Una Kang Naging Akin
CHAPTER FOUR
_____
BLANCO RESIDENCE, PAMPANGA
"TINATANONG ka ni, ni Lauren.."
Napatingin ako kay Tristan nang sabihin niya ito sa akin. Nasa harap kami ngayon ng lapag nang magpasya itong tumuloy muna sa bahay para makapagpalit si Angel.
"Tinatanong? Para saan? Bakit?" tanong kong may pagtataka dito. Sa ilang beses na bumibisita siya rito ngayon ko lang nabanggit ang ayon dito'y pagtatanong ni Lauren sa akin.
Hindi nakaligtas sa paningin ko ang pagbuntong-hininga nito.
"Gusto niyang naroon ka sa birthday ni Laurice," anito.
Napalunok ako.
"Bakit niya naisipan?"
"Hindi ko alam. Wala akong alam, dahil ang alam ko malinaw sa amin ang lahat na hindi na makikipag-ugnayan sa iyo pagkatapos ng lahat."
Binaling ko ang tingin sa pinto.
"May alam na ba siya kay Angel?" tanong ko.
"Wala. Malabong mayroon, Angelie. Hindi ko naman hinahayaan. Siguro dahil ang sabi niya may malaki kang ugnayan sa anak namin."
"Sa tingin mo ba iyon lang ang dahilan?"
"Iyon lang, at iyon lang dapat ang dahilan, Angelie."
Tumango-tango akong nakangiti sa kaniya. Ngayon ang hindi ko alam kung tatanggapin ang imbitasyon nito.
"Sinabi kong wala na akong balita sa iyo n'on pa.."
"Kung iniisip mong ipapahamak kita, hindi ko gagawin sa 'yo iyon, Tristan. Marunong akong tumupad sa pangako ko sa iyo.. sa inyo ni Lauren," may lungkot sa boses kong aniya sa kaniya.
Malinaw na sa akin ngayon kung bakit siya bumalik dito, ang buong akala ko pa naman may pangungulila siyang nararamdaman para sa amin ni Angel; nag-assume lang pala ako.
Ilusyon ko lang pala.
"It's your choice to go there at maiintindihan ko kung ayaw mo."
"Hindi ako pupunta.. Ayaw kong biguin si Angel sa araw na iyon, pinangako ko na sa kaniya iyon, Tristan."
"Naiintindihan ko at sana maintindihan mo rin ako.. kaya nandito ako ngayon para bawiin iyong araw na kailangan andoon ako para kay Angel."
"Matalino si Angel, Tristan. Pinalaki kong ganoon ang anak natin, alam kong malulungkot siya pero matatanggap niya rin naman at gaya ng sabi mo nandito ka naman para bumawi ngayon 'di ba?" positibo kong aniya sa kaniya.
Ngiti ang natanggap kong tugon mula rito.
"Alam kong mahirap para sa iyo 'to, Angelie. Pero ginagawa lang naman natin 'to para sa kapakanan ni Angel at ni.. Laurice."
Napakagat-labi ako. Pakiramdam ko ngayon ako ang may kasalanan kung bakit naiipit sa sitwasyon si Tristan; dahil bumalik kami sa buhay niya pagkatapos ng lahat ng pangako namin n'on sa isa't isa.
"Naynay, Ninong Tristan, tapos na po ako magpalit ng damit."
Sabay kaming napatingin kay Angel, kapwa may ngiti sa labi namin ni Tristan.
"Ready na ba ang Angel namin mamasyal?" masiglang lambing ni Tristan dito; sabay na binuhat si Angel at hinarap sa akin.
"Opo naman po, matagal ko na ngang hinihintay na makasama kayo ni Naynay, parang complete family na rin kahit wala ang totoong daddy ko," mahabang sambit ni Angel, pinaglipat-lipat ang tingin sa aming dalawa ni Tristan.
"Babawi kami, 'Naknak.. Heto na nga ngayon 'di ba? Susulitin natin ang araw na magkasama tayo ng Naynay mo."
Lumingon sa gawi ko si Tristan, ngumiti na lang ako sa kaniya kahit na nandoon ang pag-aalinlangan ko dahil baka umasa lang ang bata sa wala.
"Tayo na't marami pa tayong pupuntahan para mas marami pa ang oras na pagsasamahan natin sa pamamasyal," masiglang anito.
Binuhat nito si Angel at muling lumingon sa gawi ko.
"E-enjoy natin 'to ha.." sabi pa sa akin.
____
PEREZ RESIDENCE
"SIGURADO KA BANG HINDI NAGAGAWI DIYAN SI TRISTAN?" ilang beses ko na itong inulit-ulit sa kausap ko; ang sekretarya ng pinagtatrabahuhan ni Tristan sa isang buy and sell company. Ilang beses din nitong inuulit sa akin na hindi pa nagagawi d'on si Tristan. At ang pinagtataka ko pa ang sinabi nitong naka-leave ang asawa ko.
"Walang nabanggit sa akin si Tristan.." Pakikipagtalo ko rito.
"Maam, check ko na lang po ulit ang schedule ni Sir Perez, and I'll inform you na lang po agad."
Binaba nito ang cellphone matapos magpaalam sa akin.
Pagtataka pa rin ang nararamdaman ko.
Ano pa ang tinatago sa akin ni Tristan? Napatingin ako sa picture frame na nasa harap ko; ang larawan namin mag-anak.
'Ano pa ang malalaman ko, Tristan?' kunwang kausap ko sa larawan nito.
Binaba ko ang charcoal na hawak ko; at hindi na muling binalik ang tuon sa ginagawa kong pagpipinta—nawala na ako sa focus. Ang gusto ko na lang ngayon ay hanapin si Tristan at itanong sa kaniya lahat ng gusto kong itanong dito.
Muling sumagi sa isip ko ang batang nasa gallery niya, nadagdagan pa dahil sa narinig ko sa sekretarya nito.
Basta na lamang tumulo ang ilang luha sa mga mata ko.
Para saan ang mga luhang 'to? Ganito na ba ako kahina para umiyak sa mga bagay na hindi ko pa alam kung ano nga ba ang dahilan.
Tinaas ko ang tingin ko sa mga drawings ko sa dingding ng art room kong 'to, halos mga mata ng isang babae ang nakikita ko— at ang mga matang ginuhit ko'y may malalim na lungkot, may gustong ipahiwatig, may kwento para sa akin.
'Nangako ka sa akin na kapag dumating sa buhay natin si Laurice, ikaw ang magiging pinakamasaya, na wala kang hihilingin at hahanapin pa, Tristan!' mapait kong bulong sa sarili ko.
Binuksan ko ang drawer sa table ko nilabas ko ang isang pakete ng sigarilyong matagal ko ng iniiwasan. Sumindi ako ng isa, stress ang nagtutulak sa akin ngayon kung bakit ko muling gustong subukan ito.
Isang hithit ang ginawa ko't binaling sa isang frame na regalo sa akin ng isang kaibigan n'on; it's her masterpiece kamay ng dalawang taong magkahawak-kamay ng mahigpit.
Naalala ko ang sinabi niya sa akin nang huli kaming magkita —if I need a friend— maaasahan ko siya.
Buntong-hininga ako.
'I need you this time, Angelie. Baka ikabaliw ko kapag nalaman kong ginagago kami ng asawa ko!' bulong ko.
Buo ang loob kong hanapin si Angelie, kung kinakailangan kong hanapin ito sa Pampanga gagawin ko maramdaman ko lang ngayon na may kasama ako, na may masasandalan ako at si Angelie iyon alam ko.