Kabanata 1
Painting
"Nasaan ka na ba?" Si Sammy sa kabilang linya. Ngayon niya ako pinaluwas pa-maynila para raw magkita kami saglit at magkakuwentuhan dahil sobrang tagal naming hindi nagkita.
Nasa bahay pa lang ako kanina ay ginagapang na ng kaba ang dibdib ko. Napapaisip tuloy ako na hindi talaga minsan maganda 'yong mga reunion thingy na 'yan. Kaba lang ang naidudulot.
"Malapit na 'ko. Nakikita na nga kita sa labas e," sagot ko. Saktong huminto ang sinasakyan kong Taxi sa mismong harap niya. Pagkabayad ay agad kong kinuha ang bag ko at 'yong box na dala ko.
Pagkababa ay agad agad niya akong niyakap nang mahigpit at impit na tumili. Hindi ko naman magawa na yakapin siya pabalik dahil sa dala ko at napipi ako sa yakap niya.
"Hey Sammy," sabi ko habang mahigpit pa rin ang pagkakayakap niya sa akin. Isang taon na nung huli kaming nagkita, ngayon na lamang ulit.
Tinaggal niya ang pagkakayakap sa akin.
"Grabe sobrang namiss kita!" Gigil ang boses niya sabay yakap ulit sa akin. Tumawa na lang ako dahil sobrang higpit talaga niya yumakap.
"Ako rin naman. Pero puwede bang mamaya na tayo ulit magyakapan? Hindi na kasi ako makahinga," tatawa tawang sabi ko sa kanya. Tinaggal niya naman ang pagkakayakap sa akin at tiningnan ako ng buo.
Napakunot ang noo ko.
"Bakit?" Tanong ko.
"Bakit parang mas pumapayat ka?" Malungkot ang boses na tanong niya sa akin saka hinawakan ang kamay ko. Itinuro niya ang kamay kong kitang kita na ang ugat.
Bahagya akong tumawa.
"Ganito talaga ang katawan ko." Sabi ko. Dumako ang tingin niya sa mukha ko.
"Sabagay hindi pa rin naman nawala ang ganda!" Biro niya.
"Bolera," banat ko.
Kukuhanin na sana niya ang kahon na nakabalot sa brown paper pero pinigilan ko na siya. Iyong bag pack na lang ang pinabitbit ko sa kanya papunta sa isang restaurant.
Nakasunod lang ako sa kanya habang hinahanap niya 'yong table na uupuan namin. Dumako roon ang tingin ko at nagulat ako sa mga naka-upo roon. Halos kabigin ko ang paghinga ko dahil sa mga taong naroon.
Anim na taon...
Anim na taon na ang lumipas nung huli ko siyang nakita. Kumabog ang puso ko nang dumako rin ang tingin niya sa amin at matamis na ngumiti. Nagtama ang mga mata namin. Pakiramdam ko ay huminto ang oras at galaw sa paligid at siya lang ang tanging nakikita ko.
Anim na taon na pero iyon pa rin ang hitsura niya. Iyong katawan lang siguro ang nagbago dahil mas naging makisig siya ngayon.
"Aysel!" Napabalik ako sa wisyo ng tawagin ni Sammy ang pangalan ko. Mula kay Avi ay sa kanya lumipad ang tingin ko.
"Ha?" Lutang na tanong ko.
"Ano uupo ka ba o tatayo buong oras?" Madiin ang boses na tanong niya sa akin. Napatingin ako sa paligid at gumagalaw naman iyon at ako na lang ang hinihintay nilang tatlo na umupo.
"Uupo," simple kong sagot saka umupo katabi ni Sammy. Magkaharap kami ni Avi kaya naman hindi ko maituwid ang paningin ko sa kanya. Mahirap na.
Ibinaba ko ang hawak kong kahon sa gilid ko dahil malawak at malaki ang table na kinuha nila. Si Vina ang katabi ni Avi at katapat ni Sammy. Nakuwento nila na naging magkakaibigan sila simula nung project.
"Kamusta ka Aysel? Long time no see ah!" Si Vina. Tama siya. Six years ago nung huli ko siyang makita. Mas gumanda siya lalo ngayon. Hindi na mahaba ang kanyang buhok kaya mas bagay sa kanya.
Tumawa ako.
"Oo nga long time no see. Okay lang naman ako. Alive and kicking," biro ko. Nagtawanan kaming lahat dahil sa sinagot ko.
"May asawa ka na?" Tanong niya. Nagulat ako roon pero agad din namang nakabawi. Mas lalo tuloy akong kinabahan dahil sa tanong na 'yon.
Umiling ako.
"Naku wala pa, hindi ko pa naiisip." Palusot ko. Pero ang totoo naghihintay na lang talaga ako kung may darating ba o baka wala na. Kung may naghihintay rin ba o wala na.
Sumingkit ang mata niya sa sinagot ko.
"Hindi mo pa sumasagi sa isip mo?" Naninimbang na tanong niya sa akin. Ngumiti ako sa kanya saka umiling ulit. Hindi na rin siya nagtanong pagkatapos noon.
Bago magpatuloy sa kuwentuhan ay nag-order na muna sila ng makakakain namin. Pesto ang sa akin at french toast. Gusto ko sanang ako ang magbabayad pero ang sabi ni Sammy ay lapag niya ngayon.
Nakunot ako sa word na ginamit niya. Iyon pala ay sagot niya ang pagkain namin ngayon. Siya ang manglilibre. Ako ang nahuling kumain sa kanila dahil hindi ko type 'yong pasta. Nasanay kasi ako sa mga lutong bahay kaya siguro naninibago lang ako.
Nagsalita si Avi
"Is it okay kung pumunta si Erann dito?" Tanong niya. Napatingin ako sa kanya at ganoon din siya sa aming tatlo, naghihintay sa isasagot namin.
Tumango si Sammy.
"Sure. No problem," ani Sammy. Hindi ko naman kilala kung sino 'yong Erann na tinutukoy niya kaya wala akong masagot sa tanong niya.
"Oo naman, para makilala na rin siya ni Aysel." Dagdag ni Vina. Mula sa pagkain ay sa kanila lumipad ang tingin ko. Matatamis ang tingin nila sa akin na para bang ang swerte ko dahil makikilala ko 'yong Erann.
Tumango ako.
"Oh she's already here!" Si Avi. Nakaharap silang tatlo roon kaya naman lumingon din ako. Naglalakad papunta sa amin ang isang matangkad, maputi at sexy ang katawan na babae.
Mukha siyang anghel na naglalakad habang hinahangin ang mahaba niyang buhok. Ang mahahaba niyang binti ay sobrang kinis. Nakasuot siya ng lacey dress na may design na daisies.
Ang ganda niya. Iyon lang ang masasabi ko. Walang wala ang suot kong pantalon at loose shirt. Ang simple ng make-up niya pero sobrang nadedepina nito ang perpektong hugis ng mukha niya.
"Babe!" Tawag niya kay Avi saka niya ito sinalubong ng yakap at smack na halik. Napayuko ako ng maghalikan sila. Doon ko narealize na siya pala ang bagong girlfriend ni Avi.
Mula sa pagkakayakap kay Avi ay humarap siya sa gawi namin. Tamang tama para mas makita ko kung gaano siya kaganda sa malapitan. 'Yong mukha niya sobrang kinis at ganda.
"Hi Vina and Sammy and?" Tumingin siya sa akin. Pati 'yong boses niya sobrang hinhin na hindi makakabasag ng pinggan.
Walang nagpakilala sa akin kaya naman agad akong tumikhim at ngumiti sa kanya.
"Aysel," simpleng sagot ko. Inabot niya ang kamay niya para sa shake hands. Pinunas ko muna ang akin sa panyo bago siya kinamayan pabalik.
"Nice to meet you!" Malawak ang ngiting sabi niya sa akin. Binalik ko rin ang bati sa kanya at nginitian siya.
Ramdam kong nanlalamig ang kamay ko. Hindi naman malakas ang aircon pero nanlalamig ako. Agad naman siyang umupo ng kumuha si Avi ng upuan para sa kanya. Katabi niya si Avi kaya magkaharap din kami. Io-order sana siya ni Avi pero tumanggi, kumain na raw siya.
Nanatili akong tahimik at hindi man lang makangiti sa kanya. Nakaka-intimidate ang ganda niya sa totoo lang. Hindi ko siguro ma-a-achieve 'yong ganyan kahit magparetoke ako.
It looks like she was born beautiful.
"Wala kang rampa?" Tanong ni Vina. Napag-alaman kong close si Erann kay Sammy at Vina. Madalas pa nga raw silang lumabas na tatlo o 'di kaya ay uminom.
Umiling si Erann.
"Wala. Saka okay na rin 'yon, kakapagod kaya magtraining." Sagot niya. Kahit ang pananalita niya ay walang arte. Puwede kang mapakanta na nasa kanya na ang lahat.
She's just so perfect. Hindi ko mapigilan ang purihin siya, mula sa hitsura at ugali sobrang ganda niya. Nagtawanan silang tatlo kaya naman nakitawa rin ako ng bahagya.
"Model kasi siya Aysel," si Sammy. Tumango ako at ngumiti sa kanila.
"Halata naman sa kanya," sagot ko. Natahimik sila pagkasagot ko kaya naman nagulat ako. May nasabi ba kong mali? Tiningnan ko sila at nakatingin din sila sa akin.
Napakurap kurap ako.
"I mean halata sa kanya kasi maganda siya." Dugtong ko sa sinabi niya. Tinawanan nila ko dahil daw masyado akong nerbyosa. Alanganin tuloy akong napangiti.
Bumaling sa akin si Erann.
"Ikaw? Anong work mo?" Sweet ang boses na tanong niya sa akin. Tumingin ako sa kanya at sobrang tamis ng ngiti niya. Ngiti na nakakahawa.
"Nagpipinta 'ko," sagot ko.
Napa-wow siya roon at sinabing iyon daw talaga ang pangarap niya dati kaya lang ay hindi siya natuto ng pagpipinta. Mayroon pa siyang interesting na sinabi about painters kaya naman hindi ko mapigilan ang magpasalamat sa kanya.
"Ilang taon ka ng painter?" Tanong niya pa. Nasa aming dalawa tuloy ang atensyon nilang lahat. Nahihiya man ay tumingin ako sa kanila at ngumiti.
"Anim na taon na." sagot ko.
"So you already mastered it? Ilang paintings na ang nagawa mo?" Sunod sunod ang tanong niya sa akin. Hindi naman iyon boring sagutin dahil halata sa kanyang interested siya.
Umiling ako.
"Hindi ko mastered. Pero halos 15 paintings na ang nagawa ko for six years." Pagbibida ko. Kumikinang ang mga mata niya habang nagkukuwento ako tungkol sa mga pinipinta ko.
She is really into painting talaga that's why she is beyond happy na may nakilala raw siyang katulad ko. Who shares the same interest with her. Syempre ay natuwa rin ako kahit papano, sapat para makalimutan ko panandalian na ikakasal na sila ni Avi.
"Ang galing mo. Sana ako rin," sabi niya habang nakatingin pa rin sa akin at nakangiti.
Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung ano ang ire-reply ko roon. Mas magaling siya sa akin, dahil siya kaya niyang makuha at maging painter ng mabilisan. Hindi katulad ko.
"I can enroll you sa isang art class para matuto ka magpinta." Si Avi. I somehow feel sadness and envy inside my heart the way he stares at Erann. Tingin na sigurado.
Mabilis na umiling si Erann.
"No need 'no! Baka masira ko pa ang art industry sa bansa kapag nagkataon." Pagbibiro niya kaya nagtawanan kaming lahat. Nawawala ang mata niya kapag tumatawa siya.
Hindi ko akalain na ganito ang ugali niya. Nakasanayan ko kasi na kapag Model ka dapat sosyal ka at sopistikada, dahil may image silang pino-protektahan. Sinira niya 'yong thinking na ang Model dapat ganito, dapat ganyan.
And I also realize she is really likeable because of her attitude. Kaya siguro nagustuhan siya ni Avi kasi 'yong ugali niya kaya niyang makontento sa kung anong meron siya. Na wala siyang kailangan patunayan dahil iyon talaga siya. Unlike me.
"You want some beer?" Tanong sa akin ni Sammy. Nag-order kasi sila kaya um-oo na rin ako. Susulitin daw namin ang araw na 'to dahil magiging busy na sila after nito.
Na-excite ako sa beer kaya mabuti na lang ay nagdala ako ng chocolates. Partner sa beer.
Isang bucket ng Heineken ang dumating sa table namin at ilang finger foods para sa kanila. Tag-iisa kaming kumuha at kanya kanyang bukas.
"Cheers!" Si Vina. Pinagdikit namin sa ere ang aming mga bote saka uminom.
Napapikit ako sa sarap noon kasama 'yong dark chocolate na dala ko. Pakiramdam ko ang tagal ko ng 'di nakainom pero inaaraw araw ko naman 'yon. Kapag nagpipinta ako iyon lagi ang ka-partner ko. Alak at chocolates.
Napatingin silang lahat sa akin dahil sarap na sarap daw ako sa kinakain ko, ngumiti lang ako saka sinabing paborito ko 'tong dalawa.
Sa ginta ng kuwentuhan ay napatayo ako bigla. Nasagi ni Erann 'yong iniinom niyang alak kaya tumumba iyon at nagdire-diretso sa nakabalot na painting na nakalagay sa gilid ng table. Napatayo ako dahil basang basa iyon.
"Oh my god! I'm so sorry! Hindi ko sinasadya!" Si Erann. Sincere ang boses niya kaya naman kahit nanghihinayang ako sa painting ay nginitian ko na lamang siya.
"Okay lang. Abubot lang naman, hindi gaanong mahalaga." Sagot ko. Pero deep inside ay nasasayangan ako. Balak ko pa sana na iregalo 'to kay Avi para sa kasal niya pero 'di bale na lang.
Panay ang sorry ni Erann kaya naman panay rin ang sabi ko na okay lang. Hindi naman niya sinasadya saka kasalanan ko rin kung bakit doon ko pa nilagay imbes sa ilalim na lang ng table.
Bandang ala una ng matapos kami. Sabay sabay na kaming lumabas ng Restau, pagkabayad ni Sammy. Bitbit pa rin niya ang bag pack at ako naman ay 'yong painting na sigurado akong nasira na sa pagkakatapon ng Alak.
"Saan ka na Aysel?" Tanong ni Erann sa akin. Lumipad ang mga tingin nila sa akin at mga naghihintay sa isasagot ko.
Napaisip din ako. Saan na nga ba ako tutuloy ngayon? Hindi namin napag-usapan ni Sammy kung saan ako tutuloy nung mag-usap kami.
"Magho-hotel na muna ako," sagot ko hindi sigurado. Hindi ako sigurado kung kakayanin ko ang bayarin sa hotel gayong wala naman akong trabaho rito.
"You can stay in my condo." Si Avi. Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya pero siya ay nanatiling kalmado. Nagulat ako! Hindi ba siya nahihiya kay Erann na nasa tabi niya lang?
Mabilis akong umiling.
"Naku hindi na. Ayokong maka-istorbo." Sagot ko. Ang pangit paringgan kung ikakasal na nga siya tapos may isang babae ang nakikitira sa condo niya. Hindi magandang tingnan.
Kumunot ang noo niya at natawa.
"Hindi ako roon nakatira. I have my own house. You can use it for the meantime." Sabi niya. Nahiya ako dahil sa sinabi niya. Bakit ko nga ba kasi naisip na ang isang successful engineer na katulad niya ay nakatira sa condo?
Saang parte naman ng utak ko nahugot 'yon?
"Yeah Avi is right. You can use it for now. Para panatag din kaming mga kaibigan mo na maayos ka." Nakangiting dagdag ni Erann. Ang perpekto talaga ng ugali niya. Walang space para sa pagseselos.
Nakunot ako sa naisip ko. Ang isang gaya ko pagseselosan niya? Pagtawanan puwede pa. Sobrang layo naming dalawa, walang wala ako.
"Okay," iyon lang nasabi ko.
"I have to go babe. Kita na lang tayo bukas." Si Erann kay Avi. Hinalikan ni Avi si Erann sa pisngi at niyakap bago niya sinakay sa sariling sasakyan ni Erann.
Hinintay niya muna 'tong makaalis bago niya kami pinasakay sa sasakyan niya. Katabi ko si Sammy sa backseat at nasa passsenger seat naman si Vina at si Avi ang driver. Walang nagsasalita sa amin habang nasa byahe dahil abala sila sa kanilang mga cellphone.
Wala akong cellphone kaya nakatingin lang ako sa mga nadadaanan namin. Maganda na rin para makakuha ako ng ideya sa susunod kong ipipinta. Nagulat ako ng sabay na bumaba si Vina at si Sammy.
"Teka saan ka pupunta?" Tanong ko kay Sammy. Hindi ko ba siya kasama papunta sa Condo ni Avi? Nilukob ng kaba ang dibdib ko sa iisiping maiiwan ako kasama ni Avi.
"May pasok pa ako sister." Sabi niya. Napahawak ako sa noo ko dahil doon. Huminga ako nang malalim at tumango sa kanya.
"Take care." Sagot ko bago siya niyakap ulit.
"Ikaw rin. Pag may time ako pupuntahan kita." Sabi niya. Tumango ako sa kanya saka kinuha ang bag pack ko. Nagpaalam din ako kay Vina at kumaway sa kanila.
Pinanood pa muna namin na makapasok sila sa building. Umayos ako ng upo at sumandal ulit sa bintana. Napatingin ako kay Avi sa rearview mirror nang hindi pa kami umaalis.
"Dito ka sa harap. Hindi mo ako driver!" Masungit na sabi niya. Nagulat ako sa sinabi niya kaya naman nagmadali akong lumipat dahil nakakunot na ang noo niya.
"Sorry," iyon lamang ang sinabi ko. Hindi naman siya nagsalita buong byahe habang ako ay nakasandal lang sa bintana at tinitingnan bawat dinaraanan namin.
Huminto ang sasakyan niya sa isang mataas na building. Bumaba na rin ako bitbit ang bag pack ko at 'yong painting. Nakasunod lamang ako sa kanya mula reception desk.
Inabot sa kanya ang susi at pumasok kami sa elevator. Nasa pang-apat na floor ang unit niya. Mabuti na lamang at mabilis kaming nakaakyat dahil ang awkward kanina sa Elevator, ang tahimik. Pagkabukas niya sa Unit niya ay tumambad sa akin ang beige color na design.
Nakasunod pa rin ako sa kanya hanggang makarating kami sa sala. Nilibot ko ang paningin ko at kumpleto iyon sa gamit. Sobrang bango rin na para bang bagong linis lang.
Ibinaba ko ang bag ko sa lapag.
"Halika, lilibot kita." Seryoso ang boses na sabi niya. Tumango ako at sumunod sa kanya. Kumpleto ang gamit niya roon at lahat ng kailanganin ko ay nandoon.
"Sa may beranda ka magluto may dirty kitchen doon. Ayokong mag-amoy usok 'tong unit ko." Masungit na sabi niya. Nauuna siya sa'kin kaya naman 'di ko maiwasan ang taasan siya ng kilay.
"Okay." Simpleng sagot ko.
After ng kitchen ay sa may kuwarto kami dumiretso. Pagkabukas pa lang ay tumambad na agad sa akin ang maputi at sobrang lambot na kama. Uupo na sana ako para damhin ang pagkalambot noon ng haltakin niya ang braso ko patayo.
"Hindi ka hihiga rito o kung saan mang kuwarto o kama. Pinakita ko lang sa'yo," masungit na naman na pigil niya. Sa pagkakataong 'to ay kumunot ang noo ko.
"Eh saan ako matutulog kung ganon?" Takang tanong ko. Hindi naman niya siguro ako papatulugin sa labas o sa lapag kahit saan.
"Sa sofa sa sala." Sagot niya. Napairap ako dahil doon, mabuti na lamang ay hindi niya nakita. Okay na rin siguro atleast malambot pa rin ang sofa.
"Hindi ka rin gagamit ng bath tub. Si Erann lang ang tanging gagamit niyan pati ng shower." Ani Avi.
Kumunot ang noo ko.
"Saan ako maliligo?" Takang tanong ko. Hindi niya naman siguro balak na paliguin ako sa labas at rumenta ng restroom para lang makaligo.
"May timba at tabo naman dito. Iyon ang gamitin mo," Paliwanag niya. Gusto ko sanang magreklamo dahil sa pagkakaalam ko guest niya ako at hindi intern.
Pero okay na rin. Bawas linisin.
"Hindi ko naman kailangan ng bath tub o shower kaya keri na." Sagot ko sa kanya. Iyon lang naman ang mga bawal niya kaya ayos lang sa'kin.
"One more thing. Huwag kang magpapasok ng kung sinu-sino rito. Concern ako sa mga gamit na puwedeng mawala." Sabi niya pa. Babatuhin ko sana siya ng hawak kong tissue sa sobrang inis kaya lang ay nakita niya kaya binaba ko na lang.
"Oo na," sagot ko. Binato niya sa akin ang susi na agad ko rin namang nasalo. Inisang libot niya pa ang paningin niya bago naglakad papuntang pinto.
Hinatid ko siya hanggang pinto.
"Thank you!" Sabi ko. Nagtuloy tuloy lang siya sa paglalakad saka sumakay sa Elevator. Hinintay ko pang makapasok siya sa Elevator bago sinara ang pinto at tumakbo sa kuwarto.
Pabagsak kong hiniga ang katawan ko sa malambot na kama.
"Ang lambot!" Natatawang sabi ko sa sarili ko habang dinadama ang malambot niyang kama. Tumalon talon pa ako na parang bata.
Ilang minuto rin akong nahiga roon habang dinadama ang malambot niyang kama na sa tingin ko kasya ang lima sa laki!
Dahil alas dos pa lang naman ng hapon ay napagpasyahan kong magpadeliver ng pagkain saka beer. Ginamit ko ang kitchen niya maging ang mamahalin niyang plato at glass wine. May available rin siyang mga CD kaya nanunod ako sa TV niya.
"Once in a lifetime experience 'to ah!" Excited ang tono ng boses ko habang nakaupo sa sofa niya at kumakain ng mansanas at ibang prutas.
Maganda ang palabas na napili ko. Kaya hindi ko namalayan ang oras.
Nang matapos ang panunuod ko ay naligo ako, s'yempre at gamit pa rin ang bath tub niya. Special dahil ang babango ng sabon niya na hindi ko pinalampas. Maging ang bath robe ay sinuot ko. Mukhang malinis naman at bagong kapapalit lang.
"I'm a rich b***h, baby." Sabi ko habang nakatingin sa salamin habang nagsusuklay. Kung may cellphone lang ako ay sobrang gandang backgroud nito.
Dumating ang Dinner at ininit ko ang in-order kong pagkain. Kaya lang ay hindi talaga sila masarap sa panlasa ko kaya naman beer at chocolates na lamang ulit ang kinain ko.
Bago matulog ay nilinis ko muna ang kitchen area dahil medyo maamoy 'yong pagkain na in-order ko. Hindi ko naman alam kung gumagana ba 'yong exhaust fan or hindi ko lang alam paano paganahin 'yon, kaya binuksan ko na lang 'yong ilang bintana.
Inayos ko rin ang ilang damit na dala ko at nilagay sa cabinet sa kwarto niya dahil balak kong sa kuwarto matulog. Gigising na lang siguro ako nang maaga para makapaglinis.
Pagkatapos kong ilagay ang ilang damit ko ay lumibot ako sa sala, pampa-antok na rin siguro. May ilang pictures ang naka-display sa bookshelf niya, more on picture nilang dalawa.
Inilihis ko na lamang ang tingin ko dahil hindi naman makakatulong sa akin 'yon. Kahit baliktarin ko pa ang mundo, ikakasal na sila ni Erann, at saka bagay naman silang dalawa.
I'm happy that Avi found his peace in Erann.
Papasok na sana 'ko sa kuwarto nang makita ko 'yong painting. Kinuha ko iyon at tinanggal sa pagkakatali. Halos hindi na makita ang painting dahil nawala na 'yong kulay. Kalahati na lamang ng papalubog na araw ang kita.
"Sayang," nanghihinayang na sambit ko habang nakatitig pa rin sa painting. Halos tatlong linggo ko rin tinapos 'yon para i-regalo sa kasal niya kaya lang nasira.
Hindi ko naman sinisisi si Erann dahil natabig niya ang iniinom niya, aksidente lang naman 'yon, pero syempre sayang din at medyo malapit sa puso ko 'tong painting na ginawa ko.
Huminga ako nang malalim.
Dahil hindi na mapapakinabangan ay itinapon ko na lamang iyon sa basurahan at dumiretso na papasok sa kuwarto. Pinatay ko ang ilaw dahil sumasakit ang ulo ko sa sobrang liwanag.
Agad akong humiga sa malambot na kama ni Avi at tumitig sa kisame upang dalawin ng antok.
"Good night," sambit ko saka pumikit.
Kinabukasan ay ginising ako nang malalakas at sunod sunod na katok.