SAPO ang ulong pinagmasdan ni Carrie ang sala ng condo unit ni Alexis. Nagkalat ang mga lata ng beer at kung anu-anong balat ng chips. Kagabi lang ay umalis siya nang nakaayos at malinis ang lugar pero pagdating niya ngayon ay parang dinaanan na ng bagyo ang pad nito. Pumalatak siya. Tiyak na mahihirapan na siyang linisin iyon.
Dumako siya sa kwarto nito. Binuksan niya ang pinto ng kwarto nito at tumambad sa kanya ang... ang hubad na katawan nito. Tanging boxer shorts lang ang suot nito. Agad na tumalikod siya at sinapo ang dibdib. Ang lakas ng t***k ng puso niya. Imagine, nakita niya sa ganoong ayos si Alexis. Nakakahiya. Mabuti na lang at tulog pa ito. Dahil kung hindi baka kung ano na lang ang isipin nito sa kanya. Pero infairness, ang ganda ng katawan nito. Ang macho at hot pa! Ipinilig niya ang kanyang ulo. Bakit ba niya naiisip ang mga ganoong bagay.
“Hey, anong ginagawa mo diyan?”
Napasinghap siya nang marinig ang boses na iyon. Shucks! Ibig sabihin ay nakita siya ni Alexis. “A-ah, sorry, sir.”
“Ano ba'ng sinasabi mo? Humarap ka nga sa’kin.”
Nanlaki ang mga mata niya. “Naku, sir. Huwag na. Aalis na ako.”
Hindi siya nakarinig ng sagot mula rito. Nagsimula na siyang humakbang paalis nang maramdaman niya ang paghawak nito sa braso niya. Napaharap tuloy siya. At iyon na nga. Nasa harap na niya ito ngayon habang naka boxer short lang. Dali-daling ipinikit niya ang mga mata.
“Bakit ka ba biglang pumikit?” nagtatakang tanong nito.
“K-kasi sir...wala kang damit.”
Narinig niya ang mahinang pagtawa nito. “Ngayon ka lang ba nakakita nang lalaking naka-boxers lang?”
S’yempre nakakita na siya. Pero sa TV at magazines lang. “Ngayon lang, sir. Wala kasing lalaking naghuhubad ng ganyan sa probinsya naming, eh,” nasabi na lang niya habang nakapikit pa rin.
“Saan ba’ng probinsya mo?” Nahimigan niya ng amusement ang tinig nito.
“Batanes po.” Siyempre nagsisinungaling lang siya. Ni hindi pa nga niya napupuntahan ang lugar na sinabi niya, eh.
“You can now open your eyes,” sa halip ay sabi nito.
“Sigurado ka, sir?” Nananatili pa rin siyang nakapikit.
“Yeah.”
Dahan-dahang iminulat niya ang mga mata. Nakasuot na ito ngayon ng sando at cargo shorts. Ibig sabihin pala ay nagbibihis ito habang kausap siya. In fairness, napakaguwapo pa rin nito kahit bagong gising. Ang cute tingnan nang gulo-gulo nitong buhok. Shucks, umagang-umaga kinikilig na agad siya.
Tumikhim ito. “Siguro naman okay na sa'yo ‘tong suot ko?”
Napangiti siya. “Okay na, sir.”
Nagulat siya nang bigla siya nitong hilahin papunta sa kusina.
“Ang sarap ng afritada na niluto mo kagabi,” nakangiting wika nito.
Unang beses nitong ngumiti sa harap niya. Ba't parang biglang bumilis ang pagtibok ng puso niya. “Thanks.”
“At dahil doon, ipagluluto mo ulit ako ngayon.”
Napalitan ng matinding kaba ang kilig na nararamdaman niya. “Ipagluluto kita ngayon? As in ngayon na talaga?”
“Uhuh. Bakit, may problema ba?”
“Eh, baka naman puwedeng mamaya na lang, sir. Pag-uwi mo na lang galing school.”
Kumunot ang noo nito. “Wala akong pasok ngayon.” Binuksan nito ang fridge at kumuha ng malamig na tubig. “Siga na, magluto ka na.”
Kinagat niya ang ibabang labi. “Eh, kasi.. magliligpit pa ako sa sala. Ang daming kalat. Tapos maglalaba pa ako. Tapos..” Nag isip pa siya ng ibang dahilan. “At saka ang sabi kasi sa'kin ni Andrea, tuwing dinner lang naman daw kita ipagluluto, sir Alexis. Wala siyang sinabi na pati breakfast at lunch.”
“Kapag nandito ka sa condo ko, ako ang susundin mo,” anito. “And did you just say Andrea? Close ba kayo ng kapatid ko?”
Marahas na umiling siya. “Naku hindi, Sir. Ang suplada nga ni ma'am Andrea.” Lihim na pinagalitan niya ang sarili. Hindi kasi siya nag-iingat sa pagsasalita niya.
“Suplada talaga iyon sa mga hindi niya ka-close,” wika nito. “Let's not talk about her. Ipagluto mo na ako.”
“But sir..."
“Sinusuway mo ba ako?”
“Hindi naman sa ganoon, Sir. Kaya lang..”
“Kaya lang?”
Hala? Ano na'ng gagawin niya? Wala na siyang choice kundi sabihin dito ang totoo. “Hindi naman talaga ako ang nagluto ng afritada.”
Nagsalubong ang kilay nito. “Then sino?”
Parang galit na ito. Naku naman. “Binili ko lang iyon sa restaurant. Ang totoo kasi niyan, hindi ako marunong magluto.” Napayuko na lang siya. Hindi kasi niya gustong makita ang magiging reaksiyon nito. Pangalawang araw pa lang niyang katulong nito, palpak na agad siya.
“You didn't kmow how to cook?” napapantastikung tanong nito. “Para saan pa't naging katulong ka?”
Hindi naman kasi ako katulong, eh, ngali-ngaling isagot niya rito pero pinigilan niya ang sariling isatinig iyon. Bakit nga ba kasi hindi siya nagpaturo sa mama niya na magluto. Eh, ‘di sana wala siyang problema ngayon. “Sorry, sir.” Hingi niya ng paumanhin dito. “’Wag mo akong tanggalin sa trabaho. Promise po, pag aaralan ko nang magluto. Basta ‘wag mo lang akong tanggalin. I really need this job.”
Narinig niya ang marahas na pagpapakawala nito ng hininga. “Okay.”
Doon lang siya nag-angat ng tingin. “Really—I mean talaga po Sir?”
Tumango ito pagkatapos ay umalis na.
LIHIM na pinagmamasdan ni Alexis si Carrie. Kasalukuyan itong naglilinis ng sala. Kanina pa niya ito pinagmamasdan dahil parang may kakaiba rito. Partikular na sa mga salita at ikinikilos nito. Hindi ito mukhang katulong. He must admit that she was really pretty. May pagka mestiza rin ang kutis nito. Kaya naman nakapagtataka na isa itong katulong. Nang maabutan niya nga ito’ng natutulog sa sofa niya ay nagulat siya. Kung hindi pa niya napansin ang suot nitong maid’s uniform ay hindi pa niya maiisip na ito ang bagong katulong niya. Pero infairness, she got the right curves at the right places. Isa pang nakapagtataka ay ang kaalamang hindi ito marunong magluto? Meron bang gano’n? Katulong na walang alam sa kusina?
Tumayo siya at tinungo ang kanyang kwarto. He need to confirmed it. Paano kung hindi naman pala talaga katulong Carrie na ito. Paano kung isa lamang ito sa mga babaeng naghahabol sa kanya. At nagpanggap lang itong katulong para makalapit sa kanya. Kinuha niya ang cell phone na nakapatong sa bedside table at i-d-in-ial ang numero ng kanyang mama.
“Hello, kuya?”
Kumunot ang noo niya. Boses kasi ng kapatid niya ang narinig niya sa kabilang linya. “Andrea, bakit ikaw ang sumagot? Where's mom?”
“Busy kasi siya sa pagluluto kaya ako na lang ang pinasagot niya,” sagot nito. “Bakit ka nga pala napatawag, Kuya?
“Saang agency nakuho iyong bagong katulong na ipinadala rito?”
“Ang alam ko pamangkin siya ni Manang Celia.”
“Sigurado ka ba? Mukha kasing hindi katulong ang babaeng iyon, eh.”
“Eh, kasi Kuya, bago pa lang siya sa ganyang trabaho.” Bahagyang lumakas ang timbre ng boses nito. Well, ganoon naman talaga ang kapatid niyang iyon.
“Naninigurado lang ako. She's too pretty to be a maid.”
“Bakit Kuya, bawal na bang magkaroon ngayon ng maid na maganda?” sarkastikong sagot nito mula sa kabilang linya.
Umiling-iling siya kahit alam niyang hindi naman siya nakikita ng kausap. “Hindi lang kasi siya basta maganda. Mukha siyang sosyal.”
“Bakit ba masyado kang interesado sa kanya Kuya? Huwag mong sabihing porke't maganda, type mo na? Kuya, ah. Kailan mo pa nakuhang pumatol sa isang maid?”
Nagsalubong ang kilay niya. “Shut up, Andrea,” saway niya sa kapatid. Minsan talaga, nakakainis itong kapatid niya. Kung anu-ano ang sinasabi. “I'm just asking dahil baka isa na pala siya sa mga babaeng naghahabol sa'kin. Naniniguro lang ako sa kaligtasan ko. Kung anu-ano nang kalokohan ang sinabi mo.”
“Naninigurado lang din ako, Kuya. Dahil baka mamaya, bigla mo na lang gapangin iyang maid mo.”
“Hindi ako desperado sa babae para gawin iyon,” naiinis na sagot niya rito.
“Then good,” sambit nito. “Basta ‘wag mong pahirapan si Carrie, ah.”
Nakuha ng huling sinabi nito ang atensyon niya. “Andrea, kailan ka pa naging concern sa maid?” Wala naman kasi itong pakialam sa mga katulong nila kaya medyo nakakapagtaka ang huli nitong sinabi.
Natagalan ito bago sumagot. “Iyon kasi ang bilin ni Manang Celia. Alam mo na, concern sa pamangkin niya. Sige na Kuya, may gagawin pa ako, eh. Bye na.” Busy tone na lang ang narinig niya pagkatapos niyon.
Ngayon ay nakumpirma na niyang katulong nga talaga si Carrie kaya wala na siyang dapat ipag-alala pa. Pero bakit ganoon, parang iba pa rin ang pakiramdam niya sa babaeng iyon. Para ngang pamilyar ang mukha nito sa kanya. As if, he had already seen her before. Hindi lang niya alam kung saan at kailan. Pero imposible iyon. Ipinilig niya ang ulo. Marahil ay napa-paranoid lang siya.
Kapagkuwan ay lumabas na siya ng kwarto. Naabutan niya si Carrie na nakaupo sa sofa. Pawisan ang mukha nito.
“Sir.” Agad nitong inayos ang upo nang makita siya. Pinunasan din nito ang pawis nito sa mukha gamit ang kamay nito. “May ipapagawa ka?”
“Wala.” Umiling siya. Mukhang napagod ito sa trabahong ginawa nito. Marahil ay sa kadahilanang bago pa lang itong katulong at hindi pa sanay sa mga trabaho. Pero hindi naman mabigat na trabaho ang paglilinis, ah.
“Sir Alexis?” untag nito sa kanya.
“What?”
“Pwede ba akong gumawa ng sandwich at juice? Medyo nakakapagod kasing maglinis, eh.”
He smiled lopsidedly. “Sure. Hindi mo na kailangang sabihin pa iyan. You can eat anytime you want.”
Nakita niya ang pagsilay ng ngiti sa mga labi nito. “Thank you, sir.” Hinawi nito ang ilang hibla ng buhok na kumalas mula sa pagkakatali nito at inipit iyon sa tenga nito.
Maganda pa rin itong tingnan kahit medyo pawisan at magulo ang buhok nito. “Ah, I need to go,” wika niya rito. “Maiwan muna kita.”
“Saan ka pupunta, sir?”
“Kailangan bang sabihin ko sa'yo?” Bahagyang nagsalubong ang kilay niya.
“Joke lang. Sige ingat ka, sir. Take care.”
Hindi niya alam kung bakit bigla siyang napangiti pagtalikod niya.
“ANG tagal naman niyang dumating,” bulong ni Carrie sa kanyang sarili. Kanina pa kasi niya hinihintay ang pagdating ni Alexis. Kung tutuusin ay pwede naman na siyang umuwi kahit wala pa ito. Pero siyempre, gusto niya pa ring makita at makapagpaalam dito bago siya umuwi.
Sa wakas ay narinig na niya ang pagbukas ng pinto. Agad siyang tumayo sa sofa para salubungin ito. Subalit napahinto siya nang makita niyang hindi lang nag-iisa ang lalaki. May kasama itong babae.
“Carrie, bakit nandito ka pa?” kunot-noong tiningnan siya ng binata.
“Hinihintay lang kita, sir.”
Tinapunan siya ng tingin ng babaeng kasama nito. “Darling, who is she?” tanong nito kay Alexis.
“She's Carrie,” wika ng binata. “Dito ka muna, may kukunin lang ako sa kotse.”
“Sure darling, binilisan mo, ah,” sagot rito ng babaeng kasama nito. Pag-alis ng binata ay binalingan siya ng babae. “Ikuha mo nga ako ng juice.”
Gusto niyang suwain ang utos nito pero alam miyang wala siya sa posisyon para gawin iyon. Kaya nagpunta na lang siya sa kusina para ipagtimpla ng juice ang bruhang babae. “Akala mo kung sinong maganda. Eh, ‘di hamak namang mas maganda ako sa kanya kahit ganito ang ayos ko,” naiinis na bulong niya sa sarili. Pagbalik niya sa sala ay malakas na tumikhim siya. “Heto na ang juice mo.” Inilapag niya iyon sa center table.
