Part 3

2858 Words
NAKAHAIN na ang hapunan nang katukin siya ni Tata Fidel. Isang plato lang nakahanda sa mesa kaya siya na mismo ang nagdagdag ng plato. At gaya ng dati, pinilit pa niya ito para sabayan siya. “Ang totoo ay tapos na ako kanina pa. Sanay akong hapon pa lang ay naghahapunan na.” “Magtatampo ako pag hindi kayo sumalo sa akin,” malambing na sumbat niya dito. “Para kang si Yumi,” anito na halatang napipilitang dumulog sa mesa. “Hindi naman kasali ang ganito sa trabaho namin. Tauhan lamang--” “Naku, Tata Fidel, huwag ninyong sinasabi ang ganyan,” sansala niya dito. “Kapamilya ang trato namin sa inyo. Mas matagal ninyo pa ngang nakasama ang lolo kesa sa akin. Hindi pa yata ako ipinapanganak ay nandito na kayo sa mansyon.” “Napakabait ni Don Alfonso. Walang dahilan para maghanap pa ako ng ibang amo. Napakabuti niya sa akin at sa aking pamilya. Pati pag-aaral ni Brian ay inako niya. Kumusta na nga pala ang don? Buhat nang magustuhan niya sa Sagada ay halos doon na siya namalagi. Bibihira na lamang siyang madalaw dito.” “Inaagapan ng gamot ang sakit niya. Sana nga ay mapigilan ang paglala.” Don Alfonso was battling the Big C. Ilang taon na ring dinaramdam nito ang lung cancer subalit sa pamamagitan ng modernong medisina ay masasabi nilang naaantala ng mga treatments ang pagkalat ng cancer cells sa katawan nito. Malaking bagay din sa pagbuti ng kalusugan nito ang malamig na klima at sariwang hangin sa Sagada. “Napakabait niya. Sana ang mga taong kagaya niya ay mabuhay pa nang matagal.” “Lahat tayo ay ganyan ang gustong mangyari, Tata Fidel.” Napansin niya ang kaunting pagkain nito sa pinggan. “Hindi ho kayo masyadong kumakain. Kain pa kayo. Ang sarap nga nitong ginisang gulay ninyo. Pati itong daing ay sakto lamang ang pagkaalat.” “Uwi ni Brian iyang daing. Alam niya kasing wala akong hilig sa karne kaya palaging isda ang dala niya. Sayang nga at nailuto ko na kaninang umaga iyong sariwa. Kung nalaman ko lang na darating ka ay itinabi ko na lang sana para sa iyo at naipagsigang kita.” “Hayaan ninyo na ho iyon. Ito lang ay masarap na.” nakakailang subo na siya nang mapansin niyang nakatitig ito sa kanya. “Bakit ho?” “Wala naman, Mimi. Natutuwa lang ako dahil sadyang mababa ang loob mo. Kung tutuusin ay nasa inyo na ang lahat ng karapatan para magyabang at magmalaki pero hindi ninyo ginagawa.” “Tata Fidel, walang dapat ipagmalaki. Kung sinasabi ninyong mayaman kami, mas tamang si Lolo Alfonso ang sabihan ng ganyan.” “Napakabait ninyong dalawa ni Yumi. Sana mga babaeng kagaya ninyo ang mapangasawa ni Brian ko.” Muntik na siyang masamid. “M-mag-aasawa na si Brian?” Umiling ito. “Hindi ko alam. Kung sino-sinong babae ang nakikita kong kasama. At sa tingin ko, wala isa man sa kanila ang bagay sa anak ko.” “Tata Fidel, baka si Anne Curtis ang gusto nyo para kay Brian?” pabirong sabi niya. “Gusto ninyong magkaapo ng mestiza?” “Hindi ako bumabase sa itsura. Lamang, ang tingin ko sa mga babaeng lagi niyang kasama ay tila hindi magiging mabuting asawa sa kanya at ina ng magiging anak niya. Kayo ni Yumi, matagal