Chapter 1 Ang Masayang Alala
Machete’s POV
Habang nakaupo ako sa madilim na silid-aklatan, nag-iisa, muling bumabalik sa alaala ko ang masaya naming magkapatid at magulang sa hapag-kainan.
Ang tawanan, ang biruan, ang init ng pagmamahalan tila ba isang pelikula na paulit-ulit na pinapalabas sa isip ko.
“Mommy, kailan tayo mag-outing po?” tanong ni Bea, ang aking paboritong kapatid na 16 years old na.
“Itanong mo kay Daddy mo, anak,” sagot ni Mommy, nakangiti.
“Bakit Bea, gusto mo na bang mag-swimming?” tanong ni Daddy sa kanya.
“Opo, Daddy! Gustong-gusto ko nang mag-outing tayo syempre, kasama si kuya Mac-Mac!” Pangiti niyang sinambit, sabay kindat sa akin.
“Wow, buti hindi mo ako kinalimutan, Bea,” sabi ko sa kanya, napapangiti rin ako sa kanyang ka-sweetan.
“Makakalimutan ba kita, Kuya? Ikaw ang kuya kong pogi at tagapagtanggol ko, kaya!” sagot niya, halatang nang bobola para mapasaya ako.
“Talaga ba, Bea?” tanong ko, hinahawakan ang dulo ng kanyang maliit na kamay.
“Oo naman, Kuya! Ikaw ang hero ko kapag inaaway ako sa school,” sabay tawa niya, at sabay ding natawa sina Mommy at Daddy sa simpleng kaligayahan ni Bea.
“Sige na, next week mag-swimming tayo,” sabi ni Daddy sa amin, at kitang-kita ang kasabikan sa mata ni Bea.
“Thank you, Daddy! I love you, Daddy!” sigaw niya sabay yakap sa mga magulang namin.
“Sabi ko sa’yo, Kuya Mac, papayag si Daddy! Kaya maghanda ka na,” pangiti niya sa akin.
“Oo na, na-bola mo lang talaga si Daddy kaya pumayag siya sa gusto mo,” wika ko, sabay kindat sa kanya.
Lumipas ang isang linggo, at narating na namin ang matagal na hinihintay ni Bea na araw ng outing.
“Ano, ready na ba ang lahat? Lahat ng gamit sa kotse, kumpleto na ba?” tanong ni Daddy habang nagbubukas ng trunk ng kotse.
“Yes, Daddy! Ok na po lahat!” sagot ni Bea, halos tumatalon sa excitement.
“Bea, yung swimsuit mo naiwan yata sa kwarto,” dagdag ko, sabay patawa sa kanya.
“Kuya naman, eh! Mang-aasar ka talaga!” sagot niya, nangingiti habang hinahaplos ang buhok niya.
Napatawa ako sa kanya.
“Oh, ano pang hinihintay natin? Tara na!” Aya ni Daddy, sabay pitik ng mata sa amin.
“Saan na mommy ninyo, Machete?” tanong ni Daddy sa akin.
“Nandito na ako!” sagot naman ni mommy ng lumabas sa pinto ng bahay.
“Oh, ano pang hinihintay nyo? Tara na para makaalis!” Aya ni Daddy muli, at agad kaming sumakay sa kotse.
Habang umaalis kami papuntang Zambales, sumigaw si Bea sa akin mula sa likuran, “Let’s go, Kuya Mac!”
“Excited ka talaga, no? Mag-swimming tayo,” sabi ko sa kapatid ko habang nakatingin sa nakangiting mukha niya sa rearview mirror.
Napangiti ako, at sa isang saglit, naalala ko ang kasiyahang iyon isang alaala ng pamilya bago nagbago ang lahat, isang sandali na matagal ko nang hinahanap sa dilim ng nakaraan.
Habang tahimik ang buong sasakyan at tanging ugong lang ng makina ang naririnig sa gitna ng madilim na kalsada, biglang kumabog ang dibdib ko nang marinig ko ang malakas na sigaw ni Daddy.
“Mommy!… Mommy!”
Nalilito, parang takot na takot.
Napaupo ako nang diretso.
“Ano yun, Daddy? May problema ba?” tanong ni Mommy habang mahigpit ang hawak sa seatbelt.
Pero hindi na maipinta ang mukha ni Daddy namumutla, pawis na pawis, at nanginginig ang mga kamay sa manibela.
“Kapit kayo nawala ang preno ng sasakyan!” sigaw niya.
Nag-angat ng tingin si Mommy, nanlaki ang mga mata.
“Ano? Diyos ko po!”
Nagising si Bea halos lumuwa ang mata sa takot.
“Mommy, bakit?!”
“Hawak kayo, mga anak! Wag kayong bibitaw!”
Sigaw ni Mommy na nanginginig ang boses.
Pero huli na.
Isang sasakyang kasalubong namin ang biglang lumitaw sa kurbada.
Sa isang iglap, ramdam ko ang pag-angat ng sikmura ko.
BAAAGG!!!
Malakas na banggaan.
Sumabog ang ilaw.
Umikot kami nang napakabilis parang inalog ng higante.
Sirko… sirko… sirko…
Tapos..
BLAG!
Tumaob ang sasakyan.
Ilang segundo akong walang marinig.
Para akong nalulunod sa sarili kong mga hikbi.
Pagdilat ko doon ko nakita ang impyerno.
Si Daddy.. nakasubsob sa manibela. Duguan. Di gumagalaw.
Si Mommy… nakayuko, nakabukas ang seatbelt, nanginginig pa ang kamay pero unti-unting nawawala ang hininga.
Si Bea… nakasandal sa bintana, tumutulo ang dugo sa sentido.
“Daddy…? Mommy…? Bea…?”
Hirap akong huminga. Parang may humahawak sa leeg ko.
Dumadaloy ang dugo sa gilid ng ulo ko ngunit hindi ko iniinda.
Kailangan ko silang mailigtas.
Pinilit kong gumapang palabas ng basag na bintana.
Bawat galaw, tagos hanggang buto ang sakit. Pero hindi ako tumigil.
Paglapag ko sa lupa ay napasigaw ako sa kirot.
Pero mas malakas ang sigaw ng puso ko.
“Tulong! Tulong po! May aksidente! Tulong!”
Sa wakas, huminto ang isang sasakyan sa kalsada.
Dalawang lalaki ang bumaba at dali-daling lumapit sa akin.
“Ano’ng nangyari sa ’yo?!”
“Diyos ko, may dugo siya!”
“’Yung magulang ko… at kapatid ko… naiwan sila sa loob! Please, tulungan niyo sila!”
Halos maubos ang boses ko sa pag-iyak.
Tumakbo kami pabalik sa sasakyan.
Pero pagdating namin doon..
BOOOOM!!!
Sumabog ang kotse.
Umangat ang lupa sa lakas.
Nagliyab ang lahat.
Parang pinunit ang mundo ko.
“Moooommy!!! Daaaddyyy!!! Bea!!!”
Pumutok ang boses ko, parang nagkalasog-lasog ang puso ko.
Tinakbo ko ang nagliliyab na sasakyan pero hinila ako ng dalawang lalaki.
“Huwag boy! Hindi mo sila malalapitan!”
Pero patuloy akong nagpupumiglas.
Nang luluhod na ako, doon ko naramdaman na wala na talaga sila.
Wala na ang pamilya ko.
Wala na ang tahanan ko.
Walang natira… kundi ako.
Sa gitna ng apoy, usok, at pag-iyak ko, isang pangako ang isinumpa ko sa sarili.
“Hindi ko kayo kakalimutan… kahit kailan.”
At iyon ang alaala…
ang sugat na humubog sa akin ngayon.
Mag-isa akong nakaupo sa dilim ng kwarto, habang ang hangin na pumapasok sa bukas na bintana ay tila may dalang malamig na haplos ng nakaraan.
Napapaluha ako nang hindi ko namamalayan. Kahit ilang dekada na ang lumipas, parang sariwa pa rin ang bawat detalye parang kahapon lang nang mawala sa akin ang pamilya ko.
Sa tuwing pumipikit ako, bumabalik ang tunog ng pagsabog, ang amoy ng nasusunog na metal, at ang sigaw ko na walang naka-dinig.
Mga alaala na ayaw kumupas. Mga alaala na kahit anong gawin ko… hindi ako matakasan.
Pinipilit kong kalmahin ang dibdib ko pero nanginginig pa rin ang kamay ko.
At tulad ng dati bumabalik ang tanong na hindi ko na masagot.
“Kasalanan ko ba?”
Hinayaan kong dumaloy ang luha. Mas mabuti na ’yun kaysa ibulong ko sa mundo ang bigat sa dibdib ko.
Kung noong nakalabas ako…
Kung mas mabilis ako…
Kung mas malakas ako…
Kung hindi ako natakot…
Baka buhay pa sila ngayon.
Baka hindi ako nag-iisa.
Baka hindi ako ganito ka-wasak.
Pero paano ko babaguhin ang nakaraan kung ang mundo mismo ang kumitil sa pamilya ko?
Napakapit ako sa ulo ko, mariin, halos masaktan ang sarili ko.
“Ako dapat ang nawala. Ako dapat ang kinuha.”
Ang bigat ng mga salitang iyon paulit-ulit kong sinasaksak sa sarili ko.
Para akong nabubuhay sa dilim na walang pintuan.
Sinisisi ko ang sarili ko sa pagkamatay nila.
Dahil ako ang nakalabas.
Ako ang nakatakas.
Ako ang natira.
At ’yun ang pinakamalupit na parusa.
Minsan iniisip ko, sana sumama na rin ako sa kanila sa gitna ng apoy.
Sana hindi ako binuhay ng pagkakataon.
Sana hindi ako iniwan sa mundong puro peklat ang ibibigay.
Pero narito pa rin ako humihinga, kahit barado ng sakit ang dibdib.
Nakatayo, kahit ramdam kong durog ang kaluluwa ko.
At sa gitna ng lahat ng ’to, isang katotohanan ang hindi ko matakasan.
Hindi na mababalik ang nakaraan.
At hindi na ako magiging katulad ng dati.
Ang aksidenteng iyon ang humubog sa akin.
Ang apoy na iyon ang nagpatigas ng puso ko.
At ang mga naglaho kong mahal sa buhay…
sila rin ang dahilan kung bakit ako naging
isang lalaking wala nang takot masaktan,
dahil matagal na akong wasak sa loob.
Hindi ko alam kung gaano na ako katagal nakatulala sa kawalan nakaupo sa lumang silyang kahoy sa silid-aklatan na tanging lampara lang ang nagbibigay ng mahinang ilaw. Para bang ang bawat alikabok na lumilipad sa hangin ay may dalang alaala ng nakaraan na ayaw kong maalala, pero pilit pa ring bumabalik.
Nangilid muli ang luha sa mata ko. Hindi ko man aminin, binabalikan ko pa rin ang araw na iyon ang araw na kinuha ng mundo ang lahat sa akin.
Habang nag-iisa ako sa loob ng silid-aklatan, mas lalong humihigpit ang dibdib ko. Ang katahimikan ay parang multong paulit-ulit na bumubulong ng alaala. Kasalanan mo. Kasalanan mo. Kasalanan mo.
Hanggang..
TOK. TOK. TOK.
Isang katok ang bumasag sa katahimikan.
Napakislot ako, parang nahuli sa paggawa ng isang bagay na hindi dapat gawin. Dahan-dahan kong pinunasan ang luha ko at tumayo mula sa upuan.
“Sir?”
Boses ng isang matanda, paos ngunit magalang.
Si Mang Danilo.
Ang tanging taong nanatili sa bahay simula nang mamatay ang pamilya ko.
Huminga ako nang malalim at inayos ang suot kong t-shirt bago ko pinihit ang seradura. Bumukas ang pinto at bumungad sa akin ang matanda nakayuko, may hawak na basahan, at halatang hinihila ang isang paa habang nakatayo sa tapat ko.
“Ano po ’yon, Mang Danilo?” tanong ko, pilit pinapatatag ang boses ko.
“Sir maghahapunan na po kayo,” sabi niya, may bahagyang pagngiti pero ramdam ang pagod sa mukha. “Nakahanda na po sa baba.”
Tumango ako. “Sige, susunod ako.”
Nagpaalam na sana siya nang mapansin kong paika-ika siyang lumakad palayo sa pasilyo. Napakunot noo ako. Hindi iyon ang normal niyang lakad.
“Sandali, Mang Danilo.” Tumawag ako.
Huminto siya at bahagyang luminis ang mukha ko sa ilaw ng lampara sa pasilyo. Nilapitan ko siya, mabigat ang hakbang.
“Ano pong nangyari sa inyo? Bakit kayo paika-ika?” tanong ko, mas mahina na ang tono ko ngayon hindi na malamig, may pag-aalala.
Napakamot siya ng batok, medyo nahihiya.
“Ah… tuhod ko lang po ito, Sir. Minsan sumasakit na. Siguro katandaan na rin.” Ngumiti siya ng pilit.
Napatingin ako sa mga kamay niyang puno ng kalyo—patunay ng dekadang paglilinis, pag-aalaga, at pagtatrabaho sa bahay na ito. Dekadang pag-aaruga… nang wala na akong ibang kasama.
“Dapat magpa-check up kayo sa bayan,” sabi ko, halatang may diin sa tono ko. “Hindi puwedeng pinapabayaan na lang ang ganyan.”
Bahagya siyang natawa ngunit kita ang pag-iwas ng tingin. “Sa susunod na lang po, Sir. Medyo malayo-layo rin kasi ’yung bayan. At saka wala naman pong ibang maiiwan dito kung sakaling umalis ako. Walang makakasama sir Machete.”
Napatigil ako
Si Sir Machete.
Para bang tinuhog ng salita niya ang dibdib ko.
Ako.
Ang batang naiwan.
Ang batang lumaki’t tumanda sa bahay na puno ng alaala ng mga wala na.
Ako ang dahilan kung bakit nagpapagod pa rin siya.
Ako ang dahilan kung bakit hindi siya makaalis.
Tumikhim ako at tiningnan siya ng diretso.
“Mang Danilo matagal na kayong nandito. Simula pa noong bata ako.”
Huminga ako nang malalim.
“Alam ko kung gaano kayo napapagod.”
Umiling siya agad, parang kinakabahan.
“Kaya ko pa naman, Sir..”
“Huwag na po kayo magpaka-martir,” putol ko. “Hindi ko puwedeng palampasin ’yang tuhod ninyo. Bukas na bukas, pupunta kayo sa bayan para magpatingin.”
Mukhang sasagot pa sana siya, pero tinaas ko ang kamay ko para pigilan siya.
“At kung maaari, Mang Danilo.”
Nag-ayos ako ng tikas, tinuldukan ang bawat salita.
“Maghanap na rin kayo ng makakatulong dito sa bahay. Hindi ko kayo kayang hayaan na mag-isa sa lahat ng gawain.”
Napayuko siya hindi ko alam kung dahil nahihiya o dahil touched siya sa sinabi ko.
“Sir matagal ko na kayong inaalagaan. Miss ko rin po ’yung mga magulang n’yo. Kung nandito pa sila, malamang papagalitan ako kasi napapabayaan ko na sarili ko.”
Bahagya siyang natawa, pero may lungkot sa dulo.
“Sige po, Sir. Susundin ko kayo.”
Tumango ako. “Mabuti.”
“Sige po, Sir. Mauna na ako sa baba para ihanda ang tubig ninyo.”
Ngumiti siyang pagod, pero tapat.
“Kayo na pong bahala kung kelan bababa.”
“Susunod ako,” sagot ko.
Naglakad siya palayo, mabagal, nakahawak sa dingding para hindi matumba. Tahimik kong pinanood ang pagsayaw ng liwanag ng lampara sa kanyang payat na likod.
At nang mawala siya sa paningin ko, napahawak ako ng mahigpit sa seradura.
Hindi ko man aminin, malaki ang utang na loob ko kay Mang Danilo. Kung nawala ang pamilya ko siya ang pumuno ng kahit konting parte ng puwang na naiwan nila.