Chapter 9

3074 Words
WALANG mahagilap si Erin sa kanyang isipan na dapat isasagot sa tanong na iyon ni Akio sa kanya. Bukod sa nagulat siya sa bigla nitong pagpasok sa kuwarto niya, medyo distracting din para sa kanya ang suot nitong puting sando at boxer shorts lang. Kitang-kita tuloy niya ang katawan nito. Hindi naman kasi ito nagpapakita sa kanya kahit noon na ganoon lang ang suot nito. Kaya kahit ayaw niya, bigla siyang nag-init sa pagsulpot ng kung anu-ano sa kanyang isipan. Napailing na lang siya at nag-iwas ng tingin bago pa siya tuluyang mabuko ni Akio. Mahirap na. Ayaw pa niyang makarinig ng panunudyo mula rito. "Bakit hindi ka pa natutulog? Mag-aalas-dos na ng madaling-araw, o. May problema ba?" Umiling siya at ibinaling ang tingin sa labas ng bintana. Wala naman siyang problema. Gusto lang niyang mag-isip. Isa pa, ayaw rin siyang patulugin ng isipan niya. Laging ibinabalik sa kanyang isipan ang naging pag-uusap nila sa tore. May palagay siya na kulang pa ang ipinagtapat nito sa kanya. Hindi man niya matukoy kung ano 'yon, nararamdaman naman niya na malaki ang dahilan kung bakit ipinagkatiwala nito iyon sa kanya. At maliit na porsiyento lang ang request niya sa dahilang nagbunsod dito na gawin iyon. Naramdaman na lang niyang may humawak sa magkabila niyang pisngi at ipinihit paharap. Nanlaki ang mga mata niya nang makita sa harap niya si Akio at matamang nakatingin sa kanya nang mga sandaling iyon. "What's bothering you, Erin? Bakit hindi mo sabihin sa akin? Hindi ka tatambay nang ganito sa tabi ng bintana at titingin sa labas nang ganitong oras kung walang gumugulo sa 'yo. Sige na, sabihin mo na sa akin. Makakatulong iyon," pag-uudyok ni Akio na hindi inaalis ang tingin sa kanya. Ilang sandali rin siyang hindi nakaimik sa mga sinabi nito. Ramdam niya ang sinseridad sa bawat salitang binitiwan nito kahit may kakulitan na ang dating niyon sa kanya. Napangiti na lang siya sa naisip. Tila natigilan naman ito dahil doon. "Huwag mo na akong alalahanin. Lilipas din ito. Pero puwedeng mag-request ulit?" Pinilit niyang lakipan ng pagsuyo at lambing ang tinig niya upang hindi na nito ipilit pa ang pagtatanong tungkol sa bumabagabag sa kanya. Kapagkuwan ay si Akio naman ang napangiti. "Kahit ilang request pa 'yan, sabihin mo lang sa akin. Basta kaya kong gawin, okay?" Tumango siya. "I know. At saka itong request ko, madali lang naman ito. Tabi tayong matulog." "Ha?" Natawa si Erin sa reaksyon nito. Parang hindi pa nito inaasahan na iyon ang magiging request niya. "Uy, grabe ka naman. Samahan mo lang akong matulog. 'Yong... gaya ng dati. Baka sakali kasi na makatulog na ako kapag may katabi akong matulog sa kama. Kung... okay lang naman sa 'yo." Nanatiling nakatingin lang sa kanya si Akio na parang hindi makapaniwala sa mga pinagsasasabi niya. Pero hindi niya inaalis ang tingin dito na hindi nawawala ang kaseryosohan sa mukha niya. Sana lang, agad nitong malaman iyon, lalo na ngayong sigurado na siya sa isang bagay. "You have no idea how many times I wished for that to happen between us since I came back here," usal ni Akio bago tumango. "Sige. Sasamahan kitang matulog. Basta siguraduhin mo lang na matutulog ka na, ha?" Hindi niya napigilan ang pagngiti nang maluwang bago tumango at dinamba ito ng yakap. Wala nang nakakapagtaka kung bakit nararamdaman pa rin niya na natitigilan ito sa tuwing yayakapin niya ito. Mukhang hindi pa rin nito inaasahan ang mga pinaggagagawa niya. But she was doing these things now out of her own discretion. No one forced her to. Siguro, gusto niyang isisi iyon sa ginawa nitong paghalik sa kanya noon habang nagliligpit ng pinagkainan nila. Parang pinalambot niyon ang puso niyang noon ay pilit nagmamatigas na huwag itong patawarin. Inamin na nga niya sa sarili na mahal pa rin niya ito, 'di ba? Ilang sandali pa ay umalis na sila sa kinapupuwestuhan sa harap ng binata at nauna nang humiga si Erin. Sumunod naman si Akio at agad siyang hinila upang ipatong ang ulo niya sa dibdib nito. Humigpit naman ang naging pagkakayakap nito sa kanya. Napapikit siya nang maramdaman ang paghalik nito sa kanyang noo at buhok. "Mukhang hindi ka nagpalit ng ginagamit na shampoo, ah," puna ni Akio na bahagya niyang ikinatawa. Sa lahat talaga ng mapupuna ng lalaking ito, ang gamit pa niyang shampoo ang babanggitin nito. Pero natutuwa siya dahil naaalala pa nito ang tungkol doon. All this time, hindi talaga kinalimutan ni Akio ang ilang detalye tungkol sa kanya. This was the first after a long time that she felt so safe and secure in someone's arms. At walang dudang kay Akio lang niya naramdaman iyon. "Sleep. Ayokong mapuyat ka pa nang husto," banayad na utos nito at saka pumikit. Pero nanatili lang siyang nakatingin dito at matamang pinagmamasdan ang mukha nito nang mahabang sandali. Nang hindi na niya napigilan ang sarili, marahan na pinaraanan niya ng daliri ang ilong nito hanggang sa makarating sa mga labi nito na tanging humalik sa kanya. Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya nang itigil na niya iyon. "I love you, Akio," usal niya bago pinagbigyan ang sarili na matulog na, sa wakas. = = = = = = KAHIT ayaw ni Akio, pinilit niya ang sarili na iwan si Erin at umalis sa bahay nito. Alas-kuwatro pa lang ng madaling-araw at sa totoo lang ay wala pang isang oras ang itinulog niya. Pero hindi na niya alintana iyon. Sanay na siya na kakaunti lang ang oras ng itinutulog. Hindi na bago sa kanya iyon, lalo na sa klase ng trabaho niya bilang miyembro ng Iris Blades. Pinilit niyang huwag lumingon sa pinagmulang direksyon dahil alam niyang titibagin niyon ang paninindigan niyang tapusin ang gulong kinakasangkutan nila ng mga kasamahan niya sa Iris Blades at pati na rin si Lady Konami. Naiisip din niya na kung seryoso ang taong iyon na idamay si Erin sa gulo nila, mas mabuti na ngang harapin na niya ito upang masigurong mapoprotektahan niya ang babaeng minamahal. Hindi niya napigilang mapangiti nang maalala ang narinig na sinabi ni Erin bago ito sumiksik sa kanya at natulog sa mga bisig niya. Hindi siya makapaniwala na muli niyang maririnig ang mga katagang iyon dito. She said "I love you" to him. Ang hindi nito alam, naging mitsa ang mga salitang iyon para tuluyan na siyang makabuo ng isang solidong desisyon tungkol sa misyon nila. Hindi na niya hahayaang ang taong muntik nang pumatay sa kanya apat na taon na ang nakakaraan at ang isa sa dahilan kung bakit napilitan siyang makipaghiwalay kay Erin noon ang tatapos sa buhay at pangarap ng dalaga. Wala siyang pakialam kahit buhay pa niya ang itaya niya sa gagawin. Basta masiguro lang niya na ligtas si Erin. With that resolve in mind, Akio proceeded to head to the place where he could feel that a dangerous battle would take place. Laking-pasalamat na lang niya at malayo iyon sa bahay ni Erin. Pero hindi pa rin malabong idamay ng kalaban ang dalaga. Dahil kung tama ang pagkakaintindi niya sa babala ni Lady Konami, alam na rin ng taong iyon kung saan siya naglalagi at kung sino ang mga taong nakakasalamuha niya. Nakarating na si Akio sa kagubatan malapit sa Eirene Tower. Agad na naningkit ang kanyang mga mata nang makita ang nag-iisang nilalang na nakatayo sa tuktok ng isang malaking bato. Pero kahit hindi niya nakikita, hindi siya tanga para hindi maramdaman na may mga kasamahan pa ito na nagtatago lang sa paligid. Napaismid na lang siya. Kahit kailan talaga, hindi marunong lumaban nang mag-isa ang demonyong ito. At hindi rin marunong lumaban nang patas. Pero ano ba ang inaasahan niya sa dating miyembro ng Death Clover? Kahit matagal nang tapos ang laban ng Iris Blades sa mga ito, hindi nangangahulugan na tuluyan na nilang nalipol isa-isa ang labing-siyam na miyembro niyon. Patunay lang ang lalaking tinitingnan niya nang mga sandaling iyon na hindi nila napatay ang bawat isa sa mga miyembro ng grupong kalaban nila. "Akala ko pa naman, tuluyan ka nang nasunog sa pinasabog mong kotse, Souren. Tama nga siguro sila. Ang masamang d**o, mahirap patayin," nang-uuyam na umpisa niya nang tumigil na siya sa paglalakad at hinarap ito. "Ganoon ka rin naman, 'di ba? Isa ka ring masamang d**o. Hindi pa nga kita magawang tapusin noon, eh. Akalain mo nga naman. Sinanay ka talaga nang husto ni Shun. Kaya nga lalong nag-iinit ang dugo ko na tapusin ka na nang tuluyan." Kapagkuwan ay inilabas nito ang isang katana. "So you're still into traditional weapons, huh? That's good. Mukhang hindi naman ako masyadong pahihirapan ng laban natin," malamig na saad ni Akio at saka inilabas na rin ang sariling sandata—dalawang kodachi mula sa magkabilang gilid ng mga paa niya. Mukhang magagamit na naman niya ang mga natutunan kay Hayato Akashi, ang 29th head master ng Seven Lightning Dragon Blade Techniques. Kaibigan ito ng mga magulang ni Lady Kourin at ito rin ang nagligtas sa kapatid ng babae mula sa bingit ng kamatayan noon. Out of the seven blade techniques unique to the Yasunaga clan, what Akio learned was the Lightning Dragon Twin Slashing Kodachi Style. Hence, his choice of weapon at the moment to deal with Souren. Both fighters poised to a fighting stance. Pero doon pa lang, hindi na maganda ang pakiramdam ni Akio sa mga pangyayari. Hindi niya ipinahalata pero nakaramdam siya ng mga sandaling iyon ng 'di maipaliwanag na kaba. It was a foreboding one. Hiling lang niya na sana ay hindi patungkol ang kabang nararamdaman niya kay Erin. Kanina pa niya nararamdaman iyon, sa totoo lang. Pero pinilit niya ang sarili na huwag magpaapekto roon. Kung para sa kanya o kay Erin ang kabang iyon, mas dapat siyang mag-concentrate sa labang kakaharapin. He had to face the demon from his past if he wanted to achieve the peace that he desired now that Erin accepted him again. Iyon ay kahit hindi siya sigurado kung uuwi pa nga ba siya nang buhay sa mga kasamahan at pati na rin sa babaeng tanging minahal niya sa buong buhay niya. = = = = = = NAPABALIKWAS ng bangon si Erin at habol ang hininga. Mariin siyang napapikit at minasahe ang dibdib sa pag-asang pahuhupain niyon ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Ilang beses din siyang huminga nang malalim upang pakalmahin ang sarili. Isang masamang panaginip ang dahilan kung bakit siya nagkakaganoon nang mga sandaling iyon. Hindi maikakaila ang takot na nararamdaman niya nang maalala iyon. Bakit ganoon ang panaginip niya? Naglaho raw si Akio sa tabi niya habang binabagtas nila ang tulay na malapit sa Eirene Tower. Kahit saan siya lumingon, hindi niya ito matagpuan. Nang tunguhin naman niya ang gubat malapit sa tore, napatigil siya nang makita si Akio na umiiling habang nakatingin sa kanya nang malungkot at saka siya tinutukan ng baril na ikinagulat niya. Mabilis ang sumunod na pangyayari at natagpuan na lang ni Erin ang sarili na nakatulala sa dalawang kamay niyang may bahid ng dugo. Dugo mula sa sugat ni Akio na wala nang buhay sa mga bisig niya. Gusto niyang magsisisigaw sa sobrang sakit at 'di pagkapaniwala pero walang tinig na lumalabas sa bibig niya. Wala siyang ibang ginawa kundi ang humagulgol habang yakap ang katawan ni Akio. Dahil doon kaya hindi na niya napansin ang isang pigura na may hawak na baril at itinutok nito iyon sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya at nanatili lang siyang nakatingin dito kahit nang iputok na nito ang baril. Nagising siya sa bahaging iyon ng kanyang panaginip. Mabilis pa rin ang kanyang paghinga na parang malayo ang itinakbo. Bahagya na siyang kumalma nang maisipan niyang tumingin sa tabi niya. Pero ganoon na lang ang takot na naramdaman niya nang hindi makita roon si Akio. Agad siyang umalis sa kama at tinungo ang banyo. Wala ito roon. Pati ang ilang bakanteng silid sa bahay na iyon ay pinuntahan niya pero wala sa mga iyon si Akio. Dumagsa ang 'di maipaliwanag na kaba sa dibdib niya nang mga sandaling iyon. Ang kusina at sala na lang ang hindi pa niya napupuntahan. Kung wala rin ito sa garden... Marahas siyang napailing nang negatibo. Kailangan muna niyang hanapin ang binata sa bahay bago pa siya makapag-isip ng kung anu-anong hindi maganda kapag tuluyan na niyang hindi napigilan ang sarili niya. At iyon nga ang ginawa niya. Hinanap niya ang binata sa tatlo pang lugar na hindi pa niya napupuntahan sa bahay. Disappointment at matinding takot ang sumalubong sa kanya nang wala sa mga lugar na iyon ang hinahanap. Wala sa sariling napaupo na lang si Erin sa sofa. Ilang sandali pa ay tuluyan na siyang napaiyak. Bakit ang sakit ng pakiramdam niya? Bakit parang may isang bahagi ng isip niya ang nagsasabing totoo ang bangungot niya? Na posibleng napahamak ito sa kung saan? "Do you really have to leave me again, Akio? Mawawala ka na naman ba ulit sa buhay ko? Kung kailan naman sigurado na ako sa nararamdaman ko sa 'yo... Kung kailan naman gusto ko nang tanggapin ka ulit sa buhay ko..." mahinang usal niya na tila ba nasa harap lang niya ang binata. Patuloy lang siya sa pag-iyak. Sa pag-angat niya ng tingin, kumunot ang noo niya nang tumambad sa kanya ang isang flashdrive na nakapatong sa coffee table. Hindi niya napansin iyon kanina dahil abala siya sa paghahanap kay Akio. Kinuha niya iyon at tiningnan. Wala siyang maalalang iniwan na kahit ano doon nang nagdaang gabi. Gayunpaman, isinalang niya ang flashdrive sa laptop para makita kung ano ang posibleng nilalaman niyon. Nagtaka siya dahil isang video file lang ang naroon na agad niyang pinindot para mapanood. Nabasa rin niya ang file name niyon. One Last Thought. Iyon ang nabasa ni Erin na file name. Hindi man niya gusto ay nakaramdam na naman siya ng matinding kaba. Sana lang ay mali siya ng naiisip na nilalaman ng video file na naroon sa flashdrive. Ilang sandali pa ay tumambad sa screen ang seryosong mukha ni Akio. Mukhang kanina lang nito ni-record iyon kung ibabase na rin sa itsura at suot ng binata na nakikita niya nang mga sandaling iyon sa screen ng laptop. "Erin, I'm sorry kung sa ganito ko na lang masasabi ang lahat. Thank you, for one. Thank you for coming to my life. Salamat din dahil nagawa mo akong tanggapin ulit sa buhay mo sa kabila ng ginawa ko noon. Pushing you away at the time was my biggest mistake. At hindi ako magsasawang aminin iyon sa 'yo. Alam ko ang kasalanan ko sa 'yo. Kaya abot-langit ang pasasalamat ko sa Diyos dahil binigyan pa Niya ako ng panibagong pagkakataon na ayusin ang naging pagkakamali ko sa 'yo noon." Kitang-kita ni Erin na nagsisimulang mamuo ang luha sa mga mata nito. Ilang sandali pa ay nagyuko ito at parang pinunasan ang mga mata. Narinig niya ang saglit na pagtawa nito muling nag-angat ng ulo. This time, Akio's expression was a mix of melancholy, regret, hesitation, and fear. Kitang-kita niya ang lahat ng iyon na bumalatay sa guwapong mukha ng binata. Lalo siyang kinabahan dahil doon. "Pero kahit pala nagawa ko nang ayusin kahit papaano ang mga dapat kong ayusin, hindi pa rin sapat iyon para payagan akong manatili sa tabi mo at makasama pa kita nang mas matagal gaya ng gusto kong mangyari noon sa ating dalawa. Kaya nga ako nagtangkang mag-propose sa 'yo, 'di ba? Sorry kung sa text ko nga lang ginawa iyon noon. Ang hirap kasing mag-ipon ng lakas ng loob para masabi ko sa 'yo iyon nang harapan. Alam mo ba? Laging akong ganoon pagdating sa 'yo. Pero ayos lang iyon." Hindi na niya pinigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha kasabay ng pagtutop sa bibig. Hindi niya inakala na naaalala pa pala nito ang ginawang iyon noon. Kahit pala ilang buwan lang ang itinagal ng relasyon nila ni Akio noon, dumating ito sa punto na nagdesisyon itong pakasalan siya. Kung hindi lang lumala ang kung anumang sitwasyong kinasangkutan ng grupo nito nang mga panahong iyon, baka nga natuloy na ang kasalang iyon. "And now... I think I won't be able to say those words in front of you at all. Hindi ko alam kung uuwi pa ako ng buhay pagkatapos ng laban ko sa taong dalawang beses nang nagtangka sa buhay ko. Ayokong mapahamak ka at madamay sa gulong hatid ng daang pinili ko dahil sa pagiging miyembro ng Iris Blades. Iyon ang huling bagay na gugustuhin kong mangyari sa 'yo, Erin. Ganoon kita kamahal at ganoon ka kahalaga sa akin. I'd rather take all the dangers for you so I could keep you safe all the time. Erin... Don't forget that I love you, okay? I've never forsaken my feelings for you at all. At ikaw lang ang babaeng mamahalin ko nang ganito kahit sa susunod kong buhay. Tandaan mo 'yan, okay? You might not be the first woman I'd loved. But you'll always be the one I want to be my last love even in my next life. I love you so much, Erin. Stay safe. Do it for me, okay?" Ngumiti ito pagkatapos at tila ba nakatingin sa kanya nang mga sandaling iyon bago ito tuluyang nawala sa screen. Napahagulgol si Erin pagkatapos niyon. That idiot! He was really heading to death. At hindi man lang siya sinabihan nito. Wala na ba talaga siyang halaga rito at pati ang isa sa pinakaimportanteng laban sa buhay nito, hindi pa sinabi sa kanya? Gustung-gusto talaga nitong iniiwan siya sa dilim. "Bakit lagi ka na lang ganyan sa akin, Akio? Do you really have to leave me for the second time?" Patuloy lang siya sa pag-iyak habang sapo ang dibdib na para bang hindi siya makahinga nang maayos sanhi ng samu't saring emosyon. Ito ba ang ibig sabihin ng panaginip niyang iyon? Iiwan ba siyang muli ni Akio para sumuong sa laban at mamatay para lang masiguro ang kaligtasan niya? Marahas siyang napailing. Hindi puwede! Huwag naman sana na ganoon ang mangyari. Hindi na niya kakayanin ang sakit kapag nagkataon. Baka kulang pa ang apat na taon para tuluyan siyang maka-move on kapag nawala si Akio sa buhay niya sa kamay ng kamatayan. "Don't do this to me, Akio. Huwag mo akong iwan, pakiusap lang. Hindi ko na kakayaning mawala ka sa buhay ko sa ikalawang pagkakataon," tumatangis na hiling niya na hindi lang laan para sa binatang minamahal kundi pati na rin sa nasa Itaas na sana ay nakikinig sa kanya nang mga sandaling iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD