Asiwang-asiwa si Esperanza habang naghahanda ng almusal. Ikalawang araw niya nang kasama si Miranda pero hindi pa rin niya ito makapalagayang loob. Mukhang komportable naman sa kaniya ang babae. Hindi niya kasi pinapahalata rito ang totoong nararamdaman. Tatlong magkakasunod na tunog ang bumulahaw sa kanila. Putok iyon ng baril! Nabitiwan ng dalaga ang hawak na plato. Pagbagsak pa lang niyon sa sahig, bumukas nang sabay ang pinto sa harap at likod ng bahay. Si Diego ang bumalya sa harapang pinto, kasunod nito ang limang kalalakihan. Dali-dali itong pumasok, inakbayan si Miranda at idinikit ang katawan dito. Para bang gusto nitong isuksok ang asawa sa loob ng katawan nito. "Bakit, ano'ng nangyari?" tanong ni Miranda. "Wala akong ideya, pero sa kalagayan ngayon dito, hindi ko gusto ang

