Napabalikwas ng bangon ang labin-dalawang taong gulang na si Lalaine nang mapagtantong tanghali na pala.
Kahit inaantok pa ay agad siyang tumayo mula sa queen size bed na napapaligiran ng iba't ibang klase ng stuff toys para gumamit ng banyo. Kailangan na niyang ihanda ang sarili. Kailangan niyang maging maganda sa paningin ng bagong dating na parte ng kanilang pamilya.
Humagikgik siya nang muling maalala at makita sa kanyang isipan ang isang labin-limang taong gulang na lalaki. Sa unang pagkikita nila ay nabighani na siya ng napakaguwapong mukha nito.
Oo nga't bata pa siya at musmos pa ang kanyang puso pero hindi nakatakas sa kanya ang binatilyong naging tampulan ng tukso ng mga kaibigan niya noong dumalaw sila sa bahay ampunan.
Kasama niya sina Irene, Johnna, Ursula at Jeanne para samahan ang kani-kanilang mga ama. Ang kanilang mga ama ay mga negosyanteng sumusuporta sa bahay ampunan na iyon. Pinakamalaking porsiyento ang sa ama niya dahil siya halos ang founder ng bahay ampunan na iyon.
Disyembre, ika-dalawampu't apat taong 2012, naroon sila para mamigay ng mga regalo sa mga batang paslit. Nakahilera silang magkakaibigan at nakapila naman ang mga bata.
Malaki ang bahay-ampunan na iyon kaya halos nasa dalawang daan ang inaalagaan at pinapakain nilang mga bata. Naging kaugalian na nila bawat taon ang pagdalaw at pamimigay ng mga regalo.sa mga ito imbes na sila ang makatanggap.
"Ayan na siya, ayan na!" Kinikilig na saad ni Ursula habang nakatingin sa pinakamalayong gawi ng basketball court kung saan nila ginaganap ang taunang Christmas giving project. Katatapos lamang kasi ng mga palaro at namimigay na sila ng mga regalo.
Pasimpleng nagawi rin ang mga mata niya roon. Nahigit niya ang kanyang hininga nang magtama ang mga mata nila ni Adrian. Mataman itong nakatitig sa blankong ekspresyon.
Napalunok siya nang maramdaman ang malakas na kabog ng kanyang dibdib. Alam ni Lalaine na may kakaiba siyang damdamin para sa binatilyo. Hinahangaan niya ito.
Hindi lang naman siya. Maging ang mga kaibigan niya ay apple of the eye ito. Wala nga lamang siya sa lakas ng loob ng mga ito dahil nagagawa nilang kausapin si Adrian at makipagkulitan dito. Samantalang siya ay lagi na lang nauumid ang dila kapag nagtangka siyang magsalita. Para siyang natutunaw sa paraan ng pagtitig nito sa kanya. Parang hinihigop nito ang buo niyang kaluluwa. Hindi niya tuloy mapigilang manginig ang tuhod at mapatungo. Hindi na niya muking titingnan ito.
Natapos ang maghapon na pakain at palaro. Nag-enjoy siya ng husto pero hindi ang mga kaibigan niya. Alam niyang kaplastikan lang ang ipinapakita ng mga ito. Nandoon lamang ang mga ito dahil sa iisang dahilan. Si Adrian at dahil.sa pamimilit ng mga ama nito. Lalo na si Jeanne na tumatakbo ang ama bilang bise-mayor ng kanilang lugar.
Hindi nga niya alam kung masasabi ba niyang kaibigan niya talaga ang mga ito ng tunay. Dahil alam niya sa sarili na pinagtatawanan siya ng mga ito kapag nakatalikod siya. Mabuti ang mga ito kapag kaharap siya, ngunit siya ang pulutan ng tukso at tawanan kapag wala na siya sa paligid.
Bakit nga ba hindi? Kakaiba siya sa mga ito. Kahit kaedaran lamang niya ang mga ito ay dalaga na kung titingnan. Nagagawa na nga ng mga ito ang maglagay ng make-up. Nagagawa nang manamit ng maiksi at seksi. Nagagawa na ang maglandi.
Siya? Nakasuot na nga ng makapal na salamin. May mga tigyawat sa mukha at noo. Baduy pa manamit kahit sabihing anak mayaman siya. Wala kasi siyang ina na umaagapay sa kanyang paglaki.
Itinaas niya ang kanyang salamin sa mata na bahagyang nahulog dahil sa pagkakayuko. Nasa mahaba siyang mesa at kasalukuyang kumakain. Nasa malaki silang opisina sa bahay ampunan. Iyon ang silid kung saan nananatili ang director na namamahala roon.
Kinakausap ng kanyang ama si Ginang Rivas. Siya naman ay inabala ang sarili sa pagbabasa habang tahimik na nakikinig sa usapan ng mga ito.
"Matalinong bata si Adrian. Gusto niya talagang makapagtapos."
Napalunok siya nang maulinigan ang pinag-uusapan ng kanyang ama at ng Director. Umusod siya para lalong mas mapakinggan ang usapan. Nakukuha ang atensiyon niya pagdating sa lalaking gusto niya.
"Sige, kukunin ko siya at pag-aaralin sa magandang paaralan. Siguradong magiging asset siya ng kompanya pagdating ng panahon," ika ng kanyang ama dahilan ng paglaki ng kanyang mga mata. May tuwa sa kanyang puso dahil mukhang magkakalapit na sila ni Adrian sakaling ampunin ito ng kanyang ama. "Wala naman problema sa mga papeles niya, hindi ba?"
Umiling si Mother Johnna. Nakakulong ang ama ni Adrian kaya minabuti na lamang na bawiin ang kaukulang karapatan nito sa anak para mas makahanap ng pamilyang magbibigay dito ng magandang kinabukasan.
"Kailan daddy?" tanong ni Lalaine nang paalis na sila sa bahay ampunan. Kasasabi lamang ng kanyang ama ang balak na pag-ampon kay Adrian.
Ginulo nito ang kanyang buhok dahil sa katuwaang mababanaag sa kanyang mukha. Hindi mapawi-pawi ang ngiti sa labi niya.
"Natutuwa ka ba dahil magkakaroon ka na ng kapatid?" Imbes na sagutin siya ay muling tanong ng kanyang ama. Magiging kapatid man niya ito o ano pa man, wala siyang pakiaalam dahil mas excited siyang makasama na ito at makikita araw-araw. Hindi na lamang tuwing dumadalaw sila sa bahay ampuna. "Bago siguro magbagong taon ay nasa bahay na siya."
Mas lumawak pa ang guhit ng ngiti sa kanyang labi. Hindi na lang sila ng kanyang ama sa mga susunod na taon. Magiging tatlo na sila. Kasama ang kanilang tatlong katulong at isang driver.
"I'm very happy, daddy," ika niya sa ama at niyakap ito nang mahigpit.
"Gagawin ko ang lahat anak. Titiyakin kong aalagaan at proprotektahan ka ng sinumang taong papasok sa buhay natin."
Muli siyang nagpasalamat sa ama. Kahit dalawa na lamang sila sa buhay ay hindi siya nito pinabayaan. Binigay nito ang lahat ng kagustuhan niya. Iniwanan sila ng kaniyang ina noong limang taong gulang pa lamang siya. Hindi niya tanda, ngunit sa isang aksidente raw ito namatay.
Hindi siya lumaking spoiled brat. Pinalaki kasi siya ng Nanay Erna niya--ang mayordoma nila sa bahay. Tinuruan siyang maging mabuting tao. Lalo na sa mas nakakababa sa kanila. Matandang dalaga ito at walang naging lalaki sa buhay. Kay Nay Erna rin niya nakuha ang pamamaraan ng pananamit.
Pareho nilang ayaw na magpakita ng balat. Ayaw nilang kinukuha ang atensiyon ng iba dahil sa pamamaraan ng pananamit. Pero 'di gaya ng mayordoma nila ang munti niyang puso. Alam niya kahit bata pa lamang siya kung ano ang malakas na t***k kapag nakikita niya ang binatilyong si Adrian. Alam niya kung bakit hindi siya halos makatingin dito. Ang puso niya ay musmos at lihim na umiibig.
Suot muli ang mahabang palda at blusa na may mahabang manggas, tinakbo niya ang hagdan pababa at masyadong sabik na bumaba.
"Hay, naku ireng bata ka! Baka matisod ka at mahulog!" takot na sigaw ng Nanay Erna niya. Makakasalubong niya ito sa hagdan dala ang basket ng labahan na malinis na at maayos na nakatupi.
"Magandang umaga, Nay," malawak ang ngisi niyang bati rito bago ito nilagpasan.
"Naku, Lalaine! mag-ingat kang bata ka. Ako ang kinakabahan sa iyo. Lampa ka pa naman bata ka, Oo."
Humagikgik siya nang makababa at hindi naman nahulog. Tumigil siya at inayos ang pagkakatayo nang bumukas ang pinto nila sa harapan.
Napalunok siya nang makita si Adrian habang buhat ang isang bag. Nakasunod ang kanyang ama na nagtatanggal na ng jacket at ibinigay sa isa nilang katulong. Si Helenita.
"Val, naka-ready na ba ang isang kama sa kuwarto mo? Pakidala na si Adrian doon," maawtorodad na tanong ng kanyang ama sa kanilang driver na kapapasok lamang din.
Napakunot ang noo ni Lalaine sa kanyang narinig. Gusto niyang magsabi na nai-ready na niya ang isang kuwarto sa taas kagabi pero muli naumid ang kanyang dila nang malamig ang titig sa kanya ni Adrian.
Wala itong kangiti-ngiti sa mukha. Parang hindi masaya na naroon ito sa pamamahay nila.
Napakapit siya sa kanyang palda at nalamukos iyon. Napayuko siya at nakagat niya ang kanyang pang-ibabang labi.
"Opo, Senyor," sagot ni Manong Val at inakay na ang binatilyo. Mag-isa lamang si Manong Val sa malawak na silid na para sa isang driver.
"Daddy?" Bantulot siyang lumapit sa kanyang ama.
"Maagang gumising ang aking prinsesa ah!" Ibinuka ng kanyang ama ang braso para sa isang yakap.
Bago pa man siya humakbang para puntahan at yakapin ang ama ay muli siyang napalingon sa gawi ni Adrian.
May galit ang mukha nitong nakatingin sa kanila bago tuluyang mawala sa kanyang paningin. Hindi maintindihan ng kanyang musmos na isipan kung bakit ganoon ang titig nito.
May nagawa ba silang mali?