Humahangos na tumakbo si Esperanza sa kinatatayuan ng mga nagkukumpulang tao. Narinig niya kasi ang malakas na pagtatalo nina Lucas at Buboy. "Nakapagdesisyon na ako. Hindi mo na mababago ang pasiya ko," sabi ni Lucas, kontrolado ang boses nito pero mahihimigan ang tinitimpi nitong galit. "Hindi ako sasama sa kanila!" sigaw ni Buboy. Nakakuyom nang mahigpit ang dalawang palad nito. "Hindi na ako bata. Alam ko kung ano ang gusto ko. At dito 'yon! Ba't ba ayaw mo akong pakinggan? Malaki ang p'wede kong itulong sa inyo. Marunong din naman akong gumamit ng baril, ah." Umiling si Lucas. Numipis ang labi nito, nakatiim nang mariin ang mga bagang. "Nangako ako sa nanay mo na hindi kita pababayaan, tulad ng pangako ko sa magulang ni Isko. Pero nasaan si Isko ngayon? Patay na s'ya. 'Yon ang ayaw

