Malayo na ang narating nina Esperanza at tulad ng dati, mabilis pa rin ang paglalakbay nila. Tila nakikipagkarera sila sa demonyo sa tulin ng pagpapatakbo ng kanilang kabayo. Palagi pang lumilingon si Marcial sa likuran na para bang may talagang humahabol sa kanila. Huminto lang sila nang kumakalat na ang dilim.
Nagsiga ng apoy si Cortez. Ang iba naman ay ang magiging hapunan ang inasikaso. May tumingin din sa mga kabayo, hinagod ang katawan niyon upang mabilis mapawi ang pagod. Saka lang sila nagpahinga nang matapos ang kanilang gawain.
Walang pumapansin kay Esperanza, pero alam niyang alerto ang mga dumukot sa kaniya sa oras na tangkain niyang tumakas. Umupo na lamang siya sa nakausling ugat ng puno.
Inihagis ni Marcial ang isang pirasong tinapay sa kandungan ni Esperanza. Sinundan iyon ng maliit na hiwa ng inihaw na karne. "Bilisan mong kumain. Tatalian ka ni Cortez, matapos o hindi ka r'yan sa pagkain mo."
"May tubig ka ba? Uhaw na uhaw na ako," labag sa kaloobang sabi ni Esperanza. Ayaw niyang humingi ng pabor, lalong-lalo na sa lalaking iyon.
Iniabot nito iyong tubig. "Tipirin mo. Walang pag-iigiban ng tubig dito."
Napatitig siya sa iniaabot ng lalaki. Nandiri siya. Doon din kasi ito uminom kanina. Napansin iyon ni Marcial.
"Ano'ng inaasahan mo? Nakalagay sa kopita 'yong iinumin mo?"
Umiling siya. Kinuha niya iyon bago pa magbago ang isip nito. Mas nanaig ang uhaw kaysa sa pagiging maselan niya. Iniba niya ang usapan. "Alam kong salta lang kayo sa bayan namin. Sino ba kayo?"
"Baka maihi ka sa panty mo 'pag sinabi ko kung sino kami."
"Hindi ako gano'n kadaling matakot," sagot niya. "Mas mabuti pang ibalik n'yo na ako sa 'min hangga't maaga. Babayaran kayo ng pamilya ko. At sisiguraduhin kong hindi sila gaganti, basta't h'wag n'yo lang akong sasaktan o gagawan ng masama."
Tumawa si Marcial. "Ang hirap sa inyong mga mayayaman, akala n'yo pag-aari n'yo ang mundo. Isang salita n'yo lang, pakikinggan agad. Isang utos n'yo lang, may susunod agad. Ibahin mo ngayon, wala ka sa teritoryo mo."
"Nasa'n na ba tayo?"
"Ba't ba ang dami mong tanong? Wala kang makukuhang impormasyon sa 'kin. Hindi ako tanga," sabi nito. Inilahad nito ang kamay para bawiin iyong tubig at saka siya tinalikuran.
Pinakinggan ni Esperanza ang usapan ng mga dumukot sa kaniya habang kumakain siya. May kaunti siyang napulot na impormasyon, pero kumpirmasyon lang iyon ng alam niya na, na ang ibang miyembro ng grupo ay mga pugante. Sinisi niya ang sarili kung bakit hindi siya mahilig makinig ng balita. Sana, nagkaroon siya ng ideya kung sino ang mga ito.
Itinali uli siya ni Cortez. Laking dismaya niya nang pinasandal ang likod niya sa puno ng kahoy at doon siya iginapos. Mahihirapan siyang kalasin iyong lubid. Iyong batong itinago niya sa bulsa ay hindi kayang abutin ng kamay niya. Paano siya makakatakas?
Isa-isa nang nakakatulog ang mga kasama niya. Unti-unting tumatahimik ang paligid hanggang sa siya na lang ang naiwang gising. Pinilit niyang makawala, pero mahigpit talaga ang pagkakatali sa kaniya. Ginupo siya ng pagod at ngumuyngoy ang ulo niya. Pati siya ay nakatulog na rin.
Naalimpungatan siya. May kamay kasing tumakip sa bibig niya. Pagdilat ng kaniyang mata, sa tulong ng liwanag mula sa siga, nabungaran niya ang isang lalaking nakaluhod sa harapan niya. Ang hintuturo nito ay nakadikit sa bibig, pinapatahimik siya nito.
Hindi ito nag-iisa dahil naramdaman niyang may gumagalaw sa likod ng punong pinagtalian sa kaniya. Kinakalas nito ang tali niya. Lumuwag iyon hanggang sa tuluyan iyong mapigtas. Malaya na siya!
Sumenyas ang lalaki sa harapan niya. Itinuro nito ang direksyon sa gawing likuran. Nagmuwestra din ito na dahan-dahan lang ang kilos para hindi makagawa ng ingay.
Kumakabog nang mabilis ang kaniyang dibdib. Natutulig ang tainga niya sa lakas ng pintig ng kaniyang puso. Tumaas ang balahibo sa likod niya. Nangangamba siya na ano mang oras ay may sisigaw at mahuhuli sila. Pigil ang hininga niya. Parang mauubos ang hangin sa kaniyang baga.
Kumaripas sila ng takbo nang tiyak nilang hindi na maaabot ng pandinig ng mga bandido ang ingay mula sa kanilang yabag. Takbo. Lakad. Takbo. Abot-abot ang kanilang hininga. Malakas ang buga ng hangin sa kanilang bibig.
Nakasunod si Esperanza sa lalaking gumising sa kaniya kanina. Hinawi nito ang talahibang nasa harapan nito. Ganoon pa man, tumatama pa rin ang matatalim na d**o sa mukha at katawan ng dalaga. Sumusugat iyon ngunit hindi niya nararamdaman ang hapdi.
Natisod siya. Agad hinila ng lalaking nasa likuran ang kaniyang braso upang magpatuloy siya sa pagtakbo. Walang oras para tumigil. Dumaan sila sa ilog at sa halip na tumawid lang, doon sila mismo naglakad. Ilang kilometrong layo muna ang binaybay nila bago sila lumusong uli sa lupa. Naisip ni Esperanza na paraan iyon, ang pagdaan sa ilog at talahiban, para mahirapang masundan sila ng humahabol sa kanila.
Magbubukang liwayway na nang tumigil sila at nagpahinga. Tinitigan ni Esperanza ang mga tumulong sa kaniya ngunit madilim pa rin. Ang bulto lang ng katawan nila ang kaniyang naaaninag. Matangkad nang bahagya sa kaniya ang isa, samantalang ang kasama nito ay abot-tainga niya lang. Katamtaman din ang kanilang pangangatawan.
Sumalampak sa lupa iyong dalawang lalaki. Humiga sila roon. Taas-baba ang kanilang dibdib sa sobrang pagod. Umupo naman si Esperanza sa malaking bato bago dumausdos ang katawan niya sa lupa. Malaking ginhawa ang naramdaman niya nang sumandal ang kaniyang likod sa bato.
Pumikit ang mata ng dalaga. Hindi niya alam kung ilang sandali siyang nakaidlip. Pagmulat niya, maliwanag na ang paligid. Lumingon siya sa kasama niya at nakita niyang gising na rin iyong lalaking matangkad. Nakaupo ito at nakatitig sa kaniya. Nagtama ang kanilang paningin. Saglit siyang hindi nakakibo. Hindi kasi iyon ang inaasahan niyang hitsura ng nagligtas sa kaniya. Mga bata. Siguro, nasa edad katorse o kinse lang ang mga ito.
Tumaas ang magkabilang labi ng lalaki. Ang mga mata nito'y parang mga bituin sa langit, kumukutitap at kumikislap. Nakahahawa ang sayang makikita sa mukha nito. Kaya naman, hindi napigilan ni Esperanza na tugunan iyon, ngumiti rin siya. Lalong lumapad ang ngiti ng lalaki at may bahagya pang halakhak ang lumabas sa bibig nito. Ewan ba ni Esperanza kung bakit nagdulot iyon ng kakaibang sigla sa dibdib niya.
Kailan ba siya huling ngumiti?
Hindi niya na maalala. Mula nang magdalaga siya, palagi siyang pinangangaralan ng mama niya. Sa tuwing nagkikita sila, pinagsasabihan siya kung ano'ng dapat niyang ikilos. Wala na itong makitang maganda sa ginawa niya. Hindi niya naman makasundo ang papa at kuya niya. Kaya mas napalapit siya sa kaniyang lolo. Ngunit pormal kumilos ang lolo niya. Istrikto. Kahit kailan hindi ito nakipagbiruan sa kaniya.
May dahilan ba siya para ngumiti kung ganoon ang pamilya niya?
Lumaki rin siyang walang kaibigan, lalaki o babae man. Iba kasi ang ugali niya. Masungit siya at mas gusto niya ang mga gawaing lalaki - ang mangabayo, ang lumangoy sa ilog, ang pag-akyat sa mga puno. Naaartehan siya sa mga kalaro niyang babae. Ang mga batang lalaki naman, ayaw sa kaniya dahil babae siya.
Ito yata ang unang pagkakataong ngumiti siya sa loob ng mahabang panahon. Masarap sa pakiramdam, magaan sa loob.
Nagising iyong isa pang kasama nila. Luminga ito sa paligid. Nalilito pa ang diwa nito ngunit nang bumalik sa alaala nito ang nangyari, ngumiti rin ito. "Natakasan natin sila?" tanong nito.
"May duda ka pa ba? Hindi sila oobra sa akin, uy!”
Tumayo ito at itinaas ang dalawang kamay sa ere. "Yehey! Ang galing natin! Biro mo, naisahan natin sila!" Tumakbo ito sa gilid ng bundok at pinanood nito ang tanawin sa baba.
Sandaling nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nina Esperanza at ng lalaking matangkad. Bawat isa sa kanila ay nag-iisip kung paano uumpisahan ang usapan. Tumayo na rin sila. Pinagpag niya ang suot. Nag-inat naman iyong isa.
“Pasensya ka na kay Buboy. Maingay talaga ‘yan.”
“Ayos lang. Dapat pa nga akong magpasalamat sa inyo dahil sa pagligtas n’yo.”
“Paano ka ba napasama sa mga ‘yon?”
“Dinukot nila ako matapos nila kaming pagnakawan.”
“Iyon din ang hinala namin ni Buboy nang makita ka namin kagabi. Do’n kayo huminto malapit sa kinaroroonan namin. Palihim na siniyasat namin kayo no’ng napansin naming puro armado ang kasama mo. Nagulat nga kami nang makita ka. Hindi kasi namin inaasahang may kasama silang babae. No’ng itinali ka sa puno, nagduda na kami na bihag ka nila. Kailan ba nangyari ‘yong pandurukot?”
“Kahapon ng umaga.”
Naglakad pabalik sa kanila si Buboy. “Gusto ko na ngang umalis do’n, pero ‘tong si Isko ang mapilit. Kailangan daw tulungan ka namin.”
“Salamat uli sa inyo.”
“Wala ‘yon,” sagot ni Isko.
“Ate,” tawag ni Buboy. “Ano bang pangalan mo?”
“Esperanza. Kayo si Isko"—tinuro niya si Isko bago isinunod iyong kasama—"at Buboy. Tama?”
Nakangiting tumango iyong dalawa. Bumaling si Buboy kay Isko.
“P’wede na tayong umuwi sa ‘tin?” tanong nito.
“Hindi pa.”
“Hindi pa!” reklamo ni Buboy. “Bakit?”
“Dahil gusto kong makatiyak na ‘di nila tayo masusundan. Kailangang iligaw muna natin sila bago tayo umuwi sa ‘tin.”
“Sa inyo? Hindi ba dapat sa pulis tayo pupunta?” tanong ng dalaga.
Nagtaka si Esperanza nang hindi kaagad nakasagot si Isko. Guniguni lang ba niya nang magpalitan ng makahulugang tingin ang dalawa?
“Sa tingin mo, masusundan pa nila tayo?” nababahalang tanong ni Buboy.
“May kabayo sila. Tayo, wala. Kung sanay rin sila sa ganitong lugar at may alam sila kung paano tayo hahanapin sa pamamagitan ng mga bakas na iniwan natin, posibleng matunton pa nila tayo.”
“Ba’t ‘di pa tayo umalis? Ano'ng hinihintay natin? Himala? Na may biglang mahuhulog na kabayo sa harapan natin mula sa langit? ” sabi ni Buboy. Tumalikod ito at naglakad palayo. Naiinis na kinamot ang ulo. “Sabi na kasi, h’wag makialam. Ayan, mapapahamak pa tayo n’yan.”
Hindi naman sumunod ang mga kasama nito. Napansin nito iyon. Huminto ito sa paglalakad at muling hinaharap sina Isko.
“Ano na! Ba’t ‘di pa kayo kumilos?” sabi ni Buboy.
“Hindi r’yan ang daan. Dito." Tinuro ni Isko ang pahilagang direksyon. “P’wera na lang kung gusto mong salubungin ‘yong mga humahabol sa ‘tin.”
Tumuwid ang likod ni Buboy. Naging malikot din ang mga mata nito. Binilisan nito ang paghakbang papunta sa hilaga.
“H’wag mong pansinin si Buboy. Mabait naman ‘yan. May pangit lang s’yang nakaraan kaya ganyan s’ya.”
“Naiintindihan ko. Siguro kung ako rin ang nasa kalagayan n’ya, ganoon din ang gagawin ko, ang h’wag makiaalam at isipin lang ang sariling kaligtasan.”
“Nasasabi mo lang ‘yan, pero kapag nasa ganoong sitwasyon ka na, mananaig pa rin ang pagiging makatao mo.”
Duda ang dalaga na magagawa niya nga iyon. Tumahimik na lang siya at sinundan si Buboy.
Ilang paglubog at pagsikat pa ng araw ang nasaksihan ni Esperanza. Hindi niya na nga mabilang kung ilang araw na silang naglalakbay. Sa kaniyang pagtataka, kampante ang loob niya. Wala siyang nararamdamang takot o pagkabagot. Nasisiyahan siyang kasama ang dalawang binatilyo. Tanging pamilya niya lang ang inaalala niya. Na baka magkasakit ang lolo at mama niya dahil sa kaniyang pagkawala.
Ang mukha ng dalaga na dati’y nakasimangot, ngayon, maaliwalas na. Nakangiti na kasi ang mga labi niya. Nawala ang paniningkit ng kaniyang mga mata dahil sa higpit ng pagkakapusod ng buhok. Bahagya lang ang epekto ng araw sa tila gatas na kutis niya. Bumagay nga sa kaniya ang mala-gintong kulay ng balat. Namumula pa ang kaniyang pisngi.
Hindi lingid ang pagbabagong iyon sa paningin ni Isko. Lagi nitong tinititigan si Esperanza, tulad na lang ngayon, pero hindi iyon napapansin ng dalaga.
“Ayan! Ayan ang dahilan kung bakit tayo nawawala,” reklamo ni Buboy. “Imbes na sa bituin ka tumingin, kay Ate Esperanza ka nakatitig.”
“Hindi, ah,” tanggi ni Isko. Nahihiyang ngumiti ito sa dalaga.
“Ano’ng hindi? Hindi tayo nawawala o hindi ka nakatitig?”
Umiling si Isko. “Ewan ko sa ‘yo. Reklamo ka nang reklamo. Pasalamat ka nga, buhay ka pa at nakakakain pa.”
“Nakakakain nga, pero ano? Puro halamang ugat! Puro kamote! Nakakasawa na!”
“Baka dumating na rin ang swerte natin. Naririnig mo ba ‘yon?”
Natahimik si Buboy. Pinatalas nito ang pandinig.
“Agos ng tubig? Ilog,” suhestiyon ni Esperanza.
“Tama. At kung may ilog—”
“May isda… may pampaligo… may hayop,” dugtong ni Buboy. “May bago nang hapunan, makakaligo pa ako. Yehey!” Masiglang tumakbo ito sa direksyon ng ilog. Nakalimutan kaagad nito ang pagmamaktol.
“Totoo bang nawawala tayo?” tanong ni Esperanza.
“Matatakot ka ba kung sasabihin kong oo.”
Kumunot ang noo niya. May dapat ba siyang ipag-alala? Kung pagpipiliin siya, mas nanaisin niya pang mawala sa gubat kaysa maging bihag ng mga bandido. Maabilidad sina Isko kaya alam niyang mabubuhay sila kahit nasa gitna pa sila ng kagubatan.
“Hindi. Wala akong dapat ipangamba. Alam ko kasing makakabalik tayo sa bayan. O kung hindi man,”—nagkibit-balikat si Esperanza—“buhay tayo at ‘yon ang mahalaga sa ngayon.”
Lumapad ang ngiti ni Isko dahil sa tiwala ng dalaga rito. “Alam ko kung nasaan tayo. Kung mapagmasid lang si Buboy, napansin niya na sana ang bundok na ‘yon.” Tinuro ni Isko ang bundok na may kakaibang korte sa di-kalayuan. “Nasa kabilang dako lang tayo, pero ‘yan ang palatandaan ko na malapit na tayo sa amin.”
“Talaga? Sa’n ba ang bayan n’yo?”
Nawala ang ngiti sa labi ni Isko. Napasulyap ito kay Buboy na ngayon ay naghuhubad na ng damit. Lumingon si Buboy sa kanila nang marinig ang tanong niya. Napansin uli ng dalaga ang palitan ng makahulugang tingin ng dalawa.
“Paraiso ang tawag ko sa lugar namin. Do’n, malaya kang gawin ang gusto mo. Walang mananakit sa ‘yo. Hindi ka mag-aalala kung bukas o makalawa, buhay ka pa. Kasi do’n, walang nang-aapi. Lahat kami, nagtutulungan,” sagot ni Buboy.
Nahiwagaan si Esperanza sa sagot ni Buboy. “Ba’t parang may inililihim kayo sa akin?”
“Mahirap ipaliwanag, pero malalaman mo rin naman ‘yon bukas," sabi ni Isko.
“Malapit na tayo sa ‘tin?” masayang sabat ni Buboy.
“Bukas ng hapon, nando’n na tayo.”
Sumisigaw at tumatalong nilusong ni Buboy ang ilog. Pero napahinto ito nang may maalala. “Paano kung naunang bumalik sa atin si Kuya? Tiyak na pagagalitan tayo n’yon. Malalaman n’ya na umaalis tayo tuwing lumuluwas sila. Pati ‘yong kasabwat natin, mapapahamak din.”
Hinagod ni Isko ang batok. “Bukas na lang natin isipin ‘yan. Malay mo, wala pa sila ro’n. ‘Di ba minsan, nagtatagal din ang lakad nila?”
“Sana nga,” sabi nito. Bumalik uli ang sigla nito. “Sige, magsiga ka na ng apoy. Manghuhuli ako ng isda pagkatapos kong maligo.”
“Sino ‘yong kuya n’yo? Kapatid n’yo?”
“Hindi. Matanda lang siya sa amin kaya kuya ang tawag namin.”
“Kaano-ano n’yo?”
“Wala. Katulad namin ni Buboy, hindi kami magkamag-anak. Nagtagpo lang ang mga landas namin dahil sa aming sitwasyon.”
“Ano’ng sitwasyon?”
“Malalaman mo rin bukas.”
“Masyado kayong malihim ni Buboy. ‘Pag may tanong ako tungkol sa buhay n’yo, umiiwas kayo.”
“Pasensya na, gano’n talaga ang ugali ko. Nakita mo naman, hindi rin ako palatanong tungkol sa buhay mo. Gano’n din si Buboy. Hindi kasi mahalaga sa amin kung saan ka nagmula at kung ano o sino ka.”
“Siguro nga, tama ka. Pero sa akin, importanteng malaman ko kung saan ako pupunta at kung sino ang makakasama ko,” sabi ni Esperanza. “Sabagay, ano nga naman ang karapatan kong magtanong sa inyo.”
"H'wag ka nang magtampo. Sige, ano ba 'yong tanong mo. Kung kaya ko, sasagutin ko."
"Sino ba 'yong tinawag n'yong kuya at bakit parang takot na takot kayo sa kaniya?"
"Si Kuya ang tumatayong lider namin. Siya ang sinusunod ng tao. Parang kapitan ng isang barangay. At hindi sa takot kami sa kaniya, iginagalang lang namin s'ya."
Tumango si Esperanza. “Ano’ng pangalan ng kuya mo? O, pati ‘yon, bawal sabihin?
Ngumiti si Isko. “Lucas… Lucas ang pangalan n’ya.”