AN: Thanks sa nagbabasa ng Bandido. Sa mga hindi nakakaalam kung sino si Miranda, siya ang bida ng Silakbo. If you want to read it, this story is also published on Dreame.
Please follow my account so you'll be notified everytime I have updates in all my stories.
****
Tarantado! Mura ni Lucas sa sarili. Nahimasmasan siya nang mawala ang ngiti sa labi ni Esperanza. Umasim ang mukha at napalitan ng matalim na tingin ang kani-kanina lang ay nagniningning na mga mata nito.
Paano niyang napagkamalang si Miranda ito, ang layo ng dalawa sa isa't isa? Napakaamo ng mukha ng dalagang unang nagpatibok ng kaniyang puso kung ihahambing sa babaeng nasa harapan niya ngayon.
Ipinilig ni Lucas ang ulo. Nasa likod nga pala ni Esperanza ang papalubog na araw. Hindi maaninag nang malinaw ang mukha nito. Ang unang tumawag ng pansin niya ay ang magandang hubog ng katawan nito sa suot na hapit na pantalon at kamiseta. Idagdag pa rito ang pagkakatirintas ng buhok nito na siyang karaniwang ayos ni Miranda. Pero bukod doon, wala na siyang makitang pagkakahalintulad.
Tinalikuran niya si Esperanza at nagkunyaring balewala ang presensiya nito. Numipis ang labi at nagtangis ang mga ngipin niya. Ayaw niya nang balikan pa ang nakaraan, pero mula ng dumating si Esperanza, parang multong bigla na lang sumusulpot sa alaala niya ang mga babaeng dumaan sa buhay niya—ang nag-iisang babaeng sumugat sa damdamin niya at ang mga babaeng nagbigay ng makamundong kaligayahan sa kaniya.
Lalaki siya. May mga pangangailangan siyang babae lang ang makatutugon. Nasubukan niyang kumuha ng bayarang babae kapalit ng panandaliang aliw. Nakonsensiya siya noong una kaya para mabawasan ang sumbat ng budhi, tiniyak niyang masisiyahan din ang kasiping niya, na hindi lang siya ang makakaraos. Minsan, sa sobrang kaligayahan, iyong babae na mismo ang nag-aalok ng isa pang mainit na bakbakan sa kama. Libre. Walang bayad.
Nagsawa siya nang tumagal. Hungkag ang pakiramdam niya tuwing nakikipagtalik sa mga babaeng wala ni katiting na pitak sa puso niya. Nagbago ang lahat nang makilala niya si Dalisay.
Parang may pumiga sa dibdib ni Lucas. Matagal niya ring nakasama si Dalisay. Nakapalagayang loob, naging kaibigan, naging kasalo sa pagpawi ng init ng katawan. Oo nga't hindi niya ito minahal katulad ng pagtangi niya kay Miranda pero mahalaga ito sa kaniya.
Kung sana, pinilit niya si Dalisay na sumama sa kaniya, buhay pa sana ito. Pero ayaw nitong umalis sa bayan kahit na maging parausan pa ito ng mayamang amo at ng mga kaibigan ng amo nitong puro ganid sa laman. Ang tanging nais nito, makatapos ng pag-aaral ang anak. Handa itong magsakripisyo alang-alang doon.
Malaki ang naging papel ni Dalisay sa grupo ni Lucas. Minamanmanan nito ang mga aktibidad ng amo at kung may nakuha itong impormasyon, ibinebenta nito iyon kina Lucas. Inipon nito ang lahat ng kinita. Balang araw, mangingibang bayan ito, malayo sa saklaw na kapangyarihan ng amo nito. Magiging malaya ito kapiling ang nag-iisang anak.
Hindi nangyari ang balak ni Dalisay. Nahuli ito na nakikinig sa usapan ng amo. Nagduda ang amo nito na kasabwat ito sa nangyayaring nakawan. Pinilit ng amo na pangalanan nito ang mga kasabwat. Nagmatigas si Dalisay. Kahit na sinaktan ito, pinarusahan—binilad sa ilalim ng init ng araw hanggang sa abutan ng ulan—nanatiling tikom ang bibig nito.
Huli na ang lahat nang makarating kay Lucas ang balita. Labi na lang ni Dalisay ang naabutan niya.
Inilibot ni Lucas ang paningin sa paligid. Huminto lang iyon nang makita niya ang hinahanap. Kasusuklaman ba siya kapag nalaman ng batang ito ang naging papel niya sa pagkamatay ng ina nito?
"Lucas!" tawag ni Goyo na ikinalingon ng binata. Kinawayan siya nito, may gitara sa kandungan nito. "Anong gusto mong kanta at tutugtugin ko?"
Umiling si Lucas. Naglakad ito palapit sa kaibigan. "Wala akong ganang kumanta."
"Tinatanong lang kita. 'Di ko sinabing ikaw ang kakanta."
Nagtawanan ang mga taong nasa paligid.
"Gago! Sira na nga ang araw ko, pati ba naman tainga ko babasagin mo 'pag ikaw ang kumanta."
"Tandaan mo, walang pangit na boses sa taong lasing." Kinalabit ni Goyo ang kuwerdas ng gitara at pumailanlang ang isang masayang awitin. "Bigyan ng lambanog 'yan."
Inabutan ng katabing lalaki si Lucas ng isang baso ng alak. "Ito lang ang katapat n'yan."
Awtomatikong tinanggap ni Lucas iyon at tuloy-tuloy niya itong tinungga hanggang sa maubos. Dumaloy ang init sa lalamunan at gumapang sa loob ng katawan niya. "Hah! Ito lang pala ang kailangan ko."
"Dahan-dahan lang, maaga pa. Mamaya, malasing ka kaagad."
"Oo nga, mas maganda 'pag dinahan-dahan," sang-ayon ni Goyo. "Mas mapapatagal ang sarap."
"Kakanta na 'yan. Kakanta na 'yan!" kantiyaw ng ibang naroon. Pati nga ang mga babae, sumama na rin. Sinabayan pa nila ng palakpak iyon.
Umiling uli si Lucas, pero nakangiti na siya ngayon. "Mamaya na 'pag may tama na ako."
"Ano pa ang hinihintay, abutan uli ng lambanog 'yan!"
Sinalinan uli ng alak ang baso niya. Nasa kaniya pa rin ang atensiyon ng nakapaligid sa kaniya. Nabaling lang ang pansin ng lahat nang may magsimulang tumugtog ng bansi, isang instrumentong hinihipan na yari sa kahoy. Sinabayan nito ang saliw ng musika na nagmumula sa gitara.
Dumating ang dalawang lalaking may bitbit na tambol. Mas sumigla ang paligid nang marinig ng mga naroon ang nakaiindak na ritmo ng instrumentong pinapalo. Gumalaw ang mga paa ng ilan. Maya-maya lang, may mga pares nang nagsasayawan. Ang iba'y pumapalakpak habang nanonood. Pagkain naman ang hinarap ng mga hindi mahilig sumayaw. Karamihan sa mga lalaki, iyong lambanog ang inatupag, kumuha lang sila ng pulutan.
Hawak ang isang baso ng lambanog, muling nagmasid si Lucas. Napansin niya ang interes sa mga mata ng mga kalalakihan na panaka-nakang gumagawi sa kinatatayuan ni Esperanza. Pabalibag na ipinatong niya sa lamesa ang baso matapos niyang sairin ang laman niyon. Sa hindi malamang dahilan, nainis siya. Gusto niyang pagbawalan ang mga itong tingnan ang dalaga.
Kumulo ang dugo niya nang may lumapit kay Esperanza at ialok dito ang hawak na inumin. Halos umungol siya sa inis nang tanggapin iyon ng dalaga. Kusang kumilos ang mga paa niya at namalayan na lang niyang palapit siya sa dalaga.
"Al-foon-so," tawag niya sa lalaki. Binanat niyang pataas ang gilid ng labi niya. "Naghahanap ka ba ng katagay?"
Sinulyapan nito si Esperanza. Ngumiti nang matamis bago ibinalik ang tingin sa kaniya. "Inalok ko lang s'ya ng inumin. Mukhang nakalimutan mo kasi s'ya."
"May mga paa 'yan na pwedeng gamitin. Kung gusto n'ya, maglakad s'ya at kumuha ng maiinom n'ya. Hindi mo kailangang pagsilbihan 'yan."
"Baka nahihiya s'ya. Kanina pa s'ya nakatayo r'yan at walang nag-aasikaso sa kaniya."
"Iyon ang sabi ni Lucas. Manonood lang ako dahil hindi naman ninyo ako kasama. Kaaway n'yo ako, 'di ba?"
Lumaki ang mata ni Alfonso. Tinanong nito si Lucas. "Balak mo s'yang gutumin?" Humarap ito kay Esperanza, sapo ng isang kamay ang dibdib. "Wala kang atraso sa 'kin, Magandang Binibini, kaya hindi mo ako kaaway."
Nagpanting ang tainga ni Lucas. "Si Buboy ang nagsabing manonood ka lang, hindi ako." Sinenyasan niya si Alfonso. "Balik ka na sa kasama mo. Ako na rito."
Pabirong sumaludo si Alfonso bago ito umalis.
"Ingat ka sa lalaking 'yan. Mukhang mabait lang hitsura n'yan, pero sa lahat ng tao rito, 'yan ang huling pagkakatiwalaan ko," babala ni Lucas.
"Nilagyan n'ya ng lason 'to kaya 'di ko pwedeng inumin?"
"Pwede mong inumin, iyon ay kung—"
Hindi na pinakinggan ng dalaga ang iba pang sasabihin ni Lucas. Idinikit nito sa bibig ang hawak na baso at nilagok ang laman niyon. Uhaw na uhaw kasi ito.
"—kaya mo."
Namula at nalukot ang mukha ni Esperanza. Para bang nakadidiri ang nilunok nito. Kuminig pa ang katawan sanhi para umalog ang dibdib nito.
"Ang sama pala ng lasa nito." reklamo ng dalaga. "Alak ba 'to?"
"Oo, lambanog ang tawag d'yan."
"Kaya pala gumuhit 'yong init sa dibdib ko."
Bumaba ang paningin ni Lucas sa bahagi ng katawang tinukoy ng dalaga. Nakaramdam din siya ng init, kakaibang init. Naalala niya iyong eksena sa banyo nang tumambad sa kaniyang paningin ang hubad na katawan nito—ang malusog na dibdib, ang nakaaakit na kurba ng balakang, ang mahahaba at magandang hugis ng binti nito. Biglang nanuyo ang lalamunan niya.
"Hindi ko talaga gusto 'yong lasa," patuloy ni Esperanza. Balak nitong itapon ang natitirang laman ng baso.
Maagap si Lucas. Hinawakan niya sa kamay si Esperanza. Iba iyong sensasyong dumaloy sa katawan niya nang mapasailalim sa kaniyang palad ang kamay ng dalaga. Ilang segundong ninamnam niya iyon bago marahas na binawi niya ang hawak nito.
"Sa aming mahihirap, bawal mag-aksaya. Kahit isang butil ng kanin sa plato, kailangan mong ubusin. Ito pang lambanog"—itinaas niya ang kamay—"napakahirap gawin nito!"
Tinungga niya iyong alak. Para siyang sinilaban nang bumaba sa kaniyang tiyan ang ininom. Pakiramdam niya, pinapaso ng apoy ang balat niya. Lalo na nang makita niyang nakatitig si Esperanza sa basong pinagsaluhan nila.
Lumipat ang paningin niya sa mapula at magang labi nito. Napamura nang mahina si Lucas. May isang bahagi kasi ng katawan niya ang nabubuhay at nagwawala. Kailan ba siya huling nakipagtalik?
Magdadalawang taon na rin. Tiyak niya iyon. Mula nang mamatay si Dalisay, wala na siyang ibang babaeng sinipingan.
"Malay ko bang gusto mong inumin 'yong tira ko," sabi ni Esperanza.
"Sa susunod, siguraduhin mo muna kung anong ipapasok mo r'yan sa bibig mo. Amuyin mo. Tikman mo muna bago mo inumin o kainin."
"Wala s'yang kulay kaya akala ko, tubig lang."
Buntong-hininga lang ang sagot ni Lucas. "Mabuti pang kumain na tayo. Sumunod ka sa 'kin."
Naglakad sila papunta sa mahabang lamesa. Doon nakalatag ang lahat ng pagkain. Mala-piyesta sa dami ang nakahain—may prutas, kakanin at iba't ibang putahe.
"Akala ko ba, mahirap kayo. Ba't ang daming handa ninyo?" tanong ni Esperanza.
"Nagkataong anihan ng gulay ngayon at sinuwerteng may huli kaming hayop. Pero 'wag mong asahan na laging ganito." Binigyan niya ng pinggan ang dalaga.
Totoo iyong sinabi niya, hindi niya lang idinagdag na talagang naparami ang handa ng araw na iyon. Ayaw niya kasing maliitin ng dalaga ang pagtitipon na iyon.
Mabilis napuno ang plato ni Lucas kumpara kay Esperanza. Mukhang pinakinggan nito ang bilin ng binata. Maingat ang pagkuha nito ng pagkain. Minsan, pasimpleng inaamoy pa nito ang ibang putahe.
Naiinip na nakatayo si Lucas habang hinihintay niya si Esperanza. Maya-maya, naramdaman niya ang presensiya ng dalaga sa tabi niya. Madilim ang mukha niya. Hindi pa rin humuhupa ang init na naglalakbay sa kaniyang katawan. Sinisi niya ang lambanog.
"Do'n tayo kina Ka Elmo," sabi ni Lucas.
"S'ya 'yong dating pinuno n'yo. Tama ba?"
"Hanggang ngayon, s'ya pa rin."
Kumunot ang noo ng dalaga. "Pero 'yon ang naaalala kong sabi n'ya. Siguro, ikaw na ang bagong pinuno, ano?"
"Ba't ba gusto mong malaman? Para ba 'pag nakabalik ka sa inyo—kung makakabalik ka pa—alam mo kung sinong mga ipakukulong?"
"Tinanong ko lang 'yon para may mapag-usapan." Sumingasing ang ilong ni Esperanza. "Mahirap talaga 'pag may tinatago, maraming kinatatakutan."
"Alam mo, sa dami ng kasalanan ng pamilya mo, kung may dapat matakot dito, ikaw 'yon."
"Isa ba 'yan"—inginuso ni Esperanza ang isang babaeng nakasimangot habang nakatingin sa kanila—"sa nabiktima ng pamilya ko?"
"Si Aling Esther 'yan. Ikaw ang may atraso r'yan, hindi ang pamilya mo."
Gulat na nilingon siya ni Esperanza. "Ako?"
"Sa kaniya galing 'yong damit na tinanggihan mong isuot. Pang-iinsultong malaki 'yon para sa kaniya."
Bumagal ang lakad ng dalaga. Luminga ito sa paligid.
"Naduduwag kang lumapit?" hamon ni Lucas.
"Hindi, ah. Ako pa, matatakot!" Pinaliyad nito ang dibdib.
Mariing ipinikit ni Lucas ang mga mata. Nananadya pa yata itong kausap niya. Para tuloy siyang sasabog. Kailangan niya ng babae sa lalong madaling panahon. Ang kaso, ayaw niya na sa mga babaeng binabayaran ang serbisyo.
Nahagip ng paningin niya si Anita. Naisip niya, puwede ito. Matagal nang may gusto sa kaniya ang babae. Patulan na kaya niya? Pero ano ang kapalit, ang pakasalan ito?
Tumanggi agad ang isip niya. Saka, hindi si Anita ang tipo niya. Mas gusto niya iyong babaeng malusog ang dibdib, may kalakihan ang balakang, matambok ang puwet. Malaman.
Tumiim ang bagang ni Lucas. Kailan pa siya nagkagusto sa ganoong klaseng babae?
Wala sa loob na sinulyapan niya ang katabi. Kumislot ang bagay na nasa sugpungan ng kaniyang hita. Para bang binibigyan siya nito ng basbas.
Nakarating sina Lucas sa umpukan nina Ka Elmo na abalang kausap ang isang matanda. Naroon din si Aling Esther. Agad nitong sinita ang dalaga.
"Ba't 'di mo sinuot 'yong bestidang pinadala ko kay Buboy? 'Di mo ba nagustuhan?"
"Ha? Ahm... kasi..."
Pinasadahan ng tingin ni Aling Esther si Esperanza mula ulo hanggang paa. Tumitig ito sa bota ng dalaga saka tumango nang tumango. "Nakow, alam ko na! Wala kang sapatos na babagay roon. D'yaske! Ba't ba nakalimutan ko!"
Tila nakahinga nang maluwag ang dalaga. "Iyon nga ang dahilan."
"Pumunta ka sa bahay bukas, marami kang pwedeng pagpilian."
"H'wag na. Nakakahiya naman sa inyo."
"Anong nakakahiya? May bayad 'yon. Mabuti nga't makakabenta ako."
"May bayad 'yon?"
"S'yempre. Alangang ipamigay ko paninda ko."
"Wala akong pera."
"H'wag kang mag-alala. Bahala na si Lucas do'n. S'ya rin naman ang nagbayad ng damit mo."
"Salamat na lang. Ayaw kong pagbintangan akong abusado."
Humakbang si Lucas papunta kay Ka Elmo. Pasimpleng sinenyasan niya ito. Gusto niya itong kausapin malayo sa pandinig ng iba. Agad namang nakuha ng matandang lalaki ang ibig niyang ipahiwatig.
"Sayang naman damit mo kung 'di mo rin isusuot." sabi ni Aling Esther.
"Isasauli ko na lang."
"Hindi pwede. 'Di ko tatanggapin. Pwede palit kung gusto mo."
Patuloy pa rin ang pagtatalo ng dalawang babae. Iniwan ni Lucas si Esperanza kay Aling Esther. Kampante ang loob niya na walang masamang mangyayari sa dalaga. Iba kasi ang rason kung bakit napadpad sa kanilang lugar si Aling Esther. Hindi ito inapi o nagtatago sa batas katulad nila. Sumama lang ito sa anak nitong babaeng nakapag-asawa ng miyembro nila. Nang makatunton ito sa kuta nila, nagdesisyon itong doon na rin manirahan. Habang nandoon, nagkaideya ito na ibenta ang mga tinahi nitong damit . Ginaya ito ng ibang kasama nina Lucas, nagtinda na rin ang iba para may libangan at pagkakakitaan.
Sinubo ni Lucas ang hawak nitong pagkain. Kinausap niya si Ka Elmo sa pagitan ng pagnguya. Kung ano-ano muna ang naging paksa nila bago niya sinabi ang talagang pakay, ang tungkol sa mga pasa at galos sa katawan ni Esperanza. Napansin niya kaagad iyon noong umuwi siya at nadatnan niyang nanananghalian ang dalaga. Sumulak ang dugo sa ulo niya. Nagtimpi lang siya. Lumabas siya ng bahay para magpalamig at noon niya nasalubong si Ka Elmo.
"May balita ho kayo?" tanong ni Lucas.
"Wala," sagot nito. Nahulaan kaagad nito ang pinupunto ni Lucas. "Lahat ng nakausap ko, tumangging magsalita. Wala raw silang alam. Tinanong mo ba si Esperanza?"
Tumango siya. "Nadulas lang daw s'ya."
"Naniwala ka?"
"Hindi. Malakas ang kutob ko na nagsisinungaling s'ya."
"Gano'n din ang hinala ko. Parang may pinagtatakpan sila. Parang takot silang magsalita."
"Sino sa tingin n'yo ang maaaring gumawa n'yon?"
"Malaking palaisipan sa 'kin 'yan. Ang alam ko lang, hindi natin pwedeng ipagwalang bahala ito." Tinapik nito sa balikat si Lucas. "Nasa lupa ang tainga ko, 'pag may nasagap ako, makakarating kaagad sa 'yo."
"Aasahan ko ho 'yan. Pero hindi na ako makapaghintay na dumating sa inyo ang balita. Gusto kong alamin ang nangyari. Ngayon na, habang lahat sila ay nandito."
"Kung sa tingin mo, 'yan ang mabuting gawin, sige, gawin mo. Pero hayaan mong ako muna ang magtanong."
Bumalik si Ka Elmo kina Aling Esther. Nagpalipas ng ilang sandali si Lucas bago ito sumunod sa dating pinuno.
Tuloy ang kantahan, sayawan at inuman. Nasa kalagitnaan ng pagdiriwang nang pumagitna si Ka Elmo, nakataas ang dalawang kamay nito sa ere. Huminto si Goyo sa paggigitara. Sabay na tumigil ang tunog ng tambol at bansi. Isa-isang nawala ang ingay—ang tawanan, ang padyak ng mga paa, ang masayang kuwentuhan. Nagtatakang lumipat ang paningin ng lahat kay Ka Elmo.
"Nakarating sa kaalaman ko na may gumawa ng hindi maganda kay Esperanza. Akala ko ba, nagkakaintindihan tayo? 'Di ba malinaw ang kasunduan natin na si Lucas na ang bahala kay Esperanza?" sabi ni Ka Elmo.
"Bakit may nanakit ba sa kaniya?" tanong ni Alfonso.
"Umuwi s'yang may mga galos sa katawan. Punit ang damit. Marumi ang suot. Anong pwede naming isipin?"
Pumagitna rin si Lucas. Tumabi siya kay Ka Elmo. "Kung sino man ang may kinalaman sa pangyayari, ngayon ang pagkakataon n'yong magsalita. Bukas ang isip ko sa paliwanag n'yo."
Nagtinginan ang mga taong naroon.
Patay-malisya iyong iba. Iyong iba nama'y nagbubulungan.
Napansin ni Lucas ang kilos ni Gilda. Gusto nitong magsalita pero nag-aalangan.
"Gilda, nasa ilog ka rin kanina. May dapat ka bang sabihin? May nalalaman ka ba?"
Umiwas ng tingin si Gilda. Sumulyap saglit sa kinatatayuan ni Anita bago ito umiling, nakatutok ang mata sa lupa. Ilang pangalan pa ang binanggit ni Lucas pero lahat sila, sarado ang bibig. Tinawag niya si Anita. Umalma ito.
"Hindi pa ba sapat na lahat ng tinanong mo, walang alam. Bakit ba kasi pinagpipilitan mong may nanakit sa kaniya? Wala nga. Wala. Wala kaming alam! H'wag kami ang pag-initan mo." Nasa boses ni Anita ang pagkairita. "Ba't 'di mo tanungin ang babaeng 'yan nang magkaalaman tayo?"
"Tama si Anita. Ba't 'di si Esperanza ang tanungin mo?" sabat ng kaibigan ni Anita, si Helen. Hinarap nito si Esperanza. "Sinaktan ka ba ng sino man sa amin dito?" Pinandilatan nito ng mata ang dalaga.
Natulala si Esperanza. Parang nangapal ang dila nito. Hindi nito iyon maigalaw.
"Esperanza," untag ni Ka Elmo. "Sinabi mo kay Lucas na nadulas ka lang, pero nagdududa kami. Magtapat ka, totoo ba na nadulas ka lang?"
Kinagat ni Esperanza ang pang-ibabang labi bago nito sinabing, "Totoo 'yon. Nadulas lang ako."
Itinaas ni Lucas ang dalawang kamay. Malapit nang maubos ang pasensiya niya. "Lahat ng baho kahit anong tago, lalabas at lalabas 'yon. Kapag dumating ang araw na 'yon, mananagot sa akin ang lahat ng sangkot."
Tumalikod siya. Tensiyonado ang bawat hakbang niya. Naninigas ang kalamnan ng leeg at balikat niya. Hinablot niya ang nakatusok na sulo sa kaniyang nadaanan.
Narinig niya ang mga yabag sa kaniyang likuran. Kahit hindi siya lumingon, alam niyang si Esperanza iyon.
Binilisan ng dalaga ang paglalakad, pero hindi pa rin nito maabutan ang lalaki. "Salamat sa... sa ipinakita mong malasakit kanina," malakas na sabi nito.
Huminto si Lucas at hinarap ito. "Malasakit? Akala mo, nag-aalala ako sa 'yo kaya ko ginawa 'yong kanina?"
"H-hindi ba?"
"Disiplina at respeto... 'yon ang talagang dahilan. Kailangan ng disiplina para sa kaayusan ng lugar na 'to at para sa kaligtasan ng lahat ng nakatira dito. Dapat marunong silang sumunod sa utos ng nakatataas sa kanila at sa mga bagay na pinagkasunduan namin." Lumitaw ang litid sa leeg ni Lucas. "Kahit bandido lang kami at tinik sa mapanghusgang mata ng lipunan, mayro'n din kaming batas na pinaiiral. Kung hindi nila kayang respetuhin 'yon, hindi sila kailangan sa lugar na 'to."
Iyon nga lang ba ang dahilan? Ang sigaw sa isang sulok ng utak niya.
Kumabog nang malakas ang dibdib niya nang makita niya ang kalagayan ni Esperanza kanina. Bumilis ang pagragasa ng dugo sa buong katawan niya. Gusto niya itong hawakan sa magkabilang balikat at tanungin kung sino ang may gawa niyon. Babae ba o lalaki ang nanakit rito? Binugbog lang ba ito o pinagsamantalahan din? Pinigilan niya ang sariling tanungin ang dalaga. Ayaw kasi niyang isipin nito na nag-aalala siya.
Lumunok si Esperanza. "O-oo nga pala. Sino nga ba ako para mag-alala ka?"
Bakit parang sinuntok siya sa sikmura nang makita niyang nawalan ng kulay ang mukha nito?
Napamura si Lucas nang mahina sabay talikod sa dalaga. "Gulo lang yata ang dala mo. Pangalawang araw mo pa lang, may away na."
"Bakit hindi mo na lang ako ibalik sa amin nang matahimik kayo?"
Pumihit uli paharap ang binata at nakalolokong nginisian niya si Esperanza.