2

1513 Words
Ako si Professor Luiz Murillo. Isang guro sa isang unibersidad sa Manila. Naninirahan akong mag-isa sa aking apartment. Ang aking Inay ay nasa probinsiya ng Bicol. Doon siya nakatira kasama ang stepfather ko at mga kapatid ko sa ina. Wala akong kinilalang ama. Si Regidor na ang tumayong ama ko. Ang taong kinasusuklaman ko. Ang taong dahilan ng lahat ng paghihirap ko. Hindi nga pala siya tao. Mas tamang tawagin siyang demonyo. Hindi ko lang maintindihan si Inay, kung bakit siya nagtitiis sa demonyong iyon? Ilang beses ko na siyang sinubukan na kunin sa poder ng salbaheng lalaking iyon, pero mas pinipili ni Inay ang manatili roon. Marahil, iniisip din niya ang mga kapatid ko. May kapatid ako sa ina, si Luciano. Nasa kolehiyo na siya at tumutulong ako sa kaniyang pag-aaral. Pinapadalhan ko siya ng pera para pandagdag sa kaniyang baon at ibang pangangailangan sa kaniyang pag-aaral. Sa sideline ko, kinukuha ang perang pinantutustos ko sa kaniyang pag-aaral. Hindi nila alam ang lugar na inuupahan ko. Sadya ko itong inililihim. Kung si Inay at Luciano lang ang pupunta sa akin, puwede kong ipaalam sa kanila. Pero hindi puwede habang nabubuhay si Regidor. Mahirap na masundan ako ng demonyong Regidor na iyon. Simula nang umalis ako ay sa pangalan ko na lang tinatawag ang gagong iyon. Wala akong pinagsisihan sa paglisan ko sa Bicol. Sa paglayo ko sa kanila, iyon din ang umpisa ng pagbabago ng aking buhay. Second year high school ako noong lumayas ako sa amin. Iyon din ang pagkakataon na nagtagumpay ako sa paglalayas. Nag-abang ako ng mga truck na pabalik ng Manila. Ito yung mga sasakyan na nag-aangkat ng mga produkto na mula sa Bicol. Habang nakatigil ang isang truck ay inakyat ko ito. Nakita ako ng pahinante at sinigawan ako. Hindi ko masisisi na mapagkamalan ako na isang magnanakaw. Umakyat ako sa sasakyan nila na walang pasabi. Ganoon kasi ang napapanood ko sa pelikula, aakyat lang at magtatago. Hindi ako magaling magtago kaya nahuli agad ako. Nakiusap ako at sinabi ko ang totoo. Na lumayas ako at gusto kong lumayo sa aming bahay. Sa lugar na hindi na ako makikita ni Regidor. Kahit papaano ay may hitsura ako kaya hindi naman nila naisip na masamang tao ako. Pinakita ko ang dala kong bag para patunayan na naglayas ako. Naniwala sa akin si Kuya Marlon kaya pinayagan nila akong sumakay sa kanilang ibinabyaheng truck. Katabi nila ako kaya habang nasa daan ay in-interview nila ako. Nahihilo ako sa byahe, pero wala naman akong magawa kundi ang tiisin ito. May pagkakataon pang tumigil kami dahil kailangan kong sumuka. Hindi ko na kayang pigilan. Sa malapit sa tabing dagat kami tumigil. Sabi ni Kuya Marlon ay bahagi ito ng Atimonan, Quezon. Malayo na ito sa lugar namin. Pero gusto ko pang magpakalayo-layo. Binata pa si Kuya Marlon. Tulad ko siya, may pangarap na makapagtapos ng pag-aaral. Panganay siya at may ilan siyang kapatid na umaasa sa kaniya. “Kung pahinante ang papasukin mo, hindi ka makakapag-aral. Sayang naman kung titigil ka. Mag-kargador ka na lang kapag oras nang uwian mo. Pwede ka pang manuluyan sa baracks. Ipapakilala kita kay boss pagdating natin doon. Mabait naman si boss.” Napaka-positibo ni Kuya Marlon. Pagdating namin sa Manila ay agad akong ipinakilala nito kay Boss Mike. Siya ang namamahala sa palengke ng mga naaangkat na gulay. Maingay at maraming kalalakihan ang nandito sa lugar na pinuntahan agad namin. Akala ko kapag boss, mahirap makaharap, pero hindi pala. Ito agad ang patunay. “Dalawa lang ang gusto ko sa isang trabahador. Masipag at mapagkakatiwalaan.” Diretso siyang nakatingin sa akin. Parang marunong siyang bumasa ng isip ng isang tao. “Boss, pasok po ako diyan. Masipag po ako at mapagkakatiwalaan po. Takot po akong magsinungalin.” Pagsasabi ko ng totoo kay Boss Mike. Iyon naman ang bilin ni Kuya Marlon, magsabi lang ako ng totoo. “Sige, tanggap ka na. Trusted kong tauhan si Marlon kaya naniniwala ako sa kaniya.” Tiningnan din ni Boss Mike si Kuya Marlon na nakangiti. “May malapit ditong paaralan. Mamaya papasamahan kita kay Bentong para malaman kung anong oras ang pasok mo sa paaralan. Kapag public school bawal tumanggi lalo na at mukha kang magaling. Kapag natanggap ka na, doon natin ibabase ang magiging oras mo pagpasok dito.” Makikita na concern talaga siya sa tao. Tama si Kuya Marlon, mabait si Boss Mike. Kaya dapat lang na maging matapat ako sa kaniya. “Salamat po Boss Mike. Hindi po kayo magsisisi sa pagtanggap po sa akin.” Hindi maitatago sa aking mukha ang kasiyahan na dala-dala ko pa hanggang sa paglabas namin sa maliit niyang opisina. “Kumain muna tayo, Luiz.” Narinig kong sabi ni Kuya Marlon. “Pagkatapos nating kumain, saka kayo pumunta sa school. Breaktime rin ng mga teacher.” Alanganin ang pagtango ko dahil magkano lang ang hawak kong pera. “Busog pa po ako.” Sabi ko at tinawanan lang ako ni Kuya Marlon. “Kasasabi mo lang kanina na hindi ka sinungalin. Tumutunog na kaya ang tiyan mo.” Itinuro pa niya ang tiyan ko na muli akong ibinuking. “Ako ang magbabayad.” Hindi na ako tumanggi at sumama na ako kay Kuya Marlon. Pati si Bentong ay isinama rin namin. Pero hindi siya kasali sa libre. Masaya silang kasama. Ibang-iba ang nararamdaman ko ngayon. Pakiramdam ko ay malayang-malaya ako. Kasama ko si Bentong na nagtungo sa malapit na paaralan. May dala akong kopya ng card ko at sabi naman ng naka-usap namin sa paaralan ay school to school na ang ibang kailangang dokumento lalo na at sa public school lang din ako galing sa probinsiya. Tanggap na ako at magsisimula rin ako kinabukasan. Ang saya ko at pang-umaga ang klase na binigay sa akin. Hanggang tanghali lang ang pasok kaya naman sa hapon hanggang gabi ako magkakargador. Iyon naman ang intindi ko sa sinabi sa akin ni Boss Mike. Mabuti at dala ko ang polo ko at pantalon. Pinakita ko naman ito sa kausap namin at pinayagan ako na pansamantala ko munang gamitin. May libreng uniform daw na galing sa local government unit dito. Kaya hindi ko kakailanganing bumili, ganoon din ang mga bag at notebooks. Sinuswerte talaga ako sa araw na ito. Wala akong pinagsisihan sa ginawa kong pag-alis. Ngunit hindi rin maalis sa isipan ko na iniwan ko ang aking ina sa piling ng demonyong iyon. Mag-aaral akong mabuti para makapag-ipon ako ng pera at mahikayat ko si Inay na pumunta na rin sa Manila. Nag-aaral ako tuwing umaga at papasok sa trabaho sa hapon. 2 to 10 ang oras ng aking trabaho. Hindi naman mahirap, may sapat ding oras ang aking pagtulog. Kapag maluwag sa trabaho ay sinasabayan ko nang aral lalo na kapag may exams. Hindi naman ako nahirapan mag-adjust dito sa Manila. Iniipon ko ang kinikita kong pera. Bihira naman akong gumastos dahil madalas ay may nagbibigay rin ng makakain lalo na ang mga tindera na dinideliveran namin. Minsan nga pera pa ang inaabot nila. Tip daw. Lahat ay pinakisamahan ko, ayaw kong may kaaway. Mas masaya kung walang problema sa paligid. Ito ang noon ko pa pinangarap. Malungkot lang dahil hindi ko kasama si Inay sa magandang paligid ko ngayon. Hindi pa rin maalis sa isip ko ang mag-alala para sa aking Ina. Hindi naman sinasaktan ni Regidor si Luciano dahil anak niya iyon. Nakatapos ako ng high school at pinalad na magkaroon pa ng honor kaya naman may scholarship akong nakuha mula sa LGU. Si Boss Mike ang naging guardian ko at siya rin ang nagsabit sa akin ng medalya. Nasa crowd naman sina Kuya Marlon at nag-che-cheer para sa aking tagumpay. Nagpaluto si Boss Mike kaya may kainan sa bahay niya. Wala akong mahihiling kundi ang makasama si Inay dahil siya lang ang kulang at ang kapatid ko. Hindi ko sinayang ang scholarship na nakuha ko. Nagpursige akong mag-aral ng education. Marami akong plano, gusto kong magturo sa mga liblib na lugar, gusto kong maturuan ang mga bata, at mga matatandang hindi pa marunong bumasa at sumulat. Naging flexi time ang pasok ko sa trabaho. Iba ang schedule ko sa MWF at TTHS kaya naman mas lalo ko ring sinisipagan sa trabaho kapag may pasok ako. Para hindi nila ako masilip. Nakukuha ko na ang baon ko sa mga tip ng mga may puwesto rito sa tindahan. Noong grumaduate ako at nalaman nilang may honor ako ay masasaya sila. Ang dami kong natanggap na regalo. Ang pamilya kong naiwan sa probinsiya ay nagkaroon ng maraming kapalit dito. Kaya ngayon na nasa kolehiyo ako ay ganoon pa rin ang suporta nila. Hindi ko akalain na may mga tao pa palang mabubuti ang kalooban. Sadyang masama lang ang ugali ni Regidor. Minsan tuloy napapa-isip ako kung ano ang nagustuhan ni Inay sa kaniya. Kung sinasabi lang sana ni Inay kung nasaan ang aking ama ay baka matulungan ako nito para mailayo ko si Inay. Hindi ko alam kung nasaan siya o kung sino siya? Bakit ba takot si Inay na sabihin sa akin ang tunay na pagkatao ng aking tunay na ama?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD