"WALA ka pa rin bang balita sa kanya hanggang ngayon? Aba'y mag-iisang linggo na, ah."
Pero malungkot lang na napailing si Erin at nanatiling nakatingin sa labas ng glass wall ng Lovedrops Café. Kahit ayaw niyang lumabas ng bahay ay napapilit pa rin siya nina Priscilla at Karel na lumabas para maiba naman daw. Baka sakali rin na mapawi ang lungkot at pag-aalalang nararamdaman niya mula nang iwan siyang muli ni Akio.
Tama si Priscilla. Mag-iisang linggo na nga siyang walang balita kay Akio. Ganoon katagal na rin siyang walang kaide-ideya kung buhay pa nga ba ito gaya ng patuloy na hinihiling niya o patay na. Gusto man niyang manatiling positibo na natapos ng binata ang laban nang hindi ito nalalagutan ng hininga, unti-unti nang natitinag ang pag-asang pilit niyang pinapanatili sa bawat araw na magdaan na walang nagsasabi ng kahit na ano sa kanya tungkol kay Akio. Hirap na hirap na siya. Idagdag pa ang takot na nararamdaman niya.
"Ano ba naman 'yan? Kung kailan naman nagawa mo nang tanggapin siya ulit sa buhay mo, mawawala na naman siya nang ganoon-ganoon lang. Kung mahal ka talaga ng lalaking iyon, hindi ka sana niya hahayaang ganito na patuloy na umaasa sa pagbabalik niya," dagdag ni Priscilla.
Pero nanatili lang siyang walang imik. Gusto man niyang ipaintindi rito ang totoong sitwasyon ay hindi niya magawa. Hindi man niya ipinangako nang harapan kay Akio, alam niyang gusto nitong manatiling sikreto ang mga ipinagtapat nito noon sa kanya. At ganoon nga ang gagawin niya hanggang sa bigyan siya nito ng permiso na puwede na niyang ipagsabi sa iba ang mga nalaman niya mula rito.
"Priscilla..." mahinang umpisa ni Erin. Pero sapat na iyon upang makuha ang atensyon ng kaibigan. "May alam ka bang mga kuwentong nakapalibot sa Eirene Tower? Any story at all?"
Kumunot ang noo ng kaibigan, nagtataka marahil sa naging pagbabago ng usapan. Pero sa nakikita niya, nanatili itong nag-iisip. Matiyaga siyang naghintay sa isasagot ni Priscilla dahil baka nga may alam itong kuwento sa lugar na iyon.
"Wala naman masyado. Pero may isang ikinuwento sa akin ang lola ko na tumatak talaga sa isip ko," mayamaya ay sagot nito.
Napatuwid siya ng upo sa narinig. "Talaga? Ano naman 'yon?"
"Why the sudden change of the topic, Erin? Kanina lang, si Akio ang pinag-uusapan natin dito."
"Ngayon lang ito. May naalala lang kasi ako na dapat sana ay ikukuwento sa atin ni Akio noong huling beses kaming nagpunta sa tore. Kaya sige na. Sabihin mo na sa akin kung ano ang nalalaman mong kuwento sa tore na iyon," pakiusap niya.
Huminga na lang ng malalim si Priscilla bago tumango. "Kung mababawasan kahit papaano ang pag-aalala mo kay Akio kapag ikinuwento ko sa 'yo ito, eh 'di sige."
Pero bago pa man makapagsimula ang kaibigan ni Erin sa pagkukuwento, may narinig silang nagsalita sa gilid nilang dalawa.
"Okay lang ba kung ako na lang ang magkukuwento sa 'yo?" ani isang malamyos na tinig ng isang babae.
Sabay na napatingin sina Erin at Priscilla sa pinagmulan niyon. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala ito. "L-Lady Konami..."
Bagaman kinakitaan niya ng gulat ang mukha ng babae, saglit lang iyon. Ngumiti ito kapagkuwan. "Mukhang naikuwento na ako sa 'yo ni Akio. At nakikita ko na kung gaano ka kahalaga sa kanya."
"Lady Konami? Sino siya, Erin?" takang tanong ni Priscilla.
Hinarap ni Erin ang kaibigan. "Boss ni Akio sa isa pa niyang trabaho. Siya ang... kasalukuyang leader ng Raikatuji clan na kabilang sa Moonlit Irises."
Nanlaki ang mga mata ni Priscilla habang siya naman ay nagyuko ng ulo. Did she just blurt that out?
"I'll introduce myself properly to you later. Pero sa ngayon, kailangan kitang mailayo muna sa lugar na ito at madala kay Akio," seyosong pahayag ni Lady Konami.
Doon na tuluyang nakuha ang atensyon nilang magkaibigan. "A-ano'ng ibig mong sabihin?"
= = = = = =
GUSTO mang tuluyang panghinaan ni Erin, pilit niyang pinalakas ang loob. Hindi siya maaaring makaramdam ng panghihina sa mga sandaling iyon. Kailangan niyang maging malakas para kay Akio na kasalukuyang walang malay sa ospital na iyon.
Her worst fear came to life. Nakikita na niya ang pruweba. Hindi niya inakalang may basehan pala ang naging panaginip niya nang araw na mawala si Akio.
"How did this happen?" she could only whisper in pain and disbelief. Naroon sila sa labas ng ICU at nakamasid sa walang malay na si Akio sa glass window ng silid na iyon. Hanggang doon lang muna ang pahintulot ng doktor na distansya nila mula sa pasyente.
"Hindi lang niya gustong madamay ka sa gulong kinakaharap ng Iris Blades. Kaya nagdesisyon siyang tuluyan nang tapusin ang buhay ng taong dahilan kung bakit napilitan siyang makipaghiwalay sa 'yo noon," ani Lady Konami bago siya iginiya paalis sa lugar na iyon at naupo sila sa isang bench 'di kalayuan sa silid.
"Ang kuwento niya sa akin noon, tapos na ang bahaging iyon ng laban nila," kapagkuwan ay sabi niya.
"Iyon din ang akala namin. Pero sa labing-siyam na miyembro ng Death Clover na nagtangkang patayin ang lahat ng miyembro ng Iris Blades, malaki ang posibilidad na lima sa kanila ang buhay pa. Isa na roon ang kinalaban ni Akio—si Souren Meija. O mas nakilala namin siya sa codename na Logia 2. Kanang-kamay ng leader ng Logia squad si Souren, gaya ng posisyon ni Akio sa Water Iris Blades kung saan kanang-kamay naman siya ni Shun."
"Paano'ng umabot sa ganito ang lahat? Bakit na-comatose si Akio?"
"Pinagbabaril ng isa sa mga tauhan ni Souren si Akio nang magtangka siyang tumakas matapos talunin si Souren. Napuruhan si Akio malapit sa puso at pati na rin sa mga binti niya dahil doon. Pero bago siya tuluyang mawalan ng malay, sigurado na siya na hindi na makakagawa pa ng kahit na anong maaari mong ikapahamak si Souren. Nagbanta kasi si Souren kay Shun na idadamay niya ang mga taong labis na pinahahalagahan ng Iris Blades bukod sa Shrouded Flowers at Silhouette Roses kapag hindi pa siya hinarap ni Akio. May palagay ako na minsan ka nang ikinuwento ni Akio kay Shun. Kilala ka na ni Minoru dahil alam kong malapit siya rito. Kaya binigyan na namin siya ng babala na posibleng idamay ka ng demonyong iyon sa gulo. At iyon ang hindi namin gustong mangyari."
Wala siyang maapuhap sabihin sa mga ipinagtapat ni Lady Konami sa kanya. Hindi man niya ito lubusang nakikilala, noon niya nagawang maintindihan kung bakit ganoon na lang ang respeto at paghanga ni Akio sa babae. Ibang klase ng determinasyon ang nakikita niya rito nang mga sandaling iyon.
"Nahuli na nga lang kami ng dating para mailigtas nang maaga si Akio. When Minoru, Jirou, and Shun arrived at the scene, pareho nang hindi kumikilos sina Souren at Akio. May isa pang tauhan si Souren na tinangkang saksakin si Akio kahit pinagbabaril na para lang matuluyan siya pero agad itong pinatumba ni Jirou. Kinumpirma nila sa akin na patay na si Souren habang nag-aagaw-buhay naman si Akio. And now Akio's like this—still doing his best to fight for his life after that," dagdag ni Lady Konami.
Napaiyak si Erin sa huling sinabi ng babae. Naramdaman na lang niya ang pagpatong ng isang kamay sa balikat niya. Nang mag-angat siya ng tingin, nginitian lang siya ni Lady Konami.
"Alam ko na isa ka sa mga dahilan ni Akio para patuloy na lumaban at nang tuluyan na siyang magising. Nararamdaman ko na gustong-gusto na niyang bumalik sa 'yo. I'm sorry kung ngayon ko lang naisipang ipagtapat sa 'yo ang nangyari kay Akio. I want to know one thing, though. I want you to answer it honestly. Mahal mo ba si Akio, Erin?"
Hindi maikakailang nagulat siya sa tanong na iyon ni Lady Konami. Pero ano ba ang dapat niyang ikagulat? Gusto lang malaman nito ang totoong nararamdaman niya kay Akio. Sa nakikita niya, bahagi na ng pamilya ni Lady Konami at hindi lang simpleng tauhan ang turing nito sa binata. Lady Konami was just concerned.
"Wala na akong ibang lalaking mamahalin maliban sa kanya, Lady Konami. Kahit siguro ilang beses niya akong itaboy at ganoon din ako sa kanya, siya lang at wala nang iba ang hahawak sa puso ko sa habang panahon. Hindi sapat ang galit at sakit ng kaloobang nararamdaman ko noong makipaghiwalay siya sa akin para tuluyan ko siyang alisin sa puso ko," matapat na sagot niya.
Mukhang nagustuhan naman ni Lady Konami ang sagot niya kung ibabase sa naging pagngiti nito. "Alam mo, naaalala ko sa inyong dalawa ni Akio sina Hisayuki at Iliana. Pati na rin sina Keisuke at Hanae."
Kumunot ang noo ni Erin sa mga pangalang binanggit nito. Sino naman ang mga iyon?
"Bahagi ng limang angkan ang apat na taong iyon. Nabuhay nga lang sila sa magkaibang panahon. Pero naging bahagi sila ng mga alamat na nakapalibot sa Eirene Tower," sagot nito na tila nabasa ang iniisip niya. "Si Hisayuki ang founder ng Miyuzaki clan at ang nagpatayo ng Eirene Tower bilang regalo at patunay na rin sa asawa niyang si Iliana na kasingtayog at kasingtatag ng tore na iyon ang pag-ibig niya para rito. It was also a symbol of his promise to only remain loving the one person who had captured his heart and soul.
"Hanae was from the Silhouette Roses' 17th generation. Nagkaibigan silang dalawa ni Keisuke sa kabila ng katotohanang balak tapusin ni Keisuke ang buhay ni Hanae at ng dalawa pang kapatid niya. Naglaban sila sa tulay kung saan unang nagtapat ng pag-ibig si Keisuke kay Hanae at saksi ang tore sa pag-iibigan nilang dalawa. They nearly killed each other if it wasn't for the fact that Keisuke decided to die to stop Hanae from feeling anymore pain because of loving him. Nalaman kaagad iyon ni Hanae at doon niya napatunayan na mas higit ang kapangyarihan ng pag-ibig kaysa ano pa mang misyon sa mga buhay nila.
"Kaya may nagsasabi na kapag nagtagpo ang mga tingin ng dalawang taong itinakda ng tadhana na magmahalan mula sa tuktok ng tore at sa tulay, hindi na sila kailanman maghihiwalay kahit na anong pagsubok pa ang pagdaan nila. Maghiwalay man sila ng landas, magtatagpo at magtatagpo pa rin sila pagdating ng itinakdang panahon. Did something similar happen to you and Akio nang magkakilala kayong dalawa o 'di kaya ay ang magkita kayo ulit makalipas ang apat na taon nagkahiwalay kayo?"
Dahan-dahan siyang napatango nang maalala ang tinutukoy nitong pangyayari. Ganoon na ganoon ang nangyari nang una silang magkakilala ni Akio at pati na rin nang magbalik ito sa bayan ng Visencio. Does that mean, from the start, she and Akio were destined to be together?
"Kapag may naramdaman daw kayong kakaiba nang magtama ang mga mata n'yo sa distansyang iyon sa unang pagkakataon, na para bang ayaw na ninyong malayo sa isa't-isa, ibig sabihin ay natagpuan n'yo na ang taong inilaan ng tadhana para makasama't mahalin mo habangbuhay."
Hindi niya napigilang mapangiti sa narinig. Kahit papaano ay naibsan niyon ang kaba at takot na nararamdaman dahil sa sitwasyon ni Akio. If she and Akio were truly fated to be together since that moment they met, and if he was aware of that legend of the tower, she could tell that he would do everything to survive this ordeal. At least, gusto niyang makaligtas ito nang sa gayon ay masabi na niya rito ang lahat ng mga gusto niyang sabihin. Gusto pa niyang makasama ito nang matagal. Gusto niyang tuparin nito ang ipinangakong kasal sa kanya apat na taon na ang nakararaan.
Walang iba kundi si Akio lang ang gusto niyang makasama habangbuhay.
"I'll stay with him, Lady Konami. Ayoko siyang iwan sa ganitong sitwasyon. Hindi ko na siya iiwan kahit kailan," aniya makalipas ang mahabang sandali.
Tumango ito na tila nauunawaan nito ang gusto niyang mangyari. "Mas mabuti nga iyon. Alam kong gugustuhin niyang masiguro ng sariling mga mata na ligtas ka at nanatili ka sa tabi niya sa kabila ng lahat."
= = = = = =
ISANG linggo pa ang lumipas pero hindi umalis sa tabi ni Akio si Erin. Alam niyang isang araw ay magigising din ito at makakapag-usap sila nang maayos. Iyon ang patuloy niyang ipinagdarasal sa Diyos at iyon ang nagsisilbi niyang lakas sa tuwing panghihinaan siya ng loob dahil sa sitwasyon ni Akio.
Sinasamahan siya roon nina Karel at Priscilla kapag may oras din lang ang mga ito. Salitan ang dalawa sa pagtulong sa kanya. May mga pagkakataon din na pumupunta roon si Lady Konami at ang asawa nitong nagpakilala bilang Hansuke Kishida. Nagpupunta rin sina Minoru at Shun kung hindi busy ang mga ito sa mga misyon at iba pang trabaho.
Kaaalis lang ng mga kasamahan ni Akio sa Iris Blades na sina Makoto at Jirou sa silid nang pumasok naman ang doktor na nakilala niya bilang Shingo Yanai. Karamihan sa mga nakakasalamuha niya sa ospital na iyon na malapit kay Akio ay paniguradong bahagi ng tatlong clan groups. Naisip niya iyon dahil na rin sa pangalan ng mga ito. These people had Japanese names and obviously renowned people in their respective fields. Pero nararamdaman din niya ang kaparehong aura na minsan niyang nararamdaman kay Akio.
"Don't worry. He'll wake up soon. Nasisiguro ko iyon," nakangiting wika ng doktor nang matapos nitong sipatin ang kalagayan ni Akio. "Mukhang nakatulong nang husto ang presensya mo para unti-unti siyang gumaling."
Tumango na lang si Erin. Pero sa totoo lang, hindi iyon ang gusto niyang malaman. Napapitlag siya nang marinig ang pagbuntong-hininga ni Dr. Yanai. Napatingin tuloy siya rito. "M-may problema po ba?"
"May gusto kang sabihin, tama? Kahit sinabi ko na sa 'yo ang magandang balita, hindi ka pa rin masaya."
Mukhang nabasa pa yata nito ang nasa isipan niya o nahalata lang nito iyon sa kilos niya. "Gusto ko lang po sanang malaman kung... magiging okay pa rin at magiging normal ang kalagayan ni Akio kapag nagising na siya. Kung hindi po ba naapektuhan ang nerve functions ng katawan niya dahil sa pagkakabaril sa kanya nang ilang ulit." Ilang araw na rin siyang ginugulo ng bagay na iyon sa kanyang isipan. Ilang araw na rin siyang pinag-aalala niyon.
"Kung sakali bang ganoon ang sitwasyon, makakaapekto ba iyon sa nararamdaman mo para kay Akio?" sa halip ay usisa nito na ikinagulat at ipinagtaka rin niya.
Hindi siya umimik pero hindi nangangahulugan na nag-aalinlangan siya. Walang kahit na anong sitwasyon ang makakaapekto sa nararamdaman niya kay Akio. At patutunayan niya iyon.
"Malaki ang posibilidad na maapektuhan ang paglalakad niya dahil sa nangyari. Pero hindi pa tayo sigurado sa bahay na iyon. Hindi man ganoon kalalim ang iginawad na mga sugat sa likod at mga paa niya, naging dahilan pa rin iyon para ma-comatose siya nang ganito katagal. The real damage-giver was the bullet that almost pierced his heart since it's nearly fatal. Mabuti na lang at nagawa pa namin siyang iligtas. Hintayin na lang natin siyang magising para malaman ang buong sitwasyon."
Tumango siya at ibinalik ang atensyon sa walang malay na si Akio. Kinuha niya ang kamay nito at hinalikan iyon. Hindi niya napigilan ang mapaiyak dahil sa ginawa.
"Huwag mo naman akong iwan ulit, Akio. Hindi ko na kakayanin kapag nawala ka na naman sa buhay ko," pakiusap niya at muling hinalikan ang hawak niyang kamay nito. "You promised to stay. Knowing I'd risk getting my heart hurt again, I chose to believe you. So please, don't break your promise to me now."