Prologue
Kulang ang sabihing kabado si Alina. Ang puso niya ay niraragasa sa sobrang kaba. Kaya mang itago ng makapal na make-up ang pamumutla at hiya ngunit hindi ang pangangatog ng kanyang tuhod at panginginig ng mga daliring pinipilit niyang kontrolin. Pakiramdam niya, mawawalan siya ng balanse anumang oras.
“Kaya mo ito, Alina,” pagpapalakas niya ng loob. Dapat niyang kayanin. Ang kailangan niya lang ay ang kapalan ang mukha. Alang-alang sa anak niya.
'Ilang sandali lang naman ito, Alina.' Matatapos din ang lahat.
“Handa ka na?”
Napalingon siya sa kaibigang si Vicky. Ito man ay 'di maitago ang alinlangan habang pinasadahan ng tingin ang kanyang kabuuan. Kakarampot na damit na kahit ang kaluluwa ay halos iluwa na. Sa pinakunang beses sa kanyang buhay ay ngayon lang niya nagawang magsuot ng ganito ka-provocative na kasuotan.
“Huwag kang mag-alala. May alindog ka naman kahit papaano. Ang gagawin mo lang ay gumiling nang gumiling. Isang musika lang at tapos ka na.”
'Yon ang kasunduan.
“Ito, pampakapal ng mukha.”
Iniabot ng babae ang isang bote ng beer. Kaagad niya iyong tinanggap at walang pag-aalinlangang tinungga daan upang mapaubo siya. Sa tanang buhay niya, minsan lang nasayaran ng alcohol ang lalamunan niya. 'Yon ang gabing nagpabago ng takbo ng kanyang buhay. Ang gabing naging sanhi ng tila walang katapusang pagdurusa.
Sumigid na naman sa kanyang dibdib ang pait at ang nakatagong sakit. Pero hindi ito ang gabi na iisipin niya ang mga bagay at alaalang iyon. Ngayong gabi, magiging matapang muna siyang harapin ang responsibilidad.
Naubos niya ang beer.
Sana, makatulong iyon para mawala ang kaliit-liitang hiya sa katawan niya nang magampanan niya ng mahusay ang kanyang tungkulin.
“Pumasok ka na.”
Pumaloob siya sa nakabukas na malaking kahon at naupo roon. Ilang sandali pa ay binalot na siya ng kadiliman. Pumikit siya at tahimik na nagdasal.
“Dios ko, tulungan Ninyo po ako.”
Naramdaman niya ang pagligid ng kinaroroonang kahon. Alam niyang papalapit na siya sa kanyang destinasyon. Ilang saglit lang ay gagampanan na niya ang papel ng isang maharot na sexy dancer.
Sana kayanin niya.
Nang sa wakas ay narinig niya ang malakas na putok senyales na bubuksan na ang kahon.
Isa, dalawa, tatlo. Tahimik siyang nagbilang.
"Happy birthday to you!”
Narinig niya ang malakas na pagkanta ng mga tao sa paligid. Palapit nang palapit ang pagtatapos ng kanta, pabigat naman nang pabigat ang kanyang puso.
Naiiyak siya.
Hindi niya naman dapat suungin ang ganito kababang uring trabaho kung sana...kung sana...
Ayaw niya na sanang balikan ang nakaraan pero 'di maiwasang huwag maungkat iyon. Mabait naman siyang tao pero kung bakit ang lahat ng kamalasan ay kanyang nasalo.
Bang!
Ang senyales niya. Pinintahan niya ng ngiti ang kanyang mukhang napupuno ng kolorete. Sinadya niyang hilingin kay Vicky na kapalan ang make-up nang sa gayon ay matabunan ang totoo niyang mukha at katauhan.
Sa gabing ito, ibang tao na muna siya. Magpapakaputa na muna siya.
Kasabay nang pagtayo niya ay ang pagkasira ng wrapper ng kahon. At sa isang iglap ay yumakap ang liwanag ng spotlight na tanging sa kinaroronan niya lang nakatutok.
Gumiling siya nang gumiling.
Habang sumasayaw siya sa saliw ng maharot na musika ay sige naman sa pagpito ang sa tantiya niya ay puro kalalakihang naroroon sa loob ng bulwagan. Indecent na mga salita, bastos na mga kataga ang mga natanggap niya.
Kahit gaano man niya gustong gawing manhid ang puso ay tinatablan pa rin siya ng hiya, namalayan na lang niyang nangingilid na ang kanyang mga luha. Nahihirapan siyang pigilin.
Hanggang sa napatutok ang mga mata niya sa lalaking nakaupo sa pinakagitna ng bulwagan.
Dios ko.
Dahan-dahang humina ang paggalaw niya nang mapagsino ang lalaking buong atensyon na nakatitig sa kanya partikular na sa birthmark na nasa kanyang puson.
May nakabalatay na rekognasyon sa mga mata nito. Naglakbay ang mga titig ng lalaki sa kanyang kabuuan hanggang sa nag-ugnay ang mga titig nila ng pamilyar na mga matang iyon. Ganoon pa rin kagwapo ang mukhang iyon na ngayon ay napipintahan ng yamot. Prominente ang kunot na nakaguhit sa noo nito.
May napukaw na sakit sa kanyang dibdib at 'di napigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha.
'Bakit sa lahat ikaw pa?'
Namalayan na lang niyang may tumamang kung anong bagay sa katawan niya nang tuluyan siyang nahinto sa pagsasayaw at nakipagtitigan na lang sa mga matang iyon.
Noah, bulong niya sa hangin.
“Ano, tutunganga ka na lang diyan?”
Sigaw ng ilang kalalakihan. Napalingon siya sa paligid. Ngayon niya lang natanto na siya lang ang nag-iisang babae sa silid na iyon. Sumigid ang hiya sa kanyang dibdib, 'di nakatulong ang alak para gawing manhid ang kanyang pakiramdam.
“Sayaw!”
Natuod na siya sa kinatatayuan.
Akmang lalapitan na siya ng isa sa mga naiinis na lalaki nang may matipuno at matangkad na bulto ng katawan na pumagitna sa kanya at sa bastos na adan.
“Hey, that’s enough!”
Kung sana ibang tao ang gumawa ng ‘chivalric act’ na ito, siguro matutuwa pa siya.
Nakita niyang hinubad nito ang suot na coat at ibinalabal sa kanyang katawan at bago pa man siya makahuma ay akay na siya nito palabas ng bulwagan. Napapikit siya. Ang pamilyar na init ng katawang iyon, ang matitipunong mga bisig. Gaano man niya gustong kalimutan ay buhay na buhay pa rin sa kanyang sistema.
“A w***e, huh!”
Pabalya siya nitong binitiwan nang sila na lang dalawa sa hallway. Bumabaon sa kanyang pagkatao ang matatalim at ang nakakainsultong paraan ng pagtitig nito.
Napatungo siya. Inaaba nito ang buong pagkatao niya. Ano nga ba ang ini-expect niya sa taong ito na ang tanging ibinigay lang naman sa kanya ay puro pasakit at sama ng loob? Ang taong ni minsan ay hindi siya binigyan ng respeto.
Gusto niya itong bulyawan, pagalitan at sumbatan pero hanggang ngayon ay napipipi pa rin siya sa harap nito. Kagaya pa rin pala siya noon. Kaya nga ba kaydaling yurakan ng lalaking ito ang pagkatao niya.
“Kailan ka pa nagsimulang maging puta, ha?”
Mababakas ang tinitimping galit ni Noah.
Ito pa ang may ganang magalit.
“May sakit ang anak ko.”
Ilang saglit na nanahimik si Noah. Nakatungo man ngunit alam niyang inaarok nito ang katotohana n ng kanyang mga sinabi.
“How much?”
“Malaki.”
“Gaano kalaki?”
Naalala niya ang sinabi ng doctor. Walang kagatol-gatol niyang sinabi ang halaga.
Walang anumang dinaklit siya nito sa braso at dinala sa hanay ng mga elevator sa hotel. Pinindot ni Noah ang numero kung saan man siya nito dadalhin. Habang umaakyat sila ay mas umaangat din ang kabang umaalipin sa kanya, ang kabog ng dibdib at di mapigilan. Bumulaga sa kanya ang magarang silid na tantiya niya ay pag-aari nito.
“Spare yourself from whoring, kaya kong ibigay sayo ang halagang yon. Kung magpapakaputa ka rin lang sa akin na lang.”
Walang babalang tinawid ni Noah ang pagitan nila at sinibasib ng halik ang kanyang mga labi.
Ganoon pa rin ang mga halik nito, walang pag-iingat, nagpaparusa. Gaya pa rin ng dati, walang pinagbago.
Ano nga naman ba ang maaaring magbago sa pagtingin nito sa kanya? Nakasemento na sa utak nito na isa siyang masamang babae, isang malaking kamalian, malaking balakid na dumating sa buhay nito.
Gustuhin man niyang manlaban pero para ano pa? Iisipin na lang niya na isang bangungot ang lahat.
Sasagarin na niya ang pagpapakaputa sa lalaking ito.
Sa mahal na mahal niyang dating asawa.
'Kung sana, Noah, alam mo lang ang puno't-dulo ng lahat ng ginagawa kong ito.' Pero kahit sabihin niya, alam niyang hindi ito maniniwala.
Pansamantalang naputol ang magaspang na paghalik nito at tinunghayan siya sa mukha. Nagtatagis ang mga bagang nito at ang mga mata ay napipintahan ng galit at sinambit ang mga katagang mas nagpapapait lalo sa kanyang puso.
"Tonight, you will be my whore.”