Chapter 3.5

2079 Words
Celine's POV December 7, 2017 The Actual Meeting Kararating ko lang sa bahay habang hinahabol ang aking hininga. Halos liparin ko na ang daan papunta rito, mapigilan lamang ang away nina Tiyo Gardo at Tiya Bechay. Sa labas pa lang ay nakakarinig na ako ng sigawan at mga gamit na nagkandabasag-basag. Dinig ko rin ang pag-iyak ni Pau na ilang beses nakiusap ng tama na. May mga kapit-bahay na rin na nagsilabasan dahil sa nangyari. May mga gustong umawat at may ibang gusto na manood lang. Mabuti na lang at agad rumesponde ang mga tanod na tinawagan ko. Mga tatlo sila na pumunta sa bahay. Ang isa ay pinatatabi sa gilid ang mga tao habang ang dalawa ay nagsasalita mula sa labas, kinakausap si Tiyo Gardo. Walang naririnig ang tiyuhin ko dahil patuloy pa rin siya sa p*******t kay Tiya. Tumakbo ako papasok sa loob at inawat si Tiyo Gardo sa paghampas kay Tiya ng patpat sa mukha. "Tiyo, tama na po! Ano po bang problema mo kay Tiya?" sigaw ko. "Eh bastos 'yang tiyahin mo! Nanghihingi lang ako ng pang-inom e, sinisigawan na ako. Hoy! Kung 'di dahil sa 'kin, matagal na kayong namatay sa gutom. Mga walang utang na loob!" paghihimutok ni Tiyo. Halos gumewang-gewang na ito sa kanyang kinatatayuan habang dinuduro kami ni Tiya. Nakahawak pa rin ito ng patpat na may bakas na ng dugo sa dulo nito. Si Tiya naman ay nabuwal sa sahig at umiiyak. Pawis na pawis at magulo ang buhok. Nakita ko rin na may ilang pasa na siya sa kanyang pisngi lalong-lalo na malapit sa kanyang ibabang labi na pumutok na at nagdurugo. Hingal na nakatingin lang ako kay Tiya na halos mapunit na ang buong pagkatao sa harapan ko. Wala siyang ibang ginawa kundi ang humagulgol ng iyak. Halos mapatid na ang hininga niya sa kakaiyak habang sapo ang dibdib na naninikip. Agad namang pumasok si Paula kasama ng dalawa pang mga tanod. Agad na tumakbo si Paula sa mama niya at ang dalawang tanod ay sinusubukang pakalmahin si Tiyo. Pinasadahan ko ng tingin ang nakapanlulumong sinapit ng mga gamit sa loob ng bahay. Parang may dumaan na bagyo sa loob. Ang mga panindang saging ni Tiya ay nagkalat na sa sahig. Ang babasaging mesa sa sala ay nabiyak na nang tuluyan. Ang kawayan na mga upuan ay nawasak na rin. May nakita rin akong butas sa aming pader. Hindi nagtagal ay naawat din si Tiyo at napakalma ng mga tanod. Nagpa-blotter na lang din ako para sa proteksyon nina Tiya at Paula. Ayoko na magkasakitan pa ulit sila. Nang makauwi na ang lahat ay nagsimula na akong magligpit ng mga nakakalat na gamit. Tinulungan ako ni Paula. "Ate, salamat," bukambibig ni Paula habang nagwawalis. Maya-maya ay napahikbi na rin siya. Nasa loob kami ng kusina habang nag-aayos ng iba pang liligpitin. Agad ko siyang dinaluhan at hinagod ang kanyang likod. "Tahan na. Ligtas na si Tiya." Si Paula ay mas bata sa akin nang limang taon. May kulot siyang buhok at matabang pisngi. Kamukhang-kamukha niya si Tiya Bechay. Matalino rin siyang bata. Madalas ay tahimik siya at mahiyain. Palihim siya kung minsan na nagpapatulong sa akin dahil madalas siyang pinagagalitan kapag nakita siya ni Tiya na nakikipag-usap sa akin. High School student pa lang siya at nag-aaral sa isang private school. Scholar kasi siya roon. "Hindi ako sanay na nanghihingi sa'yo ng tulong. Pero wala akong magawa. Hindi ko kayang iligtas si Mama. Takot na takot ako kanina. Akala ko--" "Shhh... tama lang ang ginawa mo, Pau. Ipagpasalamat na lang natin na walang ibang nangyari na mas malala," salansa ko sa kanya. Kumuha ako ng isang basong tubig at ibinigay sa kanya. Nang matapos niya itong inumin ay nagtanong ako muli. "Ano bang nangyari kanina? Bakit nagpang-abot na naman sila?" "Dumating si Papa na lasing na lasing. Nabitin daw siya sa pag-inom at sinisingil ng utang ng mga kainuman kaya hiningan niya ng pera si Mama." Napansin ko ang nanginginig na kamay ni Pau at tinago iyon sa ilalim ng damit niya. "W-walang pera si Mama. Alam mo naman... kaya nagwala si Papa. Tinapon niya mga paninda natin tapos sinaktan niya si Mama." Humikbi siyang muli. "Pau, may gusto ka bang sabihin sa akin?" bigla ay tanong ko. Lalong napahagulgol ng iyak ang pinsan ko habang pinupunasan ang sariling luha gamit ang damit niya. "Sorry, 'te. Ako talaga 'yun. I-ibabalik ko naman talaga ang pera, e. Nagipit lang ako. Wala na kasi akong pambayad sa school. Kailangang-kailangan ko na talaga, 'te. Ayaw kasi ako bigyan ni Mama. Ipambabayad daw niya 'yun sa utang ni Papa. "Bakit gano'n si Mama, 'te? Bakit gusto pa rin niyang isipin si Papa kahit sinasaktan na siya? Bakit ako 'di niya maasikaso? Anak naman niya ako, 'di ba?" sabi niya sa pagitan ng mga hikbi. Napapikit ako at napahugot ng hininga dahil sa nalaman. Si Paula lang pala ang kumuha ng pera. Napapulis pa ako ni Tiya kahapon dahil doon. Halos manliit ako sa sarili dahil sukdulan na ang pang-aakusa sa akin. Mabuti na lang at walang nakitang ebidensya sa akin kaya inurong ang kaso. Napatingin ako muli kay Paula. "Magkano ba kinuha mo, Pau?" "T-three K lang naman, 'te. Marami na 'kong utang sa school, e." Hinawakan ko ang dalawang kamay ni Pau at mataman siyang tiningnan sa mga mata. "'Wag na 'wag mo na ulit gagawin 'yun, ha? Pinaghirapan 'yun ni Tiya. Naiintindihan mo ba?" "P-pero 'te..." "Kung may kailangan ka sa school, sabihan mo ako. Kung ano ang kaya kong ibigay, 'yun ang ibibigay ko sa'yo. Naiintindihan mo ba?" Napatango naman ang isa. Matapos niyon ay naghanda ako ng isang maliit na batya at bimpo para mapunasan at gamutin ang mga sugat ni Tiya. Nagpunta ako sa sala at sinilip siya. Humihikbi pa rin siya. Nang mapansin niya akong dumating ay bigla siyang tumigil. Umupo ako sa tabi niya. Nang papahiran ko na sana siya ay bigla niya akong tinabig. Pati ang batya na may tubig ay tinapon din niya. "Hindi ko kailangan ng tulong mo! Pare-pareho lang kayo. Mga magnanakaw! Sinira n'yo buhay ko!" sigaw ni Tiya sa akin sabay pumasok sa kwarto niya. Naiwan ako doon na nagpipigil ng hikbi. Tahimik lang akong umiiyak doon. Naaawa man ako kay Tiya, 'di ko pa rin maiwasang malungkot. Kahit ano kasing ipakita kong kabutihan, 'di pa rin maaalis sa isip niya na pabigat ako at isang responsibilidad na iniwan ng kapatid niya. Isa ako sa nagpahirap sa buhay niya. Ang Mama ko at si Tiya Bechay ay magkapatid. Mas matanda si Mama at kasunod naman niya si Tiya. Nang sunud-sunod ang pagkamatay nina Mama at Papa, walang ibang choice si Tiya kundi ang kupkupin ako at pag-aralin. Isang sundalo si Tiyo Gardo noon. Nang may nagawa itong pagkakamali ay na-dismiss ito sa serbisyo. Doon na ito nagsimulang mag-inom nang mag-inom hanggang sa maubos na ang kanilang inipon na pera. Hindi nagtagal ay napilitan na si Tiya na magtinda at kumayod para sa amin ni Paula. Unti-unti na silang nag-aaway sa mga panahon na 'yun hanggang sa ginipit na nang husto ni Tiyo si Tiya Bechay. Simula no'n ay hindi na naging maganda ang trato sa akin ng tiyahin ko. Madalas na niya akong saktan at murahin. Kapag alam niyang si Tiyo ang kumukuha ng paninda niya ay ako ang pinagagalitan niya. Kaya simula no'n tinatak ko na sa isip ko na pera lang ang kailangan ko para mapatikom ang mga bibig nila. Inisip ko noon na kapag yumaman ako, wala na silang masasabi sa akin. Kapag may pakinabang na ako sa kanila, saka lang ako magkakaroon ng tahimik na buhay. Hindi ko na namalayang dinala na ako ng mga paa ko sa labas habang umiiyak. Napatigil ako sa harap ng palayan. Ang palayan na ito ay malapit lang sa bahay nila Tiya. Madilim na at maalinsangan na sa paligid. Dinig na dinig ko ang maiingay na kuliglig at palaka roon. Naging blangko ang isipan ko at napatanaw sa langit na walang bituin. Halos wala ring hangin ang dumadampi sa balat ko. Tanging ang maalinsangan na hamog lang ang bumabalot sa aking kamalayan. Tulad ng langit ay wala na rin akong maibibigay sa mundo. Ubos na ubos na ako. Pagod na pagod. Hindi ko alam kung saan pa ako huhugot ng lakas ng loob para tuparin ang mga pangako ko sa sarili. Hanggang kailan kaya magpapatuloy ang napaka-boring kong buhay? 'Di ba nahahabag ang langit sa sitwasyon ko? Kung sana ay naririnig Niya ako ngayon... Hindi ba niya ako ililigtas sa miserableng buhay na 'to? Ilan lang 'yan sa mga gusto kong itanong ngayon sa kawalan. Minsan ko na ring sinisi ang mga magulang ko. Kung sana ay hindi sila namatay nang maaga... Kung sana ay naging mayaman na lang ako, sigurado akong mamahalin din ako nila Tiya. Hinding-hindi nila ako ikakahiya at hindi isasantabi. "Bakit kaya ganito ang buhay ko? Bakit napakamalas ko? Bakit ako palaging mag-isa?" Lalo akong napahikbi nang sabihin ko iyon sa sarili. Hindi ako sanay na kinakaawaan ang sarili. Pero hindi ko maiwasang isipin 'yun. Hindi ko maiwasang manliit sa sarili. Pakiramdam ko ay wala na akong silbi sa kahit sino. Pabalik na ako sa bahay no'n nang mapansing may tao sa lugar kung nasaan ako. Mga ilang pulgada rin ang layo niya sa akin. Nakatanaw din siya sa langit tulad ko. Pero dahil medyo madilim ay hindi ko naaninag ang mukha niya. Narinig ko ang buntonghininga nito at bumulong. "Tahan na, langit. Darating din ang araw. 'Wag kang mawalan ng pag-asa. Alam kong darating ang araw na malalaman din nila ang halaga mo. Ikaw ang magsisilbing biyaya sa lahat," sambit niya. "Kapag natuto ka nang ngumiti, malalaman mo na matingkad ang kulay sa paligid mo." Napakunot tuloy ang noo ko sa narinig. Hindi siguro niya sadyang maisatinig ang mga salitang 'yon. O baka akala niya ay nag-iisa lang siya sa lugar na 'yon? Napatikhim ako at nagsalita. "Minsan, kailangan mo ring umiyak para malaman mo na tao ka at hindi isang diyos na kayang gawin ang lahat. Kapag umiiyak tayo, doon natin nalalaman na may karapatan din tayong manghina at magpahinga. Naiisip ko kasi, kaya tayo sinasaktan ng iba kasi pinapakita natin palagi na malakas tayo. Naisip ko, kung ipapakita ko ba ang kahinaan ko, hindi na kaya nila ako sasaktan?" Narinig kong napatawa nang bahagya ang katabi ko. "Hindi lahat ng tao kayang unawain ang damdamin ng iba. Maging malakas o mahina ka man, iisa pa rin ang pagdadaanan mo. Iyon ay ang masaktan. Nakasalalay sa desisyon natin ang lahat. Kung masasaktan ka at magpapatalo o masasaktan at babangon." Napalingon ako sa katabi at tinitigan siya sa dilim. Tama siya sa naisip niya. Nakasalalay ang lahat sa desisyon ko. Hindi dapat ako magpatalo sa sinasabi sa akin ni Tiya. Nasasaktan lang siya ngayon. Alam kong hindi niya sinasadya na sabihin 'yun sa 'kin. Kaya ko pang patunayan sa kanya na may pakinabang ako. "Kapag natuto nang lumaban ang langit, luluhod ang lupa kapag nagbagsak siya ng masaganang tubig," dagdag pa ng katabi ko. Nawiwirduhan man ay minabuti ko na lang na umuwi. Sa daan ay hindi ko maiwasang mapaisip. Para kasing pamilyar ang boses no'ng lalaki. Hindi ko lang alam kung saan ko narinig 'yun. Pero malaki ang pasasalamat ko na narinig ko 'yun mula sa kanya. Nabuhayan ako ng loob dahil doon. Biglang pumasok sa isip ko ang lalaki kanina sa store. Kumusta na kaya siya? Naiisip din kaya niya ako? Sana naging maganda ang impression niya sa akin kanina. Looking back at it, ang weird niya para maglakas ng loob at hingin ang number ko. At sobrang weird din na pinaalam ko sa kanya ang oras ng uwi ko. Napahinto ako sa paglalakad. Kung balikan ko kaya siya sa store? Nando'n kaya siya? Matapos kong makipagtalo sa isip ko ay minabuti ko na lang na tumakbo pabalik sa store. Hingal na hingal na napahinto ako sa bench na malapit sa 3F. Napasimangot ako nang makitang walang tao na naghihintay roon. Halos wala na ring dumadaan sa lugar na 'yon. Nang sipatin ko ang oras ay nakitang maga-alas dose na nang madaling araw. Imposibleng magawi pa rito ang lalaking 'yun. Wala akong ibang choice kundi ang bumalik na lang sa bahay. Sana makita ko pa siya bukas. Dadaan kaya siya sa store? Sana mas makilala ko siya nang mabuti. Aayusin ko na ang sasabihin ko. Sana hindi ako mautal. Kapag maayos na ang pakiramdam ko ay sana makita ko siya ulit. Sana... ************
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD