Chapter 19

2204 Words
Ikalawang araw na iyon ng paglalakbay nina Esperanza. Malapit na sila sa tinatawag nilang dalawang nag-uumpugang bundok. May makipot na daan sa pagitan ng bundok na lagpas limang kilometro ang haba. Mapapadali ang kanilang paglalakbay kung doon sila dadaan. Tahimik ang buong paligid maliban sa ingay na karaniwang naririnig sa gubat. Seryoso ang lahat, walang nag-uusap. Nakababagot. Kaya't nagulat ang lahat nang may isang lulan ng kabayo na bigla na lang sumulpot sa talahiban. Mabilis ang takbo niyon, umaalingawngaw sa lahat ng dako ang mga yabag ng kabayo. Naging alerto ang lahat, inihanda nila ang kanilang mga armas. Sumasalubong sa direksiyon nila ang tumatakbong kabayo. "Kuya Lucas!" Si Isko ang sumigaw. Napamura si Lucas nang makilala ang lulan niyon. "Ano'ng ginagawa ng tarantadong 'yan dito!" "Mukhang may naaamoy akong hindi maganda," tugon ni Goyo. Mahigpit na humawak si Esperanza sa renda ng kaniyang kabayo. Sumingasing iyon na parang nakaramdam ng panganib. Hindi rin iyon mapakali sa pagkakatayo kaya't hinaplos niya ang leeg niyon gamit ang kaniyang kabilang kamay. Nakatutulig ang sumunod na ingay galing sa sunod-sunod na putok ng baril. Nagkagulo sa grupo ni Lucas. "Balik! Balik!" utos ng binata. Hinablot nito ang renda ng kabayo ni Esperanza. Sandali kasing natilihan ang dalaga at hindi agad nakakilos. "Tang-ina! Sino ang mga 'yon!" sigaw ni Goyo. Dumagundong ang paligid dahil sa bilis at sabay-sabay na pagpapatakbo nila ng kabayo. Nakapupuwing ang alikabok na nagliparan. Mahirap huminga dahil sumusuot sa kanilang ilong ang alikabok. "Sa'n tayo pupunta?" tanong ng isa sa kasamahan nila. Malakas ang pagkakasabi niyon para hindi lamunin ng ingay ang boses nito. "Sa mas mataas na lugar!" sagot ni Lucas. "Do'n sa batuhan!" segunda ni Goyo. "Sumunod kayo sa 'kin!" Nilagpasan nito ang dalaga at ito ngayon ang nanguna sa grupo. Si Lucas nama'y nasa kaliwa ni Esperanza sa bandang likuran niya. May nakasunod din na nakapuwesto sa gawing kanan niya. Ang iba'y bahagyang humiwalay para hindi sila madaling puntiryahin. Abot-abot ang kaba sa dibdib ni Esperanza, lalo na nang marinig niya ang tila kulog na dagundong ng mga yabag ng kabayo. Alam niyang hinahabol na sila ng mga kalaban. Kalaban nga ba iyon? tanong niya sa sarili. Humampas sa mukha ni Esperanza ang hangin. Idinikit niya ang kaniyang katawan sa likuran ng kabayo. Natatakot siyang mahulog. Parang kidlat kasi sa bilis ang takbo ng kanilang sinasakyan. Kabi-kabila ang tunog ng bala ng baril na humahaging sa kanilang tabi. Lumingon si Lucas sa likuran nito. "Bilisan mo, Isko, bilisan mo," paulit-ulit na sabi ni Lucas. Isko, bilisan mo. Makaligtas ka lang. Wala na akong hinanakit sa 'yo, mahinang usal din ng dalaga. Tumaas ang balahibo ni Esperanza. Narinig niya ang kaniyang kinatatakutan, ang nakakikilabot na sigaw ni Isko, sigaw iyon ng taong nasaktan. Tila bumara ang puso niya sa kaniyang lalamunan. Saglit na huminto ang kaniyang paghinga. Gusto niyang balikan si Isko pero inutusan siya ni Lucas na ipagpatuloy ang pagtakas. Para bang nabasa nito ang tumatakbo sa kaniyang isipan. Nawala sa tabi niya si Lucas. May humaliling ibang lalaki sa puwesto nito. Lumingon siya. Ganoon na lang ang kaba niya nang makita niyang bumalik si Lucas. Sinalubong nito ang hamahabol sa kanila. "Diretso!" sigaw ng lalaki sa tabi niya, si Arman. "Wala tayong p'wedeng itulong. Sarili mo ang intindihin mo!" Ibinaling ni Esperanza sa harapan ang kaniyang paningin. Binilisan niya ang pagpapatakbo. Tama ang lalaki, magiging sagabal pa siya sa kaligtasan ng mga kasama kapag nadisgrasya siya. Narating nila ang lugar na tinutukoy ni Goyo. Mataas iyon, matatanaw kung sino man ang nasa patag na lupain. Doon sila kumubli sa mga naglalakihang bato. Nakaakyat ng bundok at nakakuha rin ng magandang posisyon ang tumutugis sa kanila. Mas lamang nga lang sila dahil nakapuwesto sila sa mas mataas na bahagi ng bundok. Tumagal nang ilang oras ang palitan ng kanilang mga putok. "Kapag nagpatuloy pa 'to, mauubusan tayo ng bala," nababahalang sabi ni Goyo. "Sinong mga humahabol sa 'tin?" tanong ni Esperanza. "Wala akong maisip kung sino." "Mga militar?" sabat ni Arman. Umiling si Goyo. "Hindi militar ang hitsura nila. Malamang, bandido rin katulad natin." "Tama ka, magdadalawang isip silang paputukan tayo kung militar 'yon. Lalo't nakita nilang kasama natin si Esperanza." "Pa'nong nalaman ni Isko na may tumatambang sa 'tin?" tanong uli ng dalaga. "Iyan din ang ipinagtataka ko," sagot ni Goyo. "May ahas sa hanay natin." "Palagay ko nga," sabi ni Goyo. Natigilan si Esperanza. Bumalik sa alaala niya ang sinabi ni Lucas kay Alfonso. Inaahas mo ba kami? Inilagay niya ba sa kapahamakan ang buhay ni Lucas sampu ng mga kasama nito nang hindi niya binanggit ang alok na tulong ni Alfonso sa kaniya? Nang hindi niya ipinagtapat sa binata ang bintang ni Alfonso na isasauli lamang siya sa pamilya niya dahil may hiling na kapalit sina Lucas? Kinagat ni Esperanza ang mga labi upang pigilan ang sariling ibulalas ang nalalaman niya. Baka pag-initan siya dahil sa nangyari kay Isko. Baka kung ano ang gawin sa kaniya kung pati si Lucas ay hindi na makauwi nang buhay. Saan na nga ba ang dalawa? Nabihag ba sila? Humihinga pa rin ba? Dumapa si Goyo. Sumilip ito. Agad din itong bumalik sa dating puwesto niya nang pinaulanan ng putok ang batong pinagkukublihan nila. "Tang-ina!" sabi nito. Ibinaluktot nang mabuti ni Esperanza ang katawan, pinaliit ang sarili, at itinakip ang kamay sa kaniyang tainga. Pero tumatalbog pa rin ang matinis na tunog sa loob ng kaniyang tainga. Nagmuwestra si Goyo sa isa sa mga kasama nito. Nagpaputok naman ng baril ang sinenyasan nito. Sumilip uli si Goyo. Inasinta ang lugar kung saan naroon ang nagpakawala ng putok kanina. Kinalabit nito ang gatilyo. Sumigaw ang kalaban. Mukhang tinamaan iyon. Umupo si Goyo at isinandal ang likod sa malaking bato. "Sa tingin mo, ilan ang mga humahabol sa atin?" tanong uli ni Arman. "Sampu, o mahigit pa," sabi ni Goyo. "Dehado pala tayo." "Hindi siguro. Ilan na ang naitumba natin sa kanila. May tiyansa pa rin tayo." "Kung hindi tayo mauubusan ng bala," paalala nito. "Tama ka," sang-ayon ni Goyo. "Kaya't mas mabuti kung mauuna na kayong umalis ni Esperanza. Dalawa lang kaming maiiwan dito para siguraduhing hindi makakasunod sa inyo ang mga kalaban." "Pero—" "Hindi ko hinihingi ang opinyon mo, Arman. Utos ko 'yon kaya't dapat mong sundin." Tumango ito. "Kung 'yan ang gusto mo." "Magkita-kita na lang tayo sa kuweba, 'yong malapit sa ilog." Gumapang sila Esperanza paalis doon at buong ingat na pumunta sa kinaroroonan ng mga kabayo. Hinila nila iyon at saka lang sila sumakay nang makalayo sila. Kinakain ng konsensiya si Esperanza. Kailan lang, isa-isa niyang binura sa kaniyang alaala ang mga taong nakasalamuha niya sa kabundukan, pero heto't pinoprotektahan siya ng mga ito. Walang humpay ang paglalakbay nila. Nagmamadali. Nangangamba.  Magtatakip-silim na nang makarating sila sa lugar na kanilang pagtataguan. Malamig at madilim sa loob ng kuweba. Lumiwanag lang ang paligid nang magsindi ng siga si Arman. Malaki iyon. May iba pang lagusan ang kuweba bukod sa pinasukan nila kanina. Maririnig mula sa kanilang kinatatayuan ang mahinang lagaslas ng tubig sa kaloob-looban niyon. Nag-igib ng tubig si Arman. Nang bumalik ito, nilinis nito ang mga sugat na natamo ng mga kasama. Kahit si Esperanza na walang alam tungkol sa ganoong bagay ay tumulong na rin. Wala namang malubhang nasugatan, mga daplis iyon ng balang tumama sa katawan ng mga  ito. Mahabang sandali ang lumipas bago sila nakarinig ng lagutok ng nabaling sanga ng puno at mahihinang mga yabag sa b****a ng kuweba. Naging alerto ang lahat, handang lumaban. "Goyo? Kayo ba 'yan?" anas ng lalaking katabi ni Esperanza. "Kami nga," sagot ni Goyo. Nakahinga sila nang maluwag. Silang lahat na naroo'y bumuga ng malakas na hangin. Tuwang-tuwang nilapitan ng grupo sina Goyo. Nagyakapan sila, nagtapikan ng balikat. "Si Lucas?" tanong ni Arman. "Wala pa rin akong balita," sagot ni Goyo. "Baka nauna nang nakabalik sa 'tin," sabi ng isang lalaki. "Sana nga," usal ni Esperanza. "Kumusta kaya ang kalagayan ni Isko?" Napatingin ang lahat sa kaniya. Ilang saglit na walang umimik. Halatang umiiwas silang pag-usapan ang nangyari kay Isko. Ano nga ba kasi ang maitutulong niyon sa kanila? Wala, kung 'di pahihirapan lang ang kanilang sarili. Ganoon siguro ang kalakaran ng mga bandido. Kahit anong sandali, puwedeng bawian ng buhay ang sino man sa kanila. "May oras ang pahinga natin. Hindi p'wedeng lahat tayo sabay-sabay matutulog," basag ni Goyo sa katahimikan. "Mauna ka nang matulog," sagot ni Arman. "Sasamahan na kita sa pagbabantay," sabi ng isang lalaki. Naglatag ng mahihigaan sina Goyo. Nakapalibot sila kay Esperanza. Para bang paghahanda na kung sakaling may sumugod sa kanila, dadaan muna iyon sa bangkay nila bago makarating sa dalaga. Matagal nang nakahiga si Esperanza pero mailap sa kaniya ang tulog. Nag-alala siya kay Lucas at kay Isko. Hindi pa pumuputok ang araw, naglakbay sila pabalik sa kuta nina Lucas. Umaga nang sumunod na araw sila nakarating doon. Nagkagulo ang lahat nang makita sila. Sa ayos pa lang nila, halatang may masamang nangyari. Umigting ang takot sa dibdib ng mga tao nang malaman nila ang balita. Lalo silang nabaghan sa sinapit ni Isko. At ni Lucas na hanggang ngayon ay hinahanapan pa rin nila ng kasagutan. Nadakip ba ito? Pinahirapan? Buhay pa ba? Kalat na ang dilim pero ayaw pang umuwi ng mga tao sa kani-kanilang bahay. Nakapalibot sila kung saan idinadaos ang pagdiriwang tuwing linggo. Ang kaibahan lang, wala nang nagkakasiyahan. Pabulong pa kung nag-uusap ang mga tao, para bang natatakot silang gambalain ang naghaharing katahimikan. Tumuwid ang kanilang likod nang marinig nila ang mabagal na yabag ng kabayo. Lahat ng mata, napako sa isang direksiyon. Maya-maya'y naaninag nila ang bulto ng katawan ng taong nakasakay sa kabayo. Pinanghinaan ng tuhod si Esperanza. Nanginig ang kaniyang kamay. Halo-halo ang emosyong naramdaman niya. Tuwa dahil buhay pa si Lucas. Pagdadalamhati dahil nasa bisig niya ang duguang katawan ni Isko. Nagkagulo ang mga tao. Umingay. Tumakbo sila para salubungin si Lucas. "Salamat sa Diyos, buhay kayo!" bulalas ni Aling Esther. Tumutulo ang mga luha sa pisngi nito. "Sabi ko na, eh, buhay ka. Talagang mahaba ang buhay 'pag masamang d**o!" kantiyaw ni Goyo. Pinipilit niyang pagaanin ang mabigat na sitwasyon. "Hayaan n'yo munang makababa si Lucas. Kailangang unahin nating asikasuhin si Isko," paalala ni Ka Elmo. "Tumabi muna kayo." Iniharang ni Arman ang katawan nito. Seryoso ang ekspresyon sa mukha ni Lucas. Maaaninag sa mga mata nito ang pag-aalala. Inilibot nito ang paningin sa paligid, parang may hinahanap, hanggang huminto iyon kay Esperanza. Sumikdo ang dibdib ng dalaga. May nabasa siya sa mga mata nito ngunit mahirap pangalanan. Niyakap niya ang sarili. Parang may malamig na hanging dumaan sa kaniyang braso. Maingat na iniabot nito kay Arman si Isko, wala pa ring malay iyon. Binuhat ni Arman si Isko at inihiga sa mahabang lamesa. Maputlang-maputla ang kulay ng mukha ng binatilyo. Nakaguhit doon ang sakit na tinitiis. Kinagat ni Esperanza ang labi upang pigilin ang sarili. Gusto niyang humagulgol ng iyak. Hindi na nagniningning ang mga mata ni Isko. Wala na ang pilyong ngiti nito na kadalasang nakapagkit sa mga labi nito. "Kuya? Kuya Isko!" sigaw ni Buboy, kadarating lang nito. Hinawi nito ang mga tao sa harapan nito. "Kuyaaa!" Umiiyak na niyakap nito si Isko. "Ba't ka umalis na hindi ako kasama? Sabi mo, walang iwanan. Sabi mo, lagi kang nasa likod ko. Sabi mo, kaibigan mo ako. Akong kakampi mo. Sinungaling ka, hindi mo pala ako kaibigan!" Dumilat ang mga mata ni Isko. "B-buboy." Pinilit nitong ngumiti pero nanginig lang ang mga labi nito. "W-wala na kasing oras. N-nakita ko si... si Kuya Alfonso, nagtatago malapit sa... sa bahay ni Kuya Lucas." Sinulyapan nito si Esperanza. "Malaki ang pagkukulang ko sa 'yo, Ate. K-kasi tama ka, magkaibigan tayo kaya... kaya hindi kita dapat pinabayaan... at... at maling isisi ko sa 'yo ang kasalanan ng iba. Sinundan ko si Kuya Alfonso... naghinala kasi akong may binabalak s'yang masama sa 'yo, Ate." Lumapit si Esperanza rito at ginagap ang kamay nito. "Hindi mo kailangang gawin 'yon pero... pero salamat." "Isa lang ang... pakiusap ko sa 'yo, Ate." "Ano 'yon?" "Kung... kung mawawala ako—" Idinantay ni Esperanza ang daliri sa labi ni Isko.  "H'wag mong sabihin 'yan. Makakaligtas ka. Tatagan mo lang ang loob mo at maniwala kang gagaling ka." Tumango si Isko. Saka ngumiwi. May luhang namuo sa gilid ng kaniyang mga mata. "Basta ipangako mo, Ate... na... hindi mo pababayaan si Buboy at si... si Gilda. Kapag nakabalik ka sa inyo—" "Shhh..." Sumasakit ang lalamunan ni Esperanza. Pinipigilan niyang umiyak. "Pinapangako ko." Humihikbing hinaplos ni Gilda ang pisngi ni Isko. "H'wag kang mag-alala sa 'min. Ang isipin mo, 'yong sarili mo." Tinitigan ni Isko si Gilda. Malungkot ang mga mata nito. Parang marami pa itong gustong sabihin pero kinakapos na ito ng lakas. Sa pamamagitan ng titig nito'y maiparating nito kay Gilda ang mga katagang hindi na nito kayang bigkasin. Pumikit ang mga mata ni Isko. Maririnig ang paghikbi ng mga babae. Pati ang mahinang pagsinghot nila. Nagwala si Buboy. May humawak sa magkabilang braso nito. "Kuya Isko, h'wag kang mamamatay, magagalit ako sa 'yo!" sigaw nito, litaw ang mga litid sa leeg. Bumabalong ang mga luha sa mata nito. Inihilamos ni Lucas ang palad sa mukha nito. Tumalikod ito. Hindi nito makayanan ang tagpong nagaganap sa harapan nito. Sumunod si Esperanza rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD