Sa bulto lang ni Lyke na nakahiga sa hospital bed nakatutok ang mga mata ko habang naglalakad ako papalapit sa kanya. Napakatahimik ng buong silid ngunit binibingi ako ng dumadagundong na pagtibok ng puso ko. At sa bawat hakbang na ginagawa ko papalapit sa kanya ay tila nawawalan ng lakas ang mga tuhod ko. Hindi ko mapigilan ang panghihina ng mga ito. Ni ayokong kumurap dahil baka magising na lang ako mula sa panaginip na ito. Ngunit ang mga aparato sa silid, ang katawan niyang nakahiga, at ang pagtaas-baba ng dibdib niya dala ng malalim niyang pagtulog ang nagsasabing hindi panaginip lang ang lahat at gising na gising ako ngayon. "Lyke," mahina kong sambit sa pangalan niya. Bakit ganon? Ilang araw ko lang siyang hindi nakikita pero napakalaki ng ipinayat niya. Hapis na hapis ang muk

