“SIR Alexis!”
Nandito si Carrie ngayon sa tapat ng pinto ng condo unit ni Alexis. Nag-doorbell muna siya bago pumasok. Baka kasi maabutan na naman niya itong naka-boxer’s, mahirap na. Nang walang sumasagot ay pumasok na siya sa loob gamit ang spare key nito. Kunsabagay, tanghali na rin kaya malamang ay nasa university na ito. Napataas ang isang kilay niya nang maabutang maayos ang pad nito. Agad siyang dumiretso sa nakabukas na silid ng binata. Nagsalubong naman ang kilay niya sa nakita. Napakagulo ng silid nito. Nagkalat ang mga unan sa lapag. Magulong-magulo rin ang bedsheet. Natutop niya ang bibig. Hindi ba't iniwanan niya ang binata na kasama si Angel kagabi. Isa-isa niyang niligpit ang mga nagkalat na gamit nang hindi inaasahang mahagip ng tingin niya ang isang piraso ng gamit na c****m sa sahig. Nasagot ang hinala niya. Nandidiring pinulot niya iyon at itinapon sa basurahan. Sabi na nga ba at talagang may nangyari nga kay Akexis at sa malanding Angel na iyon. Bumalik ang init ng ulo niya. Talaga nga palang napaka-babaero ni Alexis. Hindi niya lubos maisip kung gaano na karaming ang babaeng dinala nito sa pad nito at nakaulayaw nito sa kama.
Asar na tinapunan niya ng tingin ang litrato ng binata na nakapatong sa bedside table. “Sana magka AIDS ka,” nanggigigil na sambit niya. Subalit agad din niyang binawi ang sinabi. Mabuti rin na gumagamit ito ng proteksyon. Baka kung ano pang virus at sakit ang makuha nito sa mga babae nito.
Ibinaling na lang niya ang sarili sa paglilinis ng buong pad. Pinalita niya ng bedsheet ang kama. Pialitan din niya ang mga unan at kumot ng binate. Sinigurado niyang walang maiiwang bakas ng ibang babae sa silid nito. Pati mga maruming damit ng lalaki ay nilabhan na rin niya. Hindi niya inalintana ang pagod na nararamdaman. “Nakakainis ka naman Alexis!” sambit niya habang kinukusot ang damit nito. “Next time nga, huwag ka nang magdadala ng kung sino sinong babae dito sa condo unit mo! Lalo na iyong Angel na iyon. Ayoko sa kanya.”
“Carrie!”
Napatigil siya sa ginagawa nang marinig ang pagtawag sa kanya ni Alexis. Bakit ang aga yata nito ngayon? ‘Di ba dapat ay mamayang gabi pa ang uwi nito. Tumayo siya at hinanap ito. Naabutan niya itong nakaupo sa sofa at nanunuod ng TV.
“Sir, napaaga ka yata ng uwi.”
Nagkibit-balikat lang ito. “Wala lang. Pakikuha mo nga ako ng juice.” Then he smiled at her.
Agad na sinunod niya ito. Pagdating niya sa kusina ay napansin niya ang pamumula ng kanyang mga kamay. Dahil siguro iyon sa paglalaba niya. First time niya kasing gawin ang bagay na iyon. Pagbalik niya ay nagmamadali niyang ipinatong ang juice sa mesa. Baka kasi mapansin ng binata ang kamay niya. Akmang tatalikod na siya nang muli siyang tawagin nito.
“May iba ka pa bang ipag-uutos, sir?”
Tiningnan nito ang kamay niyang pilit niyang itinatago sa likod niya. “Ano'ng nangyari sa kamay mo?”
“Ha?” pagmamaang-maangan niya. “Ano'ng sinasabi mo, sir?”
“Your hand. Patingin ako.”
Umiling lang siya.
“Maupo ka rito.” Tinapik ng isang kamay nito ang sofa.
Hindi niya alam kung susundin ba niya ito. “Sir, marami pa akong gagawin, eh.
“Ang sabi ko maupo ka muna rito.”
Wala na siyang nagawa kundi sundin ang utos nito. Pag-upo niya sa tabi nito ay agad itong humarap sa kanya. “Now, give me your hands,” utos nito. Napakalapit na ng mukha nito sa mukha niya. Napatingin siya sa mga mata nito. Bigla niyang naramdaman ang pagbilis ng t***k ng kanyang puso lalo na nang maramdaman niya ang masuyong paghawak nito sa kamay niya. Para bang may dumaloy na maliit na boltahe ng kuryente nang magdikit ang mga kamay nila.
“Bakit namumula iyang kamay mo?” matamang tanong nito sa kanya habang nakatingin sa namumula niyang mga kamay.
Nag-iwas siya ng tingin. “Naglaba kasi ako, sir.”
“Naglaba?” gagad nito. “Bakit ka naglaba?”
“Kasama iyon sa mga trabaho ko.”
Umiling-iling ito. “Pero hindi ko naman sinabi na maglaba ka. Tingnan mo tuloy iyang nangyari sa kamay mo.” Pumalatak pa ito.
“Ah, sir huwag mo'ng isipin na hindi ako marunong maglaba, ah. Na-allergy lang ako. Hindi kasi ako sanay sa pang-mayaman na sabon, eh,” kaagad na paliwanag niya. Baka isipin nito na wala talaga siyang alam sa mga gawain. Lagot na kapag nagkataon.
She heard him chuckled. “Masyado ka namang defensive.” Binitawan nito ang kamay niya. “Stay there, okay.”
Sinundan niya ito ng tingin habang tinatahak ang daan patungo sa kwarto nito. Hanggang ngayon ay hindi pa rin humuhupa ang pagririgodon ng puso niya. Bakit para yatang nag-iba bigla ang nararamdaman niya sa binata. Nitong mga nakaraang araw ay kilig lang ang nararamdaman niya sa tuwing nakikita niya ito at kinakausap. Pero bakit parang nag-iba ngayon. Hindi na lang basta simpleng kilig. Hindi kaya.. hindi na lang basta paghanga ang nararamdaman niya para kay Alexis? Marahas na umiling siya. Imposible. Hindi maaaring ma-inlove siya rito sa loob lang ng ilang araw. Napakabilis naman.
Hindi niya namalayang nakabalik na pala ang lalaki. May dala itong ointment. “Bakit tulala ka?”
Umiling siya. “Wala sir.”
Akmang hahawakan nito ang kamay niya nang bigla niya itong pigilan. “Ako na, sir!”
“Sigurado ka?”
Tumango siya. “Oo. Nakakahiya naman kung ikaw pa.”
Ngumiti ito. “Sige. Bahala ka.”
Muli na namang lumala ang kabog ng dibdib niya sa pagngiti ng lalaki. Bakit ba kasi ngumiti pa ito sa kanya. Hayan tuloy…
NAKASIMANGOT na tiningnan ni Carrie ang sunog na manok sa harap niya. Nagpa-practice siyang magluto. Nakakailang oras na nga siya sa kusina pero wala pa ring improvement sa ginagawa niya. Kung hindi hilaw, sunog ang kinalalabasan ng mga niluto niya. Nakapagtataka dahil sinusunod naman niya ang nakasulat sa cook book na binili niya. Bumuntong-hininga siya. Siguro nga ay talagang wala siyang talento sa pagluluto. Ni magprito nga ng itlog ay hindi niya maperpekto, eh.
“What's that smell?”
Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Alexis na papalapit sa kanya. Naamoy pala nito ang sunog na niluto niya. Napapansin niya na nitong mga nakaraang araw ay maaga ang uwi nito ng condo. Kung noong una ay gusto niya na lagi itong kasama, ngayon ay hindi na. Mas gusto niya na hindi ito nakikita. Bigla kasi siyang nakakaramdam ng pagkailang sa tuwing nakikita niya ito. Tulad ngayon, hindi na naman niya alam kung ano ang gagawin. Hindi naman siya dating ganoon.
“Nagluto ka?” tanong nito sa kanya. Sinipat-sipat nito ang sunog na manok na nakapatong sa kitchen sink.
“Sorry sir,” nakayukong wika niya.
Pumalatak ito. “’Di ba sabi ko naman sa'yo magpa-deliver ka na lang ng pagkain.”
“Para kasing hindi ko na nagagawa ng maayos trabaho ko, eh,” sagot niya rito.
“Huwag mo nang isipin ang tungkol diyan,” balewalang sagot nito. “Samahan mo na lang akong manood ng TV.”
Nag-angat siya ng tingin. Parang mas gusto pa niyang magluto kaysa samahan ang binata. Subalit bago pa siya makapagsalita ay nahawakan na nito ang kamay niya at hinila siya patungo sa sala. Pinaupo siya nito sa sofa pagkatapos ay naupo ito sa tabi niya. “Ano'ng gusto mong palabas?” baling nito sa kanya habang hawak ang remote ng TV.
“Kahit ano na lang.”
Inilipat nito ang chanel sa HBO. Isang romantic flick ang kasalukuyang ipinapalabas doon. “Carrie?” untag nito sa kanya. Seryoso ang mukha nito. “Bakit mo naisip na pumasok bilang katulong?”
Kagyat siyang nakaramdam ng kaba. Hindi kaya nakahalata na ito sa kanya. At kaya siya nito tinatanong ng ganoon ay dahil kinokompronta na siya nito. Pero hindi. Ang sabi sa kanya ni Andrea ay huwag daw siyang mag-alala dahil ito daw ang bahala kung sakali mang makahalata ang kuya nito. At saka, imposible raw mangyari iyon, ayon pa kay Andrea. At tiwala siya sa sinabi ng kaibigan. Baka naman gusto lang ni Alexis nang kausap kaya ito nagtatanong sa kanya ngayon. She cleared her throat first, bago siya sumagot. “Gusto ko kasing makatulong sa pamilya ko.”
“Pero bakit bilang katulong?”
“Wala namang masama sa pagiging katulong, ah,” depensa niya.
“I'm sorry,” wika nito. “Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin. I mean, mahirap ang ganyang trabaho. Isa pa, I'm sure wala namang taong pinangarap na mapunta sa ganyang trabaho 'di ba?” Sinulyapan siya nito. “Hindi mo ba gustong makatapos ng pag-aaral?”
“Third year college na ako. Huminto lang ako sa pag-aaral.” At least, sa impormasyong iyon ay katotohanan ang sinabi niya. Pero half-truth nga lang.
“Iyon naman pala, eh,” wika nito. “Makakahanap ka naman siguro ng magandang trabaho kahit hindi ka pa graduate. Mukha ka namang matalino. Isa pa, maganda ka rin.”
Natigilan siya sa sinabi nito. Tama ba ang narinig niya. Sinabi nitong maganda siya?
“Hey, bakit hindi ka na nagsalita d’yan?”
“Eh, ikaw?” Sa halip ay tanong niya rito. Hindi niya kasi alam kung paano sasagutin ang huling sinabi nito.
“What about me?”
“Bakit dito ka sa condo nakatira? Bakit hindi sa bahay niyo na lang, sir. Mas okay naman doon. Kasama mo pa ang pamilya mo.”
Napansin niya ang pagtahimik nito. May nasabi ba siyang hindi maganda? Kapagkuwan ay nagpakawala ito ng malakas na hininga. “Nag-away kami ng father ko.”
Hindi niya alam ang tungkol sa bagay na iyon. Sabagay, wala naman talaga siyang alam dahil walang sinasabi sa kanya si Andrea.. “Bakit naman, sir?” pangahas na tanong niya. “Ano naman ang pinag- awayan niyo?”
Umiling lang ito.
“’Wag mo nang sagutin, sir,” wika niya. Na-realize niya na masyado nang personal ang tanong niyang iyon.
Narinig niya ang pagtunog ng doorbell. Akmang tatayo siya nang pigilan siya ni Alexis. “Ako na. Iyan na siguro iyong pina deliver kong pizza.” Tumayo ito at tinungo ang pinto. Pagbalik nila ay may dala na itong pizza box. Agad nitong binuksan ang kahon. Kumuha ito ng isang slice ng pizza at iniabot iyon sa kanya. “Here.”
“Thank you, sir.” Napakabait talaga nito. Malayung-malayo ang ugaling ipinapakita nito sa kanya sa sinabi ni Andrea na masama raw ang ugali ng kuya nito. Kinagatan niya ang pizza na bigay nito. “May problema ba?” tanong niya sa lalaki nang mapansin niyang nakatingin ito sa kanya. Bigla kasi siyang na-concious sa pagkakatingin nito sa kanya.
“Wala naman.” Ngumiti lang ito.
Unti-unti na namang nag-iba ang t***k ng kanyang puso. “Ahm, pasensya na, sir. Mag go-grocery pa pala ako ngayon,” pagdadahilan niya para lang makaiwas dito. Hindi kasi niya gusto ang nararamdamang kakaiba sa kanyang dibdib.
“Samahan na kita.”
Umiling-iling siya. “Naku huwag na, sir. Manood ka lang dito ng TV. At saka babalik pa ako ng bahay.” Ang tinutukoy niya ay ang bahay ng mga magulang nito. “Kukuha ako ng pera at saka magpapalit ako ng damit.”
“Wag ka nang bumalik doon,” utos nito. “Pwede namang dito ka na lang magbihis.”
“Wala akong damit dito, Sir Alexis.”
“Ako na'ng bahala.” Pumasok ito sa kwarto nito at paglabas ay may hawak na itong isang pares ng damit pambabae. “Kasya siguro sa’yo ‘to. Magka-size lang yata kayo nang may-ari ng damit na ito.”
Ibig bang sabihin ay isusuot niya ang damit na iyon. No way! Sigurado siyang pag-aari ng isa sa mga babae nito iyon.
“Don't worry, kay Andrea naman ito,” wika nito na tila nabasa ang laman ng utak niya.
Napipilitang nagbihis siya. Nakakainis naman kasi. Dati gustong-gusto niyang mapalapit kay Alexis. Ngayon namang nangyayari na ang gusto niya, wala na siyang ibang ginawa kundi iwasan ito.
“SIR bakit parang nagmamadali ka yata?” puna ni Carrie kay Alexis. Humahangos kasi ang binata nang makarating ito sa condo unit.
“I need your help, Carrie,” sa halip ay wika nito sa kanya.
“Ako?” nagtatakang itinuro niya ang sarili.
Tumango ito. “Yup.”
“Ano ba iyon, sir?”
“Okay lang ba kung isama kita sa party na pupuntahan ko ngayong gabi?”
Napahumindig siya. “Party? Bakit ako, sir?” naguguluhang tanong niya.
Nagpaliwanag naman ito. “Kailangan ko nang date sa party na iyon para hindi ako lapitan ng mga babae.”
“Pero bakit nga ako, sir? Pwede naman ibang babae na lang, ah.” Sigurado naman siya na marami itong pagpipiliang babae na maisasama nito sa party na iyon. Tulad na lang ni Angel o kung sino mang mga babae’ng naghahabol ditto.
“Mas magiging komportable ako kung ikaw ang magiging kasama ko,” sagot nito. “Sige na. Pumayag ka na. 'Wag ka nang mag-alala sa susuotin mo. Bumili na ako.” Inabot nito sa kanya ang isang paper bag.
She sighed. At talagang confident na cofident ito na papayag siya, ah. Pero wala naman talaga siyang magagawa, eh.
KASALUKUYANG binabagtas nila Carrie at Alexis ang daan papasok sa function room kung saan nagaganap ang dadaluhan nilang party. She was wearing a black dress and a high-heeled pumps na binili sa kanya ni Alexis. Nakalugay lang ang buhok niya at wala rin siyang make up. Well, maganda pa rin naman siya kahit simple lang ang ayos niya. Samantalang si Alexis naman ay nakasuot ng gray suit. She must admit na lalo itong g-um-uwapo sa suot nito. In fact, ay maraming babae ang kasalukuyang nakatingin sa kanila ngayon.
She was nervous. At dalawang bagay ang dahilan kung bakit siya kinakabahan. Una, natatakot siya na baka mamaya ay may makakita sa kanya na kakilala niya. Napag-alaman niyang birthday party pala ito ng kaibigan/kamember ni Alexis sa soccer team. Kaya naroon ang posibilidad na may makakilala sa kanya. Pangalawang dahilan ay kagagawan ng katabi niya na walang iba kundi si Alexis. Sa tuwing malapit siya sa presensiya nito ay dobleng kaba ang bumabalot sa kanya.
“Carrie, okay ka lang ba?” baling nito sa kanya. Marahil ay naramdaman nito na hindi siya at ease.
She just nodded.
Hindi niya inaasahan ang sumunod na ginawa nito. Hinawakan lang naman nito ang kamay niya. Hindi ba nito alam na sa ginawa nitong iyon lalo lang nadagdagan ang kaba niya sa dibdib?
“Alexis!”
Napatingin siya sa babaeng tumawag kay Alexis. Papalapit ito sa kanila ng binata. “You're here, honey,” malanding wika nito sa binata.
Lihim na pinagmasdan niya ang babae. Hindi naman ito ganoon kaganda. Kapansin-pansin lang talaga ang malaking dibdib nito na halos lumuwa na sa suot nitong gown.
“Obviously, Bea,” balewalang sagot ni Alexis sa babae. “So please excuse us. You're blocking our way.”
Nakita niya ang pagkapahiya sa mukha ng babae. Lihim naman siyang napangiti. Mabuti nga dito. Masyado kasing malandi. Iginiya siya ng lalaki sa bakanteng mesa. “Dito ka muna. I'll get some food.” Nagpunta ito sa buffet table. Pagbalik nito ay may dala na itong pagkain para sa kanilang dalawa.
“Thank you, sir,” wika niya.
“Welcome. Ubusin mo lahat iyan, ah. Masarap ang mga iyan.”
Tiningnan niya ang plato na puno ng pagkain. Tiyak na sira ang diet niya ngayon. Lihim na pumalatak siya. Iginala niya ang paningin sa buong paligid. Sana naman ay wala siyang kakilala isa man sa mga tao roon.
“Hey,” untag sa kanya. “Hindi mo pa ginagalaw iyang pagkain mo?”
Napatingin siya rito. Ngayon niya lang namalayang nakatitig pala ito sa kanya. Naiilang na naman siya. “Medyo busog pa kasi ako, sir,” aniya. Mukha kasing hindi siya makakakain ng maayos sa harap nito.
“Sigurado ka?”
“Oo, sir,” mabilis na sagot niya. “At saka baka sumakit ang tiyan ko.”
He chuckled. “Kung gano’n sumayaw na lang muna tayo.”
“Ha?” Napanganga siya. Napatingin siya sa gitna ng function room kung saan may mga pares na nagsasayaw sa saliw ng mabagal na tugtog. “Hindi ako marunong magsayaw, sir. Pasensya na,” pagsisinungaling na niya sa binata.
Pagkasabi niya ng salitang iyon ay agad na nilapitan si Alexis nang babae sa kabila nilang table. “Alexis, ako na lang ang isayaw mo.”
“No,” nasabi niya bigla. “Magsasayaw kami ni Alexis,” wika niya sa babae. Siya na mismo ang humila sa lalaki patungo sa dance floor.
“Akala ko ba, hindi ka marunong magsayaw?” nanunuksong tanong nito ng binata.
Kinagat niya ang ibabang labi. Bakit nga ba kasi nagawa niya amg kapangahasang iyon. Kasalanan iyon ng babae kanina. Kung hindi ito lumapit kay Alexis ay hindi siya mapipilitang gawin iyon. “Joke lang iyon, Sir.”
Nabigla siya nang hapitin siya nito. Ngayon ay kaunti na lang ang distansya sa pagitan nilang dalawa.
“You looked wonderful tonight,” puri nito sa kanya.
“Tonight lang?”
Mahinang tumawa ito. “Maganda ka naman araw-araw.”
Kinilig siya sa sinabi nito pero hindi niya iyon ipinahalata. “Playboy ka talaga, sir. Ang galing mo mambola.”
“Hindi naman ako nambobola, eh.”
Tumingin siya rito. Napansin niya na seryoso ang mukha nito. Mataman itong nakatingin sa kanya. Parang kakaiba nga ang tingin nito sa kanya ngayon. Then later on she realized na hindi na pala ito sa mukha niya nakatingin kundi sa labi niya. Agad siyang nag-iwas ng tingin.
DINALA ni Carrie sa kanyang bibig ang hawak na baso ng wine at sinaid iyon. Mag-isa siya ngayong nakaupo sa isang sulok dahil saglit na nagpaalam sa kanya si Alexis.
Nang may dumaang waiter sa harap niya ay muli siyang kumuha ng wine. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin naaalis ang kakaibang t***k ng kanyang puso. Baka sakalimg sa pag-inom niya ng alak ay mawala iyon. Pero wala pa ring palang epekto kahit uminom siya ng alak. Lalo lang lumala ang kabog sa dib-dib niya.
“Carrie, is that you?
Nanigas siya sa kinatatayuan nang marinig ang tinig na iyon. Wala siyang balak na lingunin iyon nang ito ang lumapit sa kanya. It was Marcus. Classmate nila ito ni Andrea. “M-marcus.”
“Bakit para kang nakakita ng multo?” puna nito sa kanya.
Umiling siya. “Wala.” Mabuti na lang at hindi niya kasama ngayon si Alexis. Dahil kung nagkataon na nandito ngayon ang binata ay tiyak na katapusan na niya. Pero anumang sandali ay darating ito. Hindi nito dapat maabutan na kausap niya si Marcus. “Sino nga palang kasama mo rito?” tanong nito.
“My boyfriend,” sagot niya.
“Boyfriend mo?”
Alanganing tumango siya. “Yup. Ah, Marcus, pwede bang huwag mo akong kausapin,” she said bluntly. “Masyado kasing seloso iyon, eh. Baka kung anong isipin kapag naabutan tayo. Alam mo na..”
Nakakaunawang tumango naman ito.
Nakahinga siya nang maluwag nang makaalis na si Marcus. Mabuti na lang talaga at wala pa si Alexis.
“Carrie, sino iyong lalaking kumausap sa'yo?”
Nagulat siya dahil nandito na pala sa harap niya ngayon si Alexis. Paanong hindi niya napansin ang pagdating nito. “S-sir Alexis.”
“I'm asking you, sino iyong lalaking kausap mo kanina?” Seryoso ang mukha nito.
Hala! Hindi kaya kanina pa ito nasa paligid at lihim na pinagmamasdan siya. “Ah, wala, sir. Hindi ko nga rin kilala, eh. Bigla na lang siyang lumapit sa’kin,” pagpapalusot niya.
“Next time, huwag ka namg makikipag-usap sa hindi mo kilala.” Mukhang naniwala naman ito sa kanya dahil hindi na ito nagtanong pa. Tumingin ito sa suot na relo. “Let's go. It's getting late.”
Lihim na nagpasalamat siya. Mabuti rin at nagyaya na rin itong umuwi. Mawawala na ang pangamba sa dibdib niya na baka may bigla na naman siyang makakita ng kakilala.
“Ihahatid na kita sa bahay,” kapagkuwa’y wika ng binata habang nakasakay na sila sa kotse nito.
“Huwag na, sir,” tanggi niya. “May babalikan pa ako sa condo, eh.”
Wala silang kibuan habang nagmamaneho ito. Pagdating mila sa parking area ng building kung saan naroon ang condo nito ay akmang bababa na siya nang pigilan siya ng binata.
Nagtatakang napatingin siya rito. Magsasalita na sana siya subalit nawala sa utak niya ang dapat sana'y sasabihin niya nang makitaniyang nakatitig ito sa kanya. Tulad iyon ng tingin nito sa kanya habang nagsasayaw sila kanina. Pagkatapos niyon ay nasaksihan na lang niya ang unti-unting pagbaba ng labi nito patungo sa kanya. His lips touched her. Then he kissed her. Sa una ay mabagal hanggang sa naging mapusok ang halik nito na para bang nag-uutos na tugunin na niya ito. Naramdaman na lang niya ang kusang paggalaw ng labi niya. Ilang segundo na ang nakalilipas nang bigla siyang matauhan. “Sir!” Napabitiw siya rito.
Agad naman itong nag-iwas ng tingin. “I'm sorry.” Iyon lang at bumaba na ito ng kotse.