FAYE
Mula kaninang nakita ko ang kababalaghang ginagawa ni Rome at nung babae, nawalan na ako ng ganang maggalaw-galaw sa office.
Iba pa naman ako magselos, nagagalit at idadamay pati ang mga gamit—wala pala akong karapatan na magselos.
Mula kanina wala akong ibang ginawa kundi linisan ang office ni Rome kahit hindi niya iniutos. Ayoko kasi na kapag nagagalit ako, nakaupo lang ako.
Ang landi naman kasi n’on, kulang na lang maghubad na siya sa suot niya, kainis.
Lagi kong natatanong sa isip ko, nagkaroon na kaya ng matagal na girlfriend si Rome bukod sa akin?
Mayaman na si Rome at imposibleng wala siyang mahanap na kasing level niya. Katulad n’ong babae kanina.
Eh, hindi naman maganda ‘yun! Maputi lang! Malaman ang hinaharap at marunong manamit! Siyempre mas bagay pa rin kami ni Rome. Sana naman maisip niya ‘yun.
Wala si Rome ngayon sa company. Umalis sila saglit nung kaibigan niya, si Xino. Hindi ko alam na kakausapin niya pa rin pala ako sa nagawa ko sa best friend niya. Mukhang hindi siya nagalit sa akin kahit alam niyang past ako ni Rome.
Napatakip ako nang bibig nang masagi ko ang vase na nasa gilid ng kanyang table. Kaagad ko ‘tong dinampot ngunit nagkalat ang dugo sa buong sahig dahil sa pagbaon ng mga kapirasong basag na vase sa balat ko.
“Ouch!”
Napatigil ako saglit nang mayroon na namang masakit na alaala ang pumasok sa isip ko.
“You are so stupid! That was my first love’s gift! Binasag mo lang ng isahan!” Dinampot ni Benjamin ang pira-pirasong mga bubog at hinagis iyon sa mukha ko.
Napasigaw ako dahil sa hapdi at nakikita ko ang sarili ko ngayon sa glasswall na duguan ang mukha lalo na ang tabi ng mata ko.
“Come here!” Hinablot niya ako sa pamamagitan ng pagsabunot niya sa akin. Marahas niya akong hinagis sa sofa.
Napaatras na lang ako nang bigla niyang kinuha ang sinturon niya na nakapaikot sa kanyang baywang.
“Ayaw na ayaw ko ang ganyang ugali ng isang babae. Ang layo-layo mo sa ugali ng mahal ko! Hindi ko pinangarap na magkaroon ng tangang kasama katulad mo!”
Napasigaw ako nang malakas ng ihampas niya ang sinturon niya, ang bakal mismo ng sinturon niya dahil para magpasa ito agad at magkaroon ng sugat ang hita ko.
“Tama na! Ang sakit na!” Basag na boses kong pakiusap at sinasangga ang kamay kong napalo na rin.
Tinigilan niya lang ako nang mapansin niyang hindi na ako makahinga dahil sa pag-iyak, pag-hiyaw at sakit ng ginagawa niya. Ipinalupot niya ulit ang sinturon sa kanyang baywang at iniwanan ako sa sofa habang nakahilata.
Napaupo ako at hindi ko mapigilan ang makaradam ng pagkilabot nang maalala ko ‘yon. Halos araw-araw niya akong hinahampas sa paboritong itim na sinturon niya kaya’t hindi ko masisisi ang sarili ko kung nagkakaroon ang ako ng anxiety attack kapag nakakakita ako ng sinturon.
Hindi ko na pang muling inisip iyon at nilinis ang nagawa kong kalat. Sana hindi na lang mapansin ni Rome ang ginawa ko at baka ipabayad niya iyon. Wala pa naman akong pera.
Salamat naman kay Xino kahit papaano ay nabusog ako sa mga nabili niya at ang bait pa niya, ibinigay niya pa sa akin ang lahat ng natira kaya nang makauwi ako, masaya ang kapatid kong kumain ng hapunan.
“Ate, ngayon na lang ako nakatikim ng ganito kasarap na pagkain,” sambit niya habang nilalasap ang lasa ng beef lengua.
“Hindi ako mangangako pero kung kaya ko naman na bumili na ganyang klase ng ulam, bibilhan kita. Basta tiis ka lang ha? Hindi ko rin hahayaan na mawalan ako ng trabaho,” wika ko at naisip bigla si Rome.
Kahit na siya ang boss ko, ayos lang, basta’t nakakasama ko siya. Hindi lang iyon, kikita pa ako ng pera para sa kapatid ko at nanay ko.
Kahit anong ipapagawa niya, gagawin ko, basta mapatawad niya ako sa nagawa ko. Iyon lang ang hangad ko, kapag nangyari ‘yon, para akong mabubunutan ng tinik sa aking puso.
Alam ko na hindi na ako bagay para sa kanya. Mayaman na siya, guwapo, matalino, at higit sa lahat, mas maraming mga babae ang naghahabol sa kanya ngayon.
Habang ako, ito, baon sa utang, hirap sa buhay at nagmukha na akong manang.
Siguro karma ko na rin ‘to sa ginawa kong pananakit sa kanya, pero lahat naman ng iyon may dahilan. Gusto kong ipaliwanag sa kanya kapag handa na niya akong pakinggan at sana may chansa pa ang pag-ibig naming bumalik ulit sa dati.
Kinuha ko ang cellphone ko at binuksan ang social media ko. Hindi ako madalas mag-online, pero gusto ko lang tingnan ang account ni Rome. Sinearch ko ‘to sa search bar at bigla siyang lumitaw.
Napangiti ako nang verified ang account niya at napakarami niyang followers.
Pinindot ko ang profile niya kasabay ng pagkagat ko ng labi. Mayroon na pala siyang tattoo sa may tagiliran niya. Ang hot niya rito tapos ang buhok niyang hindi ganun kalugay, bagay na bagay niya.
Nakaboxer lang siya rito at hindi ko sinasadyang mapatingin sa nakabakat niyang gitna. Napalunok ako ng sunod-sunod at hindi ko namamalayang na-zoom in ko na pala ang photo kaya agad kong inexit ‘yon nang pumasok si Francis sa kwarto.
Shet! Nakakahiya kung makikita ako ni Francis na pinagmamasdan ‘yon.
Pero nakita ko sa mga comments kanina napakaraming babae ang may gustong makasama siya base sa mga comments na nabasa ko. Mga verified din ang account at mukhang mga artista at modela.
“Kumain ka na, ‘te?” tanong ni Francis at tumabi sa akin.
“Oo. Gawan mo nga ako ng kape,” utos ko. Tumango siya at tumayo para pumunta sa kusina namin kaya tiningnan ko ulot ‘yung litrato ni Rome. Kumuha pa ako ng mga litrato niya at iniligay siya sa wallpaper ko.
Nasa rail siya ng balcony, nakabuklod ang kanyang mga daliri at nakashades pero hindi siya nakatingin sa camera.
“Ang pogi!” pagtili ko habang hinalik-halikan ang litrato niya.
Kinabukasan, tinulungan ko muna ang kapatid ko na maghanda para sa klase niya. Naiiwanan naman si Mama, basta nakakain siya bago siya iwanan. Inihahabilin ko rin siya sa mga kapit-bahay namin.
Ibinaba ako ng tricycle sa harap ng Wilson Incorporation, ang pagmamay-ari ni Rome.
Kung mag-asawa pa rin ba kami, isa kaya ako sa nagmamanage dito?
“Ganda, 80 pesos,” sambit ni manong driver. Napanguso ako dahil sa mahal ng pamasahe. Wala kasi akong mahanap na jeep kanina.
Kinalkal ko ang luma kong shoulder bag, naghahanap ng 80 pesos.
Nanlaki ang mata ko nang maalala kong naubos lahat pala iyon nung umuwi ako at pinambawas ng utang namin.
“M-Manong… wala po pala akong pera,” kinakabahan kong sabi. Bilang nagbago ang timpla ng mukha niya at tiningnan naman niya ako ng masama.
“Nagtatrabaho ako ng maayos para sa pamilya ko ha? Huwag mo akong loko-lokohin,” inis niyang sabi at pinaandar ang kanyang tricycle. “Hindi ako nagpapalagpas ng mga scammer.”
Naiiyak ako dahil wala talaga akong makapkap kahit piso sa bag ko. “Manong, wala talaga…” kumagat ako sa pang-ibabang labi ko.
“Ano ba?!” pinatay niya ang gas ng tricycle at tumayo para lumapit sa akin, “Amin na pamasahe mo!” inilahad niya ang palad niya. “Alam mo naman palang wala kang pera nag-tricycle ka pa! Ang layo-layo nga ng binyahe mo!”
Bumaling ako sa likuran ko nang may isang itim at makintab na kotse na pumarada sa parking lot. Biglang kuminang ang kotse niya nang matamaan ito ng sinag ng araw. Napakagaling niyang nag-park ng kotse dahil wala man lang preno, basta’t napwesto niya lang ng tama.
Mayroon ding nakasulat sa bato na PRESIDENT, iyon na lang ang gulat ko nang pangalan ni Rome ‘yon. Wow! President din siya? Ang cute, mayroon siyang own parking.
Napalunok ako nang biglang lumabas si Rome mula sa makintab na kotse. Nakasuot ng shades habang dinadala ang suitcase niya. Biglang bumugnos sa buong atmosphere ang amoy ng pabango niya na naging dahilan para tangayin ang buhok ko nang mabangong hangin, maging ang kanyang mga suot na alahas ay makintab, ganun ang black shoes niya.
Napapa-wow na lang ako sa isip ko.
Pero hindi dapat ngayon ang oras para pagpantasyahan si Rome. Nakakahiya man pero desperada na ako. Wala talaga akong pera.
Patakbo akong lumapit kay Rome. “S-Sir,” tawag ko. Bumaling naman siya. Sumama ang timpla ng mukha niya nang makita niya ako.
“Huwag mo akong lapitan, even public. Nakakadiri at nakakahiya kang kasama,” malamig niyang tugon sa pagtawag ko sa pangalan niya. “Umagang-umaga sinisira mo araw ko. Pwede huwag mo muna akong kausapin? Ang ganda ng mood ko, sinira mo!” Singhal niya ulit.
Napayuko ako sa kahihiyan, “S-Sir, sorry po, pero…”
“What do you need? You are wasting your time as an employee. Bawat minuto mo sa paggalaw sa kumpanya ko, may bayad!” singhal niya ulit. “And you are wasting my time. I have a lot of things to do this day!”
“Hoy! Ano na!” Napapikit ako nang marinig ko si manong driver.
Huminga ako ng malalim para lakasan ang loob ko. “Pwede bang makahingi sa ‘yo ng 100? Wala talaga akong kapera-pera. Nakakahiya sa tricycle driver,” nahihiya kong sabi at kinagat pa ang daliri ko.
Gusto ko na lang magpalamon sa lupa dahil sa ginawa ko. Bumaling naman siya sa likuran ko kung saan nandoon ang driver, naghihintay sa bayad ko. Ngumisi siya na para bang natuwa dahil nakita niya ang sitwasyon ko, walang kapera-pera.
“Kawawa ka naman. Ganyan ka na ba kahirap? Why don’t you ask for money from your mistress, then? Magpagamit ka para bayaran ka tutal malandi ka naman, ‘di ba? Ilang pera ba ang isinampal niya sa ‘yo? Go and find your husband, hindi ako ‘yung iistorbohin mo dahil wala ka ng papel sa buhay ko,” mapanaksak niyang wika. “Hindi ba’t pinapangalandakan mo naman na mapera ka noon?”
Pinagsisisihan kong lumapit ako sa kanya dahil nakikita niya ako ngayong umiiyak sa harap niya. Hindi dahil wala akong pambayad, kundi sa sinabi niya. Nabastusan ako at nainsulto.
Hindi ako bayaring babae katulad ng mga prostitutes sa mga club, hindi ako malandi, hindi ako nagpapagamit sa iba. Naninikip ang dibdib ko sa kakapigil ng iyak ko.
“Tch.” Naglakad siya papuntang likuran ko. Pinunasan ko ang luha ko bago ako humarap sa kanila. “Here, two thousand pesos. It’s all yours, never come back here.” Pwersahang idikit ni Rome ang pera sa dibdib ng driver.
Two thousand… sayang ang sukli.
“And also don’t scream in front of my property. Alam mo bang isa ‘yan sa mga pet peeves ko?” inis na dagdag pa ni Rome.
Naku po! Nadamay pa si manong. Sorry po!
“Ho? Alaga niyo?” naguguluhang tanong ng driver. Lumapit ako sa kanilang dalawa.
“Tsk, no! Nevermind!” singhal ni Rome.
“A-Ah, manong, ang ibig niyang sabihin, isa po sa mga kinaiinisan niya,” kalmadong paliwanag ko. Bigla akong sinamaan ng tingin ni Rome.
“Ganun po ba? Pasensya na. Aalis na ako,” paalam ng driver at pinarurot na ang kanyang tricycle.
“Feeling smart, huh? Feeling good at the eyes of the people. Ikaw nga pala ‘yan, Faye Reagon na mahilig manggoyo ng ibang tao.” Yumuko ako kaysa sa sumagot pa sa kanya. “Ano pa bang tinutunga-tunganga mo? Kung alam ko lang na masisira ang umaga ko, I shouldn’t came here," Inis niyang sambit sa akin at binangga ako bago naglakad papuntang entrance ng company.
Tumayo ako sa pagkakatumba ko at patakbong pumasok. Hindi na muling inisip ang ginawa niya kasi niligtas naman niya ako kay manong driver. Pagkapasok ko pa lang, amoy kaagad ni Rome ang bumungad. Grabe talaga ang pabango niya, naiiwan sa dinadaanan niya.
Sa nadaanan kong hallway, may mga babaeng ang puputi at ang sesexy na nakapila papunta sa interview room.
Nakita ko sa taas na ang nakasulat ay “Secretary position applicants’ interview room”
Kinabahan ako sa nabasa ko. Tatanggalin na ba ako ni Rome? Bakit hindi niya ako dito ininterview noon?
Sana naman h’wag na niya akong tanggalin. Jusko, malaking opportunity ‘to para sa amin ng pamilya ko.