Kabanata 4

2496 Words
"Ano na kayang nangyari sa dalawang 'yon?" nag-aalalang tanong ni Lucas habang pinapadaanan niya ng tingin ang paligid ng plaza. "Sa tingin mo buhay pa sila?" balik-tanong ng kasama niya, si Gregorio o mas kilala sa tawag na Goyo. "Nalibot na natin ang lahat ng bayan dito. Pati sa karatig na munisipyo, napuntahan na natin, pero wala tayong nasagap ni katiting na balita." Huminga siya nang malalim. "Maganda na rin sigurong wala tayong nakuhang impormasyon. Ibig sabihin, hindi sila nahuli ng awtoridad. Kaya maaaring nasa bundok lang sila." "At naligaw. Baka patay na nga ang mga 'yon. Wala silang makain o sila ang kinain ng mga hayop." Sinamaan ng tingin ni Lucas si Goyo. "H'wag naman sana. Nangako ako sa mga magulang nila na ako ang titingin sa kanila. Na hindi ko hahayaang mapahamak sila." "Kasalanan nila kung namatay sila. Kung pumirmi sila sa kuta natin, buhay pa ang mga 'yon." Dumura sa lupa si Goyo. "Mantakin mo, umaalis sila tuwing may lakad tayo. Matagal na pala nilang gawain 'yon." "Teka, ba't ba puro patay na ang bukang-bibig mo? Wala ka bang malasakit sa mga bata?" "Mayro'n, pero sa klase ng buhay natin, dapat handa tayo sa mga ganitong pangyayari. Saka, matagal na silang nawawala. Hinanap na natin sila sa bundok, hindi natin nakita. Kahit dito sa bayan, wala rin. Ano'ng ibig sabihin n'yon? Ang mabuti pa, bumalik na tayo sa kuta natin." Mabigat ang loob na tumango si Lucas. "Mabuti pa nga." "Tara na. Hindi ko gusto ang hangin dito. Nangangamoy parak." Sila ni Goyo ang mata at tainga ng grupo. Iba't ibang bayan ang pinupuntahan nila para humanap ng bibiktimahin. Kadalasan mga abusadong mayayaman ang pinipili nila. Palipat-lipat sila ng lugar para mahirap silang matiktikan ng awtoridad. Sumakay sila sa kanilang kabayo. Mabagal lamang ang kanilang pagpapatakbo habang nasa bayan pa sila. Nakabalatkayong matanda kasi si Lucas kaya kailangang alalayan ni Goyo ang kabayo niya. Nag-umpisa ang kaniyang pagkukunyari nang may nakakita sa totoo niyang hitsura. Papunta na sana siya sa lugar na pagtatambangan nang may nadaanan siyang nasiraan sa daan. Humingi ng tulong sa kaniya ang kutsero na pinagbigyan naman niya. Puro babae kasi ang sakay ng kalesa. Nakapuwesto na ang iba pang kasama ni Lucas sa lugar na napagkasunduan nila. Mas naunang dumating ang mga iyon doon. Matagumpay nilang naisakatuparan ang balak na pagnakawan ang isang mayamang biyahero. Tumatalilis na nga ang grupo niya, pero sa malas, sa pareho ding lugar papunta ang tinulungang kutsero sampu ng pasahero nito. Nasalubong nila ang mga iyon at kahit may takip sila sa mukha, nakilala si Lucas dahil sa kaniyang suot. Iba-iba ang paglalarawan sa kaniya ng mga babae. May nagsasabing guwapo siya. May iba namang nagsasabing pangit siya. May nagsasabing sarat ang ilong at malaki ang bibig niya. Pero may nagsasabi ring matangos at maganda ang hugis ng kaniyang bibig. Sa huli, walang matinong paglalarawan ang nakuha ng mga pulis. Isa lang ang pareho - may bigote siya. Marahil, kumampi sa kaniya ang ibang babaeng lulan ng kalesa. Mapanghamak kasi ang mayamang ninakawan nila. At siguro na rin, ayaw ng mga iyon na makulong siya dahil guwapo siya. Magmula noon, inahit niya ang kaniyang bigote. Doon din nag-umpisa ang kaniyang pagpapanggap na matanda.  LAKING GULAT NI ESPERANZA nang matanaw niya ang isang komunidad sa gitna ng gubat. Hindi iyon ang inaasahan niya. Nagtatakang inilipat niya ang paningin kay Isko. Umiwas naman itong tingnan siya. "Dito kayo nakatira?" tanong ng dalaga. "Dito nga," tuwang sagot ni Buboy. "Payak lang ang pamumuhay namin dito, pero malaya kaming gawin ang gusto namin," sabi ni Isko. "Na walang kinatatakutan," dugtong ni Buboy. "Dito, hindi ka kailangang parusahan dahil kailangan mong magnakaw ng pagkain para magkaroon ng laman ang sikmura mo." "Walang nagugutom dito dahil nagtutulungan kami." "Kung hindi kakain ang isa, hindi kakain ang lahat." "Gano'n dito. Kaya hindi ko ipagpapalit 'to kahit saang lugar." Palipat-lipat ang mata ng nalilitong dalaga sa dalawang nagsasalita. "Anong lugar ba 'to? A-ano ba kayo?" Tumitig si Isko sa kaniya. Kung dati lagi itong nakangiti, ngayon ay seryoso ito. "Kung ang mga mahihirap ang nasa laylayan ng lipunan, kami naman ang mga nahulog sa laylayan. Hindi dahil sa isinusuka kami, kung 'di dahil sa kami ang kusang tumiwalag sa lipunan." "Nakita na tayo nila!" masayang sigaw ni Buboy. Tumakbo ito palapit sa mga tao. Lumingon si Isko sa gawi ni Buboy at muling lumitaw ang nakahahawang ngiti nito. Iminuwestra nito ang isang kamay sa direksyon ng sumasalubong sa kanila. Imbitasyon iyon na malaya siyang sumama sa kanila. Mabigat ang paang sumunod si Esperanza. Nakatakas nga siya sa mga dumukot sa kaniya pero sa bandido rin pala ang lagpak niya. Hindi nga lang halang ang kaluluwa ng mga ito kumpara kina Marcial. "Susmaryosep! Buti't nakabalik pa kayo. Akala namin, may masama nang nangyari sa inyo," sabi ng matandang babae. "Diyaskeng mga batang 'to, pinag-alala n'yo kami!" "Galit na galit si Lucas nang malamang nawawala kayo." "Ilang araw namin kayong hinanap, hindi namin kayo makita." "Mga lintek na 'to. Sa'n ba kayo nagsususuot?" "Lagot kayo kay Lucas 'pag dumating 'yon. Pumunta sila sa bayan para hanapin kayo." "Teka, teka!" sabat ni Isko. "Isa-isa lang, 'di namin kayo kayang sagutin nang sabay-sabay." "Alam na ni Kuya Lucas na wala kami rito?" nababahalang tanong ni Buboy. "Oo! 'Di sila nagtagal sa bayan no'ng huling punta nila ro'n. Nagkalat kasi ang parak at militar sa buong lalawigan." Marahas na kinamot ni Buboy ang ulo. "Patay tayo nito. Si Isko kasi!" Napatingin ang lahat kay Isko. Dahan-dahan namang lumitaw ang mapagpaumanhing ngiti sa labi ni Isko. "May tao kaming tinulungan. Itinakas namin siya sa mga masasamang loob pero hindi kami p'wedeng dumiretso rito dahil baka masundan kami ." "Sino bang tinulungan mo?" tanong ng matandang babae. "Siya," sagot ni Isko sabay turo kay Esperanza. Lumipat ang paningin ng mga tao kay Esperanza. Sa kaniya naman napako ang mahigit singkuwentang pares ng mga mata. Nasa hitsura ng mga ito ang pagkagulat. Umawang pa ang mga labi ng iba. Para namang kandilang itinurok sa kaniyang kinatatayuan ang dalaga. Hindi niya alam kung ano'ng nakita ng mga iyon. Mukha ba s'yang multo? "Uhm... m-magandang hapon ho." "Aba'y may iba palang—" Dumagundong ang paligid dahil sa malalakas na