Hindi na ‘ko makapaghintay sa weekend. Gusto ko kasing makapagpahinga ng maayos. Paano’y tulad ng inaasahan, dinatnan na ‘ko kagabi—at ngayon, kailangan ko pang pumasok ng Biyernes. Latang-lata ako paggising, halos mahulog pa sa hagdan ng double deck kung hindi lang mabilis na naalalayan ni Raya. “Kaya mo ba talagang pumasok?” paniniguro niya. Siya na lang ang naiwan sa apartment kasama ko dahil nauna nang umalis sina Belle at Arielle kahapon para magbakasyon. “Oo. Ayos lang ako,” sagot ko. “Baka nga dala rin ng stress kaya ganito ang pakiramdam ko.” Hindi naman kasi ganito ang lagay ko sa tuwing mayroon ako. “Hindi ka ba pwedeng mag-leave?” “Ano ka ba? Wala pa ‘kong isang buwan. Wala pa ‘kong ganu’n.” “What if mag resign ka na lang tapos ako nang bahala sa ‘yo? Pananagutan kita!”

