sa puso ng taong ‘yon." Hindi ko naintindihan ang sinabi niya kaya pinagsawalang bahala ko nalang.
"Bakit mo nga pala tinulungan ang Jensen na ‘yon? Isang napakamaling hakbang,” umiiling na sabi niya. Mali ba ang tumulong sa isang tao? Bakit pareho sila ng reaksyon ni Ion?
"Bakit may ganoon akong nakita sa mundong ito?" Tinutukoy ko ang larawan ng madumi at mabahong paligid na nasaksihan ko kanina. Akala ko ba maganda ang depinisyon ng realidad?
"Hindi lahat ng bagay, maganda. Tandaan mo, walang perpekto. Hindi lahat ng nakikita mo, totoo. Hindi lahat ng nahahawakan at nararamdaman mo totoo. May mga bagay na sadyang ginawa upang linlangin ka. Ang kailangan mo lang gawin ay hanapin ang katotohanan." Iba't ibang bagay ang gusto niyang ipahiwatig sa ‘kin sa sinabi niya. Maaaring hindi ko pa alam ang sagot sa mga ito, ngunit sigurado ako na malalaman ko din iyon.
"Walang totoo, at wala ding peke sa mundong ginagalawan mo ngayon. Masyado itong malawak, malaki at magulo,” sabi niya na lalong nagpagulo sa iniisip ko. Walang totoo, at walang peke. Kung ganoon? Ano ang mali?
"Kung magulo ito, bakit mo ako dinala sa magandang parte ng realidad?" tanong ko sa kaniya. Siya ang dahilan kung bakit ginusto kong lumabas at makita ang mundo. Dahil iyon sa magagandang depinisyon ng realidad at mundo. Bakit hindi niya pinakita sa ‘kin ang ibang parte nito?
"Dahil minsan, kailangan mo munang tingnan ang magandang parte ng mga bagay,” sabi niya.
"Pagkatapos mo itong makita, saka mo makikita ang mga pangit at maling parte. At ang huli, ay ang desisyon mo. Kung mananatili ka nalang ba sa pagtanaw sa magandang parte nito o kung patuloy mong bibilangin ang mga pagkakamali rito,” dagdag niya. Sa sitwasyon ko, mas gugustuhin kong makita ang magagandang parte ng buhay.
"Alam mo ba na ang mga tao, kahit anong ganda ng realidad patuloy silang naniniwala sa mga peke at maling bahagi nito. At iyon ang kailangan mong baguhin, Iris." Bakit ko naman kailangang baguhin ang desisyon ng tao? Ayoko sa kanila at hindi ko sila dapat pakialaman.
"Pero tandaan mo, walang bagay na mali. Marami ang pipigil sa ‘yo. Marami ang magtatangkang humila sa iyo pababa," sambit niya.
"Gusto ko lang sabihin sa ‘yo na kahit anong mangyari, protektahan mo sila. Trabaho mo iyon at hindi kita papakialaman doon." Ganito din ang sinabi sa ‘kin ng lalaki kanina. Bakit ba nagtutugma ang mga salitang binibitawan ng mga nilalang na nakakasalumuha ko?
"Sige na, gumising ka na. Mag-iingat ka." Matapos niya itong sabihin, minulat ko ang mga mata ko sumalubong sa ‘kin ang mukha ni Ion.
"Hoy babae! ‘Wag mo akong tulugan!" Nagmamaktol na naman si Ion.
"Halimaw daw ako," sabi ko sa kaniya na ikinatahimik niya. Natandaan ko na naman ang sinabi sa ‘kin ng lalaking mabaho ang hininga kanina.
"Hindi iyon totoo," sabi niya. Alam ko ang ibig sabihin ng halimaw pero hindi ko matanggap na ito ang tinawag sa ‘kin ng lalaking mabaho ang hininga.
"Kakaiba ka pero hindi ka halimaw, Athena," sabi niya. Napatitig ako sa kaniya.
"Sorry sa pang iistorbo. Matulog ka nalang ulit." sabi niya. Bago siya tuluyang lumabas sa pintuan ng kwarto ko, tinanong ko muna siya.
"Kung ganoon, ano ako?" Hindi ko na rin maintindihan kung dapat ko nga bang ituring ang sarili ko bilang isang halimaw. Kahit sila Ion, hindi sila nagpakita kailanman ng kakayahan nila. Ibig sabihin, ako lang ang natatanging ganito. Ako lang ang naiiba sa kanila.
"Goodnight." Hindi niya sinagot ang tanong ko at tuluyan na niyang isinara ang pintuan.
Napagdesisyunan ko nalang na hindi matulog. Ayokong makita ulit ang babae at lalaki sa panaginip ko. Masyado pang magulo ang utak ko at ayaw ko nang madagdagan pa iyon. Kailangan ko muna itong maresolba bago ko harapin ang iba pang misteryosong salita na ipinapahayag nila sa ‘kin.
Gusto kong malaman ang lahat ng bagay na kaya kong gawin.
Natapos ang gabing iyon ngunit walang nagbago sa mga natuklasan kong kakayahan. Mukhang mahirap malaman ang mga bagay na pilit itinatago sa ‘kin ng mga taong kumontrol sa ‘kin sa maraming taon.
"Athena, ito ang uniporme mo. Wag kang mag-alala sabay naman tayong papasok. Basta kuya Ion ang itatawag mo sa ‘kin, okay?" paalala niya. Ngayon nga pala ang araw kung kailan ako papasok sa paaralan. Ang araw kung kailan ako makakasalumuha ng maraming tao.
"Oh, maligo ka na. Bawal kang malate," sabi niya. kaya't sinunod ko na siya. Sumakto naman sa ‘kin ang uniporme.
"Tara na," sabi niya. Naglakad na ako kasabay siya. Hindi man ako handang makakita ng sobrang daming tao, kailangan ko itong gawin kung gusto kong mamuhay ng normal.
"Miss, ID?" Hinarang ako ng isang nilalang na nakaputi.
"Nako kuya, transferee kami kaya wala pa kaming ID. Ito ‘yong form naming, oh," sabi ni Ion sa lalaki at nagpakita siya ng isang puting papel.
"Ah, sige welcome sa school na ito." Nginitian niya ako at pinapasok na rin niya kami sa loob ng paaralan na ito.
"’Yong gusaling iyon, doon ang department mo. Sige na aalis na ako, kapatid." Mapang-asar na sabi niya bago umalis. Naglakad na ako patungo sa sinasabi niyang gusali. Tiningnan ko ang papel na puti na binigay niya sa ‘kin.
Name: Athena Clarke
Age: 20 years old
Course: Bachelor of Science in Biology
Section: 2-1
Mother: Charlotte Clarke
Father: Aider Clarke
Brother(s): Ion Clarke
Sister(s): None
Primary school: Mreine Academy
Secondary school: Mreine Academy
College: Mreine University
Entrance examination score: 500/500
Mukhang si Charlotte at si Dr. Willows ang tumatayo kong magulang sa mundong ito. Mreine, sila ang mga taong kumupkop sa ‘kin. Ito din ang tawag sa lugar kung saan ako tumira dati.
Dahil sa pagbabasa ko, hindi ko na natingnan ang dinadaanan ko. Kaya naman nakabunggo ako ng isang nilalang. Lalagpasan ko na sana siya nang bigla niyang tawagin ang pangalan ko.
"Athena?!" Ano namang ginagawa ng babaeng ito dito?
Someone's Pov
"Nandito na po siya sa mundo natin,” sabi sa akin ng kanang kamay ko.
"Mabuti naman, mas mapapadali ang paghahari ko kung siya ang papatay sa kaniya,” nakangiti kong sabi. Sa wakas, nabuo na rin ang planong ginawa ko sa loob ng dalawampung taon. Umaakma ang lahat ng sinabi niya sa ‘kin.
"Ano po bang susunod nating hakbang?" tanong niya sa ‘kin.
"Wala." Nakita ko ang bakas ng pagtataka sa mukha niya.
"Wala pa sa ngayon."