4

904 Words
LUIZ’s POV “Luto na ang pansit.” Wika ni Flora na galing sa kusina. Hinubad na niya ang suot niyang blazer at naka-sleeveless na blouse na lang siya. “Nakakahiya naman po sa inyo, Ma’am. Kayo pa po ang nagluto.” Nahihiyang sagot ni Kuya Marlon. “Tinulungan ko lang po si Jessica. Siya pa rin po ang nagluto. Mukhang sanay na sanay siya sa pagluluto kaya hindi ko na po pinakialaman.” Lumapit siya sa tabi ko at hinawakan ako sa balikat. Hinayaan ko lang. Hawak lang naman at wala naman siyang ibang ginawa. “Kaya mo ba Kuya na pumunta sa kusina?” tanong ko kay Kuya Marlon. “Kaya pa. Nakakalakad pa ako, mabagal nga lang.” Pilit siyang tumawa. Alam ko na nahihirapan siya pero gusto niyang pagaanin ang mabigat kong pakiramdam kanina noong nagpapaalam siya. Hindi ko napigilang umiyak kanina. Mabuti at okay na ako pagbalik ni Flora. Inalalayan ko si Kuya Marlon. Pinauna ko na si Flora para hindi rin kami magsiksikan sa daan. “Girlfriend mo?” Ngayon lang natanong ni Kuya Marlon. Umiling ako. Dahil iyon naman ang katotohanan. Wala kaming relasyon ni Flora. Puwedeng nagkakasundo kami sa ilang bagay. Nagiging mahina lang naman ako kapag nakainom. Pero sa ganitong sitwasyon, malinaw ang aking isipan at malinaw rin na pareho kaming walang obligasyon sa isa’t isa. Puwedeng sabihin pa na magkaibigan kaming dalawa. “Ang bango naman ng pagkain natin. Amoy agad pagpasok pa lang.” Sabi ni Kuya Marlon. Abala pa si Jessica sa paghahain. Dalagang-dalaga na pala ang dating nakikita ko lang na musmos na batang naglalaro sa labasan. “Sana magustuhan ninyo ang luto ko. Si Kuya Marlon, sanay na. Wala lang choice kaya hindi maka-angal.” Sabi ni Jessica. Masaya siya. “Bakit ako aangal? Napaka-suwerte ko dahil ikaw ang kapatid ko. Inaalagaan mo ako at wala akong naririnig sa ‘yo na napapagod ka na.” Kahit hirap magsalita si Kuya Marlon, itinuloy pa rin niya. Namula ang mga mata ni Jessica. Nagkatinginan kami dahil biglang umiyak din si Kuya Marlon. Kakahatid ko lang sa kaniya sa upuan niya. “S-salamat sa inyo. Sa pagpunta ninyo. Masaya ako na may kasama kaming magkapatid ngayon. Gusto kong magpasalamat sa Maykapal dahil nagising pa ako ngayong araw.” Madamdaming sambit ni Kuya Marlon. “Bless the food na po natin para makakain na po tayo.” Siya rin ang nagdasal para sa biyaya na nasa harapan namin. Sabay-sabay naman kaming sumagot. “Pagpasensyahan na po ninyo. Pansit lang at may tira kaming pritong isda kaninang tanghali. Ininit ko na rin po. May kanin din po.” Nahihiya si Jessica. “Ano ka ba? Kumakain kami nito.” Aniya ni Flora. “Luiz, naaalala mo ba noon?” tawag sa akin ni Kuya Marlon. May naalala nga ako. “Inuulam natin ang pansit sa kanin. Toyo at kalamansi lang pambahog, busog na busog tayo.” Hindi ko rin makakalimutan iyon. Mga panahon na pareho kaming nagtitipid ni Kuya Marlon. Hati pa kami sa isang order ng pansit pero tatlong takal kami ng kanin. “Masarap naman po. Si Kuya Marlon din po ang nagturo sa akin na puwedeng ulamin ang pansit. Ma’am Flora, try po ninyo. Heto po ang toyo at kalamansi.” Alok ni Jessica. “Ay, may nakalimutan po pala tayo. Hindi pa po natin nakantahan si Kuya ng happy birthday. Kuya Luiz, bubuksan ko na po ang cake?” nagpaalam pa siya sa akin. Medyo napatulala pa ako pagtawag niya sa akin. Mabilis din niyang binawi ang tingin niya. “A, Oo. Oo naman. Para rito talaga iyan. Hindi mo na kailangan pang magpaalam.” Sagot ko na lang sa kaniya. Sana hindi niya napansin ang pagiging awkward ko. Kumanta kaming tatlo. Kahit hindi kagandahan ang boses ko, kumanta ako dahil iyon ang gusto kong maramdaman ni Kuya Marlon. Ang maging masaya siya sa araw na ito. “Make a wish,” sabi ni Flora. Lumapit si Jessica sa kabilang gilid ni Kuya Marlon. Para hipan ang cake. “Magandang kuhaan ng picture. Kunan ko kayong tatlo.” Sabi ni Flora. “Kaya lang low batt ang phone ko. Sa phone mo na lang, Luiz.” Oo nga para may alaala para sa araw na ito. Iniabot ko ang phone ko na inihanda ko na nakabukas ang camera bago ko iabot kay Flora. Umakbay pa sa akin si Kuya Marlon at saka pumikit para mag-wish. Matagal at halatang mayroon talaga siyang gustong sabihin sa Maykapal. Hindi ko alam kung ilang picture ang nagawa ni Flora. “Ang gandang tingnan ng picture ninyo,” sabi pa ni Flora. Iniabot niya sa akin ang phone ko. “Puwede bang makita ang picture natin?” “Sure po. Ito Kuya.” Inilapit ko sa kaniya ang phone ko at ako ang nagpipat-lipat. Nakangiti kami pero may mababanaag na lungkot. Nakaakbay pa si Kuya Marlon sa aming dalawa ni Jessica habang nagwi-wish siya dahil nakapikit siya at nasa harapan niya ang cake. “Ano po ang wish mo, Kuya Marlon?” tanong ni Flora. “Ang mapaayos ang buhay ni Jessica.” Nakangiting sambit niya pero may luhang kumawala sa kaniyang mga mata. “Kumain na po tayo para hindi po sila gabihin.” Pag-iiba ni Jessica sa usapan. Halatang apektado rin siya ng mga kaganapan. Alam kaya niya ang sinabi ni Kuya Marlon sa akin? O narinig na niya ang usapan namin kanina?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD