LUIZ’s POV
Kailangan kong dumaan sa bahay nina Kuya Marlon. Birthday niya ngayon. Hindi ko siya mapahindian dahil siya ang isa sa tumulong sa akin para marating ko kung ano man ako ngayon.
Hindi ako mayaman. Pero may mga ipon na rin ako. Hanggang ngayon, matipid ako. Binibili ko lang kung ano ang kailangan ko.
Nag-iipon ako para magkaroon ako ng sarili kong bahay. Malaki rin ang nauubos ko sa renta. Kailangan ko rin naman magbyahe papunta sa unibersidad. Kaya noong in-offer ni Kuya Marlon ang sasakyan niya na nabili niya ng second hand, binili ko. Kailangan niya para sa pagpapagamot niya.
Sabi nga noon ni Boss Mike, walang imposible sa taong may pangarap.
Kahit si Kuya Marlon, naging matagumpay rin siya sa buhay noon. Isa siya sa mga taong tumulong sa akin noong nagsisimula pa lang ako.
Bumukas ang pinto ng faculty room ko nang walang katok. Nandito pa ako sa campus.
Nilingon ko kung sino ang pumasok – si Briannah. Ang estudyante ko noon. Graduating na siya.
“Hindi mo sinasagot ang tawag ko, Prof,” sabi niya. Papalapit na siya sa akin.
“Busy ako.”
“Busy saan? Sa pambabae? Nakarating sa akin na may kasama ka sa loob ng sasakyan mong babae. Isang propesor din dito. May iba na ba, Luiz? Ayaw mo na ba sa akin?”
Tiningnan ko lang siya at umiling ako.
Siya lang naman ang naglagay ng label sa kung ano ang mga nangyari sa amin. Siya lang ang nagsabi na boyfriend niya ako. Hindi nga lang niya puwedeng ipagkalat dahil puwede siyang hindi maka-graduate at ako, puwedeng matanggal.
Kahit sa pangungulit niya, hindi ko na inulit ang naganap sa amin. Hinahanap-hanap ko iyon pero hindi na sa kaniya. Ayaw kong mapahamak.
“Alam mo ang kasagutan sa mga katanungan mo, Miss Villa. Hindi ko obligasyon na sumagot sa text mo.”
Wala siyang ebidensiya na may relasyon kaming dalawa. Dahil hindi ko kailanman sinagot ang text niya. Siya ang gumagawa ng paraan para makasakay siya sa sasakyan ko. Pumupunta siya sa party na ina-attend-an ko. At saka mag-aabang sa labas para makasabay sa akin.
Takot akong mahuli. Hindi ako puwedeng mapatalsik dahil lang sa mga maling gawain.
Gusto ko ang propesyon ko, kaya hindi ko hahayaan na ang tulad lang ni Briannah ang sisira.
Hindi ko na siya pinakialaman pa.
Ang halik at paghawak ko sa katawan niya ay puwedeng mawala kapag pinaliguan.
“Saan ka pupunta?” Kinuha ko na ang gamit ko at naiwan na siya.
Hindi ako sumagot at naglakad lang ako nang mabilis. Wala akong oras para sa pangungulit niya.
Hindi kami bagay na dalawa. Alam kong hindi ako para sa mga babaeng sanay sa mamahaling buhay. Sanay ako sa hirap. Kaya kong magtiis. Kaya hindi ako kukuha ng babae na hindi kayang makuntento sa kung ano lang ang mayroon ako.
“Hi, Luiz! Akala ko nakaalis ka na. Puwede ba akong makisabay?” Si Flora, ang babaeng tinutukoy ni Briannah. Hindi bawal sa aming mga Propesor na magkaroon ng relasyon basta walang sabit pareho.
Nagkita kami rito sa hallway.
“Hello! Nagmamadali ka ba? Birthday kasi ng kaibigan ko. Pupunta ako sa kanila.”
“Hindi naman. Puwede naman kitang samahan kung iyon ang nais mo.” Nakangiti niyang wika.
Walang malinaw sa aming dalawa ni Flora. Nagsimula lang din ang ganito sa amin noong makagaling kami sa isang handaan. Binabati niya ako at minsan ay naisasabay ko siya sa pag-uwi. Walang label. Puwedeng sabihin lang na kinikilala pa namin ang isa’t isa. Hindi nagkakalayo ang edad naming dalawa.
Pareho kaming nasa early 30’s na. Mas matanda lang ako ng dalawa o tatlong taon. Hindi ako sigurado. Siya lang natanong sa akin minsan.
Wala naman nagaganap kung hindi ako naka-inom. Kahit kiss ay wala.
Pinagbuksan ko siya ng pinto. Kahit luma ang kotse, okay naman ang makina. Maganda pa ang tunog.
Dumaan muna kami sa tindahan ng mga cake. Kahit walang handa, basta may ma-i-blow siya na cake. Si Kuya Marlon din ang nagsabi sa akin ng tungkol doon.
“Kamag-anak mo siya?” tanong ni Flora. Hindi naman ako nagkukwento sa kaniya ng nakaraan ko.
Kung may tanong sila, iyon lang ang sasagutin ko. Hindi ako mausap na tao.
“Kaibigan. Parang kapamilya na rin.”
Tumango lang siya.
“May inuman ba?” tanong niya sa akin.
“Wala. May sakit si Kuya Marlon at naggagamot siya. Gusto lang niya akong makita. Noong nakaraan pa siya nag-message. Hindi naman ako makapunta dahil may tutorial ako.”
Malapit na kami sa bahay ni Kuya Marlon.
At pagdating namin sa tapat lang ng kanilang bahay ko ipinarada ang kotse.
Tama nga ako. Walang handaan. Tahimik ang bahay.
Dati, hindi ganito rito.
“Tara, baka nagpapahinga si Kuya Marlon. Bukas naman ang gate, pumasok na tayo.” Yaya ko kay Flora.
Kasunod ko siya. Nasa isang kamay ko ang cake na binili namin.
“Kuya Marlon,” tawag ko. Bukas ang pinto kaya may tao.
“Luiz, ikaw ba ‘yan?” narinig ko ang boses na nagmumula sa loob.
Ibang-iba na ang bahay niya.
Maingay dahil sa anak ni Kuya Marlon.
Pero wala na sila ngayon. Umalis ang asawa niya noong nagkasakit siya.
“Ako nga po, Kuya Marlon. Papasok na po kami.” Nilingon ko si Flora at pinauna ko siyang makapasok.
“May kasama ka?”
“Mayroon, Kuya. Kasamahan ko sa school, si Flora.” Nakalapit na kami kay Kuya Marlon.
Nasa tumba-tumba siya nakaupo.
“Happy birthday po,” bati ni Flora sa kaniya.
“Thank you, Ma’am.” Pilit na ngumiti si Kuya Marlon kahit nababasa na ang kalungkutan sa kaniyang mga mata.
“Happy birthday, Kuya. Pagpasensyahan mo na itong dala ko sa ‘yo.” Ipinakita ko lang ang box at ipinatong ko sa mesa.
“Salamat, Luiz. Hindi ka nakakalimot. Lumabas lang si Jessica. Kararating lang niya galing sa school. Magluluto raw siya ng pansit. Hintayin na ninyo at wala naman kaming ibang kasama rito. Kami lang ng bunso kong kapatid.” Para kay Flora ang ibang impormasyon na sinasabi ni Kuya Marlon.
Ang bunso niyang kapatid na si Jessica ang kasama niya rito.
“Saan po nag-aaral ang inyong kapatid?” tanong ni Flora. Hinahayaan ko lang silang mag-usap.
Kinuha ko ang sobre na inihanda ko para kay Kuya Marlon.
“Dyan lang sa public school sa malapit lang dito. Pero sa university kung saan kayo nagtuturo siya papasok. Luiz, nakapasa si Jessica sa entrance exam.” May pagmamalaki sa boses ni Kuya Marlon.
“Wow, ang galing naman niya.” Puri pa ni Flora.
“Mabuti kung ganoon.” Iyon lang ang nasabi ko. “Kuya, ito pala ang pa-birthday ko sa ‘yo.”
Naiyak pa si Kuya Marlon dahil sa inabot kong pera.
“Kuya, nandito na po ba si Kuya Luiz?” narinig ko ang boses ni Jessica.
Pag-angat ko ng mukha, nagkatinginan kami. Agad naman niyang binawi ang tingin niya sa akin.
“Oo, bunso. May dalang cake sila. At sabi ko magluluto ka ng pansit kaya lutuin mo agad para makakain sila at may kasama tayong kumain.”
“Good afternoon po.” Sabi ni Jessica at kinuha niya ang cake sa pinagpatungan ko.
“Gusto mong tulungan kita, Jessica?” Offer ni Flora.
“Hindi na po, Ma’am. Madali lang po ito.”
“Baka maging estudyante pala kita kung sa university ka papasok. Congrats, nakapasa ka raw sabi ni Kuya Marlon.” Kung papakinggan si Flora, parang kilala na niya nang matagal na panahon si Kuya Marlon.
“Talaga po? Sana nga po, Ma’am. Magluluto lang po ako para makakain po tayo.” Nagpaalam na si Jessica.
Tahimik lang siya tuwing dumadalaw ako rito. Nakita ko rin ang paglaki niya.
Siya lang ang naiwan kay Kuya Marlon.
“Kuya Marlon, kung okay lang po sa inyo, tutulungan ko lang po si Jessica.” Paalam ni Flora.
“Kayo po, Ma’am. Kung hindi po nakakahiya.”
“Wala po iyon. Kaibigan po kayo ni Luiz, kaya kaibigan ko na rin po kayo.” Tumingin pa siya sa akin bago siya tumayo.
Sinundan niya si Jessica sa kusina.
“Luiz, puwede ka bang lumapit dito. Baka marinig tayo ni Jessica.”
Lumipat ako ng upuan na mas malapit kay Kuya Marlon.
“Luiz, nararamdaman kong hindi na magtatagal pa ang buhay ko –“
Pinutol ko ang pagsasalita niya.
“Kuya, huwag kang magsalita ng ganiyan.” Nalungkot ako.
“Luiz, iyon ang katotohanan. Kahit ayaw ko pang mamatay, mangyayari at mangyayari iyon dahil pahina nang pahina ang aking katawan. May nais lang akong gustong ipakiusap sa iyo. Baka puwede mong isama si Jessica sa bahay mo. Gusto niyang makatapos. Kahit gawin mo siyang katulong. Hindi mo na kailangan pang magpa-laundry. Siya na lang. Taga-linis at taga-luto. Marunong siya sa gawaing bahay.” Hinayaan ko lang si Kuya Marlon na magsalita.
“Luiz, sana pagbigyan mo ang kahilingan ko. Wala akong ibang puwedeng pagkatiwalaan para hindi mapariwara ang buhay ng kapatid ko.” Inabot ni Kuya Marlon ang kamay ko.
Pinisil niya ang kamay ko. Napababa ang tingin ko. Wala akong naisagot kundi ang pagtango.
Kung ito ang kaniyang huling kahilingan para lang siya mapanatag, tumango ako nang paulit-ulit. Wala na akong nasabi dahil kapag magsasalita ako, baka mapahagulhol ako.
Pakiramdam ko, nagpapaalam na siya.