Ang hirap magselos lalo na kapag walang karapatan. Matagal na noong huli ko itong naramdaman kaya nakakapanibago. Wala akong ibang magawa ngayon kung hindi maglakad na para bang kalaban ko ang buhanging nilalakaran.
Nakatanaw sa tabing dagat at papalubog na araw, sa kabila ng magandang tanawin ay hirap akong pakalmahin ang sarili. May mapait sa panlasa ko at paninikip sa dibdib na hindi mawala-wala. Hindi ko tuloy alam kung magandang ideya pa ba itong pagsama ko sa inuman. Pero dahil huli na para umatras, nagtuloy-tuloy na lang ako papunta sa kubo ni Peter.
Pasipa akong maglakad sa buhangin kaya pinapasukan nito ang suot kong tsinelas. Inis na inis lang kasi talaga ako lalo na’t nasa likuran ko at kasunod na naglalakad sina Peter, Lorraine, at iba pang kasamahan nila sa isla. Habang ako? Ito at mag-isa.
Alam kong nauuna ako ngayon dahil sa pagmamadali ko kanina, pero talagang hindi ako tinabihan ni Peter? Napairap ako sa kawalan—sabay talisod!
Napapikit ako ng mariin nang muntik nang masubsob sa buhangin. Nakakahiya! Mabuti at nabalanse ko ang sarili!
Narinig ko ang hagikgik ng mga babae sa likuran ko kaya kung pwede lang ay gusto kong magpalamon ng buhay sa buhangin. Didiretso na sana ako para makaiwas sa pagkapahiya pero natigilan ako nang mapansing isa lang ang suot kong tsinelas. Mukhang nahubad ko ito dahil sa pagkatalisod!
Napilitan akong lumingon para malaman kung saan ito napunta. At mistulang tumigil ang oras nang makita kong nakayuko si Peter habang hawak-hawak ang hinahanap ko. Nag-angat siya ng tingin sa akin kaya mabilis ko siyang tinalikuran.
Wala naman kami sa fairytale, at mas lalong hindi ako si Cinderella. Hiya lang ang nararamdaman ko ngayon—
Teka lang. Sinong may sabing wala kami sa fairytale? Bakit hindi ako pwedeng maging si Cinderella? Muntik ko nang makalimutan ang pagbabagong buhay ko sa isla. Bakit ba masyadong nangingibabaw ang emosyon ko gayong hindi nga ako si Wendy?
Huminga ako ng malalim, pilit inangat ang magkabilang dulo ng labi, at pagkatapos ay muling hinarap si Peter. Ngayon ay nakatayo na siya at nakatingin ng diretso sa direksyon ko. Hindi ko pa rin mahulaan kung anong tumatakbo sa isip niya.
Malapit sa kanya’y nakatayo sina Lorraine at mga kasama niya. Nangingiti sila at nagbubulungan. Oo’t nahihiya pa rin ako, pero kapag pinairal ko ito ngayon, mas matutuwa pa sila. Kaya kakapalan ko na ang mukha ko.
Habang magkaharap kami ni Peter, inangat ko ng bahagya ang paa kong walang suot na tsinelas. “Tart…any chance you could rescue me?" may lambing kong tanong sa kanya. I let out a little pout, hoping to look cute.
Alam kong may chance na mas mapahiya pa ‘ko kapag hindi pinansin ni Peter ang pagpapa-cute ko. But I would rather risk it than run away. After all, risk taker naman talaga dapat si Briar – bagay na madalas kong makalimutan.
Kumunot ang noo ni Peter bago bumagsak ang tingin sa paa ko. Nakangiti pa rin, lumunok ako habang pinipilit magtiwala na ‘di niya ‘ko hahayaang mapahiya. Hindi ko alam kung ano pa bang pinag-iisipan niya ng mabuti e. Sabagay, ilang segundo pa lang naman ang lumilipas kaya nagtiis muna ako sa posisyon ko kahit hirap sa balanse.
At sa wakas! Nakahinga ako ng maluwag nang makitang naglakad na si Peter papalapit sa direksyon ko.
Nakahanda na ako sa Cinderella moment ko nang maramdaman ko ang pag-angat ko sa ere! May bumuhat lang naman sa akin galing sa likuran ko! Tulad ko’y nanlaki rin ang mga mata ni Peter sa nangyari.
Nilingon ko kung sino ang may buhat sa akin ng pa-bridal style at nakita si Nikolai! Hindi ko alam na sa pangangatawan niya’y may lakas siyang buhatin ako!
“Ang bagal mo, bro! It would be a lot faster this way,” sabi niya sa kapatid bago pigil na tumawa. Hindi ko tuloy alam kung seryoso ba siya o nang-aasar.
Pagtingin ko kay Peter ay humigpit ang hawak niya sa suot na tsinelas. Nawala ang pagkablanko ng mukha niya dahil nadepina ang lukot sa kanyang noo at dumilim din ang kanyang paningin. Napalunok ako at nakaramdam ng takot pero itong si Nikolai, talagang nagsimulang maglakad papalayo sa kanila!
“Ibaba mo ako, kaya kong maglakad,” may diing bulong ko sa kanya habang nakaalalay sa kanyang balikat. Pero imbes na huminto ay tumakbo pa siya!
“Mali ba ‘ko ng dinig? Thought you were asking to be rescued,” naghahabol ng hiningang tanong ni Nikolai. Kita kong namumula na ang mukha niya, halatang nahihirapan sa pagbuhat sa ‘kin.
“Oo nga. Pero kay Peter ako nagpapaligtas!” sabi ko ng walang paligoy-ligoy. Obvious naman kasi na ito ang intensyon ko kaya ‘di ko alam kung bakit bigla na lang siyang sumingit. “Naglalakad na siya palapit sa ‘kin e,” dagdag ko pa sabay buntong-hininga. Ilang beses ba akong madidismaya sa isang araw?
Natawa si Nikolai kaya lalo akong napasibangot. Nangingilid na ang luha ko sa inis, dinadagdagan pa niya. "Why settle for him walking when my brother could be running towards you?" makahulugang saad ni Nikolai na nagpahinto sa paghihimutok ko. Nagulat ako dahil may ideya siya sa talagang gusto kong mangyari sa amin ng kapatid niya.
“Nikolai!”
Napalingon ako sa likuran namin ni Nikolai at nalaglag ang panga nang makita ang literal na pagtakbo ni Peter palapit sa ‘min. Hawak-hawak pa rin niya ang tsinelas ko kaya nagmukha siyang magulang na gustong paluin ang anak. Nakalimutan ko tuloy ang inis ko at muntik nang matawa. Sakto namang natalisod si Nikolai at muntikan na kaming matumba pareho! Napayakap ako sa kanyang leeg ng ‘di sinasadya!
Nagulat na lang ako nang isang segundo lang nahinto si Nikolai ay naagaw na ako ni Peter mula sa kanya. Napakapit ako kaagad sa kanyang balikat para hindi mahulog. Mabuti at sinigurado naman niyang karga niya ‘ko ng maayos.
Umupo sa buhangin si Nikolai habang naghahabol ng hininga, “See? Madali lang naman maghabol—”
“F*ck you, Nik.” Halatang nainis si Peter sa kapatid niya kaya pinagdikit ko na lang ang labi ko at wala nang sinabi pa. Baka mamaya’y madamay pa ako.
Hindi ko alam kung anong dapat maging reaksyon sa nangyari. Nawala rin dito ang isip ko lalo na’t buhat ako ni Peter ngayon. Sa likuran namin ay makikitang nakasunod hindi lang si Nikolai na halos mapunit ang labi sa pagngisi, kung hindi pati na rin ‘yong mga babaeng hindi maipinta ang mukha sa nasaksihan.
“Humawak ka ng maayos. Baka mahulog ka,” seryosong utos ni Peter. Binukas-sara ko naman ang mga mata ko, nagtataka kung bakit niya ito nasabi gayong nakahawak naman ang mga kamay ko sa balikat niya.
Napangiti na lang ako lalo na’t buhat-buhat na naman niya ako parang tulad lang ng dati. “Okay lang mahulog. Nandyan ka naman,” bulong ko na may halong panunukso. Hindi ko alam kung makailang beses ko na bang nagamit ang mga corny na linyahan katulad nito.
Tumikhim si Peter, inayos ulit ang buhat sa akin, bago sumagot. "I still don't want you to fall; you could get hurt."
Mabilis nagbago ang timpla ng mukha ko. Malapit na kami sa kubo niya at alam kong ibababa na niya ako. Tuloy ay pinairal ko ang kapilyahan at pinulupot ang mga braso sa leeg niya. I let my lips gently brush against his neck on purpose.
Nahinto siya sa paglalakad na ikinatuwa ko. Ibig sabihin ay naapektuhan kasi siya sa ginawa ko. “Sabi mo ayaw mong mahulog ako at masaktan, so bear with this,” sabi ko pa, sinadyang mahanginan ang leeg niya. Pagtingin ko tuloy dito ay namumula na ito hanggang tainga. Madaling naapektuhan ang t***k ng puso ko dahil dito.
Lumunok muna si Peter pero hindi niya ako ibinaba. Hinayaan niya ako sa posisyon ko pero bumilis ang paglakad niya papunta sa kubo. Tuloy ay nauna na talaga kami sa iba. Sinamantala ko na ang ilang segundong yakap ko sa kanya nang tuluyan na kaming makarating dito.
Nakita ko na ang kubo kaya akala ko ibababa na niya ako. Ayon lang ay nagtuloy-tuloy pa siya hanggang sa makarating kami sa ginawa niyang duyan para sa ‘kin. Iniupo niya ako rito ng marahan.
Pinanuod ko siyang lumuhod sa harapan ko, inayos ang hawak niyang tsinelas, at pagkatapos ay hinawakan niya ang binti ko. Naalala kong marumi ito dahil may mga buhangin kaya babawiin ko sana. Ayon lang ay hindi niya ako hinayaan pa. Siya na mismo ang nagpagpag dito gamit ang kamay niya. At pagkatapos ay isinuot sa akin ang hawak niya.
Mukhang kahit wala ako sa fairytale, at hindi ako si Cinderella, pwede ko pa ring makilala ang prince charming ko. Sabi niya ayaw niya akong mahulog pero lalo pa rin akong nahuhulog dahil sa ganitong mga paandar niya.
“Pagpasensyahan mo na ang kapatid ko,” pagbasag ni Peter sa katahimikan.
Tumawa naman ako ng mahina, “Hindi mo kailangang mag-sorry. Nakakatuwa nga siya e,” casual kong tugon pero parang siya ngayon ang hindi natuwa. Pag-angat niya kasi ng tingin sa akin ay pinaningkitan niya ako ng mga mata. “Ba--Bakit? May nasabi ba ‘kong mali? Okay ka lang?” nag-aalangang tanong ko.
“I’ve been missing you,” diretsong pagtatapat ni Peter na nagpahinto na naman ng mundo ko. Nakita ko ang paglunok niya. Nag-iwas din siya ng tingin, tila sinusubukan pa ring itago ang sariling emosyon. Mukhang continuation na ito ng naudlot naming pag-uusap kanina.
Dahil natahimik siya’y naglakad-loob akong magsalita, “Kung tama ang intindi ko… sabi mo kanina, nahirapan ka noong umalis ako rito. Bakit?” Ako na mismo ang nagtanong nito para magkaalaman na. Ginawa ko ito kahit parang gustong kumawala ng puso ko sa sobrang lakas ng t***k nito ngayon.
Muli siyang tumingin sa mga mata ko. And there was something in his gaze that just knew how to reach my heart. Naghintay ako sa sagot ni Peter, lalo na’t alam naman niya kung anong gusto kong marinig mula sa kanya. Pinapabalik niya ako sa kubo niya dahil…?
Nakita ko na ang pag-awang ng kanyang labi nang mag-ring bigla ang cellphone ko. Ayaw ko sana itong pansinin kaya lang ay tumingin na rito si Peter. “Sorry, sandali lang,” sabi ko na lang bago kinuha ang phone ko sa bulsa ng suot ko. Papatayin ko lang sana ito kaagad nang makita ko kung sino ang tumatawag.
Pangalan ito ng HR na kausap ko sa Stellar Communications. Nanlaki ang mga mata ko dahil hindi ko inasahan na magri-reach out pa ulit sila sa akin. Muntik ko na ngang makalimutan ang tungkol sa paga-apply ko rito. Akala ko kasi’y wala na itong pag-asa dahil matagal na rin ang nakalipas mula noong ipinasa ko ang pa-assignment nila. Tinanggap ko nang imposibleng makapasok ako sa kumpanyang ito.
Ano kaya ang dahilan ng pagtawag nila ngayon? Parang ang weird naman kung babalitaan lang nila ako na hindi ako nakapasa.
Nahinto ako sa pag-iisip nang tumayo si Peter sa harapan ko. Nawala ang focus ko sa kanya dahil sa pag-ring ng phone ko. “Sorry—”
“You might want to answer that call. Mukhang importante.” Nakita ko ang tipid niyang pagngiti para i-assure akong ayos lang sagutin ang tawag. “Mag-aayos lang kami rito,” dagdag pa niya sabay patong ng kamay sa ibabaw ng ulo ko at haplos dito. Wala na akong nasabi nang salubungin niya sina Nikolai. Kasabay ng paglubog ng araw, pinanuod ko siyang lumayo sa akin habang naririnig ang patuloy na pag-ring ng cellphone ko.
Pinindot ko ito bago pa tuluyang mamatay. “Hello? Yes, this is Wendy speaking,” masayang bungad ko sa kabilang linya. Ang goal ko lang talaga ay malaman kung tungkol saan ang tawag na ito.
"Great news! Apologies for the delay in getting back to you about your application. We temporarily put your position on hold due to some changes in our company,” panimula ng HR. Ito pala ang dahilan kaya natagalan. Ano kayang nangyari? “Nevertheless, if you're still interested, the management was impressed with the assignment you submitted and would like to extend an invitation for a final interview.”
Hinigit ko ang hininga ko. Hindi ko inasahang magugustuhan nila ang pinasa ko lalo na ang mabigyan ng opportunity for a final interview. Nakaramdam ako ng saya bago napatingin kay Peter ‘di kalayuan. Nakikipag-usap siya kay Nikolai nang mapalingon din siya sa direksyon ko. May kakaibang kirot akong naramdaman sa dibdib.
“I appreciate your update and the opportunity. Could you share the next steps in my application process after the final interview?” tanong ko habang mabigat ang paghinga. Hindi pa rin nababali ang tingin namin sa isa’t isa.
I’ve been missing you…
“In all honesty, the final interview is more of a formality. I'm excited to inform you that we're actively preparing a job offer for you.”
I’ve been missing you…
"At this point, we'd like to confirm if you're still interested or actively searching for a job.”
Hindi ko inasahan ang sinabi ng kausap kong HR. Parang bigla na lang ako nitong ibinalik sa reyalidad ng buhay.