Walang tigil na ingay ang bumulahaw sa mahimbing na tulog ni Lucas. Nanggagaling iyon sa paanan ng kama. Akala niya, nginangatngat ng daga ang mga gamit niya. Napatahiya siya at balak niya nang bumangon, pero bigla ring tumigil iyong ingay. Naalala niya, sa sahig niya nga pala pinatulog si Esperanza at ang narinig niya ay tunog ng nangangatal na ngipin. Marahil giniginaw ito. Kumot at unan lang ang iniabot niya rito kanina. Walang banig na haharang sa hanging lumulusot sa siwang ng sahig.
Nakiramdam siya. Matagal din siyang naghintay pero hindi na naulit ang tunog na iyon. Binagabag pa rin siya ng konsensiya. Gusto niyang gisingin ito at ialok ang higaan. Nagtalo ang loob niya lalo't naalala niya kung sino at ano ang ginawa sa kaniya ng babae.
Ipinikit niya ang mga mata at pinilit ang sariling makatulog uli. Tila nanunudyo naman ang kaniyang isipan, ayaw paawat sa pagdaloy ng kaniyang nakaraan. Lumitaw ang isang imahe ng magandang babae sa kaniyang isipan, si Miranda, ang dahilan kung bakit siya napadpad sa Puting Tubig.
Halos mabaliw siya noon nang mabalitaan niyang ikakasal na ang babaeng itinatangi. Sigurado siyang hindi ito mahal ni Diego at pumayag lang itong ikasal dahil sa kumakalat na mapanirang balita. Tumibay ang hinalang iyon nang dumalaw si Don Miguel, ang ama ni Diego, at sinabi nitong palabas lang ang kasal. Na kaya inalok ni Diego ng kasal si Miranda para hindi lumabas na mapagsamantala ang anak nito. Sinabi rin ni Don Miguel na bibigyan siya nito ng malaking halaga kung itatanan niya si Miranda bago dumating ang araw ng pag-iisang dibdib ng dalawa. Tutol kasi ito kay Miranda dahil hindi nababagay ang dalaga sa antas ng kanilang pamumuhay. Kahit nga raw mag-asawa na ang dalawa, bibigyan pa rin siya nito ng pera kung magagawa niyang sumama sa kaniya si Miranda. Pumayag siya, pero tinanggihan niya ang alok nitong salapi.
Nagkaroon siya ng lakas ng loob na pasukin ang silid ni Miranda. Nahuli niya pang umiiyak ito. Muli niyang ipinahayag ang damdamin dito at isang salita lang nito, handa siyang itakas ito. Tuwang-tuwa siyang umuwi baon ang pangako ng dalaga na kakausapin siya nito kinabukasan. Sa kilos kasi nito, nakikinita niyang sasama ito sa kaniya.
Nabuhay uli ang pangarap niya. Magiging inhinyero siya. Magtatayo siya ng malaking bahay para kay Miranda. Magkakaroon sila ng apat, lima o anim na anak.
Subalit hindi nangyari ang lahat ng iyon. Hindi sila nagkausap ni Miranda. Wala ring pagkakataong makalapit uli siya rito hanggang sa makita niya itong papunta sa dati nitong tirahan, sa gubat. Sinundan niya ito. Inaasahan niyang sasama sa kaniya si Miranda, pero bigo siya. Para pa ngang dinurog ang puso niya nang sinabi nitong kalimutan niya na ito. Hindi nito iiwan ang asawa dahil mahal niya ito. Hindi niya pinaniwalaan iyon.
Nagmakaawa siya. Luluhod na siya sa harapan nito ngunit sinabihan siya nitong huwag pababain ang sarili. Na may babaeng higit rito na karapat-dapat sa pagmamahal niya.
Hindi pa rin siya handang sumuko. Ipaglalaban niya ang nararamdaman pero dumating si Diego. Kinausap siya nito at isang bagay ang nalaman niya, mahal din ni Diego si Miranda. Kahit hindi nito aminin, nabasa niya iyon sa mga mata ng lalaki. Ang pag-aalala kay Miranda. Ang matinding galit dahil umaaligid pa rin siya sa asawa nito.
Nagparaya siya. At, itinatak niya sa kaniyang isipan na hindi na siya magmamahal nang katulad ng naramdaman niya kay Miranda. Hindi na siya magpapakumbaba. Kahit kanino, hindi siya luluhod.
Nanumbalik ang kaniyang isipan sa kasalukuyan nang marinig niya ang mahinang ungol. Umigting ang bagang niya, dahil galing ang ungol na iyon sa babaeng nagpaluhod sa kaniya.
