May halong sigla ang bawat hakbang ni Esperanza habang papunta siya sa silid-kainan. Sa pasilyo pa lang ay nalalanghap niya na ang masarap na amoy ng pritong manok. Hindi niya tuloy mapigilan ang maglaway. Lalo niyang binilisan ang paglalakad. Lahat ng atensyon niya ay nasa kumukulong sikmura. Ang makintab na sahig na kumikinang dahil sa tama ng sinag ng araw at ang mga nakasabit na larawan ng mga naunang henerasyon ng Valmonte ay hindi sapat para makuha ang pansin niya.
Nakarating siya sa hapag at nakatayong dinampot niya ang pinggan. Agad niyang pinuno iyon ng dalawang hita ng manok, itlog, tapa at sinangag. Nagtimpla muna siya ng kape bago umupo. Pumikit siya at huminga nang malalim nang umabot sa pang-amoy niya ang aroma ng kape.
Gutom na gutom siya. Kagagaling niya lang kasi sa pangangabayo. Iyon ang nakagawian niyang gawin tuwing umaga, ang libutin ang kanilang lupain sakay ng kabayo niya.
Nasanay na siyang gumising nang maaga. Ganoon din kasi ang ugali ng lolo niya. Ang tao raw kasing maagang bumangon ay mas maraming biyayang matatanggap. Isa iyong pangaral na itinuro rin ng lolo niya sa kaniyang ama at nakatatandang kapatid na lalaki. Lagi siyang nakabuntot sa lolo niya kaya hindi nakakapagtakang siya ang paboritong apo sa kabila ng pagiging babae niya. Nagmana raw kasi siya rito, matigas ang loob. Hindi siya katulad ng papa at kuya niya na sobrang bait. Kaya minsan, inaabuso na ang pagiging mapagbigay nila.
Ganado niyang nilantakan ang pagkaing hinakot niya. Maririnig sa paligid ang tunog ng malutong na balat nang bumaon ang ngipin niya sa hita ng manok.
"Esperanza!" sigaw ni Señora Isidora. Sa himig ng boses nito, para itong naeskandalo. Nahuli kasi nito ang anak na hawak ang pagkain habang kinakagat iyon.
Napaungol nang mahina ang dalaga. Siguradong sisermunan na naman siya ng mama niya. Iisa-isahin na naman nito ang tamang asal kapag nasa harapan ng hapag-kainan.
"Mama, mukhang maaga po kayo ngayon." Pasimpleng ibinaba niya ang hawak.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na gumamit ka ng kubyertos 'pag kumakain."
"Ma, mas mabilis kumain 'pag walang kubyertos. Saka, wala namang nakakakita sa 'kin."
"Wala!" Namilog ang mga mata nito. "Paano kung may kasama ako? Eh, 'di nakita niya kung paano ka kumain." Lumipat ang paningin nito sa plato niya. Lalong nagsalubong ang kilay nito nang makita ang santambak na pagkaing kinuha niya. "Ilang taon ka bang 'di pinakain at parang gutom na gutom ka? Anak naman, sinabi ko na sa 'yong magbawas ka ng timbang. Pa'no ka papayat kung pang-isang dosenang tao 'yang pagkain mo?"
"Kayo lang naman ang may gustong pumayat ako. Kung akong tatanungin n'yo, kontento na ako sa katawan ko."
"Walang lalaking magkakagusto sa 'yo. Aba'y talagang tatanda kang dalaga n'yan. Magbibeinte-singko ka na, hanggang ngayon, wala pa ring nagtatangkang manligaw sa 'yo."
Sumimangot ang dalaga. Nagsisimula nang uminit ang ulo niya. Kasalanan niya ba kung walang mangahas manligaw sa kaniya? Kung bakit kasi nauso pa ang maliit na baywang. Beinte-siyete pulgada lang ang sukat ng baywang niya. Iyon ay kung hindi siya hihinga at isang linggo siyang hindi kakain. Ibubuka niya na sana ang bibig para sagutin ang ina nang may nagsalita sa gawing pinto.
"Ano ba 'yan, Isidora? Ang aga-aga, pinapagalitan mo na naman ang apo ko," saway ni Don Escobar. "Malayo pa lang ako, dinig ko na ang boses mo." Tumingin ito sa direksyon ni Esperanza at nginitian siya.
"Magandang umaga, Lolo!" masayang bati niya.
"Kaya ho matigas ang ulo nitong apo n'yo dahil kinakampihan n'yo." Binuksan nito ang abaniko. Sunod-sunod na tunog na pak, pak, pak ang maririnig dahil sa bilis ng pagpaypay nito. "Hinayaan ko kayo noon, pero ngayon, ako ang masusunod." Matalim na tinitigan nito ang anak. Lumiit ang mga mata nito nang mapansin ang suot ni Esperanza. "Ba't 'di ka pa nakaayos?"
"Ba't ako mag-aayos?"
"Nakalimutan mo na bang darating si Miss Conchita? At ayaw na ayaw n'yon na pinaghihintay s'ya. Bilisan mong kumilos para makaalis na tayo. At magpalit ka ng damit dahil nakakahiya 'yang suot mo. Mukha kang lalaki. Baka himatayin 'yon 'pag nakita ka sa ganyang ayos."
Nagkibit-balikat si Esperanza at ipinagpatuloy niya ang pagkain. Wala siyang balak sundin agad ang utos ng mama niya. Labag kasi sa loob niya na salubungin ang bisita. Ayaw niya nga kay Conchita, pero wala siyang magagawa. Kailangan niya raw ang tulong nito para makasilo ng asawa. Tuturuan siya nito kung paano kumilos ng tama. Iyong kilos babae, babaeng Pilipina - mahinhin, masunurin, magalang, madasalin, marunong magsilbi sa asawa at kung ano-ano pang katangiang hindi niya na matandaan.
Umupo ang lolo niya sa tabi niya at sinabayan siya sa pag-aalmusal. Samantalang si Señora Isidora ay paroo't paritong naglalakad. Panay ang sulyap nito sa kaniya. Naiinip. Lumiwanag ang mukha nito nang makitang tumayo siya. Saglit lang iyon. Para itong iiyak nang sinabi niyang wala siyang balak magpalit ng damit. Kung ayaw nito sa suot niya, hindi na lang siya sasamang sumalubong kay Conchita.
Dumiretso sila sa labas matapos magpaalam kay Don Escobar. Nasa loob na sila ng kalesa at binabaybay nila ang daan tungo sa bayan. Balisa si Señora Isidora, nasa mukha nito ang pag-aalala. Baka raw mas nauna pang dumating sa estasyon si Miss Conchita kaysa sa kanila.
Tahimik na tinitigan ni Esperanza ang ina. Bata pa itong tingnan sa edad nitong kuwarenta'y nuwebe. Kung tutuusin, mas mukha pa itong dalaga kumpara sa kaniya. Wala pang gatla sa mukha nito at makinis pa rin ang maputing kutis. Idagdag pa na maliit lang ito. Bukod pa roon, balingkinitan ang katawan nito kaya bagay na bagay ang suot nitong hapit na bestidang kulay asul.
Parang hindi sila mag-ina. Matangkad kasi ang dalaga, lagpas anim na pulgada ang taas niya sa ina, at lahat sa kaniya ay malaki. Malusog ang kaniyang dibdib, malapad ang balakang, may katabaan ang tiyan at bilugan ang puwet. Mabuti na lang, maganda ang hugis ng braso at binti niya. Ang nakuha niya lang sa ina ay ang makinis at maputing kutis. Minsan, naiinggit siya sa maamong mukha ng ina. Mabagsik kasi ang hitsura niya. Hindi nakatulong ang pagkakaroon niya ng pangahang mukha. Kung hindi siguro sa mapula at medyo may kakapalang labi niya, puwede na siyang pumasang lalaki. Mahilig pa siya sa kasuotang panlalaki. Tulad na lang ngayon, nakaitim na pantalon siya na ang laylayan ay nakasuksok sa bota niya. Puti ang kaniyang blusang may mahabang manggas na pinatungan ng itim na tsaleko. Iyon ang karaniwang porma ng lolo niya, ang kaniyang idolo.
Wala siyang kinikimkim na galit sa ina. Mabait ito sa kaniya at sunod-sunuran sa lahat ng naisin niya. Nagbago lang ito nitong nakaraang buwan. Nang mapagtanto nito na nagkakaedad na si Esperanza. Ayaw nitong marinig na tawaging matandang dalaga ang anak. Mula noon, naging misyon na nito na baguhin siya para magkaroon siya ng asawa.
Kumontra siya noong una. Akala nga niya, kakampihan siya ng lolo niya, sampu ng papa at kuya niya. Ngunit hindi iyon ang nangyari. Pinakiusapan pa nga siya ng mga ito na sumunod sa kagustuhan ng mama niya dahil tama ito. Pumayag na rin siya, naisip niya na lahat ng kaedad niya ay may sarili nang pamilya. Iyong asawa nga ng kuya niya, magkasinggulang sila pero tatlo na ang anak niyon.
Natuwa naman siya nang dumating ang rolyo-rolyong tela at iba pang gamit pampaganda sa bahay nila. Nalula siya sa dami. Masaya siya habang sinusukatan para sa tatahiing bestida. Pero ang sayang iyon ay panandalian lang. Napawi iyon nang makita niya ang sariling repleksyon sa salamin suot ang bagong yaring damit. Mababa ang tabas niyon sa bandang dibdib, hapit sa baywang at korteng A ang palda. Hindi niya bagay. Lalo kasing lumitaw ang katabaan niya. Pero imbes na magpapayat, mas nilakasan niya ang paglamon. Gusto niyang madagdagan ang timbang para may dahilan siyang huwag isuot ang mga bagong tahing damit.
Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya nakaramdam ng ganito, may malaking kakulangan. Nawala iyong tiwala niya sa sarili at ang nakikita niya na lang ay puro kapintasan. Na kahit kailan, hindi siya magiging katulad ng mama niya, ehemplo ng isang tunay na babae.
Tila nabunutan ng tinik si Señora Isidora nang makarating sila sa estasyon. Parating pa lang ang tren na kinalululanan ni Conchita. Pagbaba nila sa kalesa ay pinasadahan nito ng tingin si Esperanza mula ulo hanggang paa. Para uling maiiyak ito sa nakita.
Sumama ang loob ng dalaga. Ikinahihiya ba siya ng mama niya? Hinangad ba nito na sana naging katulad siya ng anak ng mga amiga nito? O, 'di kaya'y katulad nito, mahinhin at pino kung kumilos? Sinusubukan niya naman, ngunit mahirap baguhin ang nakaugalian na. Gumapang ang kirot sa dibdib ni Esperanza. Isinantabi niya iyon at nagkunyari siyang hindi napansin ang ekspresyon ng ina. Inilagay niya ang mga kamay sa baywang bago luminga-linga sa paligid.
"Nasasabik na akong makita si Miss Conchita, Mama," may halong gigil na sabi niya. Ayaw niyang pinaghihintay siya. Mas gusto niya na siya ang hinihintay.
Huminga nang malalim si Señora Isidora. Alam nito na mainipin siyang tao. "Anak, pinagpapala ang taong may mahabang pasensya," sagot nito.
"Tss!"
"Ilang beses ko bang sasabihing pangit pakinggan sa dalaga 'yan?"
"Ano'ng gusto mong ipalit ko? Punye-"
"Esperanza!"
Iiling-iling na tinalikuran niya si Señora Isidora. Nauna na siyang naglakad papunta malapit sa binababaan ng mga pasahero. Ilang minuto pa lang siyang naghihintay pero pakiramdam niya ay ilang oras na siyang nakatayo roon. Bumaba-taas ang dulo ng talampakan niya at sa bawat lapag niyon sa lupa ay gumagawa iyon ng tunog. Tap, tap, tap.
"Anak, p'wede bang tigilan mo 'yan?" Itinuro nito ang paa niya. "Nakakairita."
Huminto bigla ang paggalaw ng paa niya. Pati ba naman iyon, pakikialaman ng mama niya? Lahat na lang ng gawin niya, mali.
"Parating na ho 'yong tren!" masayang sabat ng kutsero nila.
Napatayo nang tuwid si Esperanza. Narinig niya ang maingay na tunog ng makina at ang malakas na kalampag ng bakal sa bawat ikot ng gulong ng tren sa riles. Sa wakas dumating din ang hinihintay. Ano kaya ang hitsura ng Conchita na iyon? Kasing elegante at ganda rin ba iyon ng mama niya? Makakasundo at magiging kaibigan niya ba iyon?
Nagbabaan ang mga pasahero. Umingay ang paligid. Maririnig ang masayang bati at kuwentuhan ng mga taong naroon. May nagyayakapan. May lumuluha sa tuwa. May nagtatawanan. Lahat ay may ngiting nakapagkit sa labi, maliban sa kaniya at sa mga kasama niya. Wala pa rin kasi si Conchita.
Nakakunot na ang noo ni Esperanza. Balak na niyang pasukin ang loob ng tren nang may isang babaeng lumitaw sa pinto nito. Nadismaya siya. Kahit hindi sabihin ng ina na iyon si Conchita, alam na niyang iyon ang hinihintay nila.
Sa tingin niya, lagpas trenta na ang edad ng babae. Karaniwan lang ang hitsura. Hindi maganda, hindi rin pangit. Payat ang pangangatawan na may taas na limang talampakan at dalawang pulgada. Para itong militar sa tikas ng tindig nito. Iyong tipong mababali ang leeg kapag yumuko. Sa madaling salita, istrikta.
Mabilis na lumapit ang kanilang kutsero. Nagpakilala ito kay Conchita at itinuro nito ang direksyon kung saan nakatayo sina Esperanza bago binitbit ang maleta at iba pang dala ng bisita.
"Kumusta, Señora Isidora, s'ya ho ba ang anak n'yo?" bungad ni Conchita nang makalapit sa kanila.
"Maligayang pagdating, Miss Conchita. S'ya nga ang sinasabi ko sa 'yo."
Sumulyap ito kay Esperanza at mabilis na pinasadahan siya ng tingin. "Hmm. Tama ka, Señora, marami nga tayong dapat ayusin sa kaniya."
May halong kaba ang tawa ng mama niya. "Sana, matulungan mo kami."
Kumumpas ang daliri ni Conchita sa hangin. "H'wag ho kayong mag-alala. Lahat ng protégé ko ay nakapag-asawa nang maayos. Ang iba ay tinitingala pa ngayon ng alta-sosyedad." Ngumiwi ang bibig nito pagsulyap nito kay Esperanza. Kahit ano pang gawin nito ay malabong titingalain si Esperanza ng alta-sosyedad.
Pumalakpak si Señora Isidora "Magaling, magaling! 'Yan nga ang gusto kong mangyari!"
Kinagat ni Esperanza ang labi. Gusto niya nang magwala sa inis pero nagtimpi siya. Nagpatiuna na siyang pumunta sa kalesa. Tumayo siya sa tabi ng sasakyan at nakapamaywang na hinintay ang mga kasama niya. Taas-baba uli ang paa niya na pasimpleng sinaway ni Señora Isidora bago ito pumasok sa kalesa. Magkatabi sa upuan ang dalawang kasama niya. Siya naman ay sa tapat ni Conchita, katabi ang mga gamit nito.
Habang daan, patuloy ang pag-uusap nina Señora Isidora at Conchita. Ang paksa, siya. Para bang wala siya sa harapan nila. Malapit nang mapundi ang pasensya niya.
"Ilang taon na ba ang anak mo?"
"Magbibeinte-singko na."
"Hindi nakapagtatakang dalaga pa s'ya hanggang ngayon. Hayaan mo, akong bahala. Basta makinig lang s'ya sa lahat ng iuutos ko. Ayaw ko ng palasagot at matigas ang ulo."
Hindi na nakatiis si Esperanza. "Para sa kaalaman mo, Miss Conchita, wala akong pagpipilian dito. Kung mayro'n man, may asawa o kasintahan na sila. Iyong ibang lalaki naman, maliit pa sa akin. Hindi mahalaga sa akin kung matangkad o hindi, pero ano'ng magagawa ko kung wala silang mga bayag? Takot silang ligawan ako."
"Anak-"
"Ikaw ba"-umangat ang baba ni Esperanza-"ilang taon ka na?"
"Bastos ka, ah."
"Bastos? Kung ikaw p'wedeng magtanong, ako, hindi? Ilang taon ka na ba?"
Sumulyap ito kay Señora Isidora na napakagat-labi lang. "Trenta'y sais."
"Dalaga o may asawa?"
"Dalaga." Numipis ang labi nito.
"Dalaga!" Umismid siya at pinag-de-kwatro niya ang paa. "Pa'no mo ko matutulungan kung ikaw nga, hindi rin nakasilo ng asawa."
"May nobyo ako, pero namatay no'ng giyera. Kasamang ibinaon sa lupa ang puso ko nang inilibing s'ya. Kaya wala akong balak mag-asawa pa. Naging bokasyon ko ang tumulong sa mga babaeng nais magkapamilya."
"Marami s'yang kilalang maimpluwensiyang tao, Anak. S'ya ang magbubukas ng pinto ng ibang mundo para sa 'yo."
Natigil ang usapan nila nang may marinig silang mga yabag ng kabayo. Tila nanggaling iyon sa iba't ibang direksyon. At paglingon nila sa labas ng kalesa, nagulat na lang sila nang napapalibutan sila ng mga kalalakihang lulan ng kabayo. Lahat ay may bitbit na baril at nakaumang sa kanila. Walang tiyansang lumaban ang kutsero nila. Pag-angat pa lang nito ng baril ay pinaputukan na ito. Nabitiwan nito ang hawak at dumiretso iyon sa lupa.
Nagulat sa putok ng baril ang kabayo nila. Nagwala ito. Tumaas ang unahang paa nito sa hangin. Nahulog sila sa kanilang kinauupuan. Kaniya-kaniya silang kapit. Maririnig ang pagdagundong ng yabag ng kanilang kabayo at yabag ng humahabol sa kanila. Sinabayan pa iyon ng mga sigaw na lalong nagpalito sa kabayo.
Abot-abot ang kaba sa dibdib ni Esperanza. Malakas ang pagbagsak niya sa sahig ng kalesa, pero hindi niya ininda ang sakit. Nag-iisip siya kung paano sila makakaligtas. Maya-maya ay huminto ang pagtakbo ng sinasakyan nila. Pagtingin niya sa harapan, hawak na ng isang bandido ang kanilang kabayo.
Kinaladkad ng mga bandido ang kutsero bago inutusan sina Esperanza na bumaba. Hinalungkat nila ang gamit ni Conchita, kinuha ang pera at mamahaling gamit. Ganoon din ang ginawa nila sa bag ni Señora Isidora. Pati nga ang suot na alahas ng dalawang babae ay pinahubad at kinuha rin nila. Kinapkapan sa pantalon ng isa sa mga bandido si Esperanza at nagreklamo pa ito nang walang makita.
Nanatiling tahimik at nakatungo si Esperanza. Nanlalamig ang mga palad niya. Nababalitaan niya na ang ginagawang pagnanakaw ng mga bandido sa mayayamang nagbibiyahe, pero hindi niya akalaing mangyayari sa kanila ito. Matagal nang problema ng lalawigan nila ang mga bandido. Sa abot ng nalalaman niya, nangungulimbat lang sila ngunit hindi nananakit. Nagbago na ba sila?
Nasaksihan niya nang walang gatol at walang awang binaril at kinaladkad ng mga bandido ang kanilang kutsero. Parang sanay na sanay. Lihim na sinilip niya iyong kutsero. Walang malay na nakahandusay iyon sa lupa. Hindi iyon napuruhan kanina kaya napatakbo pa niyon ang kabayo. At sa tingin niya, sa bandang braso lang niyon tumama ang bala ng baril.
Tumindig ang balahibo niya nang marinig ang sigaw ng mama niya. Parang sasabog ang dibdib niya sa galit nang makita niyang nakapulupot ang braso ng isang bandido sa leeg ng kaniyang mama.
"Ang liit lang ng nakulimbat natin. Dalhin na rin ba natin 'to?" Inilapit ng bandido ang mukha sa bandang tainga ni Señora Isidora. "May edad na pero maganda pa rin. May asim pa."
Nagtawanan ang mga kasama nito.
"Bitiwan mo s'ya!" Umakyat ang dugo ni Esperanza sa galit. Nagkulay pula ang paningin niya. Sinugod niya ang may hawak sa mama niya at binira ito sa mukha. Bumagsak ito sa lupa sa tindi ng suntok niya. Uundayan pa sana niya ito ng suntok pero narinig niya ang sabay-sabay na pagkasa ng mga baril.
"H'wag!" Yumakap sa kaniya si Señora Isidora. "Parang awa n'yo na. H'wag n'yong sasaktan ang anak ko!"
Naramdaman ni Esperanza ang panginginig ng mama niya. Nag-igting ang bagang niya. Gusto niyang pagbubugbugin ang gumawa nito sa mama niya, ngunit wala siyang laban. Niyakap niya nang mahigpit ang ina at ikinulong sa kaniyang bisig na para bang iyon ay sapat na upang protektahan ito.
"Ginulat mo kami. Akalain mo, babae ka pala," sabi ng bandidong may bigote. Ito ang tumatayong lider. Hinablot nito ang nakasuot na sombrero sa ulo ni Esperanza. Nabigla ito sa nakita. Nagustuhan nito ang dalaga. Halos tumulo pa ang laway nito. Pinahid nito ang daliri sa gilid ng labi. "At mas bata."
Nanlisik ang mga mata ni Esperanza. Umatras ang ibang lalaking lalapit sana sa kaniya. "Hindi n'yo makukuha si Mama. Magkakamatayan muna tayo."
"At sino naman ang gusto mong dalhin namin?"
"S'ya." Itinuro ni Esperanza si Conchita.