yabag ng mga kabayo. Napukaw nito ang lahat ng atensyon ng mga naroon. Tila may bato balani ang lalaking nasa unahan, nakuha kasi agad niyon ang pansin ni Esperanza. Kahit sakay ito ng kabayo, mahahalata ang tikas ng tindig nito. Hindi pa man humihinto nang tuluyan ang kabayo, lumundag na kaagad ito pababa. Galit ito. Magkasalubong ang kilay, naniningkit ang mata at tiim ang mga bagang nito. Dire-diretso ang lakad nito sa pakay, si Isko. Sinunggaban nito ang kuwelyo ng kamiseta ni Isko. "Nadito na pala kayo. Para kaming tanga sa kahahanap sa inyo!" "K-kuya Lucas, sandali lang. Magpapaliwanag ako!" "Pati si Buboy, isinama mo sa kalokohan mo!" "Pasensya na, Kuya. 'Di na kami uulit." "Alam mo bang muntik na kaming mapahamak dahil sa katarantaduhan mo." Niyugyog nito nang malakas si Isko. Napakurap-kurap ang dalaga. Hindi pa rin maialis ang paningin niya sa lalaking tinawag na Lucas. Ewan niya ba kung bakit biglang kumabog ang dibdib niya. Malakas ang magnetismo nito sa kaniya. Bukod sa matangkad ito, may maganda pa itong pangangatawan. At aaminin niya, hindi lang basta may hitsura si Lucas, guwapo talaga ang lalaki. Talo pa nito ang paborito niyang artista. Pero hindi lang iyon ang nagdudulot ng kaba sa dibdib ng dalaga. Mukha kasi itong pamilyar sa kaniya. Parang nakita niya na ito noon ngunit hindi niya lang matandaan kung saan at kailan. Narinig ni Esperanza nang umungol si Buboy. Parang iyak ng naiipit na hayop ang tunog na nagmula sa lalamunan nito. Lalo na nang makita nitong papalapit si Goyo. Binatukan ni Goyo si Buboy. "Pinagod n'yo kami. Kung saan-saang lupalop kami napadpad kahahanap sa inyo!" "Aray ko po! Nambabatok agad. P'wede bang makinig muna kayo sa 'min?" "Hayop 'to, ikaw pang may ganang pangaralan kami." "Tama naman katwiran ko, ah." "Sige nga. Ano'ng magandang dahilan kung bakit kayo nawala ng halos isang buwan?" "May sinagip kaming babae. Kung hindi sa 'min, maaaring ginahasa na 'yon." Humalukipkip si Goyo. "Gumagawa na naman kayo ng kuwento." "Mukhang nagsasabi ng totoo ang mga bata," sabat ng matandang babae. "Bigyan n'yo muna sila ng pagkakataong magpaliwanag." "Aling Maring, pinapaikot lang nila ang ulo natin. Nagpapaniwala kayo r'yan," sabi ni Lucas. "H'wag n'yong pagtakpan ang mga gagong 'to," segunda ni Goyo. "Nasa'n na 'yong babae? Aber?" Sa halip sumagot, lumipat ang paningin ni Aling Maring kay Esperanza. Pumihit paharap si Lucas kay Esperanza. Sa pangalawang pagkakataon, lahat ng mata ay nakatuon uli sa dalaga. Umakyat ang init mula sa leeg papunta sa mukha ni Esperanza. Parang may tumutusok na maliliit na karayom sa kaniyang katawan. Hindi niya alam ang gagawin. Sa huli, ngumiti na lang siya. Matinding gulat ang rumehistro sa mukha ni Lucas. Diwata ng gubat ang unang pumasok sa isipan nito. Magandang diwata. Pumikit ang binata nang ilang beses. Akala yata nito ay namamalik-mata ito. Pero hindi, totoo ang nasa harapan nito! Naranasan na nito ang ganoong pakiramdam, noong unang nakita nito si Miranda. Makalipas ang limang taon, heto na naman, tumitibok-t***k uli ang puso nito. Sino ba ang hindi maaakit sa dalaga? Kung ang iba, nagiging uling ang balat kapag nabilad sa araw, si Esperanza, iba. Parang naging ginto ang makinis at maputing kutis niya. Umiba ang dating mabagsik niyang mukha. Siguro dahil sa buhok niyang maluwag na ang pagkakapusod. Nililipad ng hangin ang hibla ng kaniyang buhok na nakawala sa pagkakatali. May ibang hibla na nakahilig at sumasabay sa hugis ng kaniyang mukha. Ano pa't ang pangahin niyang mukha ay hindi nakabawas sa kaniyang ganda. Sa halip, nakadagdag pa iyon sa kaniyang karisma. Bahagyang humumpak ang bilugan niyang pisngi, pero ang talagang nakatatawag ng pansin ay ang kaniyang mga mapupulang labi. Nagtataka si Lucas sa sarili. Kahit kailan, ayaw nito sa babaeng may kalakihan ang bibig. Pero bakit sa babaeng kaharap, magandang tingnan iyon? Para bang nag-iimbita ang mga labing iyon na dampian ng halik. Ipasok sa bibig ng binata at sipsipin ang pang-ibabang labi ng dalaga. Hindi namalayan ni Lucas na humahakbang na pala ito palapit kay Esperanza. Sa namamaos nitong boses, sinabi nitong, "T-totoo ka ba? Hindi ba ako pinaglalaruan ng mga mata ko?" "Ano'ng ibig mong—" "S'ya 'yong sinasabi naming tinulungan namin," sabat ni Isko. "Dinukot s'ya sa bayan. At ang sabi ni Ate, nagpapanggap daw na may bigote 'yong isa sa mga kumuha sa kaniya," sabi ni Buboy. "Ano!" sigaw ni Goyo na ipinagtaka ng lahat. Napaatras namang bigla si Lucas. Parang ibinabad sa suka ang mukha nito nang may mapagtanto ito. Tumanggi agad ang isip nito. Sumikip ang paghinga at may kung anong damdamin ang gumapang sa dibdib nito. Nandoon ang panghihinayang, pero mas nangibabaw ang galit na matagal na nitong kinikimkim. Biglang naglaho ang paghanga nito sa babaeng kaharap. Dumilim ang mukha ni Lucas. Lumapit uli ito kay Esperanza. Hinaklit ang braso ng dalaga at mahina ngunit nanggigil na saad nitong, "H'wag mong sabihing si Esperanza ka." Namilog ang mga mata ni Esperanza. "Ako nga 'yon. Nakarating din ba sa 'yo ang nangyari sa 'kin?" Tumawa nang pagak si Lucas bago nito hinarap ang mga kasama. "Hindi n'yo ba kilala ang babaeng 'to?" Tumiim ang bagang nito at isa-isa nitong tinitigan ang mga naroon. "S'ya si Esperanza, apo ni Don Escobar." Nakita ni Esperanza ang pamumutla ni Isko, ang paghawak ni Buboy sa tiyan nito na parang masusuka at ang pagkasuklam sa mukha ng mga tao. Gulong-gulo ang isip ng dalaga sa takbo ng pangyayari. Bakit parang galit ang mga tao sa kaniya? "Nakikita mo ba ang lalaking 'yon?" tanong ni Lucas sa dalaga. Hindi umimik ang dalaga. Kinagat niya ang labi at pinili niya na lang manahimik. "Si Ka Tonyo. Matagal 'yang nanilbihan sa inyo. Malaki ang problema n'ya noon dahil kailangan n'ya ng malaking halaga para sa operasyon ng anak n'ya. Pero ano'ng ginawa ng lolo mo? Pinakulong nito. Namatay ang anak n'ya habang nasa kulungan s'ya. Sumunod namatay ang asawa n'ya dahil sa sama ng loob." "Hindi gagawin ni Lolo 'yon nang walang dahilan." "Tama bang ipakulong mo dahil nakalimutan lang isara 'yong kuwadra ng kabayo?" Napapikit nang mariin si Esperanza. Bumalik sa alaala niya ang pangaral na itinuro ng kaniyang lolo. Hindi sinasamahan ng puso ang pagdidisiplina sa mga utusan. Magiging abusado sila kapag naawa ka. "Iyon, kilala mo?" Isang babae naman ang tinuro ni Lucas. "Kahera 'yan sa munisipyo no'ng mayor pa ang lolo mo. Pinagnakawan ang munisipyo no'n. Ibinintang agad ng lolo mo sa kaniya ang mga nawalang salapi. Alam mo kung bakit? Hindi n'ya binayaran 'yong taong inutusan ng lolo mo dahil kulang ang pirma sa papeles. Nakulong 'yan at nang makalaya, wala nang may gustong tumanggap sa kaniya." Wala sa loob na umiling si Esperanza. Hindi magagawa ng lolo niya iyon! Umasim ang mukha ni Lucas sa ginawa niyang pag-iling. "Tinatanggi mo na kayang gawin ng lolo mo 'yon? 'Yang si Buboy, alam mo ba kung anong nangyari sa magulang n'ya?" "Ano? Ibibintang mo na naman sa pamilya ko?" tanong ng dalaga. Hindi niya alam kung saan siya humugot ng lakas ng loob para sumagot. "Sundalo ang tatay n'yan. Ibinuwis ng tatay n'ya ang buhay sa pagtatanggol sa bansa. Pero ano'ng ginawa ng mga nasa katungkulan at ng mga mayayamang katulad n'yo? Ginawang puta ang nanay n'ya para lang makuha ang benepisyong dapat naman ay para sa kanila." Saglit na huminto si Lucas sa pagsasalita upang kontrolin ang sarili. "Nagkasakit ang nanay n'ya. Napilitang magnakaw si Buboy para lang may makain sila. Ano sa tingin mo ang ginawa sa kaniya no'ng nahuli s'ya?" "Ang mali ay mali," sagot ni Esperanza. "Kahit may dahilan pa ang ginawa mong krimen, kailangan mong pagdusahan 'yon 'pag nahuli ka. Dahil kung pagbibigyan mo ang mga kriminal, hindi magkakaroon ng tamang kaayusan ang isang lugar. Mamimihasa sila." "Sino ang dapat magpataw ng parusa? Kayong nasa kapangyarihan? Kayong mayayaman?" Nanlilisik ang mata ni Lucas dahil sa panggigigil. Humigpit pa lalo ang pagkakahawak niya kay Esperanza. "Sa limang pirasong pandesal, tama bang kapalit ang buhay n'ya? Sampung taon pa lang s'ya no'n. Kinaladkad s'ya sa plaza at do'n pinagpapalo. Bumubulwak na nga 'yong dugo sa bibig at ilong n'ya, hindi pa rin s'ya tinatantanan. " Tumitindi ang sakit sa braso ni Esperanza. "Bitiwan mo ako." Kumapit pa sa isang braso niya si Lucas. Halos ingudngod nito ang mukha nito sa kaniya. "Hindi ka naaawa? Wala ka rin palang konsensya!" "Hindi dahil kabilang ako sa sinasabi mong mayaman, mapang-api na ako. H'wag mo kaming lahatin!" "Bakit? Marunong ka bang makinig bago ka humusga? O, katulad ka rin ng lolo mo, malupit at walang puso?" Tinitigan ni Lucas nang diretso si Esperanza. "Kahit kailan ba wala kang inapi?" Ewan ba ni Esperanza kung bakit tumindig ang balahibo niya sa mapanuring mata ni Lucas. Nilukuban siya ng takot. Naging eratiko ang pintig ng puso niya. Iiling na lang sana siya para tumanggi sa tanong ng binata pero narinig niya ang mahinang bulong nito. "Baboy..." Nawala ang kulay sa mukha ni Esperanza. Talo niya pa ang taong naubusan ng dugo. Noong una, akala niya, pangangatawan niya ang tinutukoy ni Lucas. Na mataba siya tulad ng baboy. Pero nang titigan niya ito, napagtanto niya na iba pala. May gunita sa kaniyang alaala ang unti-unting nabubuhay dahil sa katagang iyon. Baboy! Lumaki ang mata niya nang tuluyang bumalik sa alaala niya ang tagpong iyon limang taon na ang nakararaan. Mala-demonyo ang ngisi ni Lucas. Inilapit pa nito ang mukha sa kaniya at saka mahina ngunit may diin na sinabi niyang: "Mabuti nama't natatandaan mo na."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD