NAKAYUKO akong pumasok sa office, dahil sa kahihiyang nadala ko kina Addison kagabi. Bahala na kung hindi nila ako papansinin ngayon, mas maige pa nga 'yon dahil hindi na nila ako kukuliting sumama sa kanila na magpunta sa weird na bundok na iyon. Nakita ko rin na abala si Mel sa pagta-type, tiyak na hindi niya ako mapapansin.
Dali-dali akong naglakad tungo sa desk ko nang matigilan ako at mapapikit.
"Mel!" tawag sa akin ni Addison.
Ngumiti ako nang bahagya sa kanya. "Oh, Addison! Ang aga mo naman ah?" Kunwari ay hindi ko siya napansin.
"Ah, oo e. Hindi kasi ako sumama kagabi sa gimik. Sina Johnson, tiyak late na naman ang mga 'yon," aniya.
Kumunot ang noo ko. "Gumala pa kayo kagabi pagkatapos ninyong magpunta sa amin?" takang tanong ko.
Tumayo naman si Addison at nilapitan ako. "Oo e. Hindi namin mapakalma ai Johnson. Balak pa nga niyang bumalik sa inyo kagabi, mabuti na lang at nag-suggest si Laurenz na magpunta na lang sa Bar. Ang lola mo kasi, ang sungit!" bulong niya pa, tsaka humawak sa braso ko.
"Naku, Addison. Pasensya na talaga kayo ha? Wala kasi sa mood si lola kagabi," pagkukunwari ko, kahit na sa kanila lang nawalan ng mood si lola. "Galit ba sa'kin si Johnson?"
Nag-isip muna panandalian si Addison. "I think, hindi naman. Basta ang sabi raw niya, hindi aalis ang grupo hanggat hindi tayo buo."
Nilapag ko ang dala kong bag sa table at umupo sa swivel chair. Si Addison naman ay kumuha ng ibang upuan at tumabi sa akin.
"Eh, ayaw kasi ni lola. Lalo na malapit na ang kaarawan niya. Nakakaawa naman kung iiwan ko, hindi ba?" pangongonsensya ko.
"I know, Mellisa. I know. Pero hindi ka ba masaya? Kapag sumama ka sa amin, makilala mo na ang tunay naming mga ugali. Makakapag bonding pa tayo, tsaka hindi naman siguro tayo magtatagal sa lugar na 'yun no. Siguro, mga isang araw lang, tapos mag-camping tayo!" masaya niyang saad.
"Hoy!—" biglang naputol ang pag-uusap namin ni Addison nang bumungad sa amin ang mataray na si Mrs. Amando. Siya ang head sa aming department. Hindi na kami nagtataka kung bakit masungit siya, paano kasi ay menopause na.
"Ano, umagang-umaga chismisan kayo? Naghihintay na ang mga customer oh!" sigaw niya, dahilan upang maabala ang iba pang mga empleyado.
"Sorry po..." sabay naming sabi ni Addison, tsaka naman siya bumalik sa kanyang pwesto.
Limang buwan pa lamang ako nang lumipat rito sa Eastlake Financial Service. Nag-resign na kasi ako noon sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ko, kahit na malaki ang pasahod doon. Pakiramdam ko kasi ay hindi ako naggo-grow. Isa pa, wala man lang gustong kumausap sa akin doon. Pakiramdam ko ay pinandidirihan ako ng mga empleyado. Hindi katulad rito sa Eastlake, kahit papaano ay may naging kaibigan ako kaagad.
Iyon nga lang, hindi ako maaaring tumanggi sa anumang mga ire-request nila sa akin. Last month lang ay muntik na kami ma-awol, dahil tumakas kami sa kalagitnaan ng aming pasok at dumiretso sa pinakamalapit na bar. Kahit hindi ako umiinom ay nalasing ako, sa kakapilit nila.
Noong nakaraang buwan din. Napasama ako sa gulo nila Johnson. Akala kasi nila ay kasangkot ako sa mga nanakit sa kanilang kasamahan, like, ha? Ang ganitong mukha? May gana pang manakit? Madalas ay na-stress na ako sa kanila.
Pagkaraan ng ilang oras, nagsidatingan na sina Johnson, Alex, Laurenz at Mark. As usual, binubungangaan sila ni Mrs. Amando. Mabuti na lang ngayon at walang ganang pumatol si Johnson.
"Sakit talaga kayo sa ulong mga grupo kayo! Ano, papasok kayo kapag gusto ninyo? Mabuti pa ang iba—" Hindi na natuloy sa panenermon si Mrs. Amando, dahil kahit siya ay natakot sa matalim na titig ni Johnson.
"Good morning," sigang sabi ni Johnson, saka umupo sa kanyang pwesto na katapat ko lang.
Akala ko ay ako ang pagbabalingan niya ng inis, ngunit nakahinga naman ako nang maluwag nang tinanguan niya ako. Ibig sabihin, hindi talaga siya galit.
Tahimik ang lahat na nagtatrabaho, wala ni isa ang kumikibo sa amin. Nagpalinga-linga ako, at nakita ko si Laurenz na taimtim na nakatingin sa akin. Malapit lang kasi ang desk niya sa pwesto ko, kaya tanaw na tanaw ko siya.
Nginitian ko naman si Laurenz, ang kaso lang ang binalik niya sa akin ay ang pag-snob niya. Hays! Kagigil. Ano kayang problema ng lalaking 'to sa'kin?
Si Laurenz ay matagal nang miyembro sa grupo ni Johnson. Sila pa lamang tatlo noon nina Mark, hanggang sa sumali na si Alex at si Addison. Hindi ko na natanong kay Addison kung ano ang history nila, basta lagi raw silang napapasabak sa away at sakit sila sa ulo ni Mrs. Amando sa department.
Biglang tumunog ang bell, hudyat na breaktime na nila. Nagliligpit la lamang ng gamit si Mellisa ay kaagad nang nasa harapan niya si Addison.
"Tara na? Libre ko!" aniya pa.
Tumango na lang ako at sumama sa kanya. Kapag break time na ganito, sumasama na lang din ako lina Addison. Ayoko namang maging loner ano! Sawang-sawa na ako sa pagiging introvert.
Dumiretso na kami sa cafeteria. Si Addison ang taya ngayon, kaya naman siya ang pumila sa counter, habang ako ay dumiretso sa palagi naming inuupuan.
"Hi." Bati ko kay Alex na nauna nang nakaupo roon. Hindi naman niya ako pinansin, bagkus ay niluwa niya ang nginunguya niyang bubblegum sa lapag. Nakita pa siya ng ibang estudyante, ngunit hindi naman siya masuway dahil dahil niya pa ang mga kalalakihan sa pagka-bossy niya.
"Ano? Napilit mo na ba si tanda?" Lumapit siya sa akin tsaka iyon tinanong.
"Tanda?" Wala akong ideya kung sino ang tinutukoy niya.
"Oo. Ang masungit mong lola. Napapayag mo na ba?" seryoso niyang tanong.
Kahit hindi ko nagustuhan ang pagtawag ng 'tanda' ni Alex kay lola ay pinalagpas ko na lang iyon at ngumiti nang pilit sa kanya.
"Naku, birthday kasi sa makalawa ni lola. Mukhang hindi ako makakasama 'e. Alam mo namang ako lang ang kasama niya sa bahay—"
"Tss. Paimportante!" singhal niya.
Napakagat na lang ako sa ibabang labi at nagpipigil na magsalita. Mabuti na lang at dumating na si Addison, dala ang isang tray na naglalaman ng aming pagkain.
"Alex! Nandiyan ka na pala, hindi kita napansin," batinni Addison.
Inismidan lang siya ni Alex, tsaka tumingin sa pwesto ni Johnson na nakikipagsiksikan sa pila.
Ang kwento sa akin ni Addison, mabait naman daw noon si Alex. Nang mapasama lng siya sa grupo ni Johnson at maging boyfriend ito, ay saka lamang siya naging ganito.
Mahahalata mong kakaiba sa ibang babae si Alex. Bukod kasi sa medyo kulot nitong buhok, katamtaman din ang kanyang taas na bumagay sa kanyang katawan. Isa pa, nakakasabay siya sa trip ni Johnson, lalo na sa paninigarilyo nito at pag-inom ng alak.
Mayaman ang grupo nila Addison. Siguro nga ay ako lang ang mahirap sa kanila. Lahat sila ay may sasakyan, ngunit madalas lang namin gamitin ang convertible na sasakyan ni Johnson.
"Nakakainis!" Padabog na nilapag ni Johnson ang tray sa mesa namin. "Bwisit 'yung lalaki doon, mamaya sa akin 'yon," saad niya habang hindi pa rin nawawala ang salubong niyang kilay.
Tinuturo niya iyong lalaki na nagse-serve ng pagkain sa harapan.
"Bakit ganyan?" tanong ni Alex nang ituro niya ang dalawang burger at dalawnag softdrinks na order ni Johnson. "Hindi naman nakakabusog 'yan babe! Isauli mo!"
"Ayun nga e!" inis na sabi ni Johnson tsaka muling tiningnan ang lalaki. "Ako ang nauna sa pila, pinagpipilitan na sumiksik lang daw ako! Humanda talaga mamayang pag-uwi 'yan!" anito.
Nakita ko namang kinalabit ni Mark si Addison na katabi lang niya.
"Gusto mo?" alok nito sa carbonara. Ngumiti at tumango naman si Addison, kaya sinubuan siya ni Mark.
Napailing-iling na lang ako. Paano kasi, tuwing tinatanong ko kay Addison kung ano ang mayroon sa kanila ni Mark, wala siyang masabi, pero kapag magkasama naman sila, daig pa nila ang magjowa kung maglampungan.
Isusubo ko na sana ang kanin nang bigla akong mapatingin kay Laurenz na nasa tapat ko. Inalok ko siya ng kinakain kong chicken at kanin, ngunit umiling lang siya.
"Ano, Mellisa? Kumusta?" pag-iiba ni Johnson ng usapan, kaya napalingon ako sa kanya. "Nakumbinsi mo na ba ang lola mo?"
Ayaw ko na sanang dagdagan ang pagkabadtrip ni Johnson ngayon, kaso inunahan na ako ni Alex.
"Hindi raw siya pinayagan. Paimportante!" singhal ulit niya.
"Ah basta!" sinubo ni Johnson ang burger. "Sasama ang lahat sa ayaw at sa gusto ng parents natin! Two days na lang, kaya mag-prepare na kayo ng dadalhin ninyo."
"Ikaw, Mark? Nakapagpaalam ka na ba?" Tumingin siya kay Mark na abala sa pakikipaglandian kay Addison.
"Ah... Yes bro! Ayaw ni daddy, kaso sinumbong ko siya kay mom. Ayun, wala naman silang magawa."
"Ikaw, Addison?" Lumipat ang tingin niya kay Addison.
"Yes po Kuya, John! May business meeting sa states ang parents ko, kaya naman si nani lang ang kasama ko sa bahay."
"Good. Ikaw Laurenz?"
Hindi naman sumagot si Laurenz. Tumango lang siya at uminom ng softdrinks.
Napakaweird talaga ng isang 'to!
"Bale, si Mellisa na lang ang problema natin?" tanong niya.
"As usual..." bulong pa ni Alex, bago ngumuya ng burger.
Pagkatapos naming kumain, dumiretso na agad kami sa office. Nangangamoy away na naman mamaya ito kay Johnson. Kinakabahan na naman ako sa kanila. Kapag pa naman may hindi nasunod sa sinasabi ni Johnson ay para siyang asong ulol na hindi mapakali hanggat hindi nakakaganti.
MABILIS lang nagdaan ang oras. Hindi namin namalayan na alas singko na, hudyat ng aming uwian. Kaagad kong pinatay ang monitor ng computer, saka mabilis na sinukbit ang bag sa aking balikat.
Hindi na ako sumabay sa mga nag-uunahang mga empleyado, at hinintay na lamang sina Addison na matapos sa kanilang ginagawa.
"Let's go!" sigaw niya saka tumakbo papunta sa akin.
Minsan, hindi ko maintindihan ang ugali ni Addison. 24 years old na siya, pero ang ugali niya pang 16 years old. Ganito ba talaga kapag mayaman? Spoiled? Hindi ko naman aiya madirekta, dahil alam kong hindi niya matatanggap ang sasabihin ko. Baka nga hindi niya ako pansinin pagkatapos kong sabihin sa kanya na isip bata siya 'e.
"Tara sa bar!" sigaw ni Mark tsaka sumabay sa aming maglakad ni Addison.
"Teka. May kailangan pa tayong puntahan 'e." seryosong tugon ni Johnson.
Napa-face palm na lang ako. Akala ko nakalimutan na niya iyong nangyari kanina sa cafeteria. Sana lang ay nakauwi na ang lalaking 'yon, kung hindi katakot-takot na bugbog ang aabutin niya mamaya.
Sa aming anim na magkakaibigan, parang ako lang yata ang matino na naligaw rito. Kasi si Addison, may pagkaugali na kapag hindi niya nakuha ang gusto ay magtatanim siya ng sama ng loob sa'yo. Matakaw din siya sa alak at isip-bata. Si Mark naman ay chicboy, kaya naaawa ako kay Addison, kung bakit pa siya nagpapauto rito kay Mark. Isa pa 'tong si Laurenz, napakaweird. Kung ako ay isang nerd, si Laurenz naman ay weird. Si Alex naman, kakabaeng tao, napakasiga. Minana niya siguro iyon sa boyfriend niyang si Johnson.
Nang makababa na kami sa building ay palinga-linga na si Johnson at tila hinahanap ang lalaking nakabanggaan niya kanina.
"Ayun!" sigaw niya nang makita na sa kabilang daan ang lalaki at kumiripas ng takbo.
Hahabulin pa sana iyon ni Johnson, ngunit nakita niya ang kabilaang mga security guard.
"Pasalamat talaga ang lintek na 'yan!" inis niyang sabi, saka sinipa ang maliit na bato na nasa harap niya. "Kainis! Teka lang, bibili lang ako ng yosi!" singhal niya nang nasa tapat na kami mg isang tindahan.
Nang makita nilang paparating na kami ay dali-daki namang umalis ang ibang mga namimili. Nahihiya tuloy ako sa kanila, dahil pati ako ay nadadamay na rin at isa na rin sa kinakatakutan nila. Habang nagyoyosi sina Mark, Johnson at Alex, nakakapagtakang lumapit sa akin si Laurenz.
"Ang panget mo sa salamin mo," aniya.
Sa ilang buwan naming pagkakaibigan, ngayon pa lamang ako kinausap ni Laurenz at laking gulag ko nang nilait pa niya ako! Napaawang na lang tuloy ang bibig ko sa sinabi niya.
"Thankyou sa compliment ha?" sarkastiko kong sabi tsaka pinandilatan siya ng mata.