NAPABALIKWAS NG BANGON si Esperanza. Bumungad sa paningin niya ang dukhang tirahan ni Lucas. At, kaya siya nagising ay dahil sa lakas ng sigaw nito. Nananakit ang kaniyang katawan, mas matigas ang kawayang sahig kumpara sa lupang natatabunan ng mga d**o. Gustuhin niya mang mag-inat, hindi niya magawa dahil lalong lumakas ang boses ng lalaki. Tumayo siya at nagmamadaling isinuot ang sapatos. Saka siya pumunta sa palikuran.
"Ano'ng ginawa mo rito?" bahagyang itinaas ni Lucas ang kamay. May kulay itim itong hawak.
Kumunot ang noo niya. "Ano 'yan?"
"Hindi mo alam?" Halos maduling siya nang inilapit nito sa mukha niya ang bagay na hawak nito.
"Kaya nga ako nagtatanong dahil 'di ko alam kung ano 'yan!" Sinipat niyang mabuti iyon. Mukhang pamilyar. Lumaki ang mata niya nang mapagtanto niya kung ano iyon. "M-medyas mo?"
Hugis medyas iyon. Ang nakapagtataka, matigas iyon.
"Ang utos ko sa 'yo labhan mo, 'di ko sinabing gawin mong pamalo!" Itinapik-tapik ni Lucas ang hawak sa palad nito. "Puwede nang panampal 'to, ah."
"Nilabhan ko 'yan. Kasalanan ko ba kung tumigas 'yan?"
"Sinabon mo ba? Binanlawan mo bang mabuti?"
Wala siyang maisagot. Ayaw niyang umaming wala siyang alam sa paglalaba. Itinuro naman ng kausap ang sapatos na nakapatong sa di-kalayuan.
"Nilinis mo ba 'yon, o nilublob mo sa putikan?"
Hindi uli siya umimik. Magdadahilan pa ba siya kung mas malinis pang tingnan iyong sapatos bago niya ito labhan?
Humakbang si Lucas at sinenyasan siyang sumunod dito. Kinuha nito ang nakasabit na planggana at pabalibag na ibinagsak sa sahig. Nilagyan nito ng tubig iyong planggana bago itinapon doon ang hawak na medyas. Dinampot nito ang sabong nasa tabi ng balde. Umupo ito, nakabuka ang hita at nasa harap nito iyong planggana. Tumayo naman siya sa tabi ng lalaki.
"Banlawan mo muna. Pagkatapos, palitan mo 'yong tubig. Saka mo sabunin at kuskusin. Kung saan mas marumi, do'n mo sasabunin at kukuskusing mabuti. Tapos, banlawan mo uli dalawa o tatlong beses hanggang sa mawala 'yong bula. Pigain mong mabuti bago mo isampay." Ginagawa ni Lucas ang sinasabi habang nagsasalita ito. "Kayong mayayaman, magaling lang kayong mag-utos. Pero kung kayo na ang gagawa, nagiging mangmang kayo."
"Pinapaubaya na namin sa inyo ang maliliit na bagay para naman may magawa kayo," sabi ni Esperanza.
"Maliit na bagay lang pala ang kaya namin." Tumayo ito sa harapan ng dalaga. Nakalagay ang kamay sa baywang nito. "Tingnan natin kung hanggang saan ang itatagal mo."
Sinenyasan uli siya nito na sumunod sa kaniya. Napipika na siya rito pero sinikap niyang pakalmahin ang sarili. Pumasok sila sa loob ng bahay. Dumiretso si Lucas sa kabinet. Kinuha nito ang ilang pirasong damit at inihagis sa sahig. Hinablot nito ang bag na nasa gilid. Lahat ng gamit na nasa loob niyon ay idinagdag nito sa kumpol ng damit na nasa lapag.
"Nakikita mo 'yan?" Nakaturo ang daliri ni Lucas sa damit nitong nasa sahig.
"Malinaw na malinaw," nang-uuyam na sagot niya.
"Mabuti," sarkastiko ring saad nito. "Dahil 'yan ang mga lalabhan mo. Kunin mo 'yong malaking batya sa banyo at dalhin mo 'yan sa ilog. Do'n ka maglaba."
"Sa tingin mo, matatapos ko 'yan? Napakarami n'yan?" Nakalimutan ni Esperanza na dapat ay magtitimpi siya.
"Maliit na bagay lang 'yan, 'di ba? Pero kung ayaw mo, bukas ang pinto. Malaya kang umalis." Naglakad itong palabas ng bahay. "Saka ka lang kakain 'pag natapos mo 'yan."
Gustong sumabog ng dibdib niya sa galit. Nang makalabas si Lucas, pinagsisipa niya ang mga damit nito. Dinampot niya iyon at inihagis sa lahat ng sulok ng bahay. Hagis. Sipa. Hagis. Sumabit iyon sa upuan at bintana. Ang iba naman ay dumapo sa mesa at higaan. Humihingal na napaluhod siya sa sahig. Nilamukos niya sa palad ang damit na nahawakan niya. Kung leeg ni Lucas ang pinipilipit niya ngayon, gagaan siguro ang loob niya.
Huminga siya nang malalim at saka malakas na ibinuga iyon. Hinga. Buga. Hinga. Buga.
Kailangan niyang magtiis. Kailangan niyang tanggapin ang kalagayan niya ngayon. Na isa na siyang utusan. Na sa lugar na ito, hindi siya ang nasusunod.
Tumayo siya at walang kabuhay-buhay na naglakad papunta sa palikuran. Wala nang emosyong makikita sa kaniyang mukha. Kinuha niya iyong batya at sabon. Pumasok uli siya sa loob at isa-isang dinampot ang nagkalat na damit.
Binitbit niya iyong batya. Doon na rin nakalagay ang mga lalabhan niya. Lumabas siya ng bahay. Luminga siya sa paligid, nag-iisip kung saan ang daan papunta sa ilog. Nagpasya siyang pumunta sa lugar na mas maraming nakatayong bahay.
Mukhang abala ang mga tao. Naririnig niya ang aktibidad na nagaganap. May nagpupukpok, may nagwawalis. Sumasaliw din sa ingay ang masayang tawanan ng mga batang naglalaro at masiglang kuwentuhan ng mga nakatatanda. Saglit siyang napahinto sa paglalakad nang mapansin siya ng isa sa mga taong naroon. Biglang natahimik ang paligid. Nalaman agad ng lahat ang presensiya niya. Talo pa ang apoy sa bilis nitong kumalat.
Itinaas niya ang noo. Pero paano ba siya magmamalaki kung ang dalawang kamay niya'y sa batya nakahawak at halos matabunan ang kaniyang mukha ng maruruming damit?
Itinuloy niya ang paglalakad nang matanaw niya si Lucas. May kausap itong mga lalaki, ang isa rito ay iyong tinawag na Kuya Goyo ni Buboy. Nakita rin siya nito. Napatayo ito nang tuwid at naging listo ang kilos nito. Naghahanda sa maaari niyang gawin.
"Saan ang daan papunta sa ilog?" tanong niya. Medyo nanginig ang kaniyang labi. Hindi niya alam kung dahil sa kahihiyan, o dahil naaawa siya sa sarili. Tinitigan niya pa rin nang diretso sa mata ang kausap kaya napansin niya ang pag-aalinlangan nito.
Naputol ang kanilang pagtititigan nang lumingon si Lucas at itinuro nito ang babaeng may hawak ding labahin. "Sundan mo 'yon. Papunta rin 'yon sa ilog."
Tumango lang siya at iniwan niya ang kausap na para bang balewala ang nangyayari. Nakakailang hakbang pa lang siya nang tinawag nito ang pangalan niya.
"Esperanza, sandali lang," saad nito.
Nabuhayan siya ng loob. Nagbago ba ang isip ng binata at sa iba na nito ipapagawa ang iniutos nito? Tumigil siya sa paglalakad at hinintay ang susunod na sasabihin nito. Nanigas na yata ang kaniyang leeg dahil hindi na niya nakuha pang lumingon.
"Nakalimutan kong sabihin, ihiwalay mo ang puti sa de-kolor. Mamamantsahan ang puti 'pag pinaghalo mo sa ibang kulay. Naintindihan mo?"
"May mahirap bang intindihin do'n?"
"Mabuti na ring nililinaw ko," sabi nito. "Sundan mo na 'yon. Baka mamaya, mawala ka pa. Wala kaming panahong hanapin ka."
Humagikgik ang mga babaeng nakarinig kay Lucas. Umabot sa kaniyang pandinig ang malakas na bulong-bulungan nila.
"Akala n'ya siguro, naikama lang s'ya ni Lucas, eh magiging señorita na s'ya."
"Sa tingin mo, may nangyari na sa kanila?"
"Si Lucas pa? Ang bilis kaya n'yon pagdating sa babae!"
"Kung mabilis, bakit 'di pa rin n'ya pinapatulan si Anita?"
"Iba 'yon. S'yempre kung ginalaw n'ya si Anita, kailangang pakasalan n'ya 'yon."
Uminit ang pakiramdam ni Esperanza. Hindi lang utusan, parausan pa pala ang tingin sa kaniya ng tao.
"Lucas, ambunan mo naman ako ng biyaya mo!" sigaw ng isang lalaki.
"Ulol!" sagot ni Lucas. "Ayaw ko nang may kahati!"
"Kailan ka pa naging maramot? Dati naman mapagbigay ka."
Pinagkakaisahan siya ng lahat. Napatiim-bagang ang dalaga, kulang na lang mabiyak ang mga ngipin niya sa tindi ng pagkakadiin nito. Dumagdag pa sa kaniyang alalahanin ang mga sinasabi ng tao sa kaniya, na narungisan na ang p********e niya.
Iwinaglit niya sa isipan ang mga pasaring ng tao sa kaniya. Itinuon niya ang buong pansin sa babaeng sinusundan at sa lugar na dinaraanan. Baka kasi maligaw siya at hindi na makabalik. Ang tanging palatandaan niya ay ang mga talahibang hinawi para maging landas at damong nakadapa dahil sa yapak ng tao.
Sumasakit na ang braso niya sa bigat ng dala-dala. Natatakot siyang magpahinga dahil baka mawala sa kaniyang paningin ang sinusundan. Malapit nang bumigay ang bisig niya. Napilitan siyang ilapag sa lupa ang hawak. Hinilot niya ang bisig para mawala ang pangangalay. Pagsulyap niya sa harapan, wala na iyong babae!
Tumakbo siya sa lugar kung saan niya huling nakita ito. Nagpalinga-linga siya. Wala na talaga. Lupaypay na umupo siya sa damuhan. Babalik ba siya sa bahay ni Lucas na hindi nagagawa ang utos nito?
Kung kailan siya pinanghihinaan ng loob, doon pa niya naalala ang tinuran ng binata sa kaniya kanina.
Kayong mayayaman, magaling lang kayong mag-utos. Pero kung kayo na ang gagawa, nagiging mangmang kayo.
Kumalam ang sikmura niya. Hindi pa kasi siya nag-aalmusal.
Saka ka kakain 'pag natapos mo 'yan!
Gusto niya nang sumuko. Inihilamos niya ang kamay sa mukha bago sinapo ng palad ang kaniyang mukha. Noon niya narinig ang lagaslas ng tubig. Iniangat niya ang mukha at dali-daling humakbang sa gawing kaliwa niya. Paghawi niya sa talahiban, nakita niya ang ilog. May mga tao nang naunang naglalaba.
Mataas ang lugar na kinaroroonan niya. Kaya pala nawala sa paningin niya ang babae ay dahil bumaba ito. Nagsiyasat siya hanggang sa nahanap niya ang daan pababa. May malalaking tipak ng bato na ibinaon sa lupa para doon tatapak. Binalikan niya ang dalang batya.
Balak niyang maglaba malayo sa kinaroroonan ng mga babae. Nakahanap na nga siya ng maaari niyang pagpuwestuhan. Sa malas, pababa pa lang siya ay napansin na siya ng mga ito. Sila ang lumapit sa kaniya. Nangunguna iyong babaeng dumura sa kaniya kahapon. Tantiya niya, higit sampu ang mga iyon. Lahat sila, masama ang tingin sa kaniya.
"Hindi ba hiniling mo kanina lang, Anita, na sana makaharap mo ang babaeng 'to?"
"Mukhang malakas ako sa taas, pinakinggan ang dasal ko," sabi ni Anita.
Nanuyo ang lalamunan ni Esperanza. Kaya niyang labanan si Anita, 'di hamak na matangkad siya rito. Pero paano kung sabay-sabay silang sumugod?
"Nagpunta ako rito para maglaba at hindi para maghanap ng gulo." Pinatatag niya ang boses kahit ang totoo ay nanginginig ang katawan niya.
"Talaga? Pero kahapon, ang tapang mo. Para ka ngang aso kung makaangil. Alam mo kasing kakampihan ka ni Ka Elmo," nangigigil na sabi ng isang babae, iyong babaeng natakot ng panlisikan niya ito ng mata kahapon.
Humakbang paatras ang paa ni Esperanza. Inilibot niya rin ang paningin. At, ganoon na lang ang kaba sa dibdib niya. Napaikutan na pala siya ng kalaban.