Paulit-ulit ang tunog ng sombrero. Hinahampas ni Lucas iyon sa kaniyang hita habang iniikot ang paningin sa paligid. Ilang oras na siyang naghihintay pero wala pa ring naliligaw sa kinaroroonan niya. Naiinip na siya. Mukhang matatagalan pa bago bumalik iyong kutsero. Dala nito ang gulong ng kalesa na kailangang ayusin.
Kapag minamalas nga naman, pati sa bayan ng Puting Tubig, Gapan, Nueva Ecija ay sinusundan siya.
Isinuot niya ang sombrero. Nagdesisyon siyang maglakad na lang. Kinuha niya sa loob ng kalesa ang tampipi at binitbit iyon. Nakakailang hakbang pa lang siya nang bumagsak iyon sa lupa. Napamura siya nang malakas. Hindi makapaniwalang tinitigan niya sa kamay ang napigtas na hawakan nito. Ngayon pa bumigay ang pesteng tali. Nabubuwisit na inihagis niya iyon.
Yumuko siya at muling binitbit ang tampipi. Dala ng kalumaan, umitim ang kulay niyon, lumambot ang dating matigas na materyal at may maliliit na butas pa iyon sa ilang bahagi. Pinagpag niya iyon upang matanggal ang duming kumapit. Lumipad ang alikabok. Nalukot ang mukha at napabuga siya ng hangin nang maramdamang may sumuot na alikabok sa loob ng kaniyang ilong.
Pinasan niya ang gamit sa balikat. Tumatagaktak ang pawis hindi lang sa noo kung 'di sa buong katawan ng binata. Nalanghap niya ang sariling amoy. Ang baho. Amoy baboy!
Naalala niya tuloy ang mag-asawang nakasabay niya sa biyahe. Dadalaw ang mag-asawa sa anak nilang bagong panganak. May dala silang manok at biik na pasalubong. Rinding-rindi siya sa ingay ng mga hayop. Kaya nang sumapit ang gabi at sandaling natahimik ang paligid, nakatulog siya. Paggising niya kinabukasan, may biik nang naiidlip sa kandungan niya.
Ilang kilometro na rin ang nalakad ni Lucas. Wala pa rin siyang mamataan na kabahayan sa dinaraanan, ngunit pamilyar na sa kaniya ang lugar. Kung hindi siya nagkakamali, pag-aari ng pamilya Valmonte ang lupain sa gawing kaliwa niya. Mas mapapadali siya kung doon siya dadaan.
Hindi na siya nagdalawang isip pa. Siguro naman, hindi mamasamain ng may-ari kung doon siya dadaan. Ilang minuto rin ang matitipid niya sa paglalakad.
Nanginginig ang kaniyang tuhod dahil sa pinagsamang gutom at pagod. Tuyo na rin ang lalamunan niya. Parang tinitikis din siya ng sariling laway. Wala siyang maipon kahit kaunti sa bibig para matighaw ang uhaw.
Nanlalabo na ang kaniyang paningin. Nahihilo siya sa tindi ng tama ng araw sa kaniyang balat. Ang mga dahon sa sanga at ang mga halaman sa paligid ay tila pagod at tamad gumalaw. Kaya kahit sandaling ginhawa mula sa hangin ay wala siyang maramdaman.
Nabuhayan ng loob ang binata nang marinig ang ilang yabag ng kabayo. Sa wakas, kinampihan din siya ng langit. Buong sabik na hinintay niya ang paglapit ng mga nakasakay sa kabayo. Ang tuwang nangingibabaw sa kaniya ay agad napalitan ng takot. Imbes na tulong, bunganga ng mahahabang baril ang sumalubong sa kaniya.
"Taas ang kamay!"
Itinaas ni Lucas ang mga kamay sa ere. Bumagsak ang tampiping nakapatong sa balikat niya. "B-bakit ho? Anong kasalanan ko? Nakikiraan lang ho ako. Kung bawal, babalik na lang ako sa pinanggalingan ko. Hindi n'yo na kailangang manutok pa ng baril."
Sumenyas ang lalaking kausap ni Lucas. Hindi lalayo ang edad nito sa kaniya. At tulad niya, matipuno rin ang katawan nito, pero hanggang doon lang ang pagkakapareho nila. Maaskad kasi ang pagmumukha nito. Hindi katulad niya, simpatiko ang kaguwapuhan. Idagdag pa na matangkad siya sa karaniwan.
Bumaba sa kabayo ang dalawang lalaking sinenyasan ng lider ng grupo. Maingat na lumapit ang mga ito kay Lucas at kinapkapan siya.
"Anong hinahanap n'yo? Hindi n'yo na kailangang kapkapan ako. Wala akong itinatago!"
Bumitiw sa kaniya ang isang lalaki. "Tama s'ya. Wala ngang nakatagong armas sa katawan n'ya. "
"Maaaring wala nga," sagot ng isa sa dalawang lalaki. Sininghot-singhot nito ang bandang hita ni Lucas. "Pero hindi ibig sabihin na inosente s'ya." Tumayo ito mula sa pagkakaluhod at humarap sa lider nila. "Walang dudang s'ya ang hinahanap natin. May ebidensya ako."
"Ano?" tanong ng isa sa grupo na ikinagulat ni Lucas. Boses babae kasi iyon.
"S'ya ang magnanakaw. Amoy baboy ho s'ya, Señorita."
Natauhan si Lucas. "Tarantadong 'to, ah! Hindi ako magnanakaw!"
Susugurin niya sana ito. Napahinto siya dahil sa sabay-sabay na pagkasa ng baril. Napilitan siyang itaas uli ang mga kamay. Sa pagkakataong iyon, isa-isang bumaba ang lima pang nakalulan sa kabayo, maliban sa babaeng tinawag na señorita.
"Ikaw pala ang kilabot na magnanakaw," usig ng babae.
"Inuulit ko, hindi ako magnanakaw."
"Sinungaling!" sabat ng inaakala niyang lider ng grupo. "Sabi ng mga saksi, bago nangyari ang pagnanakaw, may nakita silang estrangherong umaaligid sa bahay ni Aling Nida. Estranghero ka at amoy baboy pa, kaya 'wag ka nang tumanggi pa."
"Ba't 'di ka magbanat ng buto? Ang laki-laki ng katawan mo."
"O, 'di kaya'y mag-artista ka kung ayaw mo ng mabigat na trabaho."
"Mahirap talaga 'pag tamad. Umaasa na lang sa pinaghirapan ng iba."
Sunod-sunod ang patutsada ng iba pang kasama sa grupo.
Umigting ang bagang ni Lucas. "Kararating ko lang, kaya pa'nong ako ang gagawa ng ibinibintang n'yo?"
"Pa'no mong ipapaliwanag na nasa lupain ka ng mga Valmonte?" tanong ng babae.
Tumingala si Lucas. Lumiit ang mga mata niya dahil nasisilaw siya sa liwanag ng araw. Hindi niya maaninag nang mabuti ang hitsura nito. Ang alam niya lang, nakapusod ang buhok nito.
"Maaari ko bang ibaba muna ang mga kamay ko?" Nakita niya ang pagbaba-taas ng ulo ng kausap. "Papunta ako sa Puting Tubig at mas mabilis akong makakarating doon kung dito ako dadaan."
"Palusot ka pa," saad ng lalaking maaskad ang mukha.
Bumaba sa kabayo ang babae. Humakbang itong palapit kay Lucas. Huminto lamang ito nang ilang dangkal na lang ang nasa pagitan nila.
Napaatras si Lucas at muntik pa nga siyang mapaantanda. Nakakatakot naman kasi ang hitsura ng babae. Ang bagsik, parang tigre!
Napansin ng babae iyon. Nang-uuyam na tinitigan siya nito. Tumaas pa ang isang gilid ng labi nito na para bang hinahamak siya.
Sisiw lang pala siya.
Nasaling ang p*********i niya. Pinaliyad niya ang dibdib at pinagsalubong ang kaniyang kilay.
"Akala ko ba, dayo ka lang? Pa'no mo nalamang may daan dito?" tanong ng babae.
"Kung binigyan n'yo ako ng pagkakataong magpaliwanag, dapat kanina ko pa nasabi."
"Aba't bastos 'to, ah. Humingi ka ng tawad kay Señorita Esperanza."
"Wala akong kasalanang dapat ihingi ng tawad."
Tinadyakan siya sa likod ng isa sa grupo. Gamit ang mahabang baril, hinampas din siya sa hita dahilan para tumupi ang tuhod niya. Napaluhod siya sa harapan ni Esperanza.
"Ganyan nga. Lumuhod ka at humingi ng tawad," saad uli ng lalaki.
Tumiim ang bagang ni Lucas at tinitigan niya nang masama ang lalaki. Buong lakas na sinapak siya sa mukha dahil sa inakto niya. Nalasahan niya ang dugo sa pumutok na labi. Dumura siya at tumama iyon sa dulo ng bota ni Esperanza. Kitang-kita niya ang pandidiri sa mukha ng babae nang sulyapan niya ito.
"Wala kang modo. Hindi ka marunong rumespeto sa nakatataas sa 'yo. Pero ano nga ba ang aasahan sa isang magnanakaw ng baboy na katulad mo?" ani Esperanza.
Pinadaanan niya ng tingin ang dalaga mula ulo hanggang paa. Siguro, may hitsura ito kung hindi masyadong nabanat ang mukha dahil sa higpit ng pagkakapusod ng buhok. Matangkad ito at may katabaan pa, kung maliit ang katawan ni Lucas, hindi siya puwedeng umobra dito.
"Mas mabuti nga sigurong maging magnanakaw kaysa maging baboy na katulad mo," nang-iinsultong sabi ni Lucas.
Ewan niya nga ba kung bakit niya nasabi iyon. Marahil, naubos na ang pasensya niya dahil sa sunod-sunod na malas na dumating sa kaniyang buhay—ang pagkabigo sa pag-ibig at ang paghinto niya sa kolehiyo. Ngayon, ito naman.
Napasinghap ang lahat. Naglaho ang kulay sa mukha ni Esperanza. Tinablan ito sa pintas at pasaring niya.
"Ano hong gusto n'yong gawin sa lapastangang lalaking 'to?" tanong ng tauhan ni Esperanza.
"Alam n'yo na kung ano 'yon."
Mahina ang pagkakasabi niyon ngunit nagdulot iyon ng matinding kilabot kay Lucas. Pag-alis ng dalaga, maririnig na sa buong paligid ang paglagutok ng nabaling buto at ang malakas na tunog ng matigas na bagay tuwing tumatama iyon sa katawan ng binata.