Kabanata 5

2182 Words
Pinanghinaan ng tuhod si Esperanza, pero hindi siya magpapasindak sa lalaking iyon. Lalong hindi siya magpapakita ng takot sa mga nagkasala sa batas, katulad ng mga taong nakapalibot sa kaniya. Pumasok sa isip niya ang pangaral ng kaniyang lolo, na ang kalaban, doon ka titirahin kung saan ka mahina. Kaya kahit nangangatog ang kaniyang tuhod, tumayo siya nang tuwid at pinaliyad ang dibdib. Kaunti na lang at magpapang-abot na ang mukha niya at ni Lucas. May kalakihan ang kaniyang hinaharap kaya bahagyang tumama iyon sa dibdib ng binata. Napasinghap silang pareho. Uminit ang pakiramdam ng dalaga at may kung anong bagay ang naglakbay sa kaniyang katawan. "Talaga namang magnanakaw ka!" asik ni Esperanza. Kuminig nang bahagya ang kaniyang boses. Hindi niya alam kung dahil sa kaba o dahil sa epekto ng binata sa kaniya. "Anong basehan?" sabi nito, bumaba sa karaniwang timbre ang boses nito. "Nang dahil lang sa amoy, ako nang pinagbintangan n'yo?" "Halata namang ikaw 'yon. Ano pa bang pruweba ang kailangan namin?" "Kung binigyan mo ako ng pagkakataon, marami akong saksing puwedeng iharap sa 'yo na magpapatunay na galing akong Quezon." Binitiwan nito ang isang braso niya at tinuro nito ang kaliwang noo. Napansin niya ang hilom na pahabang sugat sa noo nito. Tumawid iyon sa kilay at huminto malapit sa mata. Nabawasan ang pagiging maamo ng mukha nito. Naging brusko. Ang hirap na pinagdaanan at lupit ng buhay na nasaksihan ay mababakas sa mga mata nito. "Dos por dos ang may gawa n'yan. Halos wala na akong buhay no'ng iwan ng mga tauhan n'yo," dugtong nito. "Ipagpalagay na nating ako nga ang kumuha sa baboy n'yo, tama bang sa kamay mo ilagay ang batas?" Kahit ano pang dahilan niya, alam niyang mali siya roon. Ngunit ayaw niyang tanggapin ang pagkakamali. "Hindi ko iniutos na patayin ka. Ang sinabi ko lang, sila na ang bahala." Numipis ang labi nito. Bumaba ang mata at napako ang paningin nito sa halos dikit na katawan nila. Itinulak siya nito at saka tinalikuran. Humarap ito sa mga tao. "Kaunting panahon lang mga kasama, darating din ang pagkakataon ninyong makaganti. Pero 'tong babaeng 'to, personal ang atraso n'ya sa akin." Tumigil siya saglit. Hindi na yata humihinga ang mga naroon sa paghihintay ng susunod niyang sasabihin. Siguro, kung may karayom lang na nahulog ay tiyak maririnig ang tunog niyon sa sobrang tahimik ng paligid. "Kaya ibalato n'yo na lang s'ya sa akin." Umugong ang paligid. May umalma. May pumayag. "Hayaan na natin kay Lucas 'yan." "Oo nga. Pabuya na rin natin sa kaniya 'yan. Marami na rin s'yang naitulong sa 'tin." "Sa'n matutulog 'yong babae? Sa kubo ni Lucas? Ayoko!" Ikinuyom ni Esperanza ang palad. Luminga rin siya sa paligid. Ano ang tiyansa niyang makatakas? Kung tatakbo siya ngayon, siguradong maaabutan siya. Baka gulpihin pa siya ng mga ito. Kung sakali mang makawala siya, na malabong mangyari, kaya niya bang mabuhay sa bundok nang mag-isa? Kaya niya bang bumalik sa bayan? Puro hindi ang sagot niya sa tanong na iyon. Tanggapin niya man o hindi, nakasalalay ang buhay niya sa kamay ng mga bandido. Tuloy pa rin ang kanilang pagtatalo nang may matandang lalaking pumunta sa kanilang harapan. Nakataas ang dalawang kamay nito sa ere. Muling natahimik ang paligid. "Ako ang nakakita kay Lucas no'ng itinapon s'yang parang hayop sa tabi ng kalsada. Ako ang nagdala sa kaniya rito nang tuluyan na s'yang gumaling. Hindi ko pinagsisihan ang pasyang iyon. Marami s'yang binago at mas naging maayos ang pamamalakad dito. Bilang dati ninyong pinuno, sana igalang n'yo ang sasabihin ko." Pumihit ito upang si Lucas naman ang harapin. Sinulyapan din nito si Esperanza. "S'ya ang nagbigay ng parusa sa inaakala n'yang pagkakamali ni Lucas. Ibabalik ko ang pagkakataon kay Lucas, bahala s'ya kung ano'ng gusto n'yang gawin. Sa kaniya ang babaeng 'yan." Isang tango ang naging sagot ni Lucas. Pasasalamat iyon sa matanda. Lumingon si Lucas sa dalaga bago ito naglakad palayo. Napalunok si Esperanza. Kinutuban siya nang masama nang mapansin niya ang isang babae na humakbang palapit sa kaniya at bago pa man ito maawat, nakarating ito sa kinatatayuan niya. Dinuraan siya sa mukha bago nito itinuloy ang paglalakad palayo roon. Tumiim ang bagang niya. Pinahid niya ang dura gamit ang manggas ng blusa niya at saka niya inilibot ang paningin sa galit na mukha ng mga naroon. Hinanap niya sa kumpol ng mga tao sina Buboy at Isko. Una niyang nakita si Buboy at ganoon na lang ang panlulumo niya. Mababakas kasi rito ang matinding poot. Nang magtagpo ang mata niya at ni Isko, nagmamakaawa ang mga titig niya, ngunit iniiwas lamang ng huli ang mata nito. Pati si Isko ay tinalikuran siya. Hindi mapangalanan ni Esperanza ang kirot na gumuhit sa kaniyang dibdib. Nasaktan siya sa ginawa ng dalawang binatilyo. Nagbago ang pananaw niya dahil sa kanila. Na maganda ang tumulong sa kapwa. Na puwede palang maging masaya kahit payak ang pamumuhay. Na nakakagaan pala ng pakiramdam ang tumawa. Sa panahong kasama niya iyong dalawa, natuto siyang magbigay ng tiwala. Hinayaan niya ang sariling mapalapit ang loob sa kanila. Itinuring niya itong kaibigan na puwedeng sandalan kapag kailangan. At ganoon din naman ang gagawin niya, susuklian niya ang lahat ng kabaitang ibinigay sa kaniya oras na makabalik sila sa bayan. Pero mali siya, hindi pala sila puwedeng asahan. Palayo na nang palayo si Lucas. Ano bang gustong mangyari ng lalaking iyon? Matapos sabihing ibalato na lang siya rito, at iyong nga ang nangyari, basta na lang siyang iiwan? Nagdalawang-isip siya kung ano ang gagawin. Pero kusa nang kumilos ang kaniyang mga paa. Humakbang siya. Susundan niya si Lucas. Dalawa lang naman kasi ang pagpipilian niya — si Lucas o ang mga kasama nito. Mas madaling kalaban ang isa kaysa marami. May isa uling babaeng nagtangkang lumapit sa kaniya. Umangil siya. Lumabas pa nga ang pang-itaas na mga ngipin niya. Parang aso. Nanlisik din ang mga mata niya. Napaatras sa gulat iyong babae. Hindi nito inaasahan iyon. Sinundan niya si Lucas. Nakita niyang pumasok ito sa isang kubong yari sa pawid. Maliit lang iyon. Baka pareho lang ang sukat niyon sa kuwarto niya. Ilang minuto rin siyang tumayo sa labas ng kubo. Nakapatong ang isang paa sa unang baitang ng hagdanan. Pinahid niya ang nanlalamig na palad sa kaniyang pantalon. Papasukin niya ba si Lucas o maghihintay siya hanggang sa mapansin nito? Hindi na siya nakatiis. Kumapit siya sa pasamano ng hagdan at humakbang paakyat. Napansing niyang nakaawang nang bahagya ang pinto. Imbes kumatok, itinulak niya iyon. Lumangitngit at gumawa ng ingay nang lumagapak iyon sa dingding. Nakita niyang magsasara uli iyon. Kung ano ang bilis ng pagbukas niyon ay siya ring bilis ng pagsara niyon. Pero bago pa tuluyang lumapat iyon ay naiharang na niya ang kamay. Mabilis na pumasok siya. Napalingon si Lucas sa gawing pinto. Nasa kalagitnaan ito ng paghuhubad ng damit. Wala na itong suot na kamiseta, kaya kitang-kita ang magandang hubog ng katawan nito. Ang malapad na balikat. Ang magandang braso. At, ang tila pandesal na nakahilera sa tiyan nito. Nanuyo bigla ang lalamunan ni Esperanza. Napahawak siya sa kaniyang lalamunan. Kulang na lang ilabas niya ang dila. Nakita niya ang pagtaas ng kilay ng lalaki. Sumimangot siya at inabala niya ang sarili sa pagsuri ng loob ng bahay na para bang mas nakawiwiling pagmasdan iyon kaysa sa katawan nito. Ilang saglit lang, napasadahan niya na ang kabuuan ng bahay. May isang katre sa gilid at maliit na lamesa sa katapat nito. Nakahiwalay ang palikuran. Malamang naroon din ang kusina sa likod. Umupo si Lucas sa silyang nasa tabi ng lamesa at tinanggal ang pagkakatirintas ng sapatos. Tahimik namang pumunta si Esperanza sa papag. Doon siya umupo. Pinagsalikop niya ang kamay sa kaniyang kandungan. Yumuko siya. Kung pagmamasdan, para siyang mabait na tupa na handang ialay ang sarili sa harap ng altar. Humigpit ang kapit niya sa kaniyang kamay para pigilang mapalundag nang marinig niya ang pagbagsak sa sahig ng hinubad na sapatos ni Lucas. Kinapos ang hangin sa baga niya nang lumagabog ang kabilang sapatos nito. Napapikit siya nang mariin at nagdasal. Iyon na ba ang huling araw niya bilang dalaga? Sana'y kaawaan siya ng panginoon. Halos mapatili siya nang may dumapo sa kandungan niya. Nangunot ang ilong niya nang may masinghot siyang masangsang na amoy. Patay na daga ba iyon? Pag-angat ng kaniyang mukha, siya namang paghagis ng kung anong hawak ni Lucas. Dumaplis iyon sa kaniyang ilong at nalanghap niya iyon nang sagad-sagad. Nagsalubong ang mga mata niya gawa ng mabahong amoy. Napatindig siyang bigla at agad niyang pinagpag ang bagay na bumagsak sa kandungan niya. Nandidiring tiningnan niya ang salarin. Medyas! "Labhan mo!" utos ni Lucas. Kumunot ang noo niya. Iyon ba ang parusa niya? Akala niya... Lumapit at tumayo ito sa mismong harapan niya. Naramdaman niya ang init na galing sa katawan nito. Nagkaroon ng katugunan ang init na iyon sa kaniyang lamang loob. Sumisentro iyon sa maseselang bahagi ng kaniyang katawan. Sa dibdib niya. Sa pagitan ng kaniyang hita. Tumingala siya at nahuli niya ang nang-uuyam na mga titig nito na para bang alam nito ang takbo ng kaniyang isip. "Bakit? Ano'ng akala mo? Na 'yang katawan mo ang habol ko?" Sarkastikong umiling ito. "Hindi pa ako gano'n kadesperado." "Bakit? Sinabi ko bang 'yon ang gusto mo? Mamamatay muna ako bago ko isuko ang sarili sa 'yo!" Humalukipkip siya. "Damputin mo 'yon," utos nito. "Ayoko!" Sinabayan niya ng iling iyon. "Dam. Pu.Tin. Mo!" Natigilan si Esperanza. Mukhang seryoso ang kausap. Sabi ng lolo niya, sa laban, dapat maging matalino ka. Alam mo kung kailan susugod at aatras. Hindi naman daw karuwagan ang umatras kung alam mong matatalo ka. Basta't huwag mo lang isusuko ang laban. Sa tingin niya, iyon ang oras para umatras. May araw din sa kaniya ang lalaki. Yumuko siya at dinampot ang mabahong medyas. Inipit niya iyon sa hinlalaki at hintuturo niya. Ang ibang daliri niya ay nakatikwas sa pandidiri. "Ano'ng gusto mong gawin ko ngayon, kamahalan?" "Labhan mo. Pati 'yang sapatos, linisin mo na rin." Napukaw ang pansin nila ng mga yabag paakyat ng bahay. Tingin niya, sinadya iyon para makuha ang atensyon nila. Bumukas ang pinto. Si Isko ang naroon. Isa pang hudas! "Kuya Lucas, pinag-igib kita ng tubig." "Salamat. Sa susunod, si Esperanza na ang gagawa n'yan. Ituro mo na lang kung saan mag-iigib ng tubig." "Sige, Kuya Lucas." Dumiretso ito sa palikuran. Maya-maya lang ay lumabas ito at nagpaalam na. Kahit isang tingin ay hindi siya nito tinapunan. Binalingan uli ni Lucas si Esperanza. "Ano pang hinihintay mo? Bilisan mong kumilos. May ipapagawa pa ako pagkatapos mo r'yan." Pumunta siya sa palikuran, bitbit niya na rin ang sapatos. Wala siyang ideya kung paano maglaba. Gusto niyang bumalik sa loob at tanungin si Lucas, pero baka sabihin lang nito na napakatanga niya. Simpleng bagay, hindi niya pa kayang gawin. Kinuha niya iyong planggana at nilagyan iyon ng tubig. Pagkatapos, isinawsaw niya sa tubig iyong medyas. Parang tsaa na pabalik-balik na inilublob at iniangat niya iyon sa tubig. Dulo lang ng daliri niya ang nakahawak sa medyas. Isinabit niya iyon sa sampayan na nasa tabi mismo ng banyo. Hindi niya alam na kailangan pigain iyon bago isabit. Ganoon din ang ginawa niya sa sapatos. Isinawsaw niya lang sa tubig bago ibinilad sa araw. Nagpalipas siya ng oras doon sa likod ng bahay. Pumasok lang siya sa loob nang marinig niya ang tawag ni Lucas. "Kunin mo 'yong planggana, bimpo at sabon. Lagyan mo ng tubig 'yong planggana. 'Wag mong punuin para 'di tumapon 'yong tubig dito," utos nito. Nakaupo ito at nakapatong ang mga paa sa lamesa. Nagngingitngit man ang kalooban ay tumalima pa rin si Esperanza. Humugot siya ng ilang malalalim na hininga para pakalmahin ang sarili. Dala niya na ang mga iniutos ni Lucas pagbalik niya. "Sa'n mo gustong ilagay ko 'to?" Sumulyap ito sa kaniya bago nito ibinaba ang mga paa sa sahig. Hindi pa rin ito sumagot. Sa halip, sumenyas ito na ilapag iyon sa paanan niya. Iyon ang ginawa niya, pero natigilan siya nang tatayo na siya. "Hugasan mo ang paa ko," utos ni Lucas. Natulala siya. Agad nagrebelde ang kalooban niya. Hindi niya ito susundin! "Ayaw mo," sabi nito. "Bukas ang pinto, walang pumipigil sa 'yo para umalis." Kumapit siya nang mahigpit sa planggana. Nanginig ang mga kamay niya sa pagpipigil na sabuyan ito ng tubig at ihampas sa ulo nito ang hawak na planggana. Nanaig ang matinong bahagi ng kaniyang isip. Ipapahamak niya lang ang sarili kapag nagpadala siya sa galit. Lumuwag ang hawak niya sa planggana. Lumuhod siya sa harapan ni Lucas. Nakayukong kinuha niya ang paa nito at inilublob sa tubig. Bakit ba pakiramdan niya, tinapakan nito ang pagkatao niya? Uminit ang mata niya, pero hindi niya hahayang tumulo ang mga luha niya. "Sabunin mong mabuti. Hilutin mo na rin para mawala ang p*******t n'yan," sabi ni Lucas. "Hindi na ako magtataka kung bakit masakit ang paa mo. Sa baho ng medyas mo, mabuti't buhay pa 'tong paa mo. Dapat nga, pinaglalamayan na 'to." "Ano'ng ibinubulong-bulong mo r'yan?" "Wala!" Iniangat niya ang ulo. "Ang sabi ko, gusto mo kuluyan natin 'yong kuko mo para magkaroon ng buhay?" Kumibot ang labi nito. Hindi niya alam kung bakas ng ngiti iyon o iritasyon. "Mabubuhay na 'yan sa himas lang. Kaya idiin mong mabuti, ha." "Sige, utos ka pa. Darating din ang araw mo," paanas na sabi niya. Itinuon niya ang mata sa paa nito. Malaki iyon at maugat, pero maganda ang hugis niyon. Tumaas ang paningin niya sa nakalitaw na binti nito. Ngayon niya lang nalaman na nakaaakit palang pagmasdan ang binti ng isang lalaki.   
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD