Tahimik silang dalawa ni Adrian sa sasakyan. Nagmamaneho ito habang siya ay nakatanaw sa labas. Hindi niya kayang sulyapan ang lalaki dahil naaalala niya ang nasaksihan kanina.
Napalabi siya nang muli gustong lumabas ang kanyang luha. Dapat ay sanay na siya sa iba't ibang babae ni Adrian. Halos buwan-buwan kasi itong magpalit ng babae. Tanggap na dapat niya at hindi na dapat siya paapekto, pero masakit pa rin talaga. Lalo na na naaktuhan niya itong may ginagawang hindi kaaya-aya. Dati ay halikan lamang at landian ang nasasaksihan mula rito at sa mga babae. Pero kakaiba ang epekto sa kanya kanina. Ang tunog, ang ungol ang ritmo ng katawan ni Adrian.
Napalunok si Lalaine at napahimas sa kanyang leeg. Tila nag-init ang pakiramdam niya. Hindi siya inosente sa mga bagay na iyon. Dahil kay Adrian, natuto siyang magbasa ng malaswa at i-search ang mga bagay na nakikita niyang ikinasisiya nitong gawin.
Noon, iniiyakan na niya na may kausap itong iba, hanggang sa nasanay siya. Kaya napatanong siya sa sarili kung masasanay rin ba siya na makita ito sa mas malalim na relasyon. Na may katalik na iba.
Hindi naman lingid kay Adrian ang pagkagusto niya rito. Kaya nga nagagawa niyang pagtakpan ito sa ama. Nagagawa niyang salungatin ang kagustuhan ng kanyang papa para sa pagmamahal na meron siya kay Adrian.
Kaya lamang, hindi man lamang siya nabigyan pansin ng lalaki. Hindi man lamang magpasalamat ito sa lahat ng sakripisiyo niya. Hindi man lamang siya bigyan ni katiting na pag-asa o pagmamahal.
"May mga proyekto akong gagawin, hindi ako makakasama sa inyo ng ama mo," ika nito at binasag ang katahimikang namayani sa kanila.
Nalamukos niya ang mahabang palda. Nag-umpisa na naman kasing manginig ang kanyang kalamnan. Iniisip pa lamang niya ang bayolenteng reaksiyon ng kanyang ama, natatakot na siya para kay Adrian. Ayaw na niyang maulit na mabugbog ito. Ayaw na niyang tumayo sa gitna at pipili ng kakampihan. Kung sino nga ba ang mas matimbang? Ang galit ng kanyang ama? O ang pagmamahal na meron siya para sa lalaking ilang taon ng laman ng kanyang puso.
"Pagbigyan mo na si Papa. Magpapaalam na lamang tayo na maagang uuwi," saad niyang may pakiusap dito. Napalunok siya nang gumalaw ang panga nito at halatang nangngingitngit.
"Kailangan ko iyon maipasa bukas!"
"Sinungaling!" Lalo lamang humigpit ang pagkakakuyom ni Lalaine ng kamao sa paldang hawak. Alam niyang natapos na iyon ni Adrian at naipasa na. Matalinong tao ito at responsable sa pag-aaral. Hindi ito nagpapabaya kahit kailan. Gumagawa na lamang talaga ito ng paraan para iwasan silang mag-ama.
"Nagawa mo nga'ng gumawa ng kababalaghan, bakit hindi na lamang ang proyekto mo ang pinag-aksayahan mo ng panahon kesa ang kumamot ng nangangating babae!" Hindi napigilang bulaslas ni Lalaine. Hindi na niya alam kung paano kukumbinsihin si Adrian para sumama. Natatakot siya sa magiging reaksiyon ng kanyang ama.
Agad na napabaling sa kanya ang madilim na mukha ni Adrian. Napansin niya ang mahigpit na kapit nito sa manibela. Napabuntong-hininga siya at matapang na tumitig dito. Nang bigla itong ngumisi, kapagdaka'y napahalakhak na. Nakakaloko ang tawang pinakawalan nito.
"Nagustuhan mo ba ang libreng porn show?"
Namula siya sa sinabi nito kaya agad siyang nagbaba ng tingin. Napalunok siya nang biglang dumaan sa kanyang isip ang katawan nitong hubad.
Malaki ang katawan nito at nasa hustong lugar ang mga muscles. Banat kasi ito sa trabaho dahil kahit inampon ito ng kanyang ama, itinuring pa rin naman siyang utusan. Sa murang edad na labing lima ay mabibigat na trabaho na ang ipinaranas ng ama niya rito. Lalo na kapag isinasama si Adrian sa construction site.
"H-Hindi ko kailanman magugustuhan na may kasama kang babae, alam mo iyon," mahina at nauutal niyang sambit na lalong ikinatawa nito.
Napahugot siya ng malalim na hininga at muling bumaling sa labas. Pasimple niya ring pinahid ang luhang naglandas.
"Huwag ka na rin pumunta, mapapahiya ka lamang!" sabi nito bago tuluyang pahintuin ang sasakyan sa kanilang garahe. Lumabas ito ngunit muli siyang dinungaw. "Lalo na kung magsusuot ka na naman ng manang na damit. Baka gawin kang pamunas dahil nagmumukha kang basahan!" pang-aalipusta nito sa kanya.
Hindi niya ito pinansin pero mas lalong lumakas ang pagpatak ng kanyang luha. Nakaalis na ito at pumasok na sa loob ng kanilang bahay pero siya ay nanatili pa rin sa sasakyan. Hindi niya kasi maampat ang luhang parang ulan kung bumuhos. Hindi na siya masanay-sanay sa mga hirit at salita nitong sumusugat sa kanyang pagkatao.
Hindi na siya nasasaktan sa mga pang-aapi ng iba at pang-aalipusta. Pero mas nakakasakit sa kanya na mismong sa bunganga ni Adrian nanggagaling ang masasakit na salitang iyon.
Patuloy siya sa lihim na pag-iyak at paghikbi nang magulat siya sa katok sa bintana. Nagmamadali niyang pinunasan ang mga luha sa pamamagitan ng mahabang manggas.
Nang buksan niya ang pinto at lumabas ay nakatayo na roon ang kanyang Nanay Erna.
"Okay ka lang ba, Anak?" Nag-aalala nitong tanong at sinisipat nito ang kanyang kilos. Pilit hinuhuli ang kanyang malilikot na mga mata.
"O-Opo," ika niyang yumuko at kinagat ang labi para pigilan ang hikbi.
"Sigurado ka ba?" Hinaplos nito ang kanyang balikat.
Tumango siya. "Ayos lang po talaga," giit niya at niyakap ang Nanay-nanayan.
"Kuh! Ireng bata, may masakit ba sa iyo?" Muling tanong nito at hinagod na ang kanyang likod.
"Ang puso ko po." Gusto niyang isatinig.
Umiling siya mula sa pagkakayakap. Nang maramdaman niya na may tao sa kanyanng likod. Napahiwalay siya sa kanyang Nanay Erna at bumaling sa nakatayong si Adrian.
Muling nagtama ang namumugtong mga mata niya at ang mga mata nitong blanko at walang emosyon.
Nilihis nito ang tingin at muling binuksan ang pinto ng sasakyan na gamit nila. Kinuha nito ang ilang gamit sa back seat. Pagkatapos ay muling pumasok sa loob na hindi na sila tinapunan ng tingin.
Muli siyang nilukuban ng alalahanin dahil mukhang desidido itong huwag sumama sa kanilang mag-ama.
"Tara na sa loob. Parating na ang ama mo kaya maghanda ka na rin."
Inakay siya ni Nanay Erna papasok sa loob. Nang tumigil at pumihit siya para harapin ito.
"Nay, effective ba ang paglagay ng bawang sa kili-kili para uminit ang katawan?"
Nangunot ang noo ng matandang mayordoma. Sinala nito ang kanyang noo.
"May sakit ka ba o gusto mong magsakit-sakitan bata ka? Tinotoyo na naman yata iyang kukote mo!" Asik nito sa kanya na kanyang ikinatawa. Napayakap tuloy siya rito.
"Pero, Nay, seryoso ako." Yumuko siya nang humiwalay na sa matanda. "I don't want to go with Dad. Alam naman ninyo kung bakit." Malungkot ang tono niyang muling saad. Hinawakan sa kamay ang mayordoma.
Tumitig ito sa kanya ng mataman, pagkatapos ay huminga ng malalim.
"O siya, pumunta ka na sa kuwarto mo at ako na ang bahala sa ama mo."
Napalundag siya sa saya at muling napayakap dito. Nang may tumikhim mula sa kanyang likod. Hindi siya lumingon dahil kilala niya kung sino ito.
"Ikaw naman, Adrian? Balak mo rin bang maglagay ng bawang sa kili-kili?" Sarkastikong tanong ni Nanay Erna sa lalaking kanina pa pala nakikinig at nakamasid sa kanila.
"No need, Nay. Kahit hindi naman lagyan. I'm still hot!" Palatak nito na ikinatawa ng matanda. Na ikinabusangot naman ng mukha niya.
"Naku, Jusmiyo Adrian. Mukhang babagyuhin tayo rito sa bahay dahil sa lakas ng hanging dala mo!" Pangbubuska nito sa lalaking tumabi sa kinatatayuan niya. Na-estatwa siya at hindi nakasunod sa Nanay Erna nila nang ito at maglakad papasok.
"Good thing nakaisip ka ng paraan." Napaangat ang tingin niya kay Adrian. Ngumisi ito sa kanya. "Isinalba mo ang sarili mo sa kahihiyan," saad nitong muli siyang iniwang nakaawang ang bibig.