bc

That First Kiss (Filipino)

book_age16+
256
FOLLOW
1.8K
READ
student
sweet
bxg
like
intro-logo
Blurb

Tiffany doesn't know how a first kiss feels until she meets Dilan. She's in for a real surprise!

Tiffany doesn't know how a first kiss feels until she meets Dilan. She's in for a real surprise!

chap-preview
Free preview
That First Kiss
Marahas na inihagis ni Tiffany sa tubig ang hawak na bato. Doon niya ibinunton ang lahat ng inis. Kung bakit naman kasi sa dinami-rami ng trabaho, pangingisda pa ang napili ng lolo niya. Wala sana siya sa ganoong sitwasyon kung naging haciendero ito. She needs to commune with nature. Iyon ang sinabi ng mama niya bago ito bumalik ng Maynila. Sumimangot siya. Sa dalagang katulad niya na lumaki at nasanay sa buhay sa siyudad, isang malaking sumpa ang manirahan doon, sa liblib na bayan ng lolo niya. Nakababagot. Wala kasi siyang marinig kung 'di ang tunog ng rumaragasang tubig at ang malakas na ingay na likha niyon tuwing sumasalpok sa batuhan. Balewala sa kaniya ang sariwang hangin na dumadampi sa pisngi niya. Kahit nga ang kalangitan na nagsisimula nang mamula dahil sa papalubog na araw ay hindi niya mabigyan ng sapat na pansin. Mas gusto niya ang makukulay na ilaw na nakikita sa isang maunlad na siyudad. Paano nakakayanan ng mga tagaroon ang mamuhay sa ganoong lugar? Walang internet. Mas malaki pa yata ang tiyansa na manalo sa lotto kaysa magkaroon ng maayos na signal. Pati nga sa panonood ng telebisyon, talo pa niya ang matandang may rayuma sa mata sa sobrang labo ng mga palabas. Isang linggo pa ang kailangan niyang tiisin bago matapos ang paghihirap niya. Humugot siya ng malalim na hininga na kaagad din niyang naibuga. Nalukot ang kaniyang ilong dahil sa biglang pagkalat ng masangsang na amoy sa paligid. Luminga-linga siya para hanapin ang pinanggalingan niyon. I swear I'm gonna throw up, sabi niya sa isip. Iyon pa naman ang pinakaayaw niya, ang malangsang amoy ng isda. Napagdesisyunan niyang umalis na lang. Inihagis niya muna ang natitirang bato na inipon niya sa kamay kanina. Akmang tatalikod na siya nang may narinig siyang umaray. Kasunod niyon ang malakas na lagapak na para bang may bagay na nahulog sa tubig. "H-hi! May tao ba r'yan?" nag-aalalang sabi niya. Ilang sandali ang pinalipas niya pero wala pa ring sumagot sa tanong niya. Nagdadalawang isip siya. Hahayaan niya na lang ba ang narinig? Pero paano kung napuruhan niya at ngayon ay wala nang malay kung sino man ang tinamaan niya? Nagmamadali siyang tumakbo sa direksyon ng dagat, sa may naglalakihang bato. Sumampa siya sa unang batong nadaanan niya. Inilibot niya ang paningin nang nasa tuktok na siya. Naglakad siya papunta sa kabilang dulo niyon at doon niya nakita ang hinahanap. Isang lalaki! Nakatayo ito at ang pang-ibabang bahagi lang ng katawan ang nakalublob sa tubig. Nakatungo ito at pabalik-balik na hinahagod nito ang ulo. Hula ni Tiffany, doon tumama ang batong inihagis niya. Tumikhim siya bago niya sinabing, "Okay ka lang ba?" Tumingala ang lalaki. Makikita sa ekspresyon ng mukha nito ang malaking pagkagulat. Hindi nito inaasahan ang biglang pagsulpot niya malapit sa kinaroroonan nito. Napakurap si Tiffany. Ilang beses pumikit-dumilat ang kaniyang mga mata. Ngayon lang siya nakakita ng ganoon kaguwapong nilalang. At sa unang pagkakataon, nagustuhan niya ang epekto ng sinag ng araw. Nagkulay makopa kasi ang kayumangging balat ng lalaki. Sinuyod niya ito ng tingin at napuna niya na may kahabaan ang buhok nito kumpara sa karaniwang gupit ng mga kaklase niya. Medyo makapal ang kilay nito na binagayan ng mga matang tunay na nakabibighani. May pagkaabuhin ang kulay niyon. Bumuka ang bibig ng binata ngunit hindi nito naituloy ang sasabihin nang mapansin nitong humakbang paatras si Tiffany. Naitakip pa ng dalaga ang palad sa kaniyang ilong. Parang gustong bumaliktad ng sikmura niya. Sumabay lang ba sa pagbuka ng bibig ng lalaki ang tumitinding amoy ng paligid? Nahihiyang ngumiti ang lalaki, may halong pagpapaumanhin ang ngiting iyon na para bang ito ang dahilan ng mabahong amoy. Napansin ni Tiffany iyon kaya ibinaba niya ang kamay at inilipat sa baywang. "Ba't nandito ka? Siguro, minamanmanan mo ako, ano? At kaya ka nahulog d'yan dahil sa kasisilip mo sa akin!" "Hindi ka kasi mukhang tagarito. At aaminin ko, nang makita kita, nagandahan kaagad ako sa 'yo." Ewan niya ba kung bakit nagustuhan niya ang narinig. Hindi naman siya nabastusan. Nahimigan niya ang pagiging sincere nito. Pinaliyad niya ang dibdib, lalo tuloy lumitaw ang magandang hugis niyon. "Ano pang hinihintay mo? Ba't 'di ka pa umahon? Kailangan mo ba ng tulong ko?" "Hindi ka na galit? Hindi ka ba natatakot sa 'kin?" "Hindi ka naman mukhang manyak. So to answer your question, hindi ako takot sa 'yo." Nangalay siya sa katatayo. Umupo siya ngunit tiniyak niya na hindi sasawsaw sa tubig ang kaniyang mga paa. Makapal kasi ang lumot sa bahaging iyon ng dagat. Baka mangati siya. "Hindi rin ako galit sa 'yo." "Talaga? Pero ba't parang ang sungit mo kanina?" "Natakot lang ako. Akala ko kasi, napatay na kita." Humalakhak ang kausap niya. Gusto niya ang tunog ng tawa nito. Nakapagpapagaan ng kalooban. Nagdudulot ng kasiyahan. "Sa isang maliit na bato, mapapatay mo ako?" "Nahulog ka, 'di ba?" "Nabigla lang ako, 'di ko kasi inaasahan 'yon." Tumaas ang gilid ng mga labi nito. "Ako nga pala si Dilan. Ikaw, anong pangalan mo?" "Tiffany." "Dito ka na ba titira?" Umiling siya. "Bakasyon lang." Sumulyap siya sa tubig. Hindi masyadong makita ang pang-ibabang bahagi ng katawan ni Dilan. Natatakpan kasi iyon ng lumot. Pero may naaaninag siyang lumalangoy roon na parang malaking isda. "Hindi ka ba nangangati r'yan?" "Hindi, ito kasi ang paborito ko, mga lumot. Saka mga maliliit na isda." Natawa siya. Akala niya ay nagbibiro ang kausap. "Iba rin ang sense of humor mo, ano? Pero kung 'yan ang trip mo, sige lang. Magpakasawa kang lumangoy sa lumot. Sigurado akong mangangati ka pag-ahon mo r'yan." "Sanay na ang balat ko sa ganitong paligid." Dahil sa sinabi ng binata, napadako ang paningin ni Tiffany sa katawan nito. Wala itong pang-itaas na saplot kaya kitang-kita niya ang dibdib at braso nito. Hindi ito gaanong maskulado. Hindi rin naman payat. Sakto lang. Halatang mahilig itong lumangoy