Kabanata 7

2080 Words
Inihagis ni Esperanza ang hawak na batya sa babaeng papalapit sa kaniya. Umaringking sa sakit ito nang tumama iyon sa binti nito. Saglit na nakuha nito ang atensiyon ng mga kasama kaya nagkaroon ang dalaga ng pagkakataong tumakbo. Ngunit nakailang hakbang pa lang siya ay may sumabunot na sa buhok niya. "Ano'ng akala mo? Matatakasan mo kami?" sabi ni Anita. "Bitiwan mo ako!" Sumisirit ang matinding sakit sa anit ni Esperanza. Namuo ang luha sa kaniyang mga mata. "Inuutusan mo ba ako?" Tumama ang mainit na hininga nito sa tainga ng dalaga. "Dapat, nakikiusap ka dahil isang salita ko lang, puwede kitang ipabugbog sa mga kasama ko. Pero patas ako, bibigyan kita ng pagkakataong lumaban." Itinulak nito si Esperanza. "Arrgh!!" sigaw niya. Sumadsad siya at tumama ang tuhod niya sa lupa. Gumasgas ang maliliit na bato sa mga palad niya. Sumugod si Anita at hinatak uli nito ang buhok niya. Itinukod nito ang isang tuhod sa kaniyang likod. "Ngayon mo ilabas ang tapang mo. Punyeta ka!" "Ba't ba galit ka sa 'kin? Ano bang kasalanan ko sa 'yo?" "Nagmamaang-maangan ka pa. Eh, kitang-kitang inagaw mo sa 'kin si Lucas. Akin s'ya! Alam ng lahat na akin s'ya!" Malakas na sigaw nito na halos ikabingi ni Esperanza. "Malandi kang babae ka. Kadarating mo pa lang, natulog ka na sa kubo n'ya!" "Hindi ko gustong matulog do'n. Alam mo 'yon!" "Ba't 'di ka pumalag? Ibig sabihin, gusto mo rin." Hinigpitan nito ang hawak sa buhok ni Esperanza. "Ganito ang dapat sa mga babaeng katulad mo!" Inginudngod nito ang kaniyang mukha sa batuhan. Agad niyang iniharang ang braso sa harapan niya bago siya pumihit patihaya. Umigkas ang kaniyang siko at tumama iyon sa tagiliran ni Anita. Umigik ito, pero nanatili ito sa ibabaw niya. Sinunod-sunod nito ang malalakas na hampas sa mukha at sa dibdib niya. Simbilis ng kidlat ang kilos nito kaya hindi niya iyon mailagan. Ikinuyom niya ang palad at saka buong lakas na binigwasan niya ang kalaban. Sapol sa mukha ito. Natigil ang pagbayo nito kaya naitulak niya ito palayo sa kaniya. Tangka niyang tumayo pero lumapit ang ibang kasama nito. Tinadyakan siya. Sinuntok. Ang iba'y sinabunutan siya. Bumaluktot siya at tinakpan ng braso ang kaniyang ulo. Narinig niya ang malakas na pintig ng kaniyang puso na sumasabay sa nakaririnding sigaw ng mga kalaban. Pinigil niyang huminga upang saglit na maibsan ang sakit, pero may ungol pa ring kumawala sa kaniyang bibig. Tumatagos hanggang kaloob-looban niya ang sakit na nararamdaman. Dumaing siya at nagmakaawa, ngunit bingi ang mga ito sa pakiusap niya. Biglang huminto ang pagsalakay sa kaniya. Natigil din ang sigaw ng mga ito. Nagkaroon ng sandaling katahimikan at ang tanging ingay na kaniyang narinig ay mahinang ungol na sa kaniya pala nagmumula. Nanatili siya sa kaniyang posisyon hanggang sa rumehistro sa kaniyang isip na tumigil na ang pambubugbog sa kaniya. Iminulat niya ang mga mata at bahagyang kumilos. Kumalat ang di-maipaliwanag na sakit sa buong katawan niya. Tinangka niyang umupo. Hindi niya magawa. Nanginginig pa rin ang mga tuhod niya. Pinunasan niya ang mukha at ganoon na lang ang pagkadismaya niya dahil puno iyon ng luha at sipon. Ayaw niyang may makakita, lalo na sa mga taong itinuturing niyang kalaban, na umiiyak siya. "H'wag kang makialam dito, Gilda," sabi ni Anita. "Kahapon pa ako nanggigigil sa babaeng 'yan!" "Hind lang ikaw ang mapapahamak dito, Ate Anita, lahat tayo. Kapag nalaman ni Kuya Lucas ito, tiyak na magagalit 'yon. Saka, hindi lang si Kuya Lucas ang sinuway natin, pati na rin si Ka Elmo." "Walang makakaalam kung walang magsusumbong." "Sa tingin mo, hindi mahahalata ni Kuya Lucas ang mga galos sa katawan n'ya?" Lumingon si Anita kay Esperanza. Pagkatapos ay lumapit ito sa kaniya. Napakislot naman siya sa takot na saktan uli nito. Iniapak nito ang isang paa sa braso niya. "Lahat ng nangyari dito sa ilog, mananatili rito. Naintindihan mo?" Diniinan nito ang pagkakaapak sa kaniya. Tumango siya kahit labag sa loob niya. Inisip niya na lang na makakaganti siya balang araw. Kapag dumating ang panahon na iyon, luluhod sa harapan niya ang babae at ito naman ang magmamakaawa sa kaniya. Pumalakpak si Anita. "Mabuti, marunong ka rin palang sumunod. Tandaan mo, malilintikan ka sa amin 'pag nakarating sa iba ang nangyari dito." Tinalikuran siya nito. "At ikaw naman Gilda, pipiliin mo kung kanino ka kakampi. Baka nakakalimutan mo na inaakit ng babaeng 'yan si Isko. Sabi nga ni Buboy, humaling na humaling si Isko r'yan. Lagi raw nitong tinititigan 'yan. Ikaw rin, baka 'di mo mamalayan, si Isko naman ang susunod na lalandiin n'yan. Ikaw ang magiging kawawa sa huli." Numipis ang labi ni Gilda. "Hindi ko s'ya kinakampihan." Nagkibit-balikat ito. "Sabi mo, eh. Tayo na mga kasama. H'wag kayong mag-alala, sagot ko ang nangyari dito." Nag-alisan sila hanggang sa maiwan sina Esperanza at Gilda. Umupo si Esperanza at pinakiramdaman ang sarili. Masakit pa rin ang katawan niya pero hindi na iyon kasingtindi kumpara kanina. "Salamat sa tulong," sabi ni Esperanza. "Hindi ako umawat dahil gusto kong tulungan ka. Kapakanan namin ang iniisip ko." Sumunod ito sa mga naunang umalis. Akala niya, may kakampi na siya. Wala pala. Nagsimulang sumiklab ang galit sa dibdib niya. Lalo na nang marinig niya ang tawanan ng mga babae sa di-kalayuan. Nagbibiruan sila na para bang limot na nila ang ginawa sa kaniya. Huminga siya nang malalim. Kinondisyon niya ang utak na pansamantala lang ang kalagayan niya at kailangan niyang magtiis. Iginala niya ang paningin. Nakita niya ang nagkalat na damit ni Lucas. Tumayo siya nang dahan-dahan. Nanlalambot pa rin ang mga tuhod niya kaya naging mabagal ang mga hakbang niya. Nahihirapan siya tuwing yumuyuko para damputin ang mga damit. Ilang oras din ang ginugol niya sa paglalaba. Bukod sa hindi siya sanay, napakarami pa ng nilabhan niya. Siya na lang ang naiwan sa ilog. Matandain siya sa direksyon, kaya alam niyang hindi siya maliligaw pabalik. Pagdating niya sa bahay, kailangan niya pang ibilad sa araw ang mga damit. Kahit nangangatal na ang braso, inuna niya pa ring isampay ang nilabhan niya. Saka lang siya nagpahinga at umupo sa mesa. May nakahain nang pagkain doon. Inalis niya ang nakatakip na plato. Kanin at isang itlog lang ang naroon. Siguro naman, para sa kaniya iyon. "Mabuti nama't dumating ka na. Akala ko, kailangan pa kitang sunduin sa ilog," bungad ni Lucas pagpasok nito sa bahay. Lumingon siya rito at nagsalubong ang kanilang mga mata. Kumunot ang noo ni Lucas. Bumaba ang paningin nito na para bang may sinusuri sa kaniya. May napansin kaya ito? Inayos niya ang kaniyang sarili bago pa man siya makarating dito. Pinusod niya ang buhok at isinuksok ang blusa sa pantalon. Marumi ang suot niyang damit at may punit ang blusa niya. Madali niyang gawan ng dahilan kung magtatanong ang binata. Pero matapos siyang padaanan ng tingin, inilapag lang nito sa lamesa ang hawak. "Kumain ka na. Mamaya, tuturuan kitang magluto. Naglagay na ako ng mga sinibak na kahoy sa likod. May lutuan na rin doon," patuloy nito. "Kung sa iba mo na lang ako pinatira, sana, 'di mo na kailangang magsibak ng kahoy." Hinatiran sila ng pagkain kagabi kaya alam niyang may nagluluto para dito. "Hindi ako umaasa sa bigay lang. Nagbabanat din ako ng buto. Binibigay ko ang nahuhuli kong hayop at ang naaani kong gulay sa kanila. Ngayong nandito ka na, ikaw na ang magluluto. Nakakahiya kung pati ikaw, iaasa ko sa kanila." "Kapalit ng pagtira ko rito. Ganoon ba?" "Masanay ka na. Gano'n ang talagang buhay. Lahat may kapalit sa bawat natatanggap mo. Mayaman ka kasi, kaya ang akala mo, ihuhulog lang sa kandungan mo ang lahat ng naisin mo. Isang sabi mo lang, ibibigay na kung anong gusto mo. Isang senyas mo lang, may susunod na sa utos mo." "Pinaghirapan din ni Papa at ng lolo ko ang lahat ng mayro'n kami." "Pero ikaw, ano bang nagawa mo sa buhay mo?" nanunumbat ang mga mata nito. Nagbaba siya ng paningin. Ano nga ba ang naitulong niya? Nagtapos siya ng pag-aaral pero kahit kailan, hindi niya nagamit iyon. Ayaw ng lolo niyang magtrabaho sa kompanya nila. Hindi niya masikmura ang ginagawa ng papa niya, ang alagaan o gamutin ang mga hayop na may sakit. "Pag-aasawa lang siguro ang alam mo," pasaring ni Lucas bago nito itinuro ang bayong sa lamesa. "Ikaw na ang maglagay nito sa likod. May aasikasuhin pa ako." Tumalikod na ito nang hindi hinihintay ang sagot niya. Kumalampag ang pinto paglabas nito. Inilapit ni Esperanza ang plato sa kaniya. Wala siyang ganang kumain kahit gutom na gutom na siya. Malamig kasi ang pagkaing nasa harapan niya. Ikinumpara niya iyon noong nasa kanilang bahay pa siya. Umuusok ang nakahain sa lamesa. Tutulo ang laway mo kapag nalanghap mo ang amoy ng pagkain. Isinubo niya iyong kanin. Wala siyang malasahan. Minsan, tinanong niya ang papa niya kung bakit kailangan niya pang magtrabaho gayong mayaman naman sila. Sagot niya, masarap daw bumili ng mga bagay kung galing iyon sa perang pinaghirapan mo. Pinaghirapan niya itong pagkain pero bakit parang buhangin ang nasa bibig niya? Bakit tuwing nilululon niya iyon, bumabara iyon sa kaniyang lalamunan? Hindi pala totoo ang sabi ng papa niya na masarap namnamin ang pagkaing galing sa dugo't pawis mo. Ikinurap niya ang mga mata upang mapalis ang luhang nagsisimulang mamuo roon. Tumayo siya at pumunta sa banyo. Hinubad niya ang suot at napangiwi siya. Tiningnan niya ang sarili. May mga galos siya at namumula rin ang ibang bahagi ng kaniyang katawan. Siguradong mangingitim iyon kinabukasan. Binuhasan niya ng tubig ang katawan. Sinabon niyang mabuti ang mukha. Ipinikit niya ang mata para hindi malagyan ng sabon. Sumunod, katawan naman niya ang sinabunan niya. Napapaaray siya tuwing tinatamaan ng sabon ang galos niya. Pati nga ang mga daliri niya, ngayon niya lang napansin na may sugat din. Kinapa niya iyong tabo. Saan niya nga ba iyon inilapag? Idinilat niya nang bahagya ang isang mata. Nasa tabi lang pala iyon ng tapayan. Sabay ng pagsaboy niya ng tubig sa katawan, narinig niya ang malakas na kalampag ng nahulog na bagay. Paglingon niya, nakita niya si Lucas sa bungad ng banyo. Para itong estatwang nakatayo roon habang gumugulong sa paanan niya ang kamatis at sibuyas na galing sa bayong. Naitakip niya ang isang kamay sa dibdib niya at ang kabilang kamay, sa ibaba niya. May kalakihang ang kaniyang hinaharap kaya kahit anong gawin niya, lumuluwa pa rin iyon. "Hoy! Ano pang ginagawa mo r'yan! Bastos! Lumabas ka!" Hindi nagawang kumilos ni Lucas kahit sinigawan na ito. "Labas!" Itinuro ni Esperanza ang pinto. Namilog ang mata ni Lucas. Agad ibinalik ng dalaga ang kamay sa dibdib nang mapagtantong nakalitaw na sa paningin nito ang malulusog na dibdib. "Ano ba? Sabing labas!" Kumilos ang lalaki. Tangka nitong lumabas pero parang dumikit ang paa nito sa sahig. Pakiramdam ng binata,  ibinaon ang binti nito sa tone-toneladang semento. Napakabigat kasi niyon. Inihagis niya ang hawak na tabo, iyong nasa kabilang kamay na tumatakip sa ibaba niya. Tumama iyon sa balikat ni Lucas. Saka lang ito natauhan at nagmadaling lumabas ng bahay. Hayop na 'yon. Nasilipan ako. Huhu. Sabi ng isip ni Esperanza. Patingkayad siyang naglakad. Hinablot ang blusa at itinakip iyon sa harap niya. Sumilip siya para tiyaking wala na sa loob ng bahay ang lalaki. Saka siya tumakbo at dinampot ang tabong nasa sahig ng kusina. "Papatayin ko ang lalaking 'yon," pabulong ngunit naiinis na sabi niya habang nagbabanlaw. "Pipilipitin ko ang leeg n'yon. Talagang pinanood n'ya pa ako bago s'ya umalis!" Mabilis ang kilos niya. Kinakabahan siya. Baka bumalik uli ang lalaki at mahuling nakahubad pa rin siya. Nagmamadaling nilabhan niya ang panloob at isinuot uli iyon kahit basa pa. Ginamit niya uli ang maruming blusa at pantalon. Hindi siya mapakali. Pinulot niya ang nagkalat na kamatis at sibuyas sa sahig. Binitbit niya rin iyong bayong. Inilagay niya iyon at ang iba pang nasa bayong sa tabi ng lagayan ng plato, sa ibabaw kung saan hinahanda ang lulutuin. Maayos na inihilera niya iyon. Nauna ang sibuyas, sumunod ang kamatis at sa pangatlong hilera, iyong talong. Kumuyom ang palad niya nang lumangitngit ang pinto nang bumukas iyon. Bumilis ang paghinga niya. Bumaba-taas ang blusa niya sa lakas ng tahip ng kaniyang dibdib. Narinig niya ang mga yabag na papalapit. Tumayo ang balahibo niya sa likod nang huminto ang yabag sa bungad ng kusina. Lumingon siya. Si Lucas nga ang dumating. Seryoso ito na para bang pinapatapang ang guwapong mukha nito. Mataman siya nitong tinitigan bago bumaba ang tingin nito at saglit na namalagi sa kaniyang dibdib. Naglandas ang paningin niya pababa at lumipat iyon sa kamay niya na nakapatong katabi ng mga nakahilerang gulay. Kumislot ang gilid ng labi nito. Pinipigilan nitong ngumiti. Naiinis siya sa binata at maaaring nagagalit pa. Pero mapapatay niya ba ang ganito kaguwapong lalaki? Na lalong naging simpatiko nang sumingkit ang mga mata nito dahil sa ngiting pilit itinatago? Makakaya niya kayang ligkisin ang leeg ni Lucas?  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD