Devine Grace
Pagkababa ni Devine ng jeep bitbit ang kaniyang raketa ay mabilis siyang naglakad sa isang eskinita papasok sa kanilang tinitirahan. Hapon na at kailangan niyang mag-madali dahil may iba pa siyang lakad ngayong gabi. Sabado ngayon at tuwing Sabado ay may gig sila ng kaniyang mga kaibigan sa isang bar sa Makati.
Habang palapit siya sa kanilang bahay ay natanaw niya ang mga kumpulan ng babaeng nag-tsi-tsismisan at mukang nakita na rin siya. Kailangan niyang ihanda ang kaniyang mga tainga dahil sigurado siya na may mga masasabi na naman ang mga ito.
Sa pagdadalaga ni Devine ay hindi na lingid sa kaniya ang pagiging anak niya sa labas dahil hindi naman ito itinago ng kaniyang ina at tiyuhin ngunit masakit pa rin para sa kaniya ang makarinig ng hindi magandang salita at panghuhusga sa ibang tao.
"Nandiyan na ang anak ng kabit."
"Kung anong puno ay siya ring bunga! Sigurado ako na matutulad din 'yan sa ina na naging kabit at parausan," sabi ng isang ale na hindi nakatingin sa kaniya dahil abala sa paghahanap ng kayumad sa ulo ng anak nito na nakasalampak sa sahig.
"Kung gagamitin niya ang utak niya at hindi ang katangahan tulad ng ina niya ay marahil yayaman 'yan at hindi makontentong kabit at naanakan pa."
"Balita ko, mayaman ang tatay niyan kaya pinatulan ng ina. Akala siguro ay magagatasan," sabi pa ng isa at nagtawanan pa.
Umuling na lang siya at humugot ng hininga saka nginitian ang mga ale at saka deretsiyong naglakad. Ilan lang ito sa mga masasakit na salitang naririnig niya. Masakit na ito sa kaniya paano pa kaya sa kaniyang mama?
Noong bata si Devine ay hindi pa siya apektado sa mga sinasabi ng iba dahil hindi niya alam na mali ang nagawa ng ina. Ngunit ng magdalaga at nagkaisip na siya ay unti-unti niyang naintindihan at naunawaan kung bakit ganito na lang kung kutyain sila ng kanilang mga tsismosang kapitbahay. 'Yun ay dahil naging kabit ang ina niya at siya nga ang naging bunga.
Iwinaksi niya sa kaniyang isipan ang mga narinig, binalewala na lang niya ito. Hindi rin naman siya pinalaki ng tiyuhin na patola dahil wala din naman siyang mapapala kung papatol siya masasayang lang ang oras niya magkakaroon pa siya ng kaaway.
Nadaanan niya ang mga kapitbahay na nagkakasiyahan at nag-iinuman sa gilid ng kalsada na tapat ng tindahan ni Aling Marites. Ito ang palaging tagpong makikita sa kanilang lugar. Mga nag-i-inunan, tsismisan at batang nagkalat sa daan. Ano pa ba ang aasahan mo sa squatter?
"Tagay muna, Vine!" alok ni Tonio sa kaniya. Isa sa mga lasinggero nilang kapit-bahay kung titignan mo ang mga grupo nito ay hindi mo aakalaing gagawa ng mabuti pero sa totoo naman ay mga harmless ang mga ito at mababait sadyang hindi na buo ang araw na walang alak na sumasayad sa kanilang lalamunan.
"Nako, Tonio. Baka malintikan ka kay Dennis 'pag nalaman na namang pinatagay mo ang pamangkin niya," sita ni Baldo isa rin sa mga tangero. Wala naman problema sa kaniya ang mga ito dahil mababait naman at sanay na siya. Nakikita at nakakasama niya na ang mga ito magmula ng musmus pa lang siya.
Lumapit siya sa mga ito kaya binigyan siya ng bangko ng isa sa mga naroon. Naupo siya at pinagmasdan ang mesang nasa harap nila. May mga baso, bote ng 4x4 gin, pulutan at chiser doon.
"Joke lang naman. Pero kung gusto mo, e. Pwede naman," natatawang sigunda ni Tonio.
"Kuya Tonio, talaga. Gusto mo bang mapagalitan tayo pareho ni tito?"
"Biro lang. Saan ka ba galing?" Nakita niyang tumayo si Alvin at lumapit sa tindahan ni Aling Marites.
"Practice," tipid niyang sagot. Napayuko siya dahil sa pagod ngunit napaangat din siya ng tingin ng may tumambad na soft drinks sa kaniyang harapan.
Pagkaangat niya ng paningin ay nakita niya ang kaibigang si Alvin na may hawak ng bote ng soft drinks na may straw. Kinuha niya iyon at nagpasalamat.
"Papasok ka pa ba mamaya sa bar? Hindi ka pa ba pagod niyan? Kahapon ay nag-ensayo kayo ng banda niyo ngayon naman ay practice ng tennis?" Tanong nito.
Tumango naman siya, akma siyang magasasalita ng marinig niya ang ingay ng ringtone ng kaniyang cellphone. Itinaas niya ang kamay bilang tanda para humingi ng paumanhin sa kausap na sagutin ito. Kinuha niya ang telepono ay saka sinagot ang tumatawag.
Napangiti siya ng makita kung sino ito. "Hello po, ma'am!"
"Nakauwi ka na ba, Grace?" Malambing na tanong ng kaniyang propesora na si Ms Honeyleth Hernandez.
"Ah, opo. Kararating ko nga lang po, ma'am." Tinapunan niya ng tingin ang mga kaibigan, tumayo na siya dahil nakakahiya naman sa mga ito na siya ang dahilan para sila manahimik.
"Okay. Then, take a rest. Don't worry about the topic that we tackle yesterday. I understand that you have practice. I will just send it to your email so you can study and take a look later," anang kaniyang propesora.
Napakagaan ng loob niya sa dalagang instructor nila, 32 years old na ito at napakabait sa kaniya. Malaki rin ang pasalamat niya rito dahil kung may mga problema siya ay naroon ito palagi na handang tumulong sa kaniya. Para siyang nakahanap ng ate sa katauhan nito dahil kung ituring siya nito ay higit pa sa isang eatudyante.
"Thank you po , ma'am."
Hindi nagtagal ay tinapos na nilang pag-uusap. Nagpaalam na rin siya kila Tonio na uuwi na para makapag-pahinga pa. Hindi naman tumutol ang mga ito bagkos pinabaunan pa siya ng isang supot na sitsaron para daw may ma-meryenda siya habang nagpapahinga.
Pagkarating niya ng kanilang apartment ay naabutan niya ang kaniyang tiyohin na nagluluto na ng hapunan, nilapitan niya ito at nagmano.
"Bless you, 'nak. Magpahinga ka na muna at ipaghahanda kita ng makakain," anito.
"Ako na po tito. Tulungan ko na po kayo, ikaw na lang po ang magpahinga. Mukang napagod pa po kayo at puyat," aniya.
Nginitian siya ng kaniyang gwapong tiyuhin. Bunsong kapatid ito ng kaniyang mama at tanging kasama dito sa Maynila dahil dito rin ito nagtratrabaho. Isa rin itong musikero tulad niya ngunit magmula ng nagkasakit ito ay hindi na bumalik pa sa pag-tugtog. Nagtratrabaho ito sa isang Call center sa gabi siya naman ay naiiwan kung wala siyang gig.
"Okay lang ako Devine. Ikaw ang magpanhinga at kumain, ang payat-payat mo na. Baka mamaya sabihin ng mama mo pinababayaan kita, malapit pa naman ng unuwi 'yon."
"Payat pa ba ako sa lagay na 'to, tito? Hindi naman ako payat sakto lang at speaking of mama. Tumawag siya kanina to say na baka hindi na naman makauwi, hay... Palagi na lang..." Nalulungkot niyang pabatid.
Tipid namang nguniti ang tito niya. "Hayaan mo na 'nak. Alam mo naman ang mama mo, iniisip lnag non ang kinabukasan mo at ang lola mo. Kaya intindihin mo na lang."
Ano pa bang magagawa niya? Kahit nagtatampo naman siya ay may point ang tito niya hindi porket scholar siya ay wala na siyang ibang gastusin. Libre man ang tuition, pagkain at meryenda sa kanilang unibersidad ay kaniya pa rin ang modules at pamasahe. Kaya para makatulong at mapagaan ang responsibilidad ng ina ay pumayag siya sa alok ng isa sa mga kaibigan niyang tumugtog once a week sa isang sikat na bar sa Makati.
