Sinundot ng konsensiya si Esperanza nang makita niyang sumuray si Conchita. Para itong dahon sa sanga ng puno na hinihipan ng hangin. Pati yata ang kaloob-loobang kalamnan nito ay nanginig. Ngunit wala siyang pagpipilian. Mas gusto niyang si Conchita ang dukutin kaysa siya o ang mama niya.
Humalakhak nang malakas ang mga bandido. Lumitaw ang ngalangala ng lider dahil sa lakas ng tawa. Hinawakan nito ang kanang braso ni Esperanza at hinila siya palapit dito. Inilayo naman ng mga kasama nito si Señora Isidora sa kaniya.
Nagpumiglas siya. "Bitiwan mo ako!"
"Ba't ko naman pipiliin ang payatot na 'yan? Mas gusto ko ang mataba, malaman."
"Nakuha n'yo na lahat ng p'wede n'yong nakawin sa amin. Umalis na kayo. Kung balak mong dukutin ang isa sa amin, h'wag mo nang ituloy. Magsisisi ka. Tutugisin kayo hindi lang ng batas. Baka hindi mo alam kung gaano kalupit si Lolo. Papatayin kayo n'yon."
Sa halip na matakot, tumawa lang ang kausap ni Esperanza. "Kung akala mo masisindak mo ako, mali ka." Sumenyas ito. Naunawaan iyon ng mga kasama nito at nagkaniya-kaniya ng kilos ang mga iyon.
"Inuulit ko, pakawalan mo kami!"
Tumaas ang kamay ng lider at sinampal siya. "Tumahimik ka. Ikaw ang sumunod sa lahat ng iuutos ko, dahil kung hindi"—sumulyap ito kay Señora Isidora at nagminustra na gigilitan ng leeg ang mama niya—"kawawa naman ang matandang 'yan. Nakuha mo ba ang ibig kong sabihin?"
Tigalgal na sinapo ni Esperanza ang pisngi. Ngayon lang siya napagbuhatan ng kamay. Pero ang sinabi ng kausap ang mas tumatak sa isip niya. Tila may mapait na bagay sa bibig niya nang sinabi niyang: "N-naiintindihan ko."
Tinulak nito ang dalaga. "Sakay ng kabayo." Bago malakas na sinabing, "Kapag nagtangka s'yang tumakas, barilin n'yo."
"H'wag n'yong kunin ang anak ko! Maawa kayo!" sigaw ni Señora Isidora. Pilit itong kumakawala sa dalawang bandidong mahigpit na nakakapit sa magkabilang braso niya.
Sumampa sa kabayo nito ang lider ng grupo. "Tayo na!"
Ubod lakas na itinulak ng dalawang lalaki si Señora Isidora. Maririnig ang malakas na pagbagsak nito nang sumadsad ito sa lupa. Hindi nito ininda ang sakit nang bumaon ang maliliit na bato sa tuhod at palad nito. Agad itong tumayo at hinabol ang dumukot sa anak. Parang kidlat sa bilis ang mga bandido. Paliit nang paliit ang mga iyon hanggang sa tuluyang mawala sa paningin nito.
Paano ito makakahingi agad ng tulong? Ang kabayong humihila sa kalesa nila ay kinuha at sinasakyan ngayon ng isa sa mga bandido.
Parang dinudurog ang puso ni Esperanza nang marinig niya ang iyak at pagmamakaawa ng ina. Hindi mabura sa isip niya ang hitsura nito habang hinahabol sila. Gulo-gulo ang dating maayos na pananamit ng ina. Ikinurap-kurap niya ang mga mata upang pigilin ang pagpatak ng luha.
Galit ang nangingibabaw na damdamin niya. Walang p'wedeng lumapastangan sa kaniya dahil kabilang siya sa pamilya Valmonte. Mayaman. Maimpluwensiya. Nirirespeto. Parurusahan niya sa mismong kamay niya ang mga dumukot sa kaniya. Ipararanas niya ang walang katumbas na sakit hanggang sa mas gugustuhin pa ng mga ito ang mamatay.
Habang papalayo sila nang papalayo, nababawasan ang galit ng dalaga. Napalitan iyon ng takot. Lalo na nang tinatahak nila ang loob ng kabundukan. Sa bawat dagdag na distansiya, unti-unting naglalaho ang bakas ng sibilisasyon. Nag-iba ang paligid, ang tanawin. Humalili ang tunog ng kalikasan sa ingay na naririnig sa isang mataong lugar. Kahit ang simoy ng hangin ay nagbago rin.
Matagpuan pa kaya siya ng mga taong naghahanap sa kaniya? Maililigtas ba siya sa tamang oras bago pa man siya gawan ng masama? Paano kung huli na?
Kikitilin ko muna ang sariling buhay bago mangyari 'yon!
Nasa masukal na sila ng parte ng kabundukan, pero tuloy-tuloy pa rin sila sa pagpapatakbo ng kabayo. Naniniguro ang mga bandido na walang makakahabol sa kanila. Kung hindi dahil sa kabayo na nagpakita ng senyales ng pagkapagod, hindi pa sana sila hihinto.
Tumiklop ang tuhod ni Esperanza pagtunton ng paa niya sa lupa. Hindi niya alam kung dahil sa takot iyon o dahil sa pagod. Kahit araw-araw siyang sumasakay ng kabayo, ngayon niya lang naranasang magpatakbo ng ganoon katagal at kabilis.
Sumulyap siya sa mga kasama. Parang dinaanan ng malamig na bagay ang katawan niya nang makitang nakatitig sa kaniya ang mga bandido. May pagnanasa kasi sa mata ng mga ito. Humigpit ang kapit niya sa renda ng kabayo at bumilis ang t***k ng puso niya nang lumapit ang isang lalaki.
"Simulan na ba natin ang ligaya?" sabi nito. Ngumisi ito. Lumitaw ang bulok na mga ngipin sa harapang bibig.
"Teka muna," saway ng lider ng grupo. "Sa sobrang ganid mo sa laman,nakalimutan mo yata kung saan dapat ilagay ang sarili mo."
Humarap ang kausap dito. "Patatagalin pa ba natin 'to? Eh, alam naman nating lahat, sabik tayo sa babae!"
"Alam mo rin bang walang puwang sa grupong 'to ang taong 'di ginagamit ang utak?" May diin sa bawat kataga ng lider. "Alam mo ba kung ano'ng dapat gawin sa utak mo?" Itinaas nito ang hawak na baril.
Lumaki ang mata ng lalaki nang mapagtanto nito ang intensiyon ng kausap. Pero bago pa man ito makakilos, umalingawngaw na ang putok ng baril. Paharap na bumulagta ito sa lupa. Dilat ang mga mata. Nakarehistro doon ang matinding pagkagulat. Butas ang gitnang noo nito kung saan tumama ang bala. Ang dugong bumulwak sa ulo ay unti-unting sinisipsip ng lupa.
Sumenyas ang lider. Tumalima ang dalawang kasama nito at parang hayop na binitbit sa paa't kamay ang lalaki. Ang iba pang kagrupo nito ay isa-isa nitong tinitigan bago sinabing, "No'ng una pa lang, binalaan ko na kayo. Isa lang ang dapat na namumuno sa grupo at habang nagpapagaling si..." Sumulyap ito kay Esperanza. "Ako lang ang dapat na nasusunod dito. Kapag may sumuway sa inyo o may nagtangkang kontrahin ako, alam n'yo na kung ano'ng mangyayari."
"Hayaan mo, pagsasabihan ko ang mga kakosa ko," sagot ng isa sa kanila. Guwapo ito at bata pa, mga beinte anyos ang edad. Mukha itong mabait kung hitsura ang pagbabasehan.
"Tiyakin mong naiintindihan nila ang patakaran natin. Ayaw ko nang maulit ito."
"Oo, Marcial."
"Ikaw lang ang balak naming itakas, Cortez, kaya sagutin mo 'yang mga kakosa mo."
"Mayabang talaga 'yang si Boy Bato. S'ya kasi ang hari sa bilibid, kaya akala n'ya, s'ya pa rin ang masusunod dito sa labas. Buti nga sa kaniya," sabat ng lalaking may kapayatan. Bata rin ito ngunit parang pinagtampuhan ng langit ang hilatsa ng mukha. "Makakaasa ka, Marcial, na wala kang magiging problema sa 'min."
Tumango si Marcial. "Walang gagalaw sa bihag, regalo natin 'yan kay Boss. At ayaw n'yon ng inuunahan s'ya. Pag nagsawa s'ya, sa inyo na 'yang babae. Do'n kayo bumawi."
Hindi makapaniwala si Esperanza sa narinig. Kung pag-usapan siya, para siyang isang bagay na basta na lang pagpapasa-pasahan. Gusto nang bumaliktad ng sikmura niya. Idagdag pa na ngayon lang siya nakasaksi ng ganoong klaseng karahasan, ang balewalang pagpatay ng tao. May pusong bato siya pero hind sa pagkakataong iyon.
Bumalik sa alaala niya noong inutusan niyang parusahan ang estrangherong nagnakaw ng baboy ni Aling Nida. Nadala siya ng init ng ulo at pinagsisihan niya iyon, lalo na nang malaman ng magulang niya ang kaniyang ginawa. Alam niyang nadismaya ang ama't ina. Pati ang kuya niya ay pinagsabihan siya. Ang lolo niya lang ang kumampi sa kaniya. Tama lang daw ang desisyon niya.
Lagi niyang naririnig na nagmana raw siya sa kaniyang lolo. Kung hindi nga rito, iisipin niya na ampon lang siya ng magulang. Ibang-iba kasi ang ugali niya kumpara sa magulang at kapatid.
Walang bayag. Iyon ang kalimitang naririnig niya kay Don Escobar patungkol sa papa at kuya niya. Gusto kasi nito na ang papa niya ang hahalili sa pamamalakad ng kanilang rice mill, pero mas pinili ng papa niyang maging veterinarian. Iyon and dahilan kung bakit nagkaroon sila ng bakahan. Ayaw ni Don Escobar na magsilbi ang anak nito sa ibang tao.
Sumunod sa yapak ng papa niya ang kaniyang kuya. Napilitan lang itong magtrabaho sa rice mill nang atakihin ng alta-presyon si Don Escobar dahil sa sunod-sunod na pagsalakay ng mga bandido sa kanilang rice mill. Sa panggigilalas ng lahat, mahusay palang magpatakbo ng negosyo ang kuya niya. Nabawi ang nalugi sa kanila at nawala ring bigla ang mga bandidong nagnanakaw ng kanilang palay at bigas.
Napatayo nang tuwid si Esperanza nang pumihit paharap sa kaniya si Marcial. Itinaas nito ang kamay at pinilas ang nakadikit na bigote sa itaas ng nguso. Peke pala iyon!
Lumibot ang paningin ng dalaga sa paligid. Lahat ng bandido ay may nakataling bandana sa kani-kanilang leeg. Nakatakip iyon kanina sa ibabang bahagi ng kanilang mukha para hindi sila makilala. Nakapagtatakang iyong lider lang ng grupo ang walang takip sa mukha.
"Nakita mo ang ginawa ko kay Boy Bato? Ganyan din ang mangyayari sa 'yo oras na binigyan mo ako ng sakit sa ulo." Tumayo si Marcial sa harap ni Esperanza. "Kanina, may binanggit ka tungkol sa lolo mo. Sino s'ya?"
"Pangkaraniwang tao lang s'ya. Ginamit ko lang s'ya para pakawalan mo kami."
"Bibigyan pa kita ng isa pang pagkakataon, 'pag 'di ko nagustuhan ang sagot mo, pasensyahan tayo." Nasa boses nito ang pagtitimpi. "Inuulit ko, sino ang lolo mo?"
Tumitig si Esperanza rito. Kinilabutan siya. Masasalamin sa mata ng kausap ang kasamaan. Ibang klaseng hayop ang nasa harapan niya ngayon.
"S-si Don Escobar."
"At?"
"D-dati s'yang vice-governor."
"Ano s'ya ngayon?"
"Wala s'yang trabaho. Na-stroke s'ya kaya nagpapahinga na lang ngayon."
"Ano'ng kabuhayan ng pamilya n'yo?"
Nagdalawang-isip si Esperanza kung sasabihin ang totoo. Pero wala ring saysay kung magsisinungaling siya. Madali rin nilang malalaman iyon kapag pumunta sila sa bayan.
"May bakahan kami at rice mill."
Tumango si Marcial. Tila nagustuhan nito ang sagot ng dalaga. Pagkatapos ay tumalikod ito at ang mga kasama nito ang kinausap. "Narinig n'yo mga bata? May silbi pa pala s'ya maliban do'n sa -" Ngumisi ito nang nakaloloko. Nagtawanan naman iyong iba. "P'wede nating s'yang ipa-ransom."
"Siguradong malaking pera 'yan."
"Oo, kaya tiyakin ninyong hindi makakatakas 'yan. Itali n'yo muna," utos nito. "Magpahinga lang tayo sandali bago tayo magpatuloy."
Lumapit si Cortez kay Esperanza at iginapos nito ang kamay niya. Malikot ang kamay ng lalaki. Gumagawa ito ng paraan para mahipuan siya nang hindi nahahalata. Naramdaman niya ang banayad na pagpisil nito sa puwet niya habang tinatali sa likod ang kaniyang kamay. Hinaplos din nito ang binti niya nang paa naman niya ang itinali.
Kinagat ni Esperanza ang bibig para pigilin ang sariling duraan sa mukha si Cortez. "Malayo pa ba ang kuta ninyo?" tanong niya.
"Bakit? Gusto mo na bang maikama ka ni Boss?"
"Hindi. Para alam ko kung mahaba pa ang oras kong planuhin ang pagtakas ko."
Tumawa si Cortez. "Wala pang nakakatakas sa amin... ng buhay." Tinalikuran siya nito pagkasabi niyon, tangan nito sa kamay ang kabayong sinakyan niya.
Pinanood niya ang mga aktibidad na nagaganap sa paligid hanggang sa siya na lang ang naiwang nakatayo. Lumundag siya papunta sa ilalim ng puno at doon siya umupo. Isinilid niya sa bulsa sa likod ng kaniyang pantalon ang isang bato na nahagip ng mata niya. Kasing laki lang iyon ng palad niya, may kanipisan, matulis ang kanto at magaspang ang mga gilid.
Kumakain ang lahat maliban sa kaniya. Kumukulo na rin ang sikmura niya sa gutom pero walang may gustong mag-alok sa kaniya ng pagkain. Sinulyapan siya ni Marcial habang ngumunguya. Tumigil saglit na para bang nag-iisip kung bibigyan siya. Tiningnan nito ang katawan niya at marahil naisip nito na hindi niya kailangang kumain. Tutal, mataba naman siya.
Hanggang kailan kaya siya tatagal sa ganoong sitwasyon? Sana, kumikilos na ang awtoridad upang mahanap siya sa lalong madaling panahon.
TAHIMIK NA NAKAUPO sa isang tabi ang matandang lalaki. Umabot hanggang balikat ang puti niyang buhok. Balbas-sarado ang mukha at natatakpan din ng itim na salamin ang kaniyang mga mata. Maluwag ang kaniyang suot na abuhing polo na tinernuhan ng itim na pantalon. Hukot ang katawan niya ngunit kung susuriin mo siyang mabuti ay matangkad at malapad ang kaniyang balikat.
Naiinip na siya sa paghihintay. Tumitipa ang kaniyang mga daliri sa ibabaw ng lamesa. Agad din niyang itinigil iyon nang mapansin niyang lumikha iyon ng kaunting ingay. Ayaw niyang may makapansin sa kaniya.
Lumangitngit ang pinto ng karinderya. Luminga sa paligid ang isang lalaki at huminto ang kaniyang mata nang mahagip siya ng paningin nito. Humahangos na lumapit ito at umupo sa tabi niya.
"Ano'ng balita?" mahinang tanong ng matandang lalaki. "Tuloy ba ang proyekto natin?"
"Malabo," sagot nito.
"Hindi dumating ang inaasahan nating kliyente?"
"Dumating."
"May problema ba?"
Tumango ito. "Mayro'n, pero mukhang mahihirapan tayo. H'wag na nating ituloy."
"Bakit?"
"Nagkalat ang"—umusog ito palapit sa kausap at mas hininaan pa ang boses—"parak."
Itinukod ng matanda ang siko sa mesa. Hinilot niya ang kaniyang noo. "May nangyari ba?"
"Tinambangan ang sinasakyan nina Señora Isidora. Kinuha lahat ng mamahaling gamit nila."
"Iyon lang pala. P'wede nating ituloy ang proyekto natin bukas o sa makalawa. Nandito pa naman ang kliyente natin."
Umiling ang kasama. "May check point sa lahat ng labasan."
Natigilan ang matanda. "May hindi ka pa sinasabi sa akin."
Tumikhim ito. "Dinukot ang anak ni Señora Isidora."
"Sino sa anak n'ya?"
"Si Esperanza."
Ikinuyom ng matanda ang palad. Nagtangis din ang bagang niya. Matagal na panahon na rin ang lumipas ngunit tuwing naririnig niya ang pangalang iyon ay umuusbong uli ang galit sa dibdib niya.
"Ngayon lang ako naniniwala na bilog talaga ang mundo. Ang tagal kong naghintay. Limang taon. Dumating din ang oras n'ya!"
"Mukhang halang ang kaluluwa ng dumukot sa kaniya. Sinaktan nila si Señora Isidora at binaril pa 'yong kutsero nila."
"Dapat nga tayong magsaya dahil paniguradong pahihirapan 'yong babaeng 'yon."
"Bali-balita na bandido ang may gawa n'yon."
"Ano ngayon kung bandido?"
"Bandidong may bigote."
Natigilan ang matanda sa huling narinig. Napaupo siya nang tuwid at sandaling nakalimutan niyang hukot ang katawan niya. Na dapat sana, tindig matanda siya. Lumiit ang mata niya. Napipikon na siya sa kausap.
"Tangina, bakit ba inot-inot ang k'wento mo? Sabihin mo nang lahat!"
"Sabi nila, si Ginoong Bandido raw ang may gawa n'yon."
"Katarantaduhan! Imposibleng mangyari 'yon."
"Tama ka, pero isa lang ang malinaw." Tumitig ito sa kausap na para bang naaaninag nito ang kaniyang mata sa kabila ng itim niyang salamin. "Kung sino man 'yon, nagpapanggap lang 'yon. At gusto n'yang ipasa ang lahat ng kasalanan n'ya"—huminga ito nang malalim—"sa 'yo... Lucas."