ko na kayong kilala. Pareho kayong maalaga sa lolo ninyo. Malaki ang pagmamalasakit ninyo sa pamilya.” Napalunok siya. Bagaman natitiyak niyang sila lang ng matanda sa mansyon ay luminga pa siya bago nagsalita nang pabulong. “Tata Fidel, baka naman gusto mong si Yumi ang maging manugang mo? O... ako?” Mabilis ang naging pag-iling nito. “Hindi sumagi sa isip ko ang bagay na iyan. Ano na lang ang mukhang ihaharap ko kay Don Alfonso kung malalaman niyang pinapangarap kong maging manugang ang isa sa kanyang mga apo? Ayoko sa lahat na mapagsabihan akong oportunista,” may diin sa salita nito. “Ang ibig ko lang bang sabihin, sana ay makahanap si Brian ng kagaya ninyo ni Yumi. Maganda ang ugali, masinop at bonus na ang ganda.” Pinili niyang tumawa dahil hindi niya maipaliwanag kung bakit parang naiilang na siya sa itinatakbo ng usapan nila. “Ikaw, Tata Fidel, nambobola ka pa. Heto nga at sarap na sarap na ako dito sa luto mo.” “Aba, hindi ako nagbibiro. Sino man ang lalaking mapapangasawa ninyo ni Yumi ay kaypapalad. Daig pa nila ang naka-jackpot sa lotto.” “Naku, buti pa, Tata, pagkakain ay samahan mo akong lumabas. Tara sa Session Road.” “Hindi na, Mimi. Dito na lang ako. Kung gusto mong lumabas, gamitin mo yung scooter. Mainam nga iyan at madaling maiparada kahit sa gilid lang kesa sa pick-up mo.” “Kakain ako ng cake sa Vizco’s. Sama ka na, Tata.” “Tinapay at cake na ang pasalubong mo. Cake pa rin ang dadayuhin mo doon?” “Masarap ding tumikim ng gawa ng iba.” Uminom na siya. “Tara na, dayo tayo ng dessert doon.” “Mag-iingat ka sa paglabas mo. At huwag ka ring magpapagabi. Hindi ako matutulog hangga’t hindi ka nakakabalik. Mag-aalala ako.” She was touched. “Salamat ho, Tata. Magta-taxi na lang ho ako. Hindi naman mahirap pumara ng taxi dito sa Baguio.” “RED VELVET cake, blueberry cheesecake, carrot cake with cream cheese icing, mango torte, lemon torte, ube cake, decadent chocolate and of course, yung strawberry shortcake.” Saglit na napatitig sa kanya ang waiter. “One slice each, ma’am?” anitong parang nababaghan. Vera Mae gave her sweet smile. “Yes, one slice each. Mukha bang hindi ko kayang ubusin?” “Hindi naman po sa ganun, ma’am. How about drinks po?” “Just plain water.” Nagniningning ang mga mata niya nang isilbi sa kanya ang mga cakes. Halos hindi magkasya iyon sa pangdalawahang mesa na inokupa niya. For a while, she simply looked at each slice, as if wondering which cake will be the first to be tasted. Hindi niya kayang ipaliwanag kung anong magneto mayroon sa kanya ang mga cake. Bata pa siya ay hilig na niya iyon higit sa ice cream o anumang panghimagas. Kaya siguro hindi nakakapagtakang nagtayo na rin siya ng sarili niyang negosyong may kinalaman doon. Una niyang tinikman ang carrot cake. Ninamnam niya iyon na tila hinihimay ng kanyang dila ang arina, itlog at hibla ng carrot na sahog niyon. Gaya ng inaasahan ay hindi siya nabigong malasahan ang hinahanap-hanap niyang sarap nito. She tasted the blueberry cheesecake next. Pero bago iyon ay hinawi niya ang toppings na blueberry. Isa ring palaisipan sa kanya kung bakit palaging ganoon ang ginagawa niya. Nagkibit-balikat siya at hind na rin nag-isip kung bakit nga ba. Isang tikim lang at slice naman ng red velvet cake ang tinikman niya If she was alone she might even close her eyes while the red velvet with cream cheese icing was slowly melting in her mouth. She loved it moist, a little bit tangy and oh, so yummy. Hindi sinasadyang napapikit siya habang ninanamnam iyon. Nang magdilat siya ng mga mata ay nagulat pa siya nang makita ang isang pamilyar na mukha. Nakangiti--- o mas tamang termino na nakangisi ito sa kanya. Tumikwas ang nguso niya. Inabot niya ang bote ng mineral water at uminom habang hindi umaalis ng tingin dito. Brian looked so fresh, bahagya pang basa ang buhok nitong halatang bagong paligo. “Bakit ka narito?” “Pag kumakain ng cake, kelangan bang nakapikit?” sa halip ay tudyo nito sa kanya. “Sinusundan mo ba ako?” “Hindi ko nga alam na aakyat ka ngayon, eh. Nag-iikot-ikot lang ako dito nang matanaw kita.” Sumubo ito ng strawberry shortcake na ikinalaki ng mga mata. “Huwag mong pakialaman yan!” Kinindatan lang siya nito. “Ang sungit mo. Kung hindi ko pa alam na hindi mo naman kayang ubusin lahat iyan.” Lumabi siya. “I’m saving the best for last. Pinakialaman mo naman” sumbat niya. Mahina itong tumawa. “Para iyan lang parang guguho na ang mundo mo.” Mabilis nitong tinawag ang waiter. “Kuya pakidalhan mo pa nga kami ng isang slice na strawberry shortcake. Tapos takeout ng dalawang whole cake na maliit saka isang malaki. Gawin mo na agad, ha, at baka maubusan itong kasama ko, sigurado akong magkaka-world war three.” Umismid siya. “Alam kong pambayad sa konsensya mo kaya umorder ka ng another slice. Pero yung may take out ka pa, don’t tell me para sa akin din? OA na yan.” “Kung sasabihin ko sa iyong may nililigawan ako at siya ang pagbibigyan ko, matutuwa ka ba?” Hindi siya handa sa tila kurot na tumagos sa kanyang puso. “Ano naman ang dapat kong ikatuwa? Dapat nga malungkot ako---” “Nagseselos ka, Vera Mae!” “Dapat nga ay malungkot ako sa kawawang babaeng iyon kung sinoman iyon,” mabilis na sabi niya. “Kawawa naman. Napakamalas niya.” “Wala ka talagang kabilib-bilib sa akin, Mimi.” Dumukwang ito saka idinagdag na pabulong, “atin-atin lang ito, ha. Hindi mo ba alam, ako ang heartthrob ng Baguio?” Hindi niya napigil ang tawa. “Nababaliw ka na, Brian. Kulang ka siguro sa ligo. Malamig kasi ngayon dito kaya I’m sure nakakatamaran mo na namang maligo.” “Kulang ka lang kasi sa pagtitig sa akin kaya hindi mo nakikita ang kaguwapuhan ko.” Inubos na nito ang cake at tamang-tamang isinilbi sa kanila ang bagong slice. “Here, ubusin mo na iyan. Promise, hindi ko na pakikialaman iyan.” “Oh, thank you. So para kanino talaga ang mga iyan? Ang dami-dami,” pansin niya sa mga kahon ng strawberry shortcake.” “Para sa iyo iyang isang maliit. Baka magutom ka nang alanganing oras may makain ka sa bahay.” “How thoughtful of you. Salamat.” She was really pleased. “Ako pa? Siyempre naman.” “Iyang dalawa pa?” “I know you, Mimi. Stop-over mo lang naman itong Baguio. I’m sure sa Sagada ang punta mo bukas. Baon mo iyong isa pang maliit na kahon. Ipapaalala ko kay Tatay na pabaunan ka ng thermos at kape. Napakalamig ngayon doon. Tiyak pag huminto ka sa byahe kakailanganin mong magkape.” Napangiti siya. Kabisado siya ng binata. “Kahit hindi mo paalalahanan si Tata Fidel, I’m sure ngayon pa lang ay naihanda na niya ang thermos. Sasalinan na lang niya iyon ng kulong tubig bukas. Thanks for the two mini-cakes. Hindi ko naman mauubos lahat iyan. Hahatian ko si Tata Fidel. How about that big box? Para kanino iyan? Ano na nga ang pangalan ng nililigawan mo?” “Deniece. Pero hindi para sa kanya iyan.” “What? Bukod sa kung sinomang Deniece na iyon may iba ka pang pinopormahan?” Hindi niya kayang ipaliwanag kung bakit pero tila hindi niya nagugustuhan ang kanilang paksa. “Ano ka ba, dadalhin mo rin iyan bukas. Para iyan kay Yumi.” Nasaling nito ang isang matandang sugat sa puso niya. Bakit kaya sa kabila ng mga nagdaang panahon ay nananariwa iyon sa tuwing masasagi? “Yeah right, mas malaki ang kay Yumi. But wait! May balita ka na ba kay Yumi? Bumalik na ba siya?” “Malay mo malapit na pala siyang umuwi?” Tinitigan niya ito. “May alam ka, Brian. Ano ang alam mo? Bukod sa akin ay ikaw itong madalas sa Sagada. Mas madalas ka pa ngang nagbabalik-balik doon kaysa sa akin.” Umiling-iling ito. “Wala akong alam.” “Kalokohan. Bibilhan mo ng cake iyong isang babaeng halos dalawang taon nang naglayas at hindi pa bumabalik? Umamin ka na. Nasaan si Yumi? Ikaw ang nagtatago sa kanya?” “Wow, Vera Mae, hindi ko magagawa iyan. Ano na lang ang mukhang ihaharap ko kay Lolo Alfonso kung ganyan nga ang ginawa ko? To tell you honestly malakas lang ang pakiramdam kong babalik na si Yumi sa Sagada.” “Dahil---?” “Dahil lahat kayong mga apo niya ay titipunin sa mansyon.” “Ilan kaming apo niya?” tanong niyang hindi bumibitiw ng tingin sa binata. “Dalawa kayo ni Yumi saka anim na iba pa. Walo kayo. Simple Math.” “See! Ang dami mong alam. Mas madami ka pang alam kaysa sa akin.” “Nagkataon lang na nalaman ko iyan. Kung hindi ikaw ang nagtanong sa akin, hindi bubuka ang bibig ko tungkol diyan. Kahit kay Tatay, wala akong binanggit tungkol diyan.” “So paano mo nalaman?” “Kay Aunt Carrie. Kamakalawa ay dumaan ako sa mansyon habang nagbababa ng gulay ang mga tauhan ko. Sa kawalan niya siguro ng mapaghihingahan ng sama ng loob ay sinabi niya sa akin.” “Masama talaga ang loob ni Aunt Carrie?” “Kahit na sinong babae ang ilagay mo sa sitwasyon niya, tiyak na ganoon ang mararamdaman. Legal wife na naturingan pero ni isang saraling anak wala siya. Tapos iyong asawa niya kung kani-kaninong babae naman pala nagkaroon ng anak.” “Kunsabagay nga. Sana ay naroroon na rin si Yumi pagdating ko bukas. Saka sayang naman iyang cake na binili mo para kay Yumi. Ang laki pa naman.” “Selosa ka talaga” tila naaaliw na wika nito. “Para namang hindi mo kilala ang kapatid mong iyon. Lahat ng tao sa bahay ay tiyak na bibigyan ni Yumi. Baka kulang pa nga ang isang malaking iyan. Dalawa naman ang sa iyo. Solo mo pa. Pag cake lang naman, huwag mo nang pinagseselosan si Yumi.” “Espesyal talaga si Yumi sa iyo.” She wanted to sound casual pero hindi niya tiyak kung nagtagumpay siya. Tila wala namang nahahalata ang binata sa tono niya o kahit sa ekspresyon ng kanyang mukha. “Pareho kayong special sa akin. Kumbaga sa bibingka, si Yumi ay may itlog na pula, may keso pa. May katerno pang mountain tea.” “Kumpleto talaga, ha.” “Just like you. Kumbaga sa halo-halo, may pastillas, may ube, may leche flan, may ice cream pa sa ibabaw. At ang gatas, Alpine!” Iginalaw pa nito ang mga matang tila sinasabi sa kanyang iyon na ang pinakamasarap na ebaporadang gatas sa buong mundo. “Walang drinks?” “Tubig na lang. Ang mahal ng gatas na Alpine.” He grinned. “Sira talaga ang ulo mo.” Hindi niya alam kung matutuwa o mapipikon. Itinulak na niya palapit dito ang strawberry shortcake na bahagya lang nabawasan. “Ayoko na. Ubusin mo na.” “Sabi na nga ba at takaw-mata ka lang” tudyo nito. “In the first place, alam ko namang hindi ko iyan kayang ubusin lahat. Gusto ko lang lasahan,” depensa niya. “Sayang ang tira. Masamang nag-aaksaya ng pagkain.” Napansin nitong nagbubukas siya ng wallet. “Forget it, Mimi. Ako na ang magbabayad.” “Blessing,” aniya at ibinaba na uli ang wallet. Alam niyang sayang lang ang enerhiya niyang makipagtalo pa. Hindi naman magpapatalo si Brian. Lagi namang ganun. Pinanood niya ito habang kumakain. Alam niya kaya naman nitong ubusin ang mga cakes na iyon. Sanay na rin siyang kinakain nito ang tira niya. Mga bata pa sila ay ganoon na rin ang gawi nila sa mansyon. “Gusto mong iced tea?” naalala niyang ialok. “Tubig na lang.” “Mineral water, please,” aniya sa waiter. “Service water lang,” habol nitong bilis sa waiter at bumaling sa kanya. “Mahal pa iyang mineral na iyan sanay naman ako kahit tubig-poso lang.” “Kuripot.” “Hindi. Praktikal lang.” Nagkibit siya ng balikat. “Dadalhin ko na itong mga cake. Uuwi na ako.” Tumaas ang tingin nito sa kanya. “Bakit hindi pa tayo magsabay? Magkaiba ba tayo ng uuwian?” “Iniisip kong baka may iba ka pang lakad.” Luminga siya sa labas at nakita niyang nakaparada doon ang Vespa. Mukha ngang naglilibot lang ito kung iyon ang dala nitong sasakyan. “Sabi mo kanina hindi mo alam na umakyat ako? Hayan pala at dala mo ang Vespa.” Lumapad ang ngiti nito. “Nakita ko nga ang pick-up mo sa garahe. Ayaw mo ba ikaw nga itong hinanap ko dito sa Session.” “At bakit naman?” “At bakit naman nga kita hahayaang mag-taxi pa gayong pwede naman kitang sundan? In case you don’t know I care about you.” He uttered the last sentence in such a soft manner. She groaned inwardly. “Para kang sira, Bri. Baka mamaya may makarinig sa iyong iba, kung ano pa ang isipin sa atin.” “Iisipin nilang napakasuwerte mo dahil itong guwapong ito ikaw ang nagustuhan.” “Luko-loko ka. Uuwi na ako. Baka may lakad ka pa?” “Wala naman akong importanteng lalakarin ngayong oras na ito. Maganda ngang makauwi na at makapagpahinga na. Ikaw rin, bibiyahe ka bukas.” Mabilis na itong nagbayad at tumayo na sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD