Hindi ako makapaniwala.
Sa dinami-dami ng pwedeng makita sa araw na 'yon, bakit si Liam pa? At bakit ngayon pa—ngayon pang wala akong lakas, ngayon pang pilit kong kinakalimutan ang gabing halos wasakin ako ng totoo?
“Bes,” bulong ni Mira habang nakangising nakasiksik sa tagiliran ko. “Uwi na tayo, baka may magkaaminan pa rito.”
“Tumigil ka nga,” mariin kong sagot habang pilit umiiwas ng tingin kay Liam. Pero kahit hindi ko siya direktang tinitingnan, ramdam ko ang presensya niya. Tahimik lang siya, pero para siyang multong naroon lang, hindi umaalis.
Hindi naman siya nagtagal. Tumango siya sa aming dalawa, saka umalis na parang walang narinig. Hindi man lang nagpaalam, hindi rin nagtanong. Pero bakit ang bigat ng iniwan niya?
Pagkaalis niya, agad akong hinarap ni Mira. “Girl. G I R L. That was intense.”
“Wala namang nangyari,” mariin kong sagot, pero kahit sarili kong boses hindi ko makumbinsi.
“Wala raw! Yung tingin niya sa’yo, parang alam niyang—alam niyang hindi ka okay.”
Napaupo ako sa pinakamalapit na bench. “Kasi nakita niya ako nung gabi na ‘yon.”
“Exactly.”
Tahimik muna kami pareho. Maya-maya, humigpit ang hawak niya sa milk tea niya bago muling nagsalita.
“Bes… aminin mo, kahit konti lang… nakaka-comfort yung presence niya, no?”
Hindi ako sumagot. Hindi ko alam ang isasagot. Kasi kung aaminin ko, baka hindi ko na rin kayang bawiin.
Kinagabihan, habang nakahiga ako sa kama, hindi si Vincent ang iniisip ko. Hindi ang flowers na dapat ay dumating, o ang calls niyang hindi ko sinasagot. Ang iniisip ko, 'yung lalaki kanina sa mall.
Si Liam.
Pilit kong binalik sa isip ang araw na nakita ko si Vincent. Ulan. Sakit. Katahimikan. At pagkatapos… si Liam.
Nakatayo siya sa gilid ng sasakyan, nakasilong. Wala siyang payong para sa akin. Pero lumapit siya. Binuksan niya ang pintuan ng kotse niya at tahimik na hinintay ako. Hindi ako nagsalita. Wala siyang sinabi. Pero umupo ako sa loob. Napaiyak ako habang nakatingin lang siya sa windshield, tahimik lang na kasama ko.
Wala siyang tanong. Wala siyang judgement. Wala siyang “anong nangyari?” o “okay ka lang ba?” Pero ramdam kong nando’n lang siya para sa’kin.
Nakatulog ata ako sa loob ng sasakyan niya. Pagkagising ko, may nakapatong na jacket sa balikat ko. Siya, wala na. Pero ramdam ko pa rin ‘yung presensya niya.
At ngayong nakita ko siya ulit, parang bumalik lahat. Pero mas malala — kasi mas malinaw na ngayon ang lahat.
Hindi lang siya basta dumaan. Hindi lang siya basta nando’n. Pinili niyang manatili.
Kinabukasan, late ako nagising. Wala akong energy. Wala akong gana. Pero pinilit ko pa rin bumangon dahil susunduin daw ako ni Mira para ayusin namin ang wedding souvenirs.
Pagbaba ko, nasa sala na siya, kumakain ng pandesal habang nakataas ang paa sa center table namin na parang bahay niya ang kinalalagyan niya.
“Grabe ka, ang tagal mo. May anak na ‘ko kung buntis ako kagabi.”
“Sorry na,” sagot ko habang nag-aayos ng buhok. “Hindi ako agad nakatulog.”
“Ayan ka na naman.”
“Wala akong iniisip, okay?”
“Wala naman akong sinasabi.”
“Pero iniisip mo.”
Ngumiti siya nang pagkatamis-tamis. “Hindi ko kasalanan kung obvious.”
Umiling ako. “Let’s go na bago pa ‘ko mawala sa sarili ko.”
Sa sasakyan, hindi pa rin siya tumigil.
“Bes, tanong lang. Kapag, for some reason lang ah — kunwari lang — si Vincent biglang mawala sa picture… anong masasabi mo kung si Liam ang humalili?”
“Humalili? Anong tingin mo sa akin, project na ipapasa?”
“Eh hindi mo rin naman siya totally stranger, ‘no? Kuya ng fiancé mo. CEO ng kumpanya nila. Gwapong tahimik na parang leading man sa K-drama.”
“Stop romanticizing him, Mira. Hindi kami magkakilala.”
“Pero in times of breakdown, siya ang nando’n. That counts.”
Napabuntong-hininga ako. “Wala akong iniisip na ganun. May fiancé ako.”
“Fiancé mo na may ibang kayakap.”
Hindi ako sumagot. Ang sakit kasi marinig, kahit alam ko namang totoo.
Pagdating namin sa shop kung saan kukunin ang souvenirs, dumaan kami sa isang bulaklakan sa tapat. May bouquet na naka-display sa glass window. White tulips.
Bigla akong napatigil.
Si Vincent, never niya akong binigyan ng bulaklak. Kahit kailan. Kahit noong college. Lagi niyang sinasabing cheesy daw. Practicality over romance.
Pero nung nakita ko ang tulips na 'yon, naalala ko lang bigla... sa loob ng kotse ni Liam nung gabing ‘yon, may natuyong petals sa dashboard. White tulips din.
Coincidence ba ‘yon?
Hindi ko alam. Pero bakit parang… gusto ko siyang makita ulit?
At the same time, ayokong malaman ng kahit sino ‘yon. Kasi kahit sarili ko, hindi ko pa kayang aminin.