o sanay ito sa mabigat na gawain. Maganda kasi ang hulma ng pangangatawan nito. Nahuli niya si Dilan na nakatitig naman sa mga binti niya. Naka-shorts lang siya at kung 'di siya nagkakamali, hangang-hanga ito sa ganda ng nakikita. Talaga namang perpektong matatawag ang hubog ng mga binti at hita niya. Bukod sa maputi, makinis pa iyon. Naglakbay pataas ang paningin ni Dilan hanggang sa magtama ang kanilang mga mata. Naalinsanganan siya. Gumapang ang init mula sa leeg papunta sa kaniyang mukha. Ganoon din ang naramdaman ng binata dahil namula ang tainga nito. Nagkaroon ng patlang sa pag-uusap nila. Nalulon yata nila ang kanilang mga dila. "Uhm... uuwi na ako. Baka hinahanap na ako sa amin." Umakto siyang tatayo na. "P'wede ba kitang makita uli bukas? Parehong lugar, parehong oras." Natuwa siya sa tinuran nito. Manhid lang ang puwedeng tumanggi sa ganoong pakiusap. "Sige, 'yon lang pala. Bukas uli!" Masaya niyang tinunton ang daan pauwi. Sa wakas, may naidulot ding maganda ang bakasyon niyang iyon. Kinabukasan, bumalik si Tiffany sa lugar na kanilang tagpuan. Dumidilim na ang kalangitan ngunit walang Dilan na dumating. Mabigat ang loob na bumalik siya sa bahay ng lolo niya. Ngayon lang siya nakaranas na hindi sinipot ng lalaking ka-date. Bumangon ang inis sa dibdib niya. She hates him. Sa lahat ng ayaw niya ay ang mga lalaking paasa. Nang sumunod na araw, dumating ang pinsan niyang si Melai habang nagkukutkot siya ng dumi sa kuko. Inaya siya nitong pumunta sa palengke, may nahuli raw na taong-isda. Sumingasing ang ilong niya. Palabas lang iyon. Hindi totoong may taong kalahati ng katawan ay isda. Pero mapilit si Melai kaya sa bandang huli, pumayag na siya. Nag-tricycle sila papunta sa palengke. Malayo pa lang, nakita niya na ang mahabang pila. Gusto niyang bumalik pero malakas ang pakiramdam ng pinsan niya. Hinawakan nito ang kaniyang kamay pagbaba nila ng sasakyan. Hinila pa siya nito papunta sa dulo ng linya. Kaagad namang may lumapit sa kanila at hiningi ang bayad, isang daang piso sa isang minutong panonood. "Sayang, hindi tayo ang nakakita sa taong-isda. Marami na sana tayong pera ngayon kung tayo ang unang nakahuli," saad ni Melai. "Bakit? Sa'n ba s'ya nahuli?" "Do'n lang malapit sa 'tin. Kung maaga sanang naglayag sina Tatay kahapon, baka nakita nila 'yan." "Masyado kang nagpapaniwala. Make-believe lang 'yang sirena na 'yan. Magaling lang 'yong gumawa ng costume niya para magmukhang totoo. Kita mo"-ikinumpas niya ang kamay- "bawal hawakan at nasa loob pa siya ng tindahan." "Sabi ng nakahawak sa kaniya, totoo raw." Tinapik nito ang balikat ni Tiffany. "At hindi sirena 'yon. Sireno!" "Merman!" bulalas niya. "P'wede naman palang hawakan. Ba't 'di tayo pumasok sa loob nang makapa rin natin?" Pinandilatan siya ng mata ni Melai. "May tatlong libo ka?" "Three thousand?" Tumaas ang dalawang kilay niya bago siya humalukipkip. "Sounds like a big scam to me!" "Shhh!" Tinakpan ni Melai ang bibig niya. "Hinaan mo ang boses mo. Mamaya, paalisin tayo rito." Minabuti niyang tumahimik na lang. Pinagtitinginan na nga sila ng mga taong nakasunod sa pila. These people are nuts! sabi ni Tiffany sa sarili. Kahit nagdududa siya, nakaramdam din siya ng pananabik na makita iyong merman. Lumalakas kasi ang bulung-bulungan habang papalapit na sila sa tindahan. Nahawa tuloy siya sa reaksyon ng mga tao. Idagdag pa na tanaw na niya mula sa kaniyang kinatatayuan ang kumakawag-kawag na kulay abong buntot ng taong-isda. Umusad ang pila. Pangalawa na si Tiffany sa linya kaya napansin niya ang mga pagbabago sa tindahan. Wala na roon ang mga mannequin na dating nakatayo sa display window. Ipinalit ang bangkang yari sa kahoy. Pinuno ng tubig ang loob niyon at doon inilagay iyong merman. Nakapalibot ang iba't ibang klase ng halaman at may nakasabit ding tarpaulin na may larawan ng dagat at langit. "Ano ba 'yan? Hindi man lang lumingon sa atin," reklamo ng isang babae. Kinatok ng kasama nito ang salamin para makuha ang pansin ng merman. "Hoy! Psst! Tingin dito!" Kumaway pa sila pero hindi umobra iyon. Sabi ng isang kasama nila: "Lugi naman binayad natin. 'Di man lang natin nakita 'yong mukha." Kinakabahan si Tiffany. Pinagpawisan siya nang malamig. Pati nga ang palad niya ay parang binalot sa yelo. Napakalaki kasi ng buntot ng isda at mukha talagang totoo iyon. Maliban sa buntot, likod ng kaliwang balikat pa lang ang nakikita ni Tiffany. Paano kung nakakatakot ang hitsura nito? Baka bangungutin siya! Halos hilain ni Tiffany ang mga paa nang inihakbang niya iyon. Parang may humahawak sa mga binti niya at pinipigilan siyang maglakad. Itinulak siya ni Melai. "Akala ko ba, 'di ka naniniwala? Duwag ka lang pala!" Iniripan niya ang pinsan at pikit-matang lumapit sa tabi ng merman. Idinilat niya ang isang mata pero agad ding bumuka ang kabila nang makilala niya ito. Biglang nanghina ang tuhod niya. Napaluhod siya sa daan at kumapit din ang kaliwang kamay niya sa salamin. "Dilan," mahinang sambit niya. Tila narinig naman siya nito. Sumulyap ito sa kaniya at napaupo pa ito nang tuwid. Inilapit nito ang mukha at idinantay rin nito ang palad sa salamin, sa mismong kinalalagyan ng kamay niya. May tubig na naglandas pababa sa salamin. Naramdaman ni Tiffany ang koneksyon kahit pa may nakapagitan na bagay sa kanilang dalawa. Sumakit ang dibdib niya dahil sa halo-halong emosyon na nasaksihan niya sa mukha ng binata. Tila nangungusap ang mga mata nito. Sorry, hindi ako tumupad sa usapan natin. Wala kang kasalanan. Mas gugustuhin ko pang hindi ko sumipot kaysa makita kang nakakulong at pinagpipiyestahan ng mga tao. Ikinahihiya mo siguro ako, ano? Hindi mo kasi ako kauri. Mas ikinahihiya ko ang mga taong gumawa sa 'yo nito... ang mga taong katulad ko. Hindi na namin inisip na mali ito. May damdamin ka rin katulad namin. Mapait na ngumiti si Dilan. Pinipilit nitong patatagin ang sarili, ngunit sa huli ay bumigay rin ito. Mababasa sa mga mata nito ang kawalan ng pag-asa. Natatakot ako. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa 'kin. Gusto nang tumulo ng mga luha ni Tiffany pero may bagay na unti-unting tumatakip sa mukha ni Dilan. Si Melai iyon. Sumandal uli ang binata sa bangka at ibinaling ang mukha sa kabila. "Ano ba 'yan, Melai! Muntik na akong mangudngod sa 'yo. Buti sana kung naligo ka, eh amoy unan 'yang ulo mo!" "Ano ba kasing mayro'n sa inyo ng sireno na 'yon? Kayong dalawa lang ang nagtitigan nang nagtitigan. Nagbayad din naman ako, ah!" Walang tigil ang reklamo ni Melai hanggang sa makauwi sila ng bahay. Napilitan tuloy ipagtapat ni Tiffany na kilala niya ang binata. Humingi rin siya ng tulong. Tinawag naman ng pinsan niya ang mga kaibigan nito. Muntik nang maglupasay sa iyak si Tiffany nang dumating ang barkada ni Melai. Paano nila ililigtas si Dilan? Sa hitsura pa lang, mukha nang talunan itong tropa ng pinsan niya. Saksakan ng payat iyong lalaking matangkad, si Allan. Iyong isa naman, si Mico, panay ang kamot sa singit. At si Melai, kulang na lang sipain ito at gugulong na itong mag-isa. Gumawa sila ng plano. Bawat isa sa kanila, may gagampanang papel, maliban kay Tiffany. Tinanong niya kung ano ang kaniyang maitutulong. Marahil napansin ng barkada ni Melai na hinahamak niya ang kakayanan nila. Kaya nang sumagot sila ang sabi nila, wala siyang dapat gawin kung 'di ang magpaganda. Dumating ang takdang oras upang iligtas si Dilan. Gabi iyon. Nasa kalsada si Tiffany at hinihintay ang sasakyang may lulan sa binata. Nakakubli sa halamanan ang mga kasabwat niya. Nang makita niya sa 'di kalayuan iyong truck, humarang siya sa daan. Bumaba iyong driver ng truck at ang isa pang kasama nito. Iyon lang ang hinihintay nila. Lumabas si Allan sa pinagtataguan nito at hinablot ang susing nakasaksak sa sasakyan. Nagkunyari naman si Mico na nasa kaniya ang susi. Hindi tuloy malaman kung sino sa kanila ang dapat habulin. Dali-daling kumilos si Melai at tinakbo ang likod ng truck. Nakasunod kaagad dito si Tiffany kaya nasaksihan niya kung gaano kabilis binaklas nito ang lock gamit ang crow bar. Halos himatayin si Tiffany nang mabuksan nila ang pinto. Sumalubong kasi sa kanila ang masangsang na amoy. Nagulat si Dilan nang makita sila pero wala nang panahon para mag-usap. Pinagtulungan nilang buhatin ang binata. Siyempre, siya ay sa gawing itaas. Si Melai naman, sa buntot. Malapit lang ang kalsada sa dagat, nakaayon talaga iyon sa plano. Ganoon pa man, nahirapan sila. Napakabigat ng merman. Parang naupos na kandila si Melai nang makarating sila sa dalampasigan. Pasalampak na umupo ito sa buhangin. Siya naman ay lumangoy at sumunod sa binata. Huminto sila sa paglangoy. Humarap si Dilan sa kaniya at hinawakan siya sa baywang. Kumapit naman siya sa balikat nito. Naramdaman niya ang pagkawag ng buntot nito sa tubig. "Salamat... maraming salamat sa tulong n'yo." "Wala kang dapat ipagpasalamat. Ginawa lang namin ang tama." Sumasakit ang lalamunan niya sa tindi ng pagpipigil na huwag umiyak. This is it. This is goodbye. Nahiling ng dalaga na sana, maliwanag ang buwan. Nakita man lang sana niya nang mabuti ang mukha nito bago sila tuluyang maghiwalay. Hinaplos ni Dilan ang kaniyang pisngi. Napakalapit nito sa kaniya. Tumatama ang hininga nito sa mukha niya hanggang sa maramdaman niyang dumikit ang labi nito sa kaniyang labi. Banayad na sinipsip nito ang ibabang labi niya. Nagpaubaya siya at kusa pa niyang ibinuka ang bibig upang hayaan itong makapasok. It's her first kiss. Hindi niya alam na ganoon pala ang lasa ng halik ni Dilan. Para itong durian. Nakasusulasok ang amoy kapag malayo. Pero nababawasan ang sangsang nito habang papalapit nang papalapit. Bumabango ang amoy nito kapag nasa loob na ng bibig. Gumagapang ang sarap. Kumakapit ang tamis. Nakakaadik! "Hoy, Tiffany! May milagro ba kayong ginagawa? Ba't ang tagal mo? Baka bumalik sila, mahuli pa tayo!" sigaw ni Melai. Kumalas siya kay Dilan. "Paalam," mahinang sambit niya. Pinadaanan naman ng hinlalaki nito ang labi niya. "Magkikita pa tayo." MALAKI ang nabago sa kaniya mula nang pangyayaring iyon. Tingin niya, she matured a lot. Unang araw pa lang ng pasok niya sa school, panay na ang pahaging sa kaniya ng mga kaklase niyang lalaki. Hindi niya pinapansin iyon. They seem like a boy compared to Dilan. Huling subject niya. Nakatungo siya at kinakalikot ang cell phone nang umugong ang paligid. Nagtatakang iniangat niya ang ulo at nagulat siya sa nakita. May lalaking nakatayo sa pintuan at inililibot nito ang paningin. Parang may hinahanap ang mata nito at huminto lang iyon nang makita siya. She feels that the world suddenly stops from turning. It can't be! Malayong si Dilan 'yan. Remember, may buntot 'yon. Ito, wala! sita ng dalaga sa sarili. Umupo ang lalaki sa bakanteng silya sa tabi niya. Hindi niya mapigilan ang sarili. Sininghot niya ito. Ang bango, hindi amoy aligi! Magkaiba sila ng amoy at maikli lang ang buhok nito pero magkahawig talaga! Pati kulay ng mata, kuhang-kuha! sabi ng isip niya. Nahalata siya ng lalaki dahil bahagyang tumawa ito. Napahiya siya. Pumihit siya para likod niya na lang ang nakaharap dito. Naninigas na ang katawan niya. Pinipigilan niya kasi ang sariling sulyapan ang kaklase. Kaya nga kahit na noong inanunsiyo na absent ang titser nila, hindi siya lumilingon. Nakahinga lang siya nang maluwag nang marinig niya ang pagkaluskus ng upuan. Tanda iyon na umalis na ang katabi. "Ay, sirena!" bulalas niya. Akala niya, siya na lang ang natitira sa silid. Tatayo na sana siya para umalis. Nakangising umiling ito. "Lalaki ako." Talagang gulat na gulat siya nang makitang nandoon pa pala ang kaklase. Inayos lang pala nito ang upuan at inanggulong paharap sa kaniya. "A-anong kailangan mo? Ba't ba ginugulat mo ako?" "Tifanny... Tiffany... Sinisid ko ang kaila-ilaliman ng dagat at itinaya ang buhay ko para lang makita ka. Tapos, 'yan ang isasalubong mo sa 'kin?" "Dilan?" Tumango lang ito. "P-pero paano?" Sinulyapan niya ang paa nito. Nakaunawa naman ang binata. May hinugot itong kuwintas sa ilalim ng uniporme nito. "Dahil dito." Tumayo si Tiffany at niyapos niya si Dilan. Tumatawang gumanti rin ng mas mahigpit na yakap ang binata.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Fighting His Love

read
308.1K
bc

The Ransom

read
281.7K
bc

A Gift of Innocence

read
344.8K
bc

Scattered Dreams (Book 4 of the Blue Moon Series)

read
2.6M
bc

The Alpha and the Princess

read
708.3K
bc

Falling For The Alpha

read
353.4K
bc

In The Arms Of The Bad Boy Alpha

read
388.2K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook