Kabanata 18

1877 Words
Napako sa kaniyang kinatatayuan si Esperanza. Totoo ba ang narinig niya? "Isko, ihanda mo ang mga kabayo bukas. Aalis kami bago sumikat ang araw," utos ni Lucas. Hindi na ito mahihimigan ng pag-aalangan. Parang may punyal na tumarak sa puso ni Esperanza. 'Di yata't ibabalik na nga siya sa pamilya niya. Dapat sana'y matuwa siya, makakauwi na siya. Pero bakit siya nasaktan sa naging desisyon ni Lucas? Tama naman ito at ang mga kasamahan nito. Mapapahamak sila habang nananatili siya sa lugar na iyon. Ngunit hindi niya mapigilang magdamdam. Akala niya, nagkakaroon na siya ng puwang sa buhay ng mga tao roon. Na itinuturing siyang bahagi na ng komunidad nila. Mali siya. Maling-mali. Napakadali para sa kanilang talikuran siya. Lumapit sa kaniya si Aling Esther. "Pasensiya ka na," paanas na sabi nito. Hindi man ito tahasang sumang-ayon sa mga kasamahan nito, hindi rin siya nito ipinagtanggol kanina. "Naiintindihan ko ho," pilit na sagot niya. Nananakit kasi ang kaniyang lalamunan. "Ate—" Itinaas ni Esperanza ang kamay. Nais niya pa sanang magsalita, pero pakiramdam niya, bibigay siya ano mang oras. Tinalikuran niya ito at binagtas niya ang daan pabalik sa bahay. Humarang si Anita sa kaniyang dinaraanan. Nakaekis ang mga braso nito sa dibdib. "O, bakit mukha kang malungkot? 'Di ba dapat masaya ka dahil makakabalik ka na sa inyo?" "P'wede ba, Anita, wala akong panahong makipagtalo sa 'yo." "Masama sigurong loob mo kay Lucas, ano? Akala mo, ipaglalaban n'yang manatili ka sa tabi n'ya. Ano'ng pakiramdam no'ng basta ka na lang n'ya binitiwan na parang basahan?" patuloy na panunuya ni Anita. Ngumisi si Esperanza para itago ang totoong saloobin. "Ikaw lang ang nag-iisip ng ganiyan. Palibhasa, patay na patay ka kay Lucas. Oo, inaamin ko, nalulungkot ako, pero hindi dahil kay Lucas. Napalapit na rin kasi ako sa mga tao rito." Umarko ang isang kilay nito. "Makikipaglokohan ka pa ba sa 'kin? Halata namang nadismaya ka dahil may gusto ka kay Lucas at akala mo, gano'n din s'ya sa 'yo!" Nilagpasan niya si Anita. Ayaw niyang makita nito ang katotohan ng sinabi nito sa kaniyang mga mata. "Isipin mo kung ano'ng gusto mong isipin. Wala akong pakialam." Sumunod ito sa kaniya. "Alam mo, naaawa ako sa 'yo. Umasa ka kasi. Iyong sinabi mo kahapon tungkol sa inyo ni Lucas, gawa-gawa mo lang 'yon. Bunga 'yon ng pagiging desperado mo!" Huminto siya at muling hinarap si Anita. "Mas nakakaawa ka. Ilang taon ka na bang nagpapapansin kay Lucas? Pero hanggang ngayon, wala pa ring nangyayari sa inyo." "Aba't—" Dinaluhong siya ni Anita. Umigkas ang kamay nito. Balak siyang sampalin. Nahawakan niya ang bisig nito, saka niya ito malakas na itinulak. Patihayang sumadsad ito sa lupa. Mabilis ang pangyayari. Bago pa man sila maawat, sinugod niya na si Anita. Itinukod niya ang isang paa sa dibdib nito nang binalak nitong tumayo. Nalukot ang namulang mukha nito. Kumapit ito sa binti niya. Lalo naman niyang diniinan ang pagkakatapak dito. Umaringking ito sa sakit. "Makinig ka," maawtoridad na sabi ni Esperanza. Lumabas ang pagiging Valmonte niya. Huminto sa pagpupumiglas si Anita. Nabigla. Tumingin ito sa nanlilisik niyang mga mata. "Dito ka na lang manatili sa bundok, dito ka nababagay. Pero kung may balak ka pang bumalik sa bayan, idasal mo na hindi magkrus ang landas natin, dahil hindi ako marunong lumimot sa mga taong may atraso sa akin!" Dinuraan niya ito. Kung hindi lang ito nakaiwas, sapol sana ang mukha nito. Nanggagalaiti pa rin siya sa galit kahit malayo na ang nalakad niya. Kaya't nang sumulpot si Alfonso mula sa nagtataasang damuhan, mababakas pa rin sa mukha ng dalaga ang matinding emosyon. Itinaas ni Alfonso ang dalawang kamay. "Hindi ako kalaban. Kaibigan mo ako." Nabawasan ang bangis sa ekspresiyon ng kaniyang mukha. "Kaibigan nga ba kita? Binalaan ako ni Lucas. Sabi n'ya, hindi ka raw p'wedeng pagkatiwalaan." "Nasaktan ako ro'n, ah." Itinutop nito ang kamay sa dibdib. "Sa buong panahong inilagi ko rito, naging mabuti ako, sunod-sunuran sa kanila. Ngayon ko lang siguro sila susuwayin, dahil hindi kayang dalhin ng konsensiya ko ang balak nilang gawin sa 'yo." Kumabog ang dibdib niya. "Ano bang plano nila?" Luminga muna ito sa paligid. "Ipapatubos ka nila. Isang daang libong piso kapalit ng pagsauli sa 'yo." Napangsinghap si Esperanza. "Handa kitang tulungan. Itatakas kita. Kapag nakatulog si Lucas, lumabas ka ng bahay. Do'n ka sa likod dumaan." "Ba't ako maniniwala sa 'yo?" Tumahimik ito saglit. Mataman siyang tinitigan. "Tama nga sigurong magduda ka. Pero ano'ng dahilan ko para linlangin ka? Isa lang naman ang hihilingin ko kapalit ng tulong ko, trabaho sa rantso n'yo. Iyon lang. Mas dapat ka ngang mangilag kay Lucas, dahil may atraso ka ro'n. Sa akin, wala." Umiling si Esperanza. Nalilito. "Hihintayin kita hanggang hatinggabi." Tumalilis ito ng alis papunta sa damuhan. NAG-AAGAW ang liwanag at dilim nang bumuhos ang malakas na ulan. Napatingin si Esperanza sa pinto nang pabalibag na bumukas iyon. Si Lucas. Basang-basa ito. Tumutulo sa sahig ang tubig mula sa damit na suot nito. Hinawi pataas ni Lucas ang buhok. Sinulyapan siya saglit bago ito tumuloy sa kabinet at kumuha roon ng pamalit sa basang suot. Sinikap niyang iwasang tumingin kay Lucas nang bumalik ito. Natatakot kasi siyang mabasa nito ang hinanakit sa kaniyang mga mata. Mali ba ang hinala niya na may gusto ito sa kaniya? Nakita mismo niya ang pagnanasa nito. Naramdaman niya iyon. Naamoy niya sa hangin. Hinalikan pa nga siya nito kanina. Init lang ba ng katawan iyon na kahit sinong babae puwedeng tumighaw niyon? Iba kasi siya. Mayroon siyang mas malalim na dahilan. Hindi lang siya naghahangad ng kaligayahang sensuwal. Malakas na bumuga ng hangin si Lucas. "Pasensiya ka na sa nangyari kaninang umaga. Hindi ko dapat ginawa 'yon. Uminit lang ang ulo ko sa ikinilos ni Alfonso. Nakakagago 'yong halikan ka sa harapan ko!" "Wala akong nakikitang masama sa ginawa n'ya. Pero ikaw, mayro'n." Numipis ang labi nito. "Tama ka, kaya humihingi ako ng paumanhin sa 'yo. Pero h'wag kang mag-alala, hindi na 'yon mauulit." "Talagang hindi na mauulit, paalis na ako, 'di ba?" sabi niya. "Magkano ang hinihingi n'yo kapalit ng pagsauli sa akin?" Ipinilig nito ang ulo. "Wala kaming hinihinging kapalit." "Parang ang hirap yatang paniwalaan n'yon. Pagkakataon n'yo nang magkapera kayo, pakakawalan n'yo pa?" "Hindi ko naisip 'yan, pero salamat, binigyan mo ako ng ideya," sarkastikong sabi nito. "Sa tingin mo, magkano ba ang halagang handang ibayad ng pamilya mo?" "Isang daang libong piso?" Tinitigan niya ito ng diretso sa mata upang makita ang reaksiyon nito. "Gano'n lang kaliit ang halaga mo sa pamilya mo?" Umiling ito. "Sa yaman n'yong 'yan, 'di ka maiinsulto?" Nilalait ba siya nito, o inaalam lang nito kung magkano ang maaari nitong makuha sa mga magulang niya? "Naliliitan ka sa isang daang libong piso?" "Tapusin na natin ang usapang 'to, Esperanza, malapit nang masagad ang pasensiya ko. Baka mamaya, totohanin ka 'yang pang-uudyok mo sa 'kin." Narinig niya ang iritasyon sa boses nito. Sino sa kanila ang nagsisinungaling? Si Alfonso ba? Wala na silang imikan hanggang sa sumapit ang oras ng pagtulog. Malakas pa rin ang buhos ng ulan. Inilalatag niya sa sahig ang banig nang tumulo ang ulan mula sa bubungan. Napansin din ni Lucas iyon. Nagpakawala ito ng malalim na buntonghininga. Kanina pa iyon, paulit-ulit. Para bang nauubos na talaga ang pasensiya nito. "Dito ka na sa papag matulog," sabi nito. "Hindi rin naman ako sanay matulog na may kutson." "Sige, kung sigurado ka." Sumampa siya sa papag. Kinuha nito ang banig, iniusog ang lamesa at doon nito sana balak ilagay ang banig, sa paanan ng papag, pero pumatak din ang ulan doon. Napalatak sa inis ang binata. Iginala nito ang paningin, naghahanap ng lugar kung saan puwedeng ilatag ang higaan nito. Tanging iyong papag lang ang suwerteng lugar na walang tumutulo. Sinulyapan nito si Esperanza. Nakatingin ang dalaga rito kaya't nagtama ang kanilang mga mata. "Kung gusto mo, dito ka na mahiga," alok niya. Nakaupo siya at ang likod niya'y nakasandal sa ulunan. "Sa lakas nitong ulan, palagay ko, hindi ako makakatulog." Umusog siya. Halos isiksik niya ang sarili sa dingding. Sandaling nagtalo ang isip ni Lucas. Maya-maya'y umupo siya sa papag. Isinandal din nito ang likod sa ulunan. Ipinatong ang isang bisig sa nakatuping tuhod. Niyakap naman ni Esperanza ang kaniyang nakatiklop na binti. Giniginaw siya. Ilang dipa lang ang layo niya sa binata pero tila milya-milya ang distansiyang nakapagitan sa kanila. Naramdaman kasi niya ang malamig na pakikitungo nito. "Naiinip ka na sigurong makaalis sa lugar na 'to," sabi ni Lucas. "Oo, gusto ko nang bumalik sa malaki at malinis na bahay namin." Sinadya niyang saktan ang damdamin nito tulad ng ginawa nito sa kaniya. "Bilib nga ako sa 'yo. Akalain mo, napagtiyagaan mo 'tong masikip at dukhang tirahan ko," sarkastikong sabi nito. "Kaya nga. Buti na lang makakauwi na ako, magkakaroon uli ako ng uutusan. Kabi-kabila pa." "Hindi katulad dito na ikaw ang inuutusan." "Tumpak! Hindi ko na rin kailangang magluto." "Sagana uli ang pagkaing nakahain sa mesa. Saka mainit pa. Dito, malamig na, tira-tira pa 'yong kinakain mo." Kumuyom ang palad ni Lucas. Sumikip ang lalamunan ni Esperanza. Hindi niya na kayang makipagsagutan dito. "Sagana rin naman kayo, lalo na 'pag Linggo. Saka, masaya rito." Lumiit ang boses niya. Napalingon ang binata sa kaniya. Lumuwag ang pagkakakuyom ng palad nito. Ibinuka nito ang bibig, saka isinara. Inalis nito ang tingin sa kaniya. Huminga nang malalim. Nakaiilang na katahimikan ang sumunod. Nakatulog din siya. Paggising niya kinabukasan, nakahiga na siya sa papag at nakukumutan pa. Hindi niya na namalayan iyon. Ang huling tanda niya, nakadukdok ang ulo niya sa kaniyang tuhod. Naalala niya si Alfonso. Naghintay kaya ito sa kaniya kagabi sa kabila ng malakas na ulan? Buo na ang pasya niya na hindi siya lalapit dito. Ewan niya pero may kakaiba siyang nararamdaman dito. Parang may itinatago itong kalupitan kahit na mabait ang pakikitungo nito sa kaniya. Wala na si Lucas sa bahay, pero nakarating sa kaniya na maaantala ang pag-alis nila ng araw na iyon. Delikado raw dahil maputik ang daan. Tuluyang tumila ang ulan at sumilay ang araw bandang tanghali. Parang estranghero kung ituring siya ni Lucas. Mas mabuti pa noong nagpapakita ito ng galit sa kaniya dahil damang-dama nito ang presensiya niya. Samantalang ngayon, talo niya pa ang multo. Dinadaan-daanan na lang kasi siya nito. Gusto niya nang makalayo sa lugar na iyon sa lalong madaling panahon. Gusto niyang limutin ang naging karanasan niya roon at simulang mabuhay uli sa dating nakasanayan niya. Madilim pa ang paligid nang lumarga sila nang sumunod na araw. Sakay sila sa kani-kanilang kabayo. Sina Lucas at Goyo ang nasa unahan niya. Nakasunod sa likuran niya ang limang kalalakihan. Sila ang mga taong pinagkakatiwalaan ni Lucas. Pinili rin sila dahil sa husay nilang gumamit ng baril. Maaasahan sa oras ng pakikipaglaban. Habang papalayo siya sa lugar na ilang linggo niya ring naging tahanan, isa-isang kinalimutan ni Esperanza ang mga taong nakaaway niya. Si Marcial, si Cortez, si Helen, si Anita. Winaglit niya rin sa isip niya ang mga taong nakasalamuha niya. Si Ka Elmo, si Alfonso, si Goyo. Binura niya sa isip niya ang mga taong naging kaibigan niya. Si Aling Esther, si Gilda, si Buboy, si Isko. Saka niya na lang kalilimutan si Lucas kapag tuluyan nang nagkahiwalay ang kanilang landas. Sa huling araw. Doon pa lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD