Kinabukasan, iba na ang pakiramdam ko pagkagising. Mas magaang. Wala ‘yung usual kaba na lagi kong nararamdaman tuwing papasok ako sa school. Siguro dahil alam kong may kasama na akong pwedeng sandalan kahit papano—si Olivia.
Paglabas ko ng bahay, nandoon na agad ang sasakyan nila, yung black SUV na may tinted windows. Bumaba si Kuya Raul, driver ni Olivia, at binuksan ang pinto.
“Good morning po, Ma’am Louise,” nakangiti niyang bati.
Medyo napangiti rin ako, di sanay na tawagin ng “Ma’am”.
“Morning din po, Kuya,” sagot ko habang sumasakay.
Nandoon na si Olivia, busy sa pag-scroll ng phone niya pero nang makita ako, ngumiti siya.
“Good morning,” bati niya.
“Morning,” sagot ko. “Thanks for the ride ulit.”
“Walang anuman. Wala namang problema sakin ‘yun,” sagot niya sabay balik sa phone.
Tahimik lang kami habang papunta sa school, pero hindi ‘yung nakaka-ilang na katahimikan. Masarap lang sa feeling na may kasama, na may karamay. Medyo nakapag-relax ako kahit papano.
Pero pagkapasok namin sa school, akala ko magiging tahimik ang araw ko—nagkamali ako.
Pagkababa pa lang namin ng sasakyan, may nakita na akong nakaabang sa main entrance ng building.
Si Terence.
Napakunot agad noo ko.
“Don’t tell me…” bulong ni Olivia.
Habang lumalapit kami, kitang-kita ko na may hawak siyang bulaklak. Hindi lang basta bulaklak—isang bouquet na mukhang binili lang sa flower shop sa tabi ng school. Hindi ko alam kung ano ‘to… pagbati ba o panibagong biro.
“Louise!” tawag niya. Napahinto ako.
“Gusto mong dumiretso na lang tayo?” tanong ni Olivia, pero umiling ako. “Sige, tingnan natin anong kalokohan niya ngayon.”
Paglapit namin, ngumiti si Terence na pilit.
“Look, I’m here to apologize,” bungad niya. “I know na yesterday, sobra na ako. Hindi ko dapat ginawa ‘yun. So… I’m sorry.”
Inabot niya sa akin yung bulaklak. Ako naman, hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis. Ilang beses na ba akong nakarinig ng sorry mula sa kanya? Ilang beses ko nang nakita ‘tong script na ‘to?
Tumingin ako kay Olivia bago bumalik ang tingin ko kay Terence.
“Thanks sa effort,” mahina kong sabi. “Pero I don’t accept apologies from people who hurt me repeatedly.”
Nag-freeze yung ngiti niya. Kita ko agad na na-offend siya. Pero wala akong pakialam. Inilapit pa niya yung bulaklak pero umiling ako.
“No, thank you,” mariin kong sabi.
“Grabe ka naman!” bigla niyang sigaw. “Nag-sorry na nga ako eh, ang arte mo pa rin!”
Dumiretso ang tingin ni Olivia sa kanya. “Uhm… hindi mo ba gets? She said no. Di ba marunong kang umintindi?”
“Bakit ba ikaw ang laging nakikialam, Olivia?” nanlilisik ang mata ni Terence. “Nagsosorry na nga ako, ikaw pa ‘tong nagagalit!”
“Yeah, kasi your ‘sorry’ sounds fake as hell,” matalim na sagot ni Olivia. “Kung sincere ka talaga, hindi ka magpapaawa sa gitna ng hallway na parang may pa-TV drama ka.”
Nagkatinginan ang mga estudyanteng dumadaan, parang nanonood ng teleserye nang live. Kita sa mukha ni Terence na naiirita na pero hindi niya alam paano babawi.
Tinapon niya yung bulaklak sa trash bin sa tabi. “Bahala ka na nga d’yan!” sigaw niya bago tumalikod.
Olivia looked at me, ngumiti ng kaunti. “See? Ganyan talaga yan. Conditional apology. Pag hindi mo tinanggap, ikaw pa masama.”
Napangiti ako ng bahagya. “Thanks sa backup ulit.”
“Alam mo na ‘yan. Ako bahala sayo,” sagot niya.
---
Pero hindi ko palaging kasama si Olivia.
Ilang araw din na busy siya sa org meetings nila kaya bumabalik ako sa usual routine—kumakain mag-isa sa canteen, tahimik lang, iwas sa problema.
Pero syempre… kapag wala si Olivia, doon lumalabas ang multo.
Tanghali, pumila ako sa canteen para bumili ng pagkain. Chicken fillet rice ulit, favorite ko kahit mura lang. May extra gravy pa nga ako dahil ‘yun lang pampalubag-loob ko.
Habang naglalakad ako pabalik sa mesa ko sa dulo, hindi ko inaasahan na biglang may humarang.
Si Terence, kasama yung mga alipores niya.
“Wow, budget meal queen, as usual,” sabay tawa ng mga kasama niya.
“Please, Terence. Wala akong oras sa’yo,” irita kong sagot.
Pero lumapit siya lalo. “Chill ka lang. Joke lang. Di ba mahilig ka naman sa atensyon?” sabay turo sa akin ng kanang kamay niya habang hawak ko yung tray.
“P’wede ba, wala akong pake sa trip mo,” sagot ko habang sinusubukan siyang lampasan pero bigla niyang tinukod yung braso niya sa mesa ko.
“Oops,” may ngiti siyang nakakadiri. “Anong merienda natin?”
Bago ko pa mapigilan, bigla niyang tinulak ang tray ko.
Kumalat yung kanin, gravy, at ulam ko sa sahig. Nabuhos yung tubig sa uniporme ko. Lahat ng tao sa canteen, natigilan. May iba na nagtawanan, may iba na umiling, pero walang lumapit.
Ako, natulala lang ako habang nanginginig yung kamay ko sa galit. Pakiramdam ko, gusto ko nang sumabog. Pero bago ko pa magawa ‘yon…
“TERENCE!”
Parang kidlat na dumating si Olivia mula sa kabilang hallway. Halos madapa siya sa bilis ng lakad niya papunta sa amin.
“Ano ‘to?!” sigaw niya.
Nagtaas ng kamay si Terence. “Chill lang, Olivia. Nagbibiro lang.”
“Biro ba ‘yang babuyin ang pagkain ng tao?!” halos sumisigaw na si Olivia. “Wala kang alam kundi mang-istorbo at manakit!”
Tiningnan ko si Olivia—hindi na lang siya galit… nagngingitngit siya. First time ko siyang makita na parang hindi na siya mapipigilan.
Nagbanta pa si Terence. “Hindi lahat kaya mong kontrolin, Olivia.”
“Try me,” malamig niyang sagot. “Next time you touch her, mag-uusap tayo sa principal’s office. Alam mo namang hindi ako marunong manahimik pag may injustice, ‘di ba?”
Napatras si Terence, kasama ng mga alipores niya.
Niyuko ni Olivia yung mga staff sa canteen. “Sorry po sa abala,” saka kinuha yung natapon kong pagkain.
“Come on, let’s go,” sambit niya sa akin.
---
Hindi na ako nakakain noon pero inihatid ulit ako ni Olivia pauwi. Sa kotse, sobrang tahimik namin.
Siya ang unang nagsalita.
“Sorry, late ako dumating.”
Umiling ako. “Hindi mo naman kasalanan ‘yon.”
Napabuntong-hininga siya. “Next time, I won’t let you out of my sight.”
Napangiti ako kahit nababasa pa yung uniporme ko sa natapong tubig.
“Hindi mo naman ako pwedeng bantayan forever,” biro ko.
“Watch me,” sabay ngiti niya.
Tumingin siya sa bintana habang pinagmamasdan ang mga nadadaanan naming bahay. Ako naman, napatingin sa kanya. Sa lahat ng inasahan ko ngayong taon, never kong naisip na magkakaroon ako ng kakampi. Pero eto kami—hindi lang kaklase, hindi lang schoolmates… kundi isang simula ng mas malalim na pagkakaibigan.