"PAKIUSAP lang, Akio, huwag mo na sanang gawin ito. Ako na ang nagsasabi sa iyo. Wala ka nang dahilan para gawin pa ang mga bagay na ito sa akin."
Pero tila walang narinig si Akio sa mga sinabi ni Erin. Patuloy lang ito sa pagpapalit ng benda sa kanyang paa matapos siyang ihatid nito sa bahay pagkatapos tumambay sa Eirene Tower. Hindi niya alam kung ano ang dahilan at nakatulog siya habang buhat-buhat nito sa likod. Wala naman siyang planong magpahatid dito. Pero mas makulit pa sa inaasahan niya ang binata at muntik pa siyang mapatili nang buhatin nito. Kung hindi pa niya sinabing magwawala siya ay hindi siya nito ibababa. Paano ba naman kasi? Bridal style lang ang ginawa nitong pagbuhat sa kanya noong una.
Pinilit na lang niya itong buhatin siya sa likod nito para hindi ito mabigatan sa kanya. Mabuti na lang at pumayag ito. Ipinaubaya na lang ni Akio sa kaibigan nitong si Minoru Nonomura ang dala-dala niyang saklay nang makasalubong nila ito roon. Kung hindi siya nagkakamali, kasamahan ng binata si Minoru sa DN Agency kung saan parehong singer ang mga ito. Nalaman din niya na totoo nga ang sinabi ni Priscilla sa kanya noon. Na tumigil na si Akio sa pagkanta dahil pati rin pala si Minoru ay ganoon din ang ginawa.
Natapos ang pag-aayos ni Akio sa benda ng paa niya na wala pa rin itong imik. Wala naman siyang ibang magawa kundi ang panoorin ito. Ano kaya ang tumatakbo sa isip nito nang mga sandaling iyon?
Ilang sandali pa ay nag-angat na ng tingin si Akio. Huli na para mag-iwas siya ng tingin. Ang intensidad ng tingin nito sa kanya ang tila nagpatigil sa lahat sa paligid niya. Wala siyang ibang napapansin kundi ang matamang tingin ng binata na lalong nagpalakas sa t***k ng kanyang puso.
"I'm sorry, Erin. Pero ito ang pakiusap mo na hindi ko gagawin. Kung ikaw, wala nang makitang dahilan para lapitan pa kita, ako naman ang meron. Sinabi ko na sa 'yo kanina ang tungkol diyan."
Matapos niyon ay umupo ito sa sofa kung saan siya nakaupo. Naglagay naman ito ng distansya sa pagitan nila kaya kumalma siya kahit papaano.
"Sige na, magpahinga ka na muna. Tatawagin na lang kita kapag nakapaghanda na ako ng hapunan," kapagkuwan ay sabi nito.
Agad na rumehistro sa isip niya iyon, dahilan upang magulat siya at harapin ito. "Ano ba'ng pinagsasasabi mo? Sinasagad mo talaga ang pasensiya ko, 'no?" Hindi talaga siya makapaniwala sa lalaking ito!
Pero sa kaba niya, nginitian lang siya ni Akio at marahang tinapik ang ulo niya bago tumayo at dumiretso sa kusina. Mukhang seryoso nga ito sa sinabi nito. Siya naman ay nanatiling nakatingin dito habang kumikilos ito sa kusina na tila ba pag-aari nito ang bahay.
Kunsabagay, minsan na rin naman siyang ipinagluto noon ni Akio. Pero parang isang malayong alaala na lang iyon sa kanyang isipan. Napabuntong-hininga na lang siya. Hindi niya dapat hinahayaang gawin ng lalaking ito ang gusto nito. Ginugulo nito ang tahimik na sana niyang buhay.
Agad na tumayo si Erin pero impit na napasigaw siya nang itapak na niya ang kanyang paa. Noon niya naalalang may pilay nga pala siya. Inilagay kasi niya ang halos buong puwersa ng kanyang katawan sa ginawa niyang pagtayo. Muli siyang napaupo at dahan-dahang minasahe ang kanyang paa sa pag-asang agad na mapapawi ang pagsigid ng kirot doon.
Nagulat siya nang yumukod si Akio at hinilot nang may pag-iingat ang paa niyang sumasakit. Hindi niya alam kung paano o bakit. Pero hindi na niya nagawang ituon ang atensyon sa pagsakit ng pilay niya nang makita ang pag-aalala sa mukha ni Akio. So this guy... still really cared for her.
Pero bakit niya ako iniwan noon? Muli ay naramdaman niya ang pagkirot sa kanyang puso sa tuwing itinatanong niya iyon sa sarili.
"Masakit ba ang pagkakahilot ko? I'm sorry, Erin. Tiisin mo na lang muna. Okay?"
Huli na nang namalayan niyang umiiyak na pala siya. Iyon siguro ang dahilan kung bakit nito nasabi iyon. Lalo lang siyang napaiyak. Bakit ba ipinapakita sa kanya ng lalaking ito na mahalaga siya rito? Dapat ba siyang maniwala?
"Erin..."
Hindi niya pinansin ang pagtawag na iyon. Patuloy lang siya sa tahimik na pag-iyak. Natigil lang iyon kaagad nang maramdaman ang mahigpit na yakap ni Akio sa kanya. Hindi niya namalayang nakaupo na pala ito sa tabi niya.
"I really made you cry like this, huh?" mahinang saad nito habang hinahaplos ang buhok niya at inaalo siya.
Nanatili lang tahimik si Erin at patuloy sa pagdama ng init na nagmumula sa katawan ni Akio. Nakadama siya ng seguridad sa mahigpit na yakap nito sa kanya. Kailan ba niya huling naramdaman iyon?
Muli ay napaluha siya. Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isipan niya at natagpuan na lang niya ang sarili na isinusubsob ang mukha sa leeg nito. Naramdaman niya ang pagkagulat ni Akio. Pero hindi na lang niya pinansin iyon. Hahayaan na lang muna niya ang sarili.
Sasamantalahin na niya ang pagkakataon bago pa niya tuluyang pagsisihan ang lahat.
= = = = = =
IMINULAT ni Akio ang mga mata nang maramdaman niya ang banayad na paghinga ni Erin sa tabi niya. Sa sofa na sila nakatulog ng dalaga habang nanonood ng pelikula sa DVD. Napangiti siya dahil nakakatabi na niya si Erin sa kabila ng kagustuhan nitong layuan siya. Hindi niya alam kung kinakasihan siya ng pagkakataon o dininig lang ng Diyos ang kanyang panalangin sa mga nangyayaring ito.
Kung ano man ang dahilan at nakakasama na niya ngayon si Erin, malaki ang pasasalamat niya rito. Tiningnan niya ang dalaga na kasalukuyang nakaunan sa dibdib niya. Hindi na niya napigil ang sarili at ginawaran ng halik ang noo nito. Umungol ito at bahagyang kumilos para lang isiksik ang mukha nito sa dibdib niya. Halos hindi siya humihinga habang nangyayari iyon. Ang akala niya ay naistorbo niya ang tulog dahil sa paghalik na ginawa.
Lihim siyang napabuntong-hininga nang naging mahimbing na ulit ang tulog nito kung ibabase na rin niya sa paghinga ng dalaga. Tiningnan niyang muli ang maamong mukha nito. Sa paningin niya, pagod na ito hindi lang dahil sa pilay nito kundi pati na rin sa pag-iisip ng kung anu-ano. Kaya hindi na ito nagreklamo pa habang personal niya itong inaasikaso kanina.
Alam ni Akio na isa siya sa dahilan kung bakit ito nakaramdam ng ganoong pagod. Pero wala siyang planong sumuko sa pagsuyo at pagkuhang muli sa loob ni Erin. Nangako siya noon na aayusin na niya ang lahat pagkatapos ng labang hinarap. Wala siyang nakikitang dahilan para talikuran ang pangakong iyon.
"I missed staying beside you like this, Erin," bulong niya sa nahihimbing na dalaga habang patuloy na pinagmamasdan ang pagtulog nito. "Pagbigyan mo lang ako, hinding-hindi na ako mawawala sa buhay mo. Anumang laban ang harapin ko ngayon o sa hinaharap, gagawin ko ang lahat para bumalik nang buhay. Ibigay mo lang sa akin ang magiging pinakamalaki kong dahilan para mabuhay."
Matapos niyon ay muli niyang ginawaran ng halik ang dalaga. This time, sa labi naman. Magaan lang iyon, pero sinikap niyang ibuhos ang pagmamahal na nararamdaman niya para rito. Pagmamahal na hindi kailanman naglaho sa kabila ng ginawa niyang pagtulak dito palayo noon.
Laking-pasalamat niya na hindi naman ito nagising sa ginawang paghalik. Hinayaan na lang niya ang sarili na mayakap at makatabi ang dalaga sa mga sandaling iyon.
= = = = = =
BUMUNTONG-HININGA na lang si Erin matapos basahin ang nakasulat sa papel na nakita niyang nakapatong sa center table nang magising siya ng umagang iyon. Wala na si Akio sa bahay pero hindi nito kinalimutang ipaghanda siya ng almusal. Dapat ay ma-touch siya sa gesture nitong iyon. Pero mas nangingibabaw ang lungkot at disappointment na hindi niya alam kung para saan iyon.
Walang buhay na binasa niyang muli ang nakasulat sa papel na hawak niya. Si Akio ang nagsulat niyon.
I'm sorry if I left before you wake up. May kailangan lang akong asikasuhin. Magpahinga ka lang diyan sa bahay at huwag mo nang tatangkaing lumabas para lang gumala. Huwag mo nang pahirapan ang paa mo. Pagaling naman na iyan.
By the way, I cooked breakfast for you. Kumain ka nang maayos, okay? Take care.
Akio
"Bakit pa ba niya kailangang gawin ito? Hindi ko naman na siya boyfriend," ani Erin sa sarili habang unti-unting nilamukos ang papel na hawak. Pero nang tuluyang rumehistro sa kanyang isipan ang ginawa, natatarantang inayos niya ang papel mula sa pagkakalukot niyon.
Inis na bumuntong-hininga siya dahil sa ginawa. Ano na ba ang nangyayari sa kanya? Epekto ba ito ng pagtatabi nila ni Akio sa pagtulog? Aaminin niya, naging mahimbing ang tulog niya nang nagdaang gabi. Hindi nga lang siya sigurado kung dahil pagod lang siyang makipag-argumento kay Akio sa pagiging makulit at mapilit nito o dahil sa presensya nito.
Tiningnan niya ang inihandang pagkain ni Akio para sa almusal. Fried rice, sautéed vegetables, fried eggs, ham and bacon. Nakaayos na rin doon ang pagkakainan niya. May kape rin na nasa coffee pot at isasalin na lang niya sa tasa. Sinagad naman yata ng lalaking iyon ang paghahanda ng aalmusalin niya.
Hindi na napigilan ni Erin ang mapangiti sa kabila ng inis na nararamdaman. Saka na siguro niya aanalisahin nang mas maayos ang dapat gawin sa mga nangyayaring iyon. If Akio still cared for her, she might as well relish it. Hindi niya alam kung hanggang kailan pero sasamantalahin na lang niya ang pagkakataon.
Kahit sa dulo niyon ay alam niyang baka mas lalo siyang masaktan. Lalo na kapag muli itong nawala sa buhay niya.