Nagsalubong ang kilay ng babae. “Bakit orange juice? Ang gusto ko pineapple juice.”
“Wala ka namang sinabi na pineapple juice pala ang gusto mo,” nagtitimping saad niya. Nakakairita. Akala mo kung sinong makaasta. Mabuti nga at hindi niya nilagyan ng lason ang inumin nito.
Kinuha nito ang baso at ininom ang juice. Lihim siyang napaismid. Ang arte. Iinom din pala.
Matalim na tiningnan siya nito. “Ano ba'ng klaseng katulong ka? Bakit ganito ang juice na tinimpla mo? Ang tamis-tamis.”
Pilit niyang pinakalma ang sarili kahit gustong-gusto na niyang itong sagutin. “Pasensya ka na, ma'am. Hindi ko alam na may diabetes ka pala.” Nagpaskil siya ng pekeng ngiti sa mga labi.
“What did you say?” maarteng sambit nito. Kinuha nito ang baso ng juice at inabot sa kanya. “Here. Inumin mo iyan nang malaman mo kung ano'ng sinasabi ko.”
Kinuha niya iyon mula rito pero sa halip na sundin ito ay inilapag niya lang ulit ang baso sa mesa. “I'm sorry. Hindi kasi ako umiinom nang ininuman na ng iba.” Baka kung ano pang sakit ang makuha niya mula rito.
Akmang susugurin na siya nito nang biglang dumating si Alexis. “What's happening here? Angel?”
At Angel pala ang pangalan ng bruhang babaeng ito. Hindi bagay. Dahil kabaligtaran nang pangalan nito ang ugali nito.
Kumapit ang malademonyang babae sa braso ni Alexis. “Saan mo ba napulot iyang maid na iyan Alexis? She's so stupid. Simpleng pagtitimpla lang ng juice, hindi pa magawa.”
“Shut up, Angel,” saway dito ng binata. Pagkatapos ay siya naman ang binalingan ni Alexis. “Sorry sa sinabi ni Angel.”
“Bakit ka nag so-sorry sa kanya?” sabad ni Angel habang puno ng disgust ang mukhang nakatingin sa kanya.
“I said shut up Angel,” salubong ang kilay na wika ng lalaki kay Angel. Agad namang tumahimik ang atribidang babae.
“Sige, sir aalis na ako.” Paalam niya sa binata. Hindi na kasi niya magawang tagalan pa ang pagmumukha ng Angel na iyon.
Tinanguan siya ng binata.
Paglabas niya ng condo unit nito ay doon niya inilabas ang naipong inis sa dibdib niya. “That b***h!” paghihimutok niya sa sarili. “Ang yabang makaasta. Pasalamat siya ngayon ko siya nakaharap sa ganitong ayos. Dahil kung hindi, naku humanda siya sa'kin.” Nakaramdam din siya ng pagkainis kay Alexis. Bakit pa kasi dinala nito ang babaeng iyon sa condo unit nito. At ang pangit ng taste nito sa babae, ah. Pipili na nga lang iyong demonyita pa. Ano ba ang nakita ni Alexis sa lintik na Angel na iyon? ‘Di hamak namang mas maganda, mas seksi at mas mabait siya sa babaeng iyon.
Hanggang sa makarating siya sa bahay nila ay hindi pa rin nawawala ang inis niya.
“Bakit ngayon ka lang?”
Tipid na nginitian niya ang kanyang ate Celine. Naabutan niya itong nakaupo sa sala at mukhang hinihintay talaga siya. She was her only sister. Limang taon ang tanda nito sa kanya. “May ginawa lang ako.” Ito na lang ang kasama niya sa bahay ngayon bukod pa sa mga katulong. Nauna na kasing umalis ng bansa ang mga magulang nila. “Alam mo na, sinusulit ko na ang oras habang nandito pa tayo.”
“Eh, bakit ganyan ang suot mo? Huwag mong sabihing cosplayer ka na ngayon?” nagtatakang tanong nito habang matamang nakatingin sa kanya.
Tiningnan niya ang sarili. Suot pa rin niya hanggang ngayon ang maids uniform. Nakalimutan niyang magpalit ng damit dahil sa sobrang pagkayamot. “Napagkatuwaan lang. Bagay naman di ba?” Wala kasing alam ang ate niya tungkol sa pagiging maid niya. Hindi niya pwedeng sabihin iyon dito dahil alam niyang mapapagalitan lang siya nito. May pagka-strict kasi ito.
“Sige na. Magpalit ka na. Ikaw, ah. Baka may ginagawa ka nang kalokohan na hindi ko alam.”
Nag-pout siya. “Ate naman. Siyempre wala 'no.”