Nahagip ng mga mata niya sina Adrian at Jeanne. Kaya naman sinundan niya ang mga ito. Hindi niya namalayan ang bulto ng tao na nakasandig sa dingding malapit sa pinto ng banyo. Si Allen.
Sinundan niya kanina si Lalaine dahil matagal ito bago bumalik. Nagkunwari siyang mambababae at nagpaalam sa mga kasama pero ang totoo, nag-aalala siya sa babae.
Hindi niya rin mawari ang sarili kung bakit ganoon na lamang siya nag-aalala kay Lalaine. Nag-umpisa iyon nang hindi niya sinasadyang makita itong umiyak. At ngayon na naman, sumisikip ang kanyang dibdib habang naririnig niya itong pumapalahaw ng iyak sa loob ng banyo kanina.
Napabuntong hininga siya nang makita niya itong sumunod sa mga kaibigan niya. Hindi lingid sa kanyang kaalaman ang malaking pagkagusto ni Lalaine kay Adrian. Na binabalewala lamang naman ng matalik na kaibigan.
"Bakit mo ba tinotorture ang sarili mo, Lalaine? Nasasaktan ka na nga sa nakikita mo, hindi ka pa tumigil." Piping tanong niya sa kay Lalaine.
Palihim niya ring sinundan ang babae. Nang tumigil itong parang bato sa kinatatayuan.
Nasa madilim silang parte ng malaking bakuran ng mga Fuego. Nasa likod sila kung saan may mayayabong na puno at mga namumulaklak na tanim. Hardin iyon sa likod bahay.
Mula sa kinatatayuan ni Allen ay nag-umpisa niyang marinig ang mga ungol na alam niya kung kanino galing. Tahimik siyang naglakad para mas makalapit pa sa dalagang ngayon ay yumuyugyog na ang balikat. Alam niyang kasalukuyang tahimik na umiiyak ngayon ang dalaga.
Tumayo siya sa may likod ni Lalaine. Ni hindi siya namalayang naroon. Nang bigla itong pumihit dahilan ng pagbangga ng mukha nito sa kanyang dibdib. Ang kanyang mga kamay ay agad na yumakap at lalo niyang idinukdok ang mukha ng dalaga sa kanyang katawan.
"Stay still and cry!" saad niya rito na medyo may galit. Kung kanino ay hindi na rin niya alam. Naramdaman niya ang pag-iling nito. Marahas siyang napabuga ng hangin. "Do you want me to interrupt them?" nahihirapan niyang muling tanong.
Umiling si Lalaine mula sa pagkakadukdok ng ulo nito sa kanyang dibdib. Ang kamay niya ay nasa ulo nito,dahan-dahang hinahaplos ang mahaba nitong buhok.
Nasamyo niya ang mabangong amoy ng buhok ni Lalaine. Hanggang sa balikat niya lamang ang dalaga kaya naman halos makita na niya ang bunbunan nito.
"Then, lets go. Don't hurt yourself anymore," saad niya. Kung kanina, sinadya niyang makita ng babae ang kahalayang ginagawa ng kaibigan sa ibang babae. Ang ngayon ay iba. Kaibigan nila si Jeanne. Kahit sabihn pang hindi nito ka-close ang babae.
Alam niyang pinakamasakit sa lahat ay ang makita mo ang taong minamahal mo may kapiling na iba. Na ang hala ay ibang tao at hindi ikaw. Na hindi ka kayang mahalin o tignan man lamang dahil ang puso nito ay nakatuon lamang sa iisang tao. Alam na alam ni Allen ang pakiramdam na iyon. Dahil sa tuwing tumitingin si Lalaine kay Adrian na sobrang puno ng pagmamahal, aminado siyang lihim na nasasaktan.
Balak na sanang hilain ni Allen si Lalaine paalis nang humawak ang mga kamay nito sa laylayan ng kanyang suot. Sobrang higpit na nahihila na nito kaya hindi siya nakahuma at hinayaan na lamang niya sila sa ganoong ayos.
Isang bagay na ikinatuwa niya. Matagal na niyang gustong mapalapit kay Lalaine. Kaya nga lamang ay aloof ito sa ibang lalaki. Tanging si Adrian at ama nito ang lalaki sa buhay ni Lalaine at hinahayaang makalapit.
Napapikit siya sa isang damdaming muling nabuhay sa kanyang sistema. Kaya naman hindi niya namalayan na may nakamasid na pala sa kanila. Dalawang pares ng mga mata. Ang isa ay may pandidiri at ang isa naman ay hindi matanto kung anong nilalaman ng mga tinging ipunupukol sa kanila.
"Wow! What a scene?" palatak bigla ni Jeanne. Sa gulat ni Lalaine ay napabitiw ito at naitulak siya nang bahagya. Ngunit hindi niya hinayaang makalayo ito sa kanyang yakap.
"May kailangan ba kaming malaman?" Tumingin si Jeanne kay Adrian na seryosong direkta ang mata sa kanilang dalawa ni Lalaine. "Are they somewhat in a relationship, Adi?" Rinig nilang muling tanong nito. Nakahalukipkip na lumapit sa kanila. Hindi pa rin binibitiwan ni Allen si Lalaine kahit halos magkumahog itong makalayo.
"Stay," bulong ni Allen nang gumalaw muli si Lalaine at magtangkang umalis mula sa kanyang pagkakayakap.
"Mga istorbo kayo, nagmo-moment na kami rito eh. Bakit hindi niyo na lang ituloy ang gina–." Napatigil siya sa pagsasalita nang mas malakas na siyang itulak ni Lalaine para kumawala.
Napilitan siyang pakawalan ito. Tinitigan niya ang nakayukong si Lalaine. Nakaharap pa rin naman ito sa gawi niya.
"G-gusto ko nang m-makauwi," utal na saad ng nito at hindi mapakali. Hindi alam kung saan tutungo ang mga paa.
Nakuyumos muli ni Lalaine ang kanyang damit. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib. Hindi alam kung anong mukha ang ihaharap sa tatlong taong nakamasid. Kaya hindi niya kayang iangat ang kanyang ulo.
Nanginginig ang kanyang mga tuhod. Nang may humawak sa kanyang palapulsuan at walang sabi-sabing hinatak siya paalis sa kinaroroonan nila.
Nagpatianod siya sa taong iyon dahil wala naman siyang lakas para magpumiglas pa. Narinig niya ang malakas na pagtawag ni Jeanne pero parang bingi si Adrian at hindi ito pinansin.
Isang bagay lang ang ibig sabihin noon, galit ang lalaki. Galit at alam niyang dahil na naman sa kanya iyon. Marahil ay nahimigan ng mga ito ang presensiya nila ni Allen kaya natigil ang mga ito sa ginagawa.
Nang padarag siyang pagbuksan nito ng pinto ng sasakyan ay agad siyang sumakay at hindi na nagsalita. Paalis na sila nang mahagip ng mga mata niya ang nakatayong si Allen sa gilid ng gate. Nakahalukipkip ito at seryosong sinundan sila ng tingin.
"Seatbelt!" Halos bulyaw na ni Adrian sa kanya. Kaya nagmamadali niyang hilain ang seatbelt para ikabit sa katawan. Bigla ang pagpapaharurut nito sa sasakyan pagkatapos niyang gawin iyon.
Nahintakutan siya dahil parang nakikipaghabulan sa kamatayan si Adrian sa bilis ng pagpapatakbo nito. Gusto niyang sumigaw pero walang boses na gustong kumawala sa kanyang bunganga. Tila siya napipi dahil sa takot na baka may mangyaring masama sa kanila.
Mahigpit siyang napakapit sa upuan at napapikit. Nang maramdaman niya ang marahas na pagpreno nito at ang biglaan nilang paghinto.
"Huwag ka nang lalapit kay Allen. Iwasan mo siya hangga't maari!" galit na utos nito kaya napamulagat siya at napabaling dito.
Diretso ang tingin nito sa kalsada pero ramdam na ramdam niya ang maitim na aura na lumalabas sa katawan nito.
"Nagkataon–"
Napatigil siya nang lingunin siya nito gamit ang matalim na mga mata.
"Paglalaruan ka lamang niya. At ayaw kong madamay kapag mangyari iyon sa galit ng ama mo. So better save your ass, as I am saving mine!"
Napalunok siya pagkatapos ay malungkot na tumango. Akala niya, may kung ano na sa nararamdaman nito kaya siya pinipigilan. Akala niya may konting tyansa na siya sa puso nito. Akala niya, nag-aalala ang lalaki sa kanya. Hindi pala. Sarili pa rin nito ang pinoprotektahan.
Lihim niyang tinawanan ang sarili. Akala lang pala lahat ng iyon. Umasa na naman ang kanyang puso. Hindi ba at kanina lamang ay kalampungan nito si Jeanne. Sinaniban na naman ng pantasya ang utak niya.
"Huwag mong paniwalaan ang mga pinagsasabi ni Allen. I want you to avoid him as much as possible. As you can!" walang emosyong ika nito. Ni hindi na siya magawang tingnan.
Muli, tumango siya at mapait na napangiti. Ngunit may kumokontra sa kanyang isip. Naramdaman niya kasi kanina na totoo ang pag-aalala ni Allen sa kanya. Na totoo ang ipinapakita ng lalaki. Hindi na niya alam ang paniniwalaan.
Muli, kinontra siya ng kabilang isip. Na pare-pareho lamang sila. Maaarng naaawa lamang si Allen dahil nagmumukha naman talaga siyang kawawa. Kaawa-awa dahil isa siyang talunan na umiibig sa taong hindi naman siya mamahalin kailanman.
Nagbadaya ang luha sa mga mata niya. Ayaw na sana niyang umiyak pa. Lalo at kasama niya si Adrian ngunit hindi niya magawa. Dumausdos iyon kaya marahas siyang napapunas sa kanyang pisngi gamit ang mga palad.
"From now on, magsasabay tayong uuwi. Huwag mo na akong puntahan sa department ko. Ako ang susundo sa iyo kung nasaan ka," sabi nito.
Lalong nanlumo at umagos ang luha niya sa mga mata. Imbes na matuwa ay lalo lamang siyang nalugmok dahil sa awa sa sarili.