"Sa'ng giyera mo isasabak ang mga 'yan?" sabi ng binata.
Ang mga 'yan? Naitanong ni Esperanza sa sarili sabay ng pagkunot ng kaniyang noo. Sa totoo lang, siya ang nagbabalak ng masama sa binata dahil sa nangyari kanina. Gusto niya itong sugurin at....
Lalong lumalim ang gatla sa noo niya. Ano nga ba ang puwede niyang gawin kay Lucas? Ang sampalin ito?
"Para kasing mga sundalong maayos na nakahilera 'yang mga gulay," patuloy ni Lucas. Napansin siguro nito ang pagkalito sa mukha niya.
Lumiit ang mga mata ng dalaga. Ganoon pala ang gusto ni Lucas, ang huwag pag-usapan ang ginawa nitong pamboboso sa kaniya. Kinagat niya ang pang-ibabang labi para mapigilan ang sariling sumbatan ito. Mas maganda nga sigurong huwag nang banggitin iyon. Gayon pa man, hindi pa rin niya kayang alisin nang tuluyan ang inis sa lalaki. Balewala kasi rito ang nasilipan siya, pero para sa kaniya, malaking bagay iyon.
"Mas mabuting nakahilera 'yan nang ganiyan kaysa naman nagkalat sa sahig," pasaring niya. Sinulyapan niya ang binata at napuna niya ang pamumula ng tainga nito.
"Tama ka." Makailang beses tumaas-baba ang ulo ni Lucas bago matamang tumitig sa kaniya. "Iyong... 'yong kanina, hindi ko alam na nasa banyo ka. Na... naliligo ka. Kaya tuloy-tuloy lang ako rito sa kusina."
"Ano ka, bingi? Wala kang narinig?"
"Wala no'ng una. Nalaman ko lang na nasa loob ka no'ng nagbuhos ka ng tubig. Do'n ako napalingon sa 'yo."
"Ba't 'di ka lumabas agad? Ba't pinanood mo pa ako? Sabihin mo, balak mo talagang silipan ako! Kung 'di pa kita binato ng tabo, 'di ka pa aalis!"
"S'yempre nagulat din ako. Malay ko bang hubad ka!"
Pareho silang natigilan. Gustong magsisi ni Esperanza. Sana, nanahimik na lang siya tulad ng plano niya kanina.
Tumalikod si Lucas at marahas na hinagod ang ulo. Tumaas ang balikat nito dahil sa malalim nitong paghinga. Muli itong humarap sa kaniya.
"Hindi ko sinasadya. Pasensya ka na sa nangyari. At kung sa tingin mo, ugali ko ang manilip, titiyakin ko sa 'yo na ikaw ang huling babaeng bobosohan ko."
Nasaling ang p********e ni Esperanza. Pumasok sa isipan niya si Anita, ang magandang mukha at ang balingkinitan nitong katawan. Bakit nga ba pagtitiyagaan siyang silipan ni Lucas?
Tumiim ang bagang ni Esperanza. "Kalimutan na natin ang nangyari."
"Mabuti pa nga." Humakbang si Lucas. Kinuha nito ang bayong sa gilid bago ito naglakad pabalik sa kinaroroonan niya. Dinampot nito ang mga talong at ilalagay na sana iyon sa bayong pero hindi nito naituloy. Tumingin ito sa kaniya. May gusto pa itong alamin ngunit mababasa sa mukha nito ang pag-aalinlangan.
"Wala ka na bang dapat sabihin sa 'kin?"
"May dapat ka pa bang malaman?" balik-tanong ng dalaga.
"Sa'n mo nakuha 'yang mga galos mo? Ba't may punit 'yang damit mo?"
"Nadulas ako. Hindi ko nakita 'yong dinadaanan ko sa dami ng labahin."
"Mukhang mahirap yatang paniwalaan 'yan. Marami akong puwedeng ipintas sa 'yo pero hindi ang pagiging lampa."
"Iyon ang totoo. Wala akong magagawa kung ayaw mong maniwala."
Umiling-iling si Lucas. Itinuloy nito pagpasok ng talong sa bayong. "Iihawin natin 'tong talong kaya kailangan sa labas 'to."
Nakahinga naman nang maluwag si Esperanza nang iniba nito ang usapan. Kahit nagngingitngit ang kalooban niya, nasa isip pa rin kasi niya ang babala ni Anita. "Ano'ng gagawin dito sa sibuyas at kamatis?"
"Huhugasan. Ilagay mo rito sa—" Kinuha ni Lucas iyong planggana pero bahagyang nasagi ng braso nito ang dibdib ng dalaga. Napamura ito nang mahina bago nito itinuloy ang ginagawa. "Ilagay mo muna rito."
Nahugot naman ni Esperanza ang hininga. Parang may dumaloy na kuryente sa kaniyang katawan nang kumiskis ang braso ni Lucas sa tuktok ng kaniyang dibdib. Saglit lang iyon pero ang lakas ng epekto nito sa kaniya. Lalong uminit ang dati nang maalinsangang panahon.
Nagmamadaling inilagay niya ang mga kamatis sa planggana at sa nanginginig na tuhod, humakbang siya papunta sa nagsisilbing lababo ng kusina.
"Pagkatapos hugasan, hihiwain ko na ba?"
"Mamaya na. Sumunod ka sa 'kin. Ito munang unahin natin." Nagtungo ito sa labas ng bahay bitbit ang bayong.
Sa likod ng bahay, maayos na nakasalansan ang mga sinibak na kahoy sa isang gilid. Katabi nito ang hula ni Esperanza ay ihawan. Maitim ang paligid niyon tanda na ginagamit ito noon pa man. Akala niya, hindi nagluluto ang lalaki at umaasa na lang ito sa bigay ng iba.
"Tuwing linggo, may kaunting pagdiriwang dito. Kaniya-kaniya kaming dala ng pagkain at 'yon ang pinagsasaluhan namin," sabi ni Lucas na para bang nahuhulaan nito ang tumatakbo sa kaniyang isipan.
"Bukod sa kainan, ano pang ginagawa ninyo?"
"Nagkakantahan. Nagsasayawan. Nag..." Dumilim ang mukha ng binata. Tila ayaw nito kung ano man ang biglang sumagi sa isipan nito. "Nag-iinuman."
Nagtaka si Esperanza. Lahat kasi ng lalaking kilala niya ay hindi nagpapakita ng disgusto pagdating sa inuman. Pero mabuti na rin iyon. Naalala niya ang ibang pinsan na tuwing nalalasing, nagwawala. Iyong iba, nagsusuka pa.
"Hindi ka siguro umiinom, ano?"
"Ba't mo naitanong?"
Nagkibit-balikat siya. "Para kasing umiba 'yong mukha mo no'ng sinabi mong may inuman. Mabuti't 'di ka mahilig sa alak."
"Mali ka. Sa katunayan, nakakaubos din ako ng ilang bote. Ang ayaw ko lang, 'yong epekto ng alak sa katawan ko. Pero 'wag kang mag-alala, 'di ako magpapakalasing ngayon."
"Nagwawala at nagsusuka ka rin?"
"Oo, pero iba ang nagwawala sa 'kin at iba rin ang isinusuka ko. Tapos ka na ba sa mga tanong mo? Sayang ang oras. Marami pa tayong dapat tapusin." May halong iritasyon ang tono ng boses nito.
Tango lang ang sagot ng dalaga. Ewan niya ba kung bakit nadismaya siya sa inasal nito.
Kumuha ng maliliit na kahoy si Lucas at saka inilagay sa ihawan. "Manood ka kung pa'no magsiga ng apoy para alam mo 'pag ikaw na ang magluluto."
Bumigat ang loob ni Esperanza. Nalilito siya sa nararamdaman sa binata. Pabago-bago. Galit siya rito dahil pinapahirapan siya nito. Na ginagantihan siya. Pero minsan, nakakalimutan niyang magkaaway sila. Bumabagabag din sa kaniya iyong di-maipaliwanag na atraksiyon niya rito. Para siyang matutunaw kapag tinititigan siya. Nag-iinit din ang katawan niya kapag nagkakalapit sila. Lalo na kapag dumidikit ang katawan nito sa kaniya. Tulad na lang kanina.
May oras din na hinahangad niya na sana'y ituring siya nitong kaibigan. O, 'di kaya'y higit pa roon. Na sana'y may makita itong maganda sa kaniya. Na siya'y kaakit-akit din sa paningin nito. Noong una ngang makita niya ang binata, humanga kaagad siya sa kakisigan at kaguwapuhan nito. Hindi niya lang ipinahalata. Salungat iyon sa reaksyon nito. Nilait siya ng binata at tinawag pang baboy.
"Esperanza, nakikinig ka ba? Kanina pa ako salita nang salita, pero nakatunganga ka lang d'yan."
"M-may naalala lang ako. May sinabi ka ba?"
"Ang sabi ko, lumapit ka para makita mong mabuti 'tong ginagawa ko. Mamaya, magdahilan ka pa 'pag 'di mo nasundan 'to."
Humakbang si Esperanza. "Hindi na bago sa 'kin 'yan. No'ng bata pa ako, isinasama ako nina Lolo 'pag nangangaso sila. Minsan, sa gubat pa lang, kinakatay na nila at niluluto 'yong mga huli nila. Napanood ko rin sina Isko at Buboy no'ng ilang araw na kasama ko sila."
"Iba 'yon. Iba ngayon. Dahil ngayon, hindi lang mata ang gagamitin mo, pati utak. Kailangan mong tandaan 'tong ituturo ko sa 'yo."
"At sa tingin mo, wala akong utak. Gano'n ba?"
"Pagtatalunan ba natin 'to, o pag-aaralan mong gawin 'to?"
Ikinumpas ni Esperanza ang kamay. "Ano pang hinihintay mo? Eh, 'di umpisahan mo na!"
Sinamaan siya ng tingin ni Lucas bago ito yumuko at dumampot ng ilang pirasong uling. Ipinatong niya iyon sa ibabaw ng parilya at saka niya sinindihan ang tinipon niyang maliliit na kahoy na nasa ilalim ng uling. Sinindihan niya iyong kahoy. Agad naman nagningas iyon hanggang sa lumaki ang apoy. Inilipat nito ang uling sa ilalim ng parilya nang matiyak nitong nagbabaga na iyon. Saka pa lang nito inilatag ang mga iihawing karne. Bukod pala sa talong ay may inihanda pang ibang lulutuin ang binata.
"Huwag mong pagsasabayin ang pagpaparikit ng uling at pag-iihaw. Ilatag mo lang ang iihawin 'pag nagbabaga na 'yong uling," sabi ni Lucas, ang buong atensyon ay nasa ginagawa.
Walang sagot ang dalaga.
Namula ang uling nang paypayan nito ang iniihaw. Nang magliyab ang apoy dahil tumutulo ang katas ng taba ng karne, winisikan ni Lucas ito ng tubig.
"Pagbali-baligtarin mo palagi itong karneng iniihaw para maiwasang masunog ang labas pero ang loob ay hilaw pa rin."
Mabilis ang bawat kilos ni Lucas. Sigurado. Wala itong sinasayang na sandali. Napakasimple lang ng gawaing iyon, pero habang pinagmamasdan ni Esperanza ang binata, hindi niya maiwasang humanga rito. Naaaliw siyang panoorin ang maskulado nitong bisig. Namimintog ang ibang bahagi niyon tuwing gumagalaw. Kahit nga ang malaki at ugating kamay nito ay may sariling pang-akit. Hinahatak siyang titigan iyon.
Namalayan na lang ni Esperanza na tapos na ang lahat ng iniihaw. Mukhang tama nga yata si Lucas, na iba kapag pinapanood mo lang at iba rin kapag kailangang isaulo ang nakikita. Wala kasi siyang matandaan sa lahat ng paliwanag ng lalaki.
Pinagtulungan nilang ipasok sa loob ng bahay ang mga niluto ni Lucas. Sa pagtataka ni Esperanza, ang binata rin ang naghiwa ng kamatis at sibuyas. Dahilan nito, ayaw nitong paulit-ulit magpaliwanag na maaaring mangyari kapag hati ang atensiyon niya.
Hinahalo ni Lucas ang mga hiniwa nang may kumatok sa pinto.
"Pasok!" pasigaw na sabi ni Lucas.
Sinipat ni Esperanza ang dumating.
"Sino 'yon?" tanong ni Lucas.
"Si Buboy," sagot niya.
"Sa wakas, dumating din."
"Kuya Lucas, dala ko na 'yong iniutos mo." May bitbit si Isko sa kamay.
"Mabuti. Ibigay mo na 'yan kay Esperanza."
Iniabot naman iyon ni Buboy. Hindi ito makatingin ng diretso sa mga mata ng dalaga.
"Ano 'to?" nagtatakang tanong ni Esperanza.
"Tingnan mo," sabi ni Lucas.
"Damit," kasabay na sagot ni Buboy. Itinutok nito ang paningin sa sahig. Gumalaw ang paa nito na para bang may ipis itong tinapakan at pinipisa. "Saka iba pang gamit mo."
"Talaga? S-salamat." Nautal si Esperanza. Hindi siya makapaniwalang bibigyan siya ni Lucas ng damit.
"Tuwing may salo-salo, nakaugalian na namin ang mag-ayos din kahit paano. Hindi nga lang kasinggara ang damit namin kumpara sa inyong mayayaman." Pabalibag na tinakpan nito ang hinahalong kamatis. "Ito lang ang aming libangan na talagang pinaghahandaan namin. Kaya hindi mo kailangang magpasalamat, dahil ibinigay ko 'yang damit bilang paggalang sa okasyon ngayon."
Tumalikod si Esperanza upang ikubli ang kaniyang mukha. Ayaw niyang ipahalata na nasaktan siya sa sinabi ni Lucas.
Ano ba ang inaasahan niya? Na lumalambot na ang loob nito sa kaniya?
Humakbang siya papunta sa kama at doon niya ipinatong ang hawak.
"Kanina pa kita hinihintay? Ba't natagalan ka?" Boses iyon ni Lucas.
"Eh, kasi Kuya, wala raw kasyang damit kay Ate Esperanza. Kailangan daw tastasin 'yong laylayan ng palda at tahiin."
Sa narinig, inilabas ni Esperanza ang damit mula sa supot at dali-daling iniladlad iyon. Nanlumo siya. Hindi siya nagsusuot ng bestida. Walang manggas iyon at medyo mababa pa ang tabas sa bandang dibdib. Lalong mahahalata ang katabaan niya.
"Saka kailangan din daw baguhin 'yong tahi sa bandang dibdib at baywang," patuloy ni Buboy.
"Wala bang malaki para 'di na kailangang magtastas?"
"Ewan ko kay Aling Esther. Alam mo naman 'yon, saksakan ng selan. Gusto n'yon eksakto ang lapat ng damit sa katawan. Ayaw n'ya nga sanang ibigay 'yang damit nang 'di nasusukatan si Ate."
Sumagot si Lucas pero hindi naintindihan ni Esperanza iyon. Bukod kasi sa mahina parang kinakain pa nito ang sinabi.
Naramdaman ng dalaga na uminit ang kaniyang mukha. Hinawakan ng dalawang palad niya ang kaniyang pisngi.
"De-garter naman daw 'yong panloob ni Ate, kaya sabi ni Aling Esther, malamang kasya na kay Ate 'yon. Kung hindi raw, pumunta na lang si Ate ro'n at s'ya na ang mamili."
Ibinaligtad ni Esperanza iyong supot at nahulog mula roon ang ilang piraso ng bra at panty. May nakasamang isang pambahay din doon. Agad niyang dinampot ang mga panloob at isinilid uli iyon sa supot bago siya naglakad papunta sa kusina. Tumikhim siya para makuha ang pansin ng dalawang lalaki.
Napalingon sina Lucas at Buboy sa kaniya.
"Sayang lang ang pagod ni Aling Esther," sabi niya.
"Ba't sayang?" tanong ni Lucas.
"Hindi ko isusuot 'to. Hindi ako mahilig sa bestida."
"Malas mo lang, dahil sa ayaw at sa gusto mo, isusuot mo 'yan. Lahat ng babaeng dadalo mamaya, nakapalda o bestida."
"Wala akong pakialam. Tutal, hindi n'yo naman ako bisita. At tulad ng palagi mong pinagdidiinan, hindi ako kabilang sa inyo. Nakalimutan mo na bang bihag lang ako rito?"
"Alam ko kung ano ka. Baka ikaw ang nakakalimot kung saan mo ilulugar ang sarili mo. Ako ang masusunod dito. Hindi ikaw. 'Pag sinabi kong sasama ka, sasama ka."
Umiling si Esperanza. "Hindi ko isusuot ito"—may halong panggigil na itinaas niya ang hawak na damit—"kahit saktan mo pa ako."
Nagsalubong ang kilay ni Lucas. "H'wag mo akong subukan, Esperanza. Ako mismo, bibihisan kita 'pag 'di ka sumunod."
"Sige, gawin mo. Tingnan natin!"
Tigalgal na nakatayo lang si Buboy. Nakaawang ang bibig. Ngayon lang nito nasaksihan na may kumontra sa kagustuhan ni Lucas. At babae pa. Kumilos lang ito nang makita nitong humakbang si Lucas palapit kay Esperanza.
"Kuya Lucas, teka!"
Huminto ang lalaki sa pagsugod. Parang biglang bumalik ang katinuan nito. Huminga ito nang malalim at saka itiniim ang bagang.
"Tama si Ate. Hindi natin s'ya kaanib. Kaya bakit kailangang ayusan n'ya sarili n'ya?"
"Nakita mo ba suot n'ya? Marumi at punit-punit?"
"Pero, Kuya, kasali ba s'ya sa pagdiriwang natin? Manonood lang naman s'ya, 'di ba?"
Dumilim ang mukha ni Lucas. Tila ayaw nito ang narinig kahit alam nitong tama ang sinabi ni Buboy.
"Hayaan na natin s'yang ganiyan ang suot. Pero kung gusto mo, manghihiram ako ng damit kay Kuya Isko," patuloy ni Buboy.
Sumabat si Esperanza. "Ayaw kong gumamit ng damit ng iba. Hindi ko ugali 'yon. Saka, 'di magkakasya sa 'kin ang pantalon ni Isko."
"Ano, Kuya? Sa tingin mo, p'wede mungkahi ko?"
"Sige, puntahan mo na si Isko," sagot ni Lucas.
Agad tumalima si Buboy. Halos tumakbo ito palabas ng bahay.
Inihagis ni Esperanza ang hawak sa kama. "Nakikinig ba kayo? Sabi ko, hindi kakas—"
Itinaas ni Lucas ang kamay. Pinatitigil nito ang dalaga sa pagsasalita. "Tapos na akong makipag-usap sa 'yo." Naglakad ito papunta sa kabinet, binuksan iyon at kumuha ng malinis na kamiseta.
Tumalikod si Esperanza nang makita niyang naghuhubad ng pang-itaas na damit ang lalaki. Ipinikit niya pa ang mga mata, pero parang tinutukso siya ng kaniyang isipan. Naglaro doon ang magandang hubog ng tiyan ni Lucas nang itaas nito ang kamisetang suot. Dumilat lang siya nang magsalita uli ang lalaki.
"Sumunod ka agad. H'wag mong hintayin na sunduin pa kita," sabi ni Lucas. Kinuha nito ang mga nilutong ulam. Kumalampag ang pinto paglabas nito nang bahay.
Nabubuwisit na inilagay ni Esperanza ang supot na may mga gamit niya sa kabinet. Kinuha niya rin ang kamisetang hinubad ni Lucas. Naroon pa sa damit ang init ng katawan ng lalaki. Para siyang napasong inihagis niya iyon sa lagayan ng maruruming damit.
Sandali lang siyang naghintay. Maya-maya, narinig niya ang mga yabag ng paa sa labas ng bahay. Tumayo siya at binuksan ang pinto. Dali-daling iniabot ni Buboy ang dala bago walang lingon-likod na kumaripas uli ng takbo pabalik sa pinanggalingan nito.
Tinitigan ni Esperanza ang hawak. Kung ang tingin ay puwedeng gamiting sandata, tiyak nagkalasog-lasog ang hawak niya sa sobrang talim ng titig niya.
Paano magkakasya sa kaniya ang damit ni Isko? Oo nga't halos magkasingtangkad sila ng lalaki, pero katamtaman lang ang pangangatawan nito.
Minsan ang mga lalaki, hindi talaga nag-iisip!
Isinara niya ang pinto. Iniladlad niya ang pantalon at kamiseta sa kaniyang harapan habang naglalakad. Malambot na ang tela ng pantalon dahil sa ilang beses nang nilabhan. Kupas na rin ang kulay niyon at ang dating puting kamiseta ay naninilaw na. Inilapag niya ang mga iyon sa kama bago siya naghubad. Nakasimangot siya nang itinataas niya iyong pantalon. Pero nagtaka siya. Naisara niya kasi ang butones niyon nang walang kahirap- hirap. Pumayat ba siya? Paanong nangyari iyon?
Dinampot niya ang hinubad na damit sa sahig. Pinakatitigan niya ang sinturong nasa pantalon at napuna niya ang tatlong marka sa balat niyon. Tanda iyon na lumiit nang lumiit ang sukat ng kaniyang baywang.
Sinipat niya ang sarili. May pagbabago pa ba sa kaniyang katawan na hindi niya namamalayan?
Pumailanlang ang tawanan sa di-kalayuan. Naalala ni Esperanza ang babala ni Lucas. Itinuloy niya ang pagbibihis. Inililis niya pataas ang manggas ng kamiseta hanggang umabot iyon malapit sa siko niya. Isinuksok niya ang laylayan niyon sa loob ng kaniyang pantalon at saka niya isinuot uli ang bota.
Inalis niya ang mahigpit na pagkakatali ng kaniyang buhok. Nakaramdam siya ng ginhawa. Minasahe niya ang anit bago niya sinuklay ang kaniyang mahabang buhok. Nagtatalo ang isip niya kung iiwan niyang nakalugay ang buhok. Sa huli, itinirintas niya na lang iyon.
Maliwanag pa ang paligid nang lumabas siya ng bahay pero humupa na ang init ng araw. Banayad na umihip ang hangin. Malaya niyang nilanghap ang preskong simoy ng hangin. Ang bawat hakbang niya, magaan, may halong sigla.
Dahil ba nalaman niyang pumayat siya?
Ngumiti si Esperanza. Nang iniangat niya ang ulo, nakita niya sa kaniyang dinaraanan si Lucas. Napansin niya ang malaking pagkagimbal sa mukha nito na para bang sinugod ito ng libo-libong kalaban at hindi nito iyon inaasahan. Mukha itong tuod na ipinako sa kinatatayuan.
Nakalapit ang dalaga rito. Dahil ilang dipa lang ang layo niya rito, mas kapuna-puna ang pamumutla ng binata. At malinaw niyang narinig, kahit mahina, ang sinabi nito.
"Miranda..."
Nabura ang mabining ngiti sa labi ni Esperanza. Pumanglaw din sa paningin niya ang sinag ng papalubog na araw.