Part 2

1957 Words
INAANTOK pa si Vera Mae nang gisingin siya ng tunog ng cellphone. Bahagya pa siyang napasimangot dahil naabala ang pagtulog niya subalit kagyat ding nawala iyon ang makita ang rehistro sa caller ID. “Lolo,” she answered fondly. “Ang aga yata ng tawag mo.” “Vera Mae, ang Aunt Carrie mo ito.” Bigla siyang kinabahan. “Anong nangyari kay Lolo?” Napabalikwas na siya. “Don’t panic, Vera. Nasa kusina si Yumi, siya ang nagprisintang personal na maghanda ng almusal ni Papa.” “Si Papa Alfie, may nangyari ba sa kanya?” tukoy niya sa mismong ama. “Maayos ang kalagayan ng papa mo. Kung ano ang kalagayan niya buhat noong huli kang dumalaw ay ganoon pa rin siya.” Gusto na niyang singhalan ang madrasta. Why couldn’t she talk direct to the point? Hindi ba nito nararamdaman ang tensyon sa boses niya. “Auntie,” untag niya dito nang sa wari ay wala pa itong balak na magsalita sa kabilang linya. “Nahihirapang magsalita ang lolo mo. Minamalat siya kaya ako na ang nagprisintang tawagan ka.” “And--” inip na inip siya. Tila sadyang binibitin ni Carrie ang bawat salita. “Pinapauwi ka niya dito sa Sagada. ASAP.” “May nangyari ba?” Kabadong-kabado siya. “Wala naman. Basta iyan ang pinapasabi niya sa iyo.” Kabaligtaran niya ay kalmadong-kalmado naman ang tinig nito. Tinapos na niya ang pakikipag-usap sa madrasta sapagkat batid naman niyang wala na siyang mahihita dito. Sa halip, kinontak niya si Tinay, ang isa sa mga mapagkakatiwalaang kasambahay sa mansyon. “Ang aga-agang tumawag ni Auntie. Akala ko si Lolo dahil number ni Lolo ang gamit niya,” himig-sumbong niya dito. “Baka inutusan siya ni Don Alfonso. Kagabi pa hirap magsalita ang don. Ngayong umaga ay sinilip ko. Malat na malat ang boses. Heto nga at ipinaghanda ko siya ng tsaa.” Bahagya lang humupa ang kaba niya nang marinig ito. “Si Papa Alfie, kumusta?” “Gaya pa rin ng dati. Naka-monitor naman ang mga nurses at doktor.” “Pero pinapauwi ako diyan. ASAP daw. Kagagaling ko lang diyan last week kaya hindi mo ako masisisi kung bakit nagpa-panic ako ngayon. We all know Papa Alfie’s condition. At may sakit din si Lolo Alfonso. I can’t help but worry.” “Huwag kang mag-alala, Vera. Maliban sa pagkamalat ni Don Alfonso ngayong umaga ay wala naman kaming nakikitang hindi maganda. Hindi ko rin sigurado kung bakit ka pinapauwi pero nitong mga nagdaang araw ay dumalaw--- or pinapunta dito ni Lolo ang mga abogado. Malimit ding may kausap siya sa telepono. Kung tungkol saan ang mga iyon ay hindi ako sigurado. Nagkakataon lang na ako na nasa malapit sa don kaya nasasabi ang tungkol dito.” “May balita na ba kay Yumi?” Kapatid niya si Yumi. Mas matanda ng halos isang taon sa kanya pero hindi niya ito tinatawag na Ate. Iba ang ina nito sa kanyang ina. Sa madaling sabi, magkapatid sila sa ama. Bata pa lamang siya ay batid na niya ang tungkol sa bagay na iyon. No big deal, lalo at likas na mabait si Yumi. Napakadaling pakisamahan. Lamang ay naglayas ang kapatid niyang iyong humigit-kumulang dalawang taon na ang nakakaraan. Kung kailan ito babalik ay hindi niya alam bagaman hindi naman siya masyadong nag-aalala. May pakiwari siyang alam din ng kanilang lolo ang kinaroroonan ni Yumi. At hindi naman niya pinagtatakhan na ang bagay na iyon. Kayang-kayang paganahin ni Lolo Afonso ang salapi nito upang mahanap si Yumi. Malamang kaysa hindi ay hinahayaan lang ng matanda ang paglalayas ng kapatid niya. “Tinay, pakitingnan nang madalas si Lolo, ha. Aayusin ko lang muna ang mga iiwan ko dito sa cafe at bibiyahe na ako. Kung nalaman ko lang agad, kagabi pa sana ay nagbyahe na ako.” “Mag-iingat ka, Vera. Sige babalitaan kita anu’t anuman.” “Salamat, Tinay” Dahil hindi siya mapakali, tinawagan niyang muli ang madrasta. “Aunt Carrie, imposibleng wala kang alam. Ngayon pa lang ay sabihin mo na sa akin kung bakit biglaan itong utos ni Lolo na pumunta ako diyan. Noong isang linggo lang ako galing diyan. At alam nating pareho na maayos naman ang lahat hanggang noong umalis ako.” “Vera Mae, pagdating mo dito saka na tayo mag-usap.” Napasinghap siya. “Which means may problema nga. What is it, Auntie?” “Mahirap sabihin. Sumusunod lang ako sa utos ng Papa. Ayokong pangunahan siya.” “Come on, Auntie. Kung puwede ko namang malaman na ngayon ay bakit hihintayin mo pang dumating ako diyan? Pupunta rin naman ako Gusto ko lang malaman na ngayon pa lang. Isa pa bibiyahe ako na iniisip kung tungkol saan ba iyan” nangongonsensya ang kanyang tono. “Tungkol ito sa pamilya.” Tila napipilitan ang boses nito. “Of course, Aunt Carrie. It’s always about us. Family. Maybe it’s more about money? Inheritance, perhaps?” Mas prangkang sagot niya. At dinig na dinig niya ang pagsinghap ng nasa kabilang linya. At hindi niya naiwasang tumikwas ang sulok ng labi nya. Sa mga taong lumipas na nakilala niya ang madrasta, kilalang-kilala niya itong umiiba ang timpla kapag pera na ang pinag-uusapan. “H-hindi pa naman tungkol sa mana pero malamang ay doon na papunta.” “So tungkol saan nga ito, Auntie?” “Tungkol ito sa papa mo. At sa mga illegitimate children niya.” “Aray ko, Aunt Carrie. Alam mong illegitimate kaming pareho ni Yumi.” “HIndi kayo ni Yumi ang tinutukoy ko. Mayroon pang anim na anak si Alfie at sa iba’t ibang babae!” gigil na wika ni Carrie. “What?! Ganoon karami?” hindi rin niya napigil na magulat. “Sigurado ba kayo diyan?” “Sinabi ko nga sa iyong mahirap itong pag-usapan sa telepono. Hihintayin na lamang kitang dumating dito.” “Alright. Bibiyahe na ako ngayon.” “Drive carefully. Tiyak na aabutin ka na ng dilim sa byahe. Sa Baguio ka na magpalipas ng gabi. Bukas ng umaga ka na magbyahe papunta dito.” “Kung darating ako sa Baguio ng bandang ala-una, kakayanin ko pang dumiretso na sa Sagada.” Sinulyapan niya ang oras. Kung aalis siya sa loob ng treinta minutos at hindi siya mata-traffic, posibleng makarating siya sa Baguio ng ala una. Idagdag pa ang anim na oras na byahe mula Baguio patungong Sagada, bandang alas siete ng gabi ay makakarating na siya. Or she could also take the quicker route. Yung bibiyahe siya via Bontoc. “Huwag mong pilitin, Vera. Napakahaba ng byahe. Mapapanatag ang loob ko kung bukas ka na darating dito. Basta inform mo lang ako from time to time kung nasaan ka na,” bakas ang concern sa tinig nito. “Okay. Pero gagayak na rin ako. Hindi rin naman ako mapapakali kung hindi ako agad pupunta diyan. Ano ang gusto mong pasalubong?” She made a mental note to bring baked goods. Si Lolo Alfonso naman ay mas gusto ang mga tustadong tinapay na itinatambal nito sa umuusok na kape o tsaa. “Anything. Kahit wala okay lang din. Vera Mae I need you here. Kung nandito lang sana si Yumi ay mas madali para sa akin ang ganitong sitwasyon.” “Aunt Carrie, kalma ka lang, okay?” “Basta ingat sa biyahe, ha. See you tomorrow.” ALAS TRES y medya ng hapon nang batiin si Vera Mae ng arkong nagsasaad na nasa Baguio City na siya. She took all the connecting expressways to reach Baguio earlier pero hindi niya inaasahang maraming nire-rehabilitate na kalsada ang dadaanan kaya naantala din siya sa oras na target niya. She maneuvered her wheel to a familiar road. Malayo-layo pa siya subalit tanaw na niya ang mahabang pader at malaking gate. Ang pader ay ginagapangan ng ivy na matanda pa sa kanya. Nakalakhan na niyang nakakapit ang halaman na iyon sa pader. Ang malaking gate at alaga din sa regular na pagpapalit ng pintura. Nang ibaling niya sa huling kurbada ang sasakyan nasilip niya ang rangya ng bahay-bakasyunan ng kanyang Lolo Alfonso. As always, it looks old, grand and imposing. Saksi ang bahay na iyon sa mga pangyayari at kasaysayan ng lungsod. Nang itutok niya ang pick-up sa gate, tila awtomatikong bumukas iyon. Nagbaba siya ng bintana at nginitian ang may edad na lalaking nagbukas sa kanya. “Magandang araw sa yo, Mimi.” Bahagya pa itong yumukod sa kanya. “Salamat sa pagbubukas ng gate, Tata Fidel. Mabuti ho at nandito kayo sa bakuran.” “Hindi ako nakapagwalis kaninang umaga kaya ngayon ko ginagawa. Hindi ka man lang nagpasabing aakyat ka. Ano ba ang gusto mo para sa hapunan?” “Saglit lang ho. Ipaparada ko itong sasakyan.” Dinatnan niya sa malawak na garahe ang isang itim na Vespa. Luma na ang scooter pero makintab na makintab at halatang alaga sa punas. Ang alam niya ay kay Brian iyon. Regalo iyon ng amang si Fidel maraming taon na ang nakakaraan. Segunda mano iyong nabili subalit nasa maayos na kondisyon. Sabi ni Tata Fidel, talagang pinag-ipunan nito ang pambili niyon para mapaluguran ang anak. Pero malamang ay bihira nang gamitin ng binata iyon. Bukod sa truck na madalas nitong sakyan ay mayroon itong isang Ducati at Ford Ranger na parehong bago pa. Kung nasaan ngayon ang mga sasakyan iyon ay wala siyang ideya. Hindi naman nito maaaring sakyan ang mga iyon nang sabay-sabay. “Repolyo at carrots lang ang meron ako diyan saka dinaing na bangus. Ano ba ang gusto mo at sasaglit ako sa palengke?” Sumunod na pala sa kanya ang matanda. Gaya ng dati, aligaga ito sa pag-estima sa kanya. Nakasaayan na niyang ganoon ito sa kanya. Kay Tata Fidel, hindi man niya gusto ay parang among-amo ang pakiramdam niya--- isang bagay na ikinaiilang niya. “Kung ano na lang ho ang meron diyan. Kaunti lang naman ang kinakain ko sa hapunan.” Inabot niya dito ang isang supot na tinapay. “Para sa inyo ho.” “Naku, salamat. Naalala mo ako.” Nginitian niya ito. “Syempre naman, Tata Fidel. Hindi nga pala ako magtatagal dito. Ang totoo, kung napaaga lang ako ng dating ay balak ko na sanang dumiretso na sa Sagada. Kaso alanganin na ang oras at tiyak na mapapagalitan lang ako doon pag nagpilit pa akong magbyahe.” “Tama naman, ineng. Delikadong abutan ka ng dilim sa liko-likong daan. Mabuting magpahinga ka muna at ako na ang bahala sa hapunan. May dala ka ba diyan na kailangang ipasok sa loob? Ako na ang bubuhat.” “Konting pasalubong lang ho para sa mga dadatnan ko sa Sagada. Yung ref nga pala? Umaandar ba? May mga dala kasi akong maganda sana kung mailagak muna sa ref.” “Isasaksak ko. Alam mo namang pag mag-isa lang ako dito, hindi ko naman kailangan na magbukas pa ng pridyeder.” “Lagi kayong mag-isa dito?” “Madalas. Si Brian ay walang oras ang dating. Minsang nandiyan, madalas naman ay nasa byahe. Alaga naman akong tawagan ng batang iyon kaya ayos na rin. Mahalaga ay nalalaman ko kung nasaan siya. Bago ka dumating, katatawag lang niya. Nandiyan lang daw siya sa bagsakan sa La Trinidad. Pero wala namang binanggit kung dito maghahapunan. Kadalasan ay nakakain na sa labas ang batang iyon. Siya, ako nang bahalang magpasok sa ref ng mga iyan maya-maya. Magpahinga ka na muna sa kwarto mo.” “Salamat, Tata Fidel. Ngayon ngang nakababa ako ay saka ko naramdaman ang pagod at ngalay dala ng mahabang biyahe.” “Sige na. Ako nang bahala dito. Kakatukin na lamang kita pag handa na ang pagkain.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD