“SO, WHAT DO YOU WANT?” tanong ng binata kay Ysay ilang sandali matapos ibigay ng waitress ang menu para sa gabing iyon.
Tinitingnan pa rin niya ang menu pero wala roon ang focus niya. Hindi niya alam kung maiinis o matutuwa dahil ang inakala niyang pupuntahan nilang ‘somewhere’ ay sa tirahan nito o kung saan mang puwedeng mangyari ang dapat mangyari sa kanila. Usually naman kasi ay ganoon diba? Kapag nagyaya ang lalake ay malamang sa malamang, kung saan na ang punta nila. Sa halip ay sa isang kainan siya nito dinala na may live band sa harap. Mas tahimik nga naman doon kumpara sa pinanggalingan nila. Mas makakapag-usap sila doon ng maayos.
Pero hindi iyon ang inaasahan niya. Kanina, nang pumayag siyang sumama kay Miguel ay inihanda na niya ang sarili sa magaganap. Na-advanced ang utak niya at nakarating sa kung saang-saang eksena. Ang kaba at excitement na nararamdaman niya kanina habang nasa daan sila ay naputol ng ihinto nito ang sasakyan sa tapat ng restaurant na iyon. Akala nga niya ay magti-take out lang sila. Subalit niyaya siya ng binatang bumaba ng sasakyan.
Ganoon nalang ang pagkadismaya niya. Hindi niya alam kung para sa lalaki o masyadong expectorin lang talaga siya. Pero hindi niya iyon ipinahalata. Naisip niyang baka wala naman talagang balak gawin ang lalaki sa kanya. Baka isa ito sa mga lalaking matitino at hindi ‘ganoon’ lang ang gusto. Dahil kung talagang may intensiyon ito sa kanyang ganoon ay nasa ibang lugar na sila ngayon.
Feeling mo naman kasi e papatulan ka niya sa naiisip mong paraan. Curious lang siya sa iyo ano? Kantiyaw ng isip niya. Curious ba talaga ito sa kanya to what level at kailangan pa nilang pumunta doon?
Hindi tuloy niya alam kung suwerte siya o malas sa gabing iyon. Suwerte dahil nakatagpo niya ang isang kagaya ni Miguel, na ubod ng guwapo at hindi mapagsamantala. Malas dahil mukhang wala itong balak ipadama sa kanya ang gusto niyang mangyari. Alangan namang bigla nalang niya itong hilahin at dalhin sa kung saan o kaya naman ay sabihin niyang gusto niyang may mangyari sa kanila. Siyempre ay hindi niya iyon kayang gawin at sabihin – nang deretsahan. May hiya pa rin siya sa sarili kahit pa ‘kakaiba’ ang estado ng utak niya ngayon.
Wala rin siyang pakialam sa iisipin nito. Bukod sa hindi nito alam ang tunay niyang pangalan ay hindi na sila magkikita pa kahit kailan pagkatapos ng gabing iyon. Kahit bigla at sa totoo lang ay nagkaroon siya ng pakiramdam na gusto pa niya itong makita at makilala sa mga susunod na araw.
Naisip niyang hindi pa tapos ang gabi. Mahaba pa iyon at marami pang puwedeng mangyari.
“Beer…” sabi niya saka nginitian si Miguel.
Bahagyang nangunot ang noo nito. “Are you sure?”
“A-huh…” nangislap ang mga mata niya. Sure na sure! Hindi ko palalampasin ang gabing ito nang… hindi niya maituloy ang sasabihin kahit sa sarili. Masyado iyong malaswa.
“Okay.” Anang binata at hinarap ang naghihintay na waitress na mukhang nag-pa-pacute din kay Miguel.
Beer din ang naging order nito at sinamahan ng ilang putahe para sa pulutan nila. Matapos itong mag-order at silang dalawa nalang ay saka siya nito hinarap.
“So…hindi mo ba talaga sasabihin ang pangalan mo?” tanong nito maya-maya.
“Sinabi ko na sa iyo diba?” nangalumbaba siya at hindi binitiwan ng tingin ang mata ng binata. Kahit na sa totoo lang ay nilalakasan lang niya ang loob para salubungin ang tingin nito. Hindi rin niya ugaling makipagtinginan sa isang lalaki ng wala naman itong ugnayan sa kanya kaya ang pakikipagtitigan kay Miguel ay nakaka…torture.
“Yeah. But that’s just the initials. Tell me, what is your real name? O kahit nickname nalang.”
Umiling siya. “Dinala mo ba ako dito para lang pigain ako kung ano talaga ang pangalan ko?”
“Sort of. But this is the first time na nagtanong ako ng pangalan ng isang babae and you kept hiding it to me.”
Tumaas ang kilay niya.
Tumawa si Miguel. “Huwag mo akong tingnan ng ganyan. I didn’t mean anything ---.”
“Hindi iyon ang tingin ko.” Putol niya sa sasabihin nito. “At naiintindihan ko.” Aniyang matamis na ngumiti dito. Kung hindi niya makukuha ito sa maayos na usapan ay papatayin niya ito sa kanyang killer smile. Hindi siya marunong magpa-cute lalo na ang mang-akit. Pero ibibigay niya ang best angle of smile niya para lang dito. At hindi siya nagkamali dahil sa tuwing pakakawalan niya ang nagniningning niyang ngiti ay natitigilan ito. Isa iyon sa asset niya. Kapag ngumiti siya ay nagniningning ang mga mata niya. Hindi iyon praktisado. Genuine lang talaga siyang ngumiti.
“So… sasabihin mo na ang pangalan mo?”
“Hindi pa rin.”
“Why?”
Nagkibit-balikat siya. “Bakit mo pa kailangang malaman ang pangalan ko kung pagkatapos nito e hindi na tayo magkikita ulit?” prangkang sabi niya. “Sa susunod na magkita tayo o mag-krus ang landas natin… well, that is kung mag-ku-krus pa nga ulit ang landas natin, malalaman mo na… ‘yun e kung interesado ka pa.” mahabang pahayag niya.
Nangingiting-napapailing ang binata. “You’re really something… kakaiba…” anitong hindi iniaalis ang tingin sa kanya.
Muli ay matamis niya itong nginitian. “First time mo ulit?”
Tumawa ito. “Yeah…”
Ako rin, maraming first time na ginagawa ngayon. Pipi niyang sagot.
“Well, hindi lang ikaw ang madaming first time sa mga ganitong pagkakataon. Nasa harap mo na ang isa.” Iminuwestra niya ang sarili.
“Interesado ako sa mga first time na ‘yan sa mga susunod na oras.” Anitong nginisihan siya. Feeling niya ay double meaning iyon.
Sumang-ayon ang utak niya. Maya-maya pa ay dumating na ang order nila. Nagsimula silang magkuwentuhan habang umiinom ng beer. Kailangan niya ang tapang ng alcohol sa kanyang katawan. Kailangan niya ng lakas ng loob.
Hindi niya namalayan ang oras dahil kung saan-saan na napunta ang usapan nila ng mga sumunod na sandali. Ni hindi niya namalayang naparami na ang inom niya. Nararamdaman na niya ang pagkaliyo pero kaya pa niya ang sarili at naiintindihan pa niya ang sinasabi ng kausap. Nang makaramdam siya ng panunubig ay nagpaalam siya sa binata na magtutungo sa CR.
Pagtayo niya ay bahagyang umikot ang pakiramdam niya. Na napansin ng binata.
“O-Okay lang ako.” Aniya dito kahit pakiramdam niya ay matutumba siya.
Maagap itong lumapit sa kanya at umalalay. Bahagya nalang niyang nararamdaman ang kanina pa kuryenteng nagmumula dito. “Are you sure? Sasamahan na kita.” Bumakas ang anyo ng pag-aalala sa muka nito.
Ngising lasing ang ginawa niya. Medyo nangangapal na ang mukha niya at pakiramdam niya ay namumula na iyon.
“Tell me, hindi ka sanay uminom?” May paninita sa tinig nito.
Muli ay nginisihan lang niya ito.
Sumeryoso at nagsalubong ang mga kilay nito.
“Okay lang ako Miguel. Maupo ka na diyan.” kumawala siya mula sa pagkakahawak nito sa kanyang braso. Baka hindi niya mapigilan ang sariling timpla e bigla niya itong mahalikan dahil sa paglamon ng espiritu ng alak sa kanyang katawan.
Hindi nagmamadaling tinungo niya ang kinaroroonan ng CR. Dumiretso siya sa isang bakanteng cubicle at nagbawas ng tubig sa katawan. Pagkatapos ay muli siyang lumabas at humarap sa salaming naroon. Kalalabas lang ng huling babae at nag-iisa na siya doon. Tinitigan niya ang sarili sa salamin. Nagkukulay kamatis na ang kanyang mukha.
“Wala siyang planong dalhin ka sa kung saan Ysabella. Nakakilala ka ng napakaguwapong lalaki na inakala mong puwedeng maging prospect mo. Pero mukhang matino siya.” Aniya sa sarili. Mukhang hindi sang-ayon ang tadhana sa plano niya. Dahil isang katulad ni Miguel ang ibinigay sa kanya sa gabing iyon.
Sa buong durasyon ng pag-uusap nila ay hindi niya naramdaman na gusto siyang dalhin ng binata sa kung saan. Maaring interesado ito sa kanya subalit sa ibang paraan. Matanong ito subalit limitado ang mga sinabi niya tungkol sa sarili. Masarap itong kausap. Hanggang sa sumuko ito at kung saan saan nalang dumako ang usapan nila. Hindi rin siya masyadong nagtanong tungkol dito dahil nga sa rason niyang pagkatapos niyon ay hindi naman na sila magkikita kaya para saan ang matinding interogasyon.
Unless, muli silang pagtatagpuin ng tadhana. Ibang usapan iyon.
Sandali pa siyang nanatili sa loob ng CR at muling inayos ang sarili. Bago siya lumabas ay nagpasya siyang tigilan na ang naunang plano. Sa tingin niya ay senyales iyon. Senyales na dapat na niyang tigilan ang kanyang kabaliwan.
Pagbalik niya sa kanilang mesa ay agad na tumayo si Miguel pagkakita sa kanya.
“Are you alright?”
“Ayos lang ako.” Sandali muna niyang kinalma ang sarili pagkaupo bago muling nagsalita. “Kailangan ko nang umalis, Miguel.” Aniya dito.
“Ihahatid na kita.”
Ngising lasing ulit ang ginawa niya dito. “Ihahatid mo ako sa probinsiya?”
Nagtanong ang mga mata nito.
“What I mean is, galing pa akong probinsiya. Doon ako uuwi. Ihahatid mo ako doon?”
Halos magdikit ang mga kilay nito. Hindi alam kung maniniwala o hindi sa pinagsasabi niya.
Tumayo siya ng hindi ito sumagot. “Kitam! Malayo ang uuwian ko. Uuwi na ako.” Sabi niya.
“Wait! Are you serious?” hindi pa rin makapaniwalang sabi nito. “Please tell me kung saan ka talaga nakatira at ihahatid na kita.”
Napangiti siya ng mahimigan ang concern nito. “Seryoso ako. Sa probinsiya pa ako uuwi.” Aniyang tumalikod na pero muling pumihit dito. “Ay nakalimutan ko! Siyanga pala, salamat Miguel sa gabing ito. Na nakilala kita… salamat sa kuwento at sa panlilibre… Till we meet again…. Or not.” Iyon lang at tuluyan na siyang naglakad.
“Not so fast.” Mabilis na nakakilos si Miguel.
Napatingin siya sa kamay nitong nakahawak sa kamay niya.
“Sa tingin mo hahayaan kitang magbiyahe sa ganyang estado mo?”
Naniningkit ang mga matang pinukulan niya ito ng tingin.
“Nahihilo na ako Miguel. Gusto ko nang umuwi. Inaantok na ako.” Sa halip ay sabi niya. “Kung concern ka talaga, pakitawag nalang ako ng taxi please. Magpapahatid ako sa terminal.”
Tinitigan siya nito at tila nananantiya. Nang tumango-tango siya saka ito muling nagsalita. “Pati uuwian mo ay ayaw mong sabihin. Then you need to trust me.” Sabi nitong diretsong tumingin sa mga mata niya.
Hindi na siya nakasagot pa. Ah bahala na. Nahihilo na siya. Papikit na ang mata niya. Bahala na si Lord sa gabing iyon sa kanya. Hindi naman siguro siya mapapahamak kung si nasa poder siya ni Miguel. Na-radar na kasi niyang isa itong mabuting tao.
Bago pa tuluyang pumikit ang mga mata niya at mawalan ng malay ay dinig niya ang malakas ng pagtawag ni Miguel sa pangalan niya kasabay ng pagsalo nito sa kanya. Nawalan siya ng malay na may ngiti sa labi.