NAGTUNGO sa isang kilalang children’s park si Derek kasama ang kanyang anak. Binilhan niya ito ng dirty ice cream sa nadaanan nilang nagtitinda malapit sa parking area. Masaya silang naglalakad patungo sa kanilang destinasyon habang dala niya ang saranggola na ginawa nila kanina sa bahay ni Sapphire bago sila umalis. Nabungaran nilang wala ito pero nag-iwan ito ng post-it note na nagpapaalam na may lakad ito ngayong araw at ipinaghanda na rin sila nito ng agahan.
Masaya siya na masosolo nilang mag-ama ang buong araw. Narating nila ang hindi kataasang burol kung saan maraming turista rin ang dumarayo upang silipin ang kagandahan ng view o hindi kaya’y para magpicture taking at photoshoot. Naupo muna sila sa bench bago simulang paliparin ang kanilang saranggola. May iilan ng nauna para magpalipad at mas lalo siyang nasasabik na turuan ang kanyang anak.
Ipinatong muna niya ang saranggola sa kanyang mga hita para mahugot niya mula sa kanyang bulsa ang dala niyang wipes. Pinunasan niya ang malagkit na kamay ni Drake na nakaupo sa kanyang tabi, tapos na nitong kainin ang ice cream.
“You should control yourself from eating a lot of sweets and cold snacks. Okay, son?” payo niya rito habang ang mukha na nito ang kanyang pinupunasan.
“Yes po, Daddy,” masigla at agaran itong sumagot na may maningning pang mga ngiti sa mga labi. Hindi tuloy niya napigilan ang sariling mahagkan ito sa tungki ng ilong nito bago sa labi naman niya hinagkan.
“Kanino ka ba nagmana ng kacute-tan at palagi akong nanggigigil sa iyo?” pabiro siyang nagtanong sabay kurot sa magkabila nitong pisngi.
“Sa inyo po ni Mama ako nagmana. Magiging guwapo ako like you po when I grow up,” bumungisngis ito bago nagbigay ng tugon at proud pang sinabi na magmamana ito sa kanyang kaguwapuhan.
Ginulo niya ang buhok nito at pinakatitigan ng maigi.
“You might even be more handsome than me,” he retorted and smiled sweetly at him. He wants his son to always feel good about himself. Susubukan niya ang lahat ng makakaya niya para iparamdam dito na sapat ito. At kapag dumating ang panahon na magkamali ito o kaya ay mabigo, nais niyang naroon siya anumang oras na kailanganin nito ang kanyang gabay.
Humagikhik ito at tinakpan ang bunganga na animo’y nahihiya. Ang maliliit nitong palad ay gusting gusto niyang palaging hawak. Palagi niyang gustong makita ang ganitong kasiyahan sa anak niya, ang tanging kayamanan na panghabang buhay niyang aalagaan. Bago man sa karanasan niya ang pagiging ama ay sisikapin niyang pagbutihan para hindi niya mabigo ito. Sa sarili niyang karanasan ay hindi ganoon kalapit ang relasyon nila ng kanyang ama na matagal ng lumipat sa Japan para roon manirahan. Ngunit kahit magkaganoon ay hindi ito naging pabaya sa kanya lalo na nang namayapa ang kanyang ina sa sakit na cancer.
“Let’s go and fly our kite up in the sky,” inanyayahan niya ito. Nauna siyang tumayo at binitbit ang kalong niyang saranggola kanina. Inalalayan niya ang anak upang makalundag pababa sa bench dahil hindi nito abot ang lupa sa maliit nitong height.
Tumungo sila sa mahangin na parte ng burol at magkahawak kamay silang mag-ama sa lubid na pinalipad sa ere ang saranggolang magkahalong kulay asul at berde, ang mga kulay na paborito ng isa’t isa.