“ATE!!!!” umalingawngaw sa buong sala ng bahay nila Ysay ang boses ni Tintin. Kunot ang noong nasalubong niya ito sa gitna ng sala. Palabas palang siya sa kanyang kuwarto ng marinig niya ang pagtawag ng kapatid. Agad niya itong sinita.
“Ano ka ba? Ang aga-aga mong sumisigaw. Tulog pa sila mama at papa.” Sita dito ng magtagpo sila sa sala.
Sa halip na sumagot ay pinasadahan siya nito ng tingin. “Sabado ngayon pero nakabihis ka. Saan ang lakad mo?”
“Sa farm.” Maikling sagot niya.
“Sa farm? Pupunta ka sa farm ngayong Sabado? Wala ka namang gagawin doon ngayon ah.”
“Walang araw o oras ang pagpunta ko sa farm. Tsaka bakit ba ang dami mong tanong?” nilampasan niya ito saka nagtungo sa kusina. Pero bago pa siya makahakbang ay pinigilan na siya nito.
“Huwag ka diyan tumuloy. Dumating na ‘yung prince charming mo.” Sabi nitong nangislap ang mga mata.
“Anong prince charming ang pinagsasabi mo diyan?” takang-tanong niya.
“Lumabas ka ng malaman mo.” Anito at hinila siya palabas ng bahay nila.
Pagbukas nila sa main door ay nakita nilang nakatayo roon si Miguel. Akmang kakatok ito pero nabitin sa ere ang kamay sana nitong kakatok.
“Miguel!”
“Hi Ysay. Good morning!” simpatikong bumati ito habang ibinababa ang kamay.
Narinig niya ang pagsinghap ng kapatid sa kanyang tabi.
“Ipakilala mo ako, Ate.” Pabulong na sabi nito sa kanya na palihim niyang siniko.
“M-magandang umaga. A-ang aga mo yata?” tanong niya at hindi pinansin ang kapatid. Nagsimulang magrigodon ang dibdib niya. Base sa nakita niya sa wall clock sa kanilang sala ay pasado alas otso palang.
Napakamot sa ulo ang binata. “Mas maigi na ang maaga keysa ang mahuli.” Sabi nito.
Sabay silang napatingin kay Tintin na malakas na tumikhim. Mukhang hindi na ito nakapaghintay na makilala ang binata.
“Hi. Miguel right? I’m Tintin. Younger sister ni Ate Ysay. Nice meeting you.” Inilahad nito ang kamay sa binata.
Naiikot niya ang mga mata. Sa itsura ng kapatid ay halatang-halata na kinikilig ito. Mukhang nakita na nito ang binata kanina sa labas ng bahay nila kaya kung makatawag sa kanya ay wagas.
Nakangiting inabot iyon ng binata. “Hello Tintin. I’m Miguel.”
“Kaibigan ka ba ng ate ko o manliligaw?” walang pakundangang tanong nito.
“Celestina!” nanlalaki ang mga matang bulalas niya sa kapatid. Kundi ba naman nalintikan ay umiral din ang pagiging prangka nito. Bahagya siyang nagyuko ng mukha para itago ang pagkapahiya.
Pero binalewala iyon ng kapatid. Hindi nito pinansin ng panlakihan niya ito ng mata sa halip ay itinodo nito ang pagngiti sa binata. Nang makabawi ay muli siyang bumaling kay Miguel. Hindi tuloy niya alam kung ngingitian ito o ano. Nahihiya siya sa mga pinagsasabi ng kapatid pero may parte niyang nag-aabang din sa magiging sagot nito. Mukhang naaliw naman ito sa tanong ng kapatid niya.
Tumikhim ang binata. “Kaibigan ko ang ate mo.”
Nadismaya siya ng iyon ang isagot ng binata na dapat ay hindi niya maramdaman. Gusto niyang kutusan ang sarili. Bakit ba umaasa siyang iba ang isasagot nito? E para kasing may extra effort lagi sa kanya ang binata? O sadyang ganoong lang ito dahil siya lang ang kakilala nito sa kanila dahil umalis na ang mga pinsan nila. Gusto rin niyang kutusan ang kapatid dahil nagtanong pa ito. Tuloy ay parang basted ang pakiramdam niya.
Mukhang ayaw pa ring tumigil ni Tintin dahil nagpatuloy pa ito.
“Magkaibigan lang talaga kayo? Wala kang balak na ligawan siya?” nasa tono nito ang pagkadismaya na halatang hindi itinago.
“Celestina! Kapag hindi ka pa tumigil diyan ay hindi ko bibilhin ‘yung pinapabili mo sa akin.” Nagbabanta na ang tingin niya dito.
Sinimangutan siya ni Tintin pero nginitian nito ang binata bago ito umalis sa tabi niya. Sinundan niya ito ng tingin. Nagsalita pa ito ng nasa sala na. “Papasukin mo ‘yang bisita mo! Huwag kayo diyan sa pintuan mag-usap. Masama!” iyon lang at tuluyan na nitong tinungo ang kusina.
Saka lang niya naalalang nasa pintuan nga pala sila. “P-pasensiya ka na. Pasok ka.” Anyaya niya sa binata.
Pumasok si Miguel.
“Pasensiya ka na sa kapatid ko ha. Paminsa-minsan talaga kung ano-ano nalang ang lumalabas sa bibig ‘nun eh.” Aniya dito habang naglalakad sila.
“No worries. Gusto ko ang kapatid mo. Mukhang masayahin din na katulad mo.” Anito habang iginagala ang tingin sa loob ng kanilang bahay. “So, you live here with your parents?” dagdag tanong nito.
“Yeah. Tulog pa sila mama at papa eh” Sagot niya.
Iginiya niya ito sa sala at pinaupo.
“Ang akala ko ay maya-maya ka pa dadating.” Aniya dito ng pareho na silang makaupo.
Ngumiti ang binata. “Pasensiya ka na kung napaaga ako. Na-excite kasi ako sa isiping isasama mo ako. I really wanted to see your farm. Ano palang pangalan ng farm mo?”
“Flora Ysay. Para madaling tandaan.” Proud niyang sagot.
“Alukin mo ng agahan! Ano ka ba naman!” Malakas nilang narinig ang boses ni Tintin na nagmumula sa kusina.
Napangiwi siya. Gusto niyang mahiya sa iniaasal ng kapatid. “P-pasensiya ka na talaga sa kapatid ko ha. May pagkaluka-luka kasi yun. Kumain ka na ba?”
Tumango ang binata. “Oo. Pero kung aalukin mo ako ng kape ay hindi ako tatanggi.”
Saka lang niya nagawang ngumiti dito ng maayos. “O-okay. Tara sa kusina. Kumain muna tayo bago tayo dumiretso sa farm.”
“I’d like that.” Tugon ng binata. Sabay na silang tumayo.
Pagdating nila sa kusina ay hindi nakaligtas sa kanya ang mapanuksong tingin ni Tintin. Pinipigil niya ang sariling singhalan ito dahil kung ano-ano ang sinasabi nito kay Miguel. Pero sa loob-loob niya ay kinikilig din naman talaga siya sa presensiya ng binata.
Nakahanda na ang hapag paglapit niya.
“Kain, Kuya Mig. Feel at home ka lang ha. Huwag kang mahihiya sa amin ni Ate. Dapat ay masanay ka na dahil sigurado akong babalik ka dito, diba?” ani Tintin sa binata ng pare-pareho na silang makaupo.
Nasa magkabilang panig sila ng mesa nakaupo. Magkatapat sila ni Tintin habang si Miguel ay sa tabi niya umupo.
“Absolutely! Iyan ay kung hahayaan ako ng Ate mong bumalik dito.” Mabilis na sagot ng binata.
“Of course! Bakit naman hindi? Diba, Ate?” binalingan siya ng kapatid na prenteng sumusubo ng pandesal.
Lihim siyang napailing-iling. Gusto na niyang hilahin ang kapatid at ikulong sa kuwarto nito. Ano bang meron sa umagang iyon at tinamaan ng kalokohan ang babaeng ito? Sigurado niyang nagfi-feeling cupid ito sa pagitan nilang dalawa ni Miguel. At Kuya na agad ang tawag nito ha. Kuya Mig pa. Nagkaroon agad ng nickname ang binata sa kanyang magaling na kapatid!
Kung sa ibang pagkakataon ay papatulan niya ang mga pinagsasabi ng kanyang kapatid. Pero dahil she’s bound to be old maid ay hindi niya ito sasakyan. Hindi na uubra sa kanya ngayon ang mga ganitong atake ng lalaki. At kung magkaroon man siya ng damdamin sa binata ay gagawin niya ang lahat mapigilan lamang ang damdamin na iyon.
Masyadong guwapo si Miguel. Mayaman. Ubod ng bait. Isa itong perpektong lalaki na maaaring kursunadahin ng maraming babae sa mundo. At ayaw niyang sumakit ang ulo dahil sa mga babaeng iyon. Lalong-lalo na ayaw niyang masaktan. Kapag pinagsawaan siya nito ay tapos nanama siya. Ayaw na niyang umiyak. Nangako na siya sa sariling hindi na siya iiyak dahil sa isang lalaki. At ang lalaking kagaya ni Miguel Monzon ay sakit sa ulo. Kahit gaano pa ito kabait. At kahit gaano pa siya kinikilig dito.
“Kumain nalang tayo dahil nagugutom na ako.” Sa halip ay sagot niya sa tanong ng kapatid.
Napasipol si Tintin ng ipatimpla niya ng kape ang binata. Hindi na niya ito tiningnan. Walang ibig sabihin ang pagtitimpla niya para kay Miguel. It’s just an act of kindness sabi nga nila.
“Thank you, Ysay.” Anang binata ng iabot niya dito ang kape.
“Kain na.” sabi niya.
Nagsisimula na silang kumain ng madatnan sila ng mama at papa niya sa hapag. Ipinakilala niya si Miguel sa mga ito at magalang namang bumati ang binata. Mukhang nagkaisa ang kanyang pamilya ng mga sumunod na sandali dahil maliwanag na maliwanag pa sa sikat ng araw na inirereto sa kanya ang binata. Tila game naman si Miguel at galak na galak na sumagot sa tanong ng mga ito. Ang oras na dapat nilang pagpunta sa farm ay naudlot. Inanyayahan din ito ng kanyang mga magulang na doon maghapunan pagkagaling nila sa farm.
Pakiramdam niya ay sasakit ang kanyang ulo. Hindi dahil sa kung anupaman kundi dahil wala na talaga yata siyang ligtas para makasama ang binata. Mukhang nagkamali siya ng tanggapin ang pangungulit nitong sumama sa farm kahapon. Hindi dapat niya ito pinapunta sa kanilang bahay. Hindi dapat niya ito pinatuloy at hindi dapat niya ito ipinakilala sa kanyang pamilya. Kailangan na niya itong dispatsahin sa lalong madaling panahon!