NAHIHILO si Jesilyn at hindi maganda ang pakiramdam ng sikmura nang umagang iyon. Naduwal na siya kaninang pagkagising at dahil wala pa namang kinain ay nahirapan siya dahil mapait na likido lamang ang nagawa niyang ilabas. Marahil ay dahil iyon sa kakulangan ng tulog at labis na nerbiyos. Maaga kasi siyang nagising at kanina pa palakad-lakad sa pasilyo ng ikalawang palapag ng bahay. Hinihintay niyang magising at lumabas ng master bedroom ang kanyang mga magulang. Kailangan kasi niyang makausap ang dalawa. Sumikdo ang puso ni Jesilyn nang sa wakas ay bumukas ang pinto ng silid ng mga magulang. Unang lumabas ang kanyang ama na bitbit na ang bag at mukhang handa nang magtungo sa ospital. Sa pagkakatanda niya ay maaga ang shift nito ngayon. Huminga siya nang malalim upang kalmahin ang sar