"Lagi naman tito kaya hindi na ako umaasa. Masasaktan lang ako," aniya sa mababang tinig.
Lumapit ito sa kaniya at saka inakbayan. Kaunti na lang ay magtatampo na siya sa kaniyang ina, mula pagkabata ay palagi na siyang iniiwan nito para magtrabaho kaya palaging ang tito Dennis niya ang kaniyang nakasama sa kaniyang paglaki.
"Mag-drama ka na naman ba? Pumasok ka na sa kwarto mo at magbihis, kakain na tayo. Ipinagluto kita ng paborito mong sinigang na hipon."
Bahagya siyang ngumiti. Kung noon ay sobrang tuwa niya na kapag nakakarinig ng sinigang na hipon ngayon ay normal na lang sa kaniya. Iniisip pa rin niya ang kaniyang ina.
"Sahod mo na ano, tito?"
"Oo. Kaya nag grocery na din ako. Sige na pumasok ka na don, dalian mo." Sabi nito at saka pa siya bahagyang itinulak para maglakad patungo sa kaniyang silid.
Masasabi niyang napaka-swerte niya sa kaniyang tiyuhin dahil kahit wala man ang kaniyang ina sa tabi niya ay hindi siya kinulang sa aruga at pagmamahal.
Mabilis lang siyang nakapag-palit kaya nakabalik siya agad sa kusina para maghapunan. Magana nilang pinagsaluhan ang paborito niyang ulam.
Magkasabay silang pumasok sa trabaho ng tiyuhin niya, nauna lang siyang hinatid nito sa kaniyang trabaho.
"Ingat, 'nak. Ha!?"
"Opo tito, kayo rin po," nakangiti niyang tugon. Pinanood niyang umalis ang tiyuhin bago hinarap ang bar na kung saan siya papasok. Napabuntong hininga siya ng pagmasdan niya ang bar. Isang gabi at may pang allowance na siya. Maitatabi niya na ang ibang ibibigay ng kaniyang mama.
Hindi naman niya kailangang magtrabaho kung tutuusin ngunit gusto niyang makatulong sa kaniyang mama kahit sa maliit na bagay na lang , alam niyang malaki ang responsibilidad na nakaatang sa kaniyang mama dahil ipinapagamot nito ang kaniyang lola sa probinsiya. Kaya gumagawa siya ng paraan para makagaan at makapagtabi para makasama niya na ang kaniyang ina.
Binati siya ng security guard na si Manong Jomar ng makita siya nito ganoon din naman siya. Pagkapasok niya ay nakita niya na sa stage ang kaniyang mga kabanda na nag-se-set up ng kanikanilang instrumento, napakunot noo siya ng mapansin ang mga problemadong muka ng mga ito.
Lumapit siya sa mga ito at ibinaba ang dalang maliit na back pack, hinubad rin muna niya ang kaniyang checkered na long sleeve kaya kita na ang panloob niyang black sando na nakapagpalitaw sa kaputian niya.
"Uy, Vine. Mabuti at nandito ka na. Hindi raw makakapasok si Jigs nilalagnat. Ikaw muna sa drums at female lead,"
Napakamot siya sa batok. "Si Kevin, hindi ba pwede?" tanong niya at tinignan si Kevin.
"May sipon at ubo ako, Vine."
Bahagya siyang tumango. "Sige, ano pa nga ba. Basic lang ba? Wala akong practice baka magkamali ako," aniya.
"Hindi 'yan. Memorize mo naman ang mga beat ng isasalang natin ngayong gabi at may oras pa naman tayo para mag-ensayo."
Wala na siyang nagawa pa, eto ang isa sa trabaho niya ang maging-sub sa mga walang member nila at sumunod sa mga kabanda niya mabuti na lang at kahit papano ay nabiyayaan siya ng talentong tumugtog ng iba't-ibang uri ng istrumento dahil na rin sa matiyagang pagtuturo ng tito Dennis niya sa kanya.
Alas-otso trenta na ng mag-umpisang tumugtog ang banda nila. Marami ng tao sa bar halatang may mga sinasabi sa buhay at naparito para mag-party.
"Good evening everyone. Sa mga hindi pa po nakakakilala sa amin, kami po ang bandang Bedista. We are all students from San Beda. My name is Kyle, si Kevin at Marco our guitarist," turo niya kay Marco at Kevin. Nagtaas naman ang mga ito ng kamay. "Leo pianist, and Devine our multi-instrumentalist." Itiruro niya ako at itinaas ko naman ang kaliwang kamay ko habang hawak ang stick. "Dalawa po ang wala sa amin ngayon kaya hindi niyo sila makikilala. Sana po ay ma-enjoy niyo ang musika na aming ihahatid sa inyo ngayong gabi."
Naghiyawan naman ang mga audience na parang nasasabik na sa pagtugtug nila. Palaging ganito kainit ang pagsalubong ng mga tao sa kanila.
Siniguro niyang nasa ayos ang set ng drums na nasa kanyang harapan. Hawak ang drumsticks ay naghintay lamang siya ng hudyat ng mga kasama. Lumapit si Kyle sa kanila at sinabihan sila ng unang isasalang na kanta. Inalis niya pansamantala ang in-ear monitor na nasa kaliwang tainga para marinig ng mabuti ang sasabihin nito.
"Guys. I'ts my life," anito. Nagsitanguan naman sila at naghanda.
Bumilang siya ng isa hanggang tatlo at saka inumpisahan ang beat. Naghiyawan ang mga tao sa baba ng stage, nakita niya 'yon ngunit hindi niya naririnig dahil sa soot na in-ear monitor. Kabisado na niya ang notation ng kanta, mapa drums, piano o guitar man ito. Kaya sa bawat pagpalo at hampas niya sa drums ay sumasabay sa beat ang kaniyang ulo. Nagagawa niya rin ang paglalaro at pagpaikot ng stick sa kaniyang mga palad kapag may pagkakataon habang tumutugtog dahil sanay na sanay na siya.
Pakiramdam niya ay nawawala ang pagod at mga stress niya sa pag-aaral sa tuwing humahawak siya ng kahit na anong music instrument.
Musika talaga ang stress reliever niya kahit noon pa man maliban sa paglalaro ng tennis. Mas nauna pa nga siyang natutong tumugtog ng mga musical instrument kesa sa paghampas ng bola ng tennis.
Sunod-sunod ang kantang sinalang nila at pasalamat siya dahil hindi pa naman siya nagkakamali bagkus tuwang-tuwa at nag-e-enjoy ang mga manonood. Ganon din naman siya dahil makikita sa kaniya na ganado siya sa pagtugtog.
"Are you having fun guys!?" pahiyaw na tanong ni Kyle sa madla. Malakas namang sumago ng "Yeah!" ang mga tao.
Beggin ng Måneskin ang naging closing nila. Nakita niyang nagtatalon ang mga tao sa malawak na dance floor na sumasabay sa beat ng tugtug. Itinodo niya na ang energy niya para sa huling kanta ngayong gabi.
Napangiti siya ng makaraos sila sa kanilang performance, matapos makapag-pasalamat ng banda nila sa mga tao ay nagsibabaan na sila sa stage. Papasok na sila ng dressing room para makapagpahinga at makauwi ng lapitan si Devine ng isa sa mga waitress ng bar.
"Devine. Pinapatawag ka ni Sir Thore sa office niya, gusto ka raw makausap," sabi nito.
Natinig 'yon nila Kevin at Leo, si Kyle naman ay nauna na kaya hindi na narinig. Napaisip siya dahil ito ang unang beses na pinatawag siya ng sinasabi nitong Sir.
"Ako lang ba?" tanong niya.
"Oo, e."
Tinapik siya sa balikat ng dalawang kasama. "Sige, mauna na kami sa'yo sa dressing room. Hintayin ka na lang namin para sabay-sabay na tayong umuwi," ani Kevin.
Ngumiti siya at tumango. Sumunod si Devine sa waitress habang ang isip ay nagtatanong. Ano ang kailangan ng boss nila sa kaniya gayong hindi naman sila regular sa bar nito. Nakaramdam siya ng kaunting kaba ngunit pupuntahan niya pa rin ito upang malaman ang